Bakit Napakataba Ko?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Napakataba Ko?
“Sa palagay ko’y talagang mataba ako, bagaman kapag tumingin ako sa mga tsart ng timbang, hindi naman labis ang timbang ko ayon sa mga ito.”—Patti.
“Ang pagiging mataba . . . ay nakapagpapababa ng iyong paggalang-sa-sarili hanggang sa pinakamababang antas. Labis ang timbang ko sapol pa noong ako’y nasa ikaapat na baitang . . . Noon nagsimula ang lahat ng pagbabansag.”—Judd.
TIMBANG. Ito’y talagang laging nasasaisip ng ilang kabataan, lalo na ng mga batang babae. Nang kapanayamin ang isang grupo ng mga batang babaing nasa edad na nag-aaral, ipinalagay ng 58 porsiyento sa kanila na sila’y mataba.
Ayon sa isang surbey sa E.U., 34 na porsiyento ng mga tin-edyer na babae ang umiinom ng mga pildoras na pandiyeta upang mabawasan ang timbang. Halos 1 sa 4 ang bumabaling sa pagduwal! Nag-uulat sa isa pang surbey, ang The New Teenage Body Book ay nagsasabi: “Nakagugulat, halos kalahati ng mga batang siyam-na-taóng-gulang at halos 80 porsiyento ng sampu- at labing-isang-taóng-gulang ay nagdidiyeta. Ang halos 70 porsiyento ng mga batang babae sa edad na labindalawa hanggang labing-anim ay nagsisikap na magbawas ng timbang—at 90 porsiyento ng labimpitong-taóng-gulang ay nagdidiyeta.”
Ang Kausuhan na Magpapayat
Sa loob ng mga dantaon, ang tila bilugang hubog ng katawan ay ipinalalagay na kaakit-akit kapuwa sa kalalakihan at kababaihan. Subalit noong dekada ng 1920, ang industriya ng kausuhan sa E.U. ay nagkaroon ng malaking pagbabago sa paano man. Ang payat na katawan ay biglang naging huwaran. Paglipas ng mga dekada, patuloy na nauso ang pagiging payat. Ang TV at mga magasin ay nakatulong sa pagpapaunlad ng pangmalas na ito sa kanilang walang-tigil na mapandayang mga pag-aanunsiyo na nagtatampok ng payat na mga modelong lalaki at babae. Hindi isinasaisip na marami sa mga payat na mga modelong ito ay halos hindi na kumakain upang manatiling payat! Milyun-milyong kabataan (at mga adulto) ay may katusuhang nasasanay na maniwala na ang pagiging kaakit-akit ay nangangahulugan ng pagiging payat. Kung gayon, hindi kataka-taka na ang di-gaanong payat na mga kabataan ay nag-iisip na sila’y mataba at hindi kaakit-akit.
Ang panggigipit mula sa mga kasama ay hindi rin naman nakatutulong. Ang labis sa timbang na mga tin-edyer ang kalimitang tampulan ng walang tigil na panunukso, panunuya, at maling palagay, na nagpangyari sa isang manunulat na ilarawan ito bilang “matinding sikolohikal na kirot”—kirot na maaaring magtagal hanggang sa pagkaadulto.
Sino ang Nagsasabing Mataba Ka?
Mabuti naman, ang bagay na ikaw man ay talagang labis sa timbang o hindi ay nangangahulugan ng higit pa sa kung ano ang iyong hitsura kung naka-bathing suit ka—sa paano man mula sa medikal na pangmalas. Karaniwan nang inilalarawan ng mga doktor ang isang taong matabang-mataba kung siya’y tumitimbang nang mahigit sa 20 porsiyento sa kaniyang tamang timbang. Kaya naman, ang pamantayang mga tsart ng taas-timbang ay nakasalig sa katamtamang taas at timbang, at makapagbibigay
lamang ng pagtantiya ng dapat na timbang ng isang malusog na tao. Sa gayon mas pinipili ng ilang doktor na sukatin ang labis na katabaan hindi lamang sa timbang kundi sa labis na taba sa katawan. Ayon sa A Parent’s Guide to Eating Disorders and Obesity, “ang taba ay dapat bumuo ng 20 hanggang 27 porsiyento ng himaymay ng katawan sa mga babae at 15 hanggang 22 porsiyento ng himaymay ng katawan sa mga lalaki.”Ipinalalagay ng ilang mananaliksik na kakaunti lamang na mga kabataan ang talagang labis sa timbang. Mula sa pangmalas ng kalusugan, wala namang dahilan upang ikaw ay magbawas ng timbang. Sa nabanggit na surbey sa simula, ipinalagay ng mahigit sa kalahati ng mga batang babae na kinapanayam ang kanilang mga sarili na napakataba, subalit tanging 15 porsiyento ang tunay na matataba.
Bakit Ganito ang Hitsura Ko?
Ito’y maaaring hindi makasiya sa iyo kapag ikaw ay nagsasalamin; maaaring hindi mo taglay ang inaakala mong kaakit-akit na katawan. Isang tin-edyer na babae ang naghimutok: “Ibig kong magbawas ng timbang, mas tumangkad, at magkaroon ng mas magandang hubog ng katawan.”
Kaya naman, tandaan na dahil sa ikaw ay isang tin-edyer, ang katawan mo ay mabilis na nagbabago. “Kapuwa ang mga batang lalaki at babae ay karaniwang bumibigat kapag nagdadalaga at nagbibinata,” paliwanag ni Dr. Iris Litt. “Subalit samantalang ang mga batang lalaki ay nagkakaroon ng pinakamaraming himaymay ng kalamnan, ang mga batang babae ay nagkakaroon ng himaymay ng taba. Sa panahon ng pagdadalaga at pagbibinata, ang babae ay nagkakaroon ng halos walong porsiyento ng taba sa katawan—isang katamtamang dami na taglay kapuwa ng lalaki at babae sa pagkabata—hanggang sa 22 porsiyento ng taba sa katawan. Kasabay nito, ang mga pagbabago sa buto ang nagpapabigat sa timbang ng mga batang babae. Ang mga batang lalaki ay nagkakaroon ng mas malapad na balikat, samantalang ang mga batang babae ay nagkakaroon ng mas malapad na balakang.” Matagal-tagal na nagaganap ang mga pagbabagong ito. Subalit ang bilugang batang babae na 11- o 12-taóng-gulang ay maaaring magbago sa pagdadalaga tungo sa isang tin-edyer na may magandang hubog ng katawan. Gayunman, maaaring hindi siya maging gayon.
Kung ito’y napatunayang totoo sa iyong kalagayan, maaaring ito’y bahagyang dahil sa iyong henetikong kayarian na minana mo sa iyong mga magulang. Ipinalalagay ng ilang doktor na, kabilang sa kulay ng iyong balat, hibla ng buhok, at taas, ang pangunahing hugis ng iyong katawan ay “pawang nangasulat,” gaya ng pagkasulat ng salmista, sa henetikong kodigo sa panahon ng paglilihi. (Awit 139:16) Si Dr. Lawrence Lamb, na may katulad na pangmalas gaya ng kinasihang sulat ng salmista, ay nagsasabi sa kaniyang aklat na The Weighting Game: “Ikaw ay isinilang na para bang may iskrip ng buhay na tumitiyak kung ano ang dapat na timbang mo, at gaano karaming taba ang dapat mong taglayin, sa iba’t ibang yugto ng iyong buhay.”
Pinatunayan ng mga pagsusuri ang impluwensiya ng gene sa hubog ng katawan. Ang inampong mga bata ay nagtataglay ng mga uri ng katawan na tulad sa kanilang tunay na mga magulang, anuman ang hubog ng katawan na taglay ng kanilang nag-ampong mga magulang. At yamang ang mga kambal ay may magkahawig na henetikong kayarian, hindi dapat ipagtaka na ang mga kambal ay malamang na may parehong timbang.
Ano ang ibig sabihin nito para sa iyo? Halimbawa, ipagpalagay na parehong mataba ang iyong mga magulang. Kaya may 80-porsiyentong tsansa ka na maging mataba mismo. Mababawasan ng kalahati ang tsansa kung isa lamang magulang ang mataba. Ang ehersisyo at diyeta ay makatutulong sa paano man. Subalit sa kalakhang bahagi, tayo’y humigit-kumulang na walang magagawa sa ating pangunahing hubog ng katawan. Kung isa kang ectomorph, ikaw ay likas na payat at mabuto. Subalit kung ang iyong mga gene ay nagtakda sa iyo na maging isang endomorph—isa na may bilugang hubog at may higit na taba sa katawan—hindi ka talaga magiging payat. Kahit na sa tamang medikal na timbang mo, ikaw ay magmumukhang mas mataba kaysa ibig mo.
Pagiging Nasisiyahan sa Iyong Katawan
Nakasisira ng loob? Marahil. Subalit ang mabuting balita ay na nilikha ng Diyos na Jehova ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, na sakdal sa pisikal na anyo. Bagaman sila’y naging di-sakdal at naipasa ang di-kasakdalan sa kanilang mga anak, titiyakin ng Diyos na ang anumang namanang mga kapintasan sa katawan ay maiwawasto sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan.—Job 14:4; Roma 5:12; 2 Pedro 3:13.
Tandaan, ang mga pamantayan ng kagandahan ay maaaring bunga ng pagkondisyon ng lipunan at personal na kagustuhan. Sa gayon, ang ipinalalagay na maganda ay nag-iiba sa buong daigdig at maaaring magbago sa paglipas ng panahon. Kaya bakit “hahayaan ninyong mahubog kayo ng daigdig na ito”? (Roma 12:2, Phillips) Bakit susunod sa kalimitang pilipit na mga pamantayan at pangmalas nito?
Hindi mo talaga kailangang maliitin ang iyong sarili o manlumo dahil lamang sa ikaw ay hindi payat. Hindi tayo hinahatulan ng Diyos sa ating pisikal na taas o hubog. “Ang nakikita lamang ng hamak na tao ay yaong nakikita ng mga mata,” ang sabi ng Bibliya, “ngunit para kay Jehova, nakikita niya ang nasa puso.” (1 Samuel 16:7) Oo, “ang lihim na pagkatao ng puso” ang mahalaga para sa Diyos—hindi ang sukat ng iyong balakang o ng iyong baywang. (1 Pedro 3:4) At kung ikaw ay masayahin, mahinahong-loob, mapagbigay, at maalalahanin sa ibang tao, karaniwan nang maaakit sa iyo ang mga tao.
Hindi ibig sabihin nito na wala ka nang magagawa upang gumanda ang iyong hitsura. Subalit kung hindi ka lubusang maligaya sa iyong pangangatawan, hindi mo kailangang parusahan ang iyong katawan sa pamamagitan ng nauusong pagdidiyeta. Marahil kailangan mo lamang na higit na maging maingat sa istilo at kulay ng iyong isinusuot, pinipili ang mga damit at mga kulay na magtatago ng inaakala mong mga kapintasan at magpapalitaw ng iyong mabubuting katangian.
Gayundin, maaaring inaakala mo na makabubuti para sa iyo na magbawas ng kahit kaunting timbang. O baka magkaproblema ka sa labis na katabaan at kailangang magbawas ng timbang hindi lamang upang gumanda ang histura kundi sa pangkalusugang mga kadahilanan. Kung paano mo gagawin ang gayon ang magiging paksa ng aming susunod na artikulo.
[Kahon sa pahina 19]
“Napakapayat Ko”
Hindi lahat ng kabataan ay sasang-ayon na ang pagiging payat ay kaakit-akit. “Ako’y 15-taóng-gulang na lalaki na napakapayat at laging tinutukso,” ang reklamo ng kabataang si Mark. Ang pagiging payat ay kalimitang wala kundi bunga ng pagdadalaga at pagbibinata. Ang lumalaking katawan ay umuubos ng napakaraming mga calorie. Ang isang kabataan ay hindi nagkakalaman hanggang sa pagkatapos na huminto ang biglang paglaki. May ginagampanang bahagi rin ang henetiko. Mangyari pa, ang karamdaman o pagkadi-timbang ng hormone ay maaari ring maging sanhi ng labis na kapayatan, at ang pagpapatingin sa doktor ay mahalaga sa ganitong mga kalagayan. Ang propesyonal na tulong ay maaaring kailanganin din para sa mga kabataan na huminto sa pagkain dahil sa sila’y nanlulumo o nakararanas ng malubhang suliranin sa pagkain, gaya ng anorexia nervosa.
Ano man ang kalagayan, kung iniisip mong napakapayat mo, hingin ang opinyon ng doktor. Baka kailangan mo lamang matutunang tanggapin—at marahil matutunang maibigan—ang iyong hitsura.
[Larawan sa pahina 18]
Marami ang nag-iisip na sila’y napakataba dahil sa sila’y hindi nagtataglay ng katawan ng mga modelo sa mga fashion magazine