Kapag ang mga Gawain ay Naging Nakasusugapa
Kapag ang mga Gawain ay Naging Nakasusugapa
ANG pagkasugapa sa mga bagay at pagkasugapa sa mga gawain ay tulad ng dalawang tren na patungo sa iisang direksiyon sa iisang daan. a Ang bawat isa ay may iisang patutunguhan o layunin: upang baguhin ang mga kalagayan at hadlangan ang masakit na mga damdamin. Ating isaalang-alang ang ilang halimbawa ng pagkasugapa sa mga gawain.
Pagkagumon sa Trabaho
Ang pagkagumon sa trabaho ay tinawag na kagalang-galang na pagkasugapa. Sa paano man, ang mga gumón sa trabaho ay mga ekselenteng empleado. Gayunman, sa loob nila, maaaring makadama sila ng kawalang-kasiyahan. Ang trabaho ay maaaring maging isang panlibang mula sa masakit na mga damdamin o isang labis-labis na paghahangad ng pagsang-ayon.
Ang yelo ay nag-iingat sa nag-iiskeyt mula sa pagkalunod sa tubig; ang gawain ay nag-iingat sa gumón sa trabaho mula sa pagkalunod sa mga damdamin. Tulad ng nag-iiskeyt, ang gumón sa trabaho ay maaaring hangaan dahil sa kaniyang mahusay na paggawa. Subalit ito’y panlabas lamang. Ano ang kadalasa’y natatago sa ilalim? Ang tagapayo sa kalusugang pangkaisipan na si Linda T. Sanford ay sumusulat: “Kapag ang sugapa sa trabaho ay hindi abalang-abala sa trabaho, siya ay maaaring matabunan ng kinatatakutang mga damdamin ng panlulumo, pagkabalisa, matinding galit, kawalan ng pag-asa at kalungkutan.”
Ang nakatanim na pagkagumon sa maraming gumón sa trabaho ay nagpapahiwatig na ito ay isang pangmatagalang katangian, posibleng nag-uugat sa paraan ng pagpapalaki sa isa. Totoo ito sa isang babae na tatawagin nating Mary. Mula sa gulang na anim na taon sinikap niyang matamo ang pagmamahal ng kaniyang alkoholikong ama sa pamamagitan ng pagluluto at paggawa ng mga gawain sa bahay. “Ito’y naging pagkagumon,” aniya. “Inakala ko na kung higit pa ang aking ginawa o kung mas mabuti ang aking ginawa, mamahalin niya ako. Ang tanging natamo ko ay pagpuna.”
Bilang isang adulto ay nakikipagpunyagi pa rin si Mary sa maling kaisipang ito. “Sa loob ko ay nakadarama pa rin ako ng kawalang-halaga,” sabi niya. “Nadarama ko pa rin na kailangan kong makamit ang pagmamahal, na ako’y walang halaga malibang may nagagawa ako. Sa mga pagtitipon inuubos ko ang aking lakas sa pagluluto at pagsisilbi, para bang sinisikap kong matamo ang karapatan ng pagkanaroroon ko.”
Sa mga katulad ni Mary, mahalaga ang isang timbang na pangmalas sa trabaho. Pinapupurihan ng Bibliya ang pagpapagal. (Kawikaan 6:6-8; 2 Tesalonica 3:10, 12) Ang Diyos na Jehova mismo ay magawain. (Awit 104:24; Juan 5:17) Subalit siya ay hindi kailanman gumón sa paggawa. Nakita ni Jehova na mabuti ang kaniyang mga nilalang hindi lamang nang ang mga ito ay natapos kundi kahit na nang ang mga ito ay nilalalang pa.—Genesis 1:4, 12, 18, 21, 25, 31; ihambing ang Eclesiastes 5:18.
Ang Matalinong ManggagawaKawikaan 8:30, 31) Ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na sila man ay makasusumpong ng kaginhawahan sa paggawang kasama niya. Magkasama na nakikibahagi sila sa isang napakahalagang atas. Subalit hindi ito humahadlang sa kanila sa pamamahinga.—Mateo 11:28-30; Marcos 6:31; ihambing ang Eclesiastes 4:6.
ng Diyos na Jehova, ang kaniyang Anak, si Jesus, ay nagpapabanaag din ng personal na kasiyahan sa kaniyang gawa. (Marahil ay nasabi ng isang magulang na ang iyong halaga ay depende sa iyong paggawa o na ang pag-ibig ay ipagkakait hanggang sa ito’y makamit. Magiginhawahan kang malaman na hindi ito ang pangmalas ni Jehova tungkol sa wastong pagiging mga magulang. Ang Salita niya ay nagpapayo: “Kayong mga ama, huwag ninyong pukawin sa galit ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob [“makadama na nakabababa,” The Amplified Bible].” (Colosas 3:21) Hindi ipinagkakait ni Jehova ang kaniyang pag-ibig hanggang sa ito ay makamit. Ang kaniyang pag-ibig ay hindi isang bagay na ibinibigay niya pagkatapos lamang na siya ay ibigin at paglingkuran ng isa. Oo, sinasabi sa atin ng Bibliya na “siya ang unang umibig sa atin,” oo, kahit na “samantalang tayo ay mga makasalanan pa,” ang Diyos ang unang umibig sa atin. (1 Juan 4:19; Roma 5:6-8) Isa pa, hindi pinipintasan ni Jehova ang ating taimtim na mga pagsisikap na gawin ang kaniyang kalooban. Kaya nga, ang ating paglilingkod sa kaniya ay nagiging isang tunay na kapahayagan ng ating pag-ibig sa kaniya.
Pagkasugapa sa Telebisyon
Tinatawag ng ilan ang labis-labis na panonood ng telebisyon na isang pagkasugapa. “Gaya ng mga droga o alkohol,” sulat ni Marie Winn sa The Plug-In Drug, “ang karanasan sa telebisyon ay nagpapangyari sa kalahok na umalis sa tunay na daigdig at pumasok sa isang kasiya-siya at walang kibong kalagayan ng isipan.”
Mangyari pa, wala namang masama sa pagkalibang sa mga pananagutan sa buhay—nang pansamantala. Subalit ang ilan sa mga manonood ay hindi kailanman bumabalik sa katotohanan. Isang asawang lalaki na biglang hindi makapanood ng TV nang masira ang TV ay nagsabi: “Pakiwari ko ba ang isip ko ay ganap na naging momiya sa buong panahong iyon. Ang aking pansin ay nakapako sa telebisyon at hindi ako makawala, sa paano man.” Inilalarawan ng isang kabataang nagngangalang Kai ang katulad na pagkagumon: “Ayaw kong manood ng telebisyon nang labis na gaya ng ginagawa ko pero wala akong magawa. Sinusupil ako nito.”
Ang labis na panonood ng TV ay humahadlang sa kakayahang mag-isip. Inirerekomenda ng Bibliya ang pagbubulay-bulay, na humihiling ng pag-iisa. (Josue 1:8; Awit 1:2, 3; 145:5; Mateo 14:23; Lucas 4:42; 5:16; 1 Timoteo 4:15) Ang pag-iisa ay nakatatakot sa maraming tao. Sila’y labis na nininerbiyos kapag napaliligiran ng katahimikan. Ikinatatakot nila ang pag-iisa na kasama ng kanila mismong mga kaisipan. Sila’y balisang naghahanap ng anumang bagay na pupunô sa pagkabakante. Ang TV ang nagiging mabilis na lunas para sa pag-iisa. Gayunman, kahit sa pinakamabuting dahilan, ang TV ay isa lamang kahalili sa tunay na buhay.
Pusakal na Pagsusugal
Ang pagsusugal ay nag-uugat sa kasakiman. Subalit ang pusakal na pagsusugal ay kadalasang higit pa kaysa salapi lamang. b “Kailangan ko ng katuwaan upang tumakas sa katotohanan,” sabi ni Nigel. “Ito’y katulad na katulad ng paggamit ng bawal na gamot.” Sa isang pusakal na sugarol, ang paraan ng pagsusugal ay kadalasang isang gantimpala sa ganang sarili. Ang mga resulta ay walang kaugnayan. Naiwala ni Nigel ang kaniyang mga kaibigan. Naiwala ng iba ang kanilang mga pamilya. Naiwala ng marami ang kanilang kalusugan. At naiwala ng halos lahat ang kanilang salapi. Subalit kakaunti ang humihinto sa pagsusugal, yamang ang pagkapanalo o pagkatalo ay hindi siyang isyu. Ang pagsusugal—ang proseso—ang siyang bumabago sa kalagayan at pinagmumulan ng katuwaan.
Ang pagsusugal ay maaaring maging isang panlibang sa mga problema sa buhay, subalit hindi nito aalisin ang mga problema sa buhay. Ang isang taong malubhang nasugatan ay nangangailangan ng higit pa kaysa pamatay-kirot. Kailangang gamutin ang kaniyang mga sugat. Kung may mga sugat na umakay sa isang tao na magsugal, dapat niyang makilala ang mga ito at gamutin ito. Ito’y nangangailangan ng lakas ng loob, subalit ito sa wakas ay kapaki-pakinabang.
Pag-alpas
Upang makaalpas mula sa anumang pagkasugapa, ang panloob na panggigipuspos na kadalasang nag-uudyok ng pagkasugapa ay hindi maaaring waling-bahala. Dapat sikaping lunasan ng sugapa ang problema mula sa pinagmumulan nito. Ito’y isang hamon. “Hindi mo basta madaling naihihinto ang 30 taon ng droga at alkohol,” sabi ng isang dating sugapa, “lalo na kung ang iyong pagkasugapa ay nagkukubli sa isang problemang malalim ang pagkakaugat.”
Gayunman, ang pag-alpas sa pagkasugapa ay sulit sa pagsisikap. Inilalarawan itong mabuti ni Mary, ang gumón sa trabaho na manggagawa na nabanggit kanina. “Sa loob ng mga taon,” aniya, “tinatakasan ko ang mga bagay na takót akong harapin. Subalit ngayon na nakaharap ko ang mga bagay na iyon, nakapagtataka kung naging gaano kaliit ang mga ito.”
Ito ang naging karanasan ng marami na matagumpay na nadaig ang pagkasugapa. Sa halip na magpatuloy bilang “mga alipin ng mapangwasak na mga ugali,” sila’y nanalangin para sa “lakas na higit sa karaniwan” upang matagumpay na harapin ang hamon ng pagdaig sa pagkasugapa.—2 Pedro 2:19, Today’s English Version; 2 Corinto 4:7.
[Mga talababa]
a Maraming pagtatalo tungkol sa kung ano ang maaari at hindi maaaring tawaging isang pagkasugapa. Pinipili ng ilan na tawagin ang nakasusugapang mga gawain na “mga pagkagumon.” Sa mga artikulong ito aming sinusuri ang papel ng mga pagkasugapa bilang mga paraan upang takasan ang emosyonal na mga problema. Yamang ang mga gawain ay maaaring gamitin sa gayunding layunin, tutukuyin namin dito ang mga ito bilang “mga pagkasugapa.”
b Kabaligtaran ng trabaho at panonood ng TV, ganap na iniiwasan ng mga Kristiyano ang pagsusugal, sa lahat ng anyo nito. (Ihambing ang Isaias 65:11.) Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Gumising!, Hunyo 8, 1992, mga pahina 3-11.
[Blurb sa pahina 9]
‘Ang katagang mga pagkasugapa ay maaaring ikapit sa lahat ng uri ng gumón na paggawi.’—Dr. J. Patrick Gannon.
[Larawan sa pahina 10]
Sa isang gumón sa trabaho, ang trabaho ay para bang mas mahalaga kaysa pamilya
[Larawan sa pahina 10]
Maaaring baguhin ng pagsusugal ang kalagayan ng isa at magdulot ng tulad-drogang katuwaan