Maaari Kang Patayin ng Hindi Pagkilos ng Katawan
Maaari Kang Patayin ng Hindi Pagkilos ng Katawan
IYAN ang mensahe mula sa American Heart Association at sa Heart and Stroke Foundation ng Canada. Sa loob ng mga dekada, ang paninigarilyo, mataas na presyon ng dugo, at mataas na kolesterol sa dugo ay itinala bilang ang pangunahing maaaring supiling mga salik sa panganib ng sakit sa puso. Subalit noong 1992 isa pang salik ang idinagdag—hindi pagkilos ng katawan. Marahil ito ang pinakamadaling salik na supilin.
“Basta gawin mo ito at gawin mo ito nang regular,” sabi ni Dr. John Duncan ng Dallas, Texas. Nakalulungkot nga, karamihan ng mga tao ay hindi regular na nag-eehersisyo. “May maling impresyon sa Amerika na sa kausuhan tungkol sa kalakasan ng katawan nitong nakalipas na tatlo o apat na taon, mas maraming Amerikano ang nagsagawa ng pisikal na gawain,” sabi ni Tom McMillen, kasamang tagapamanihala ng President’s Council on Physical Fitness and Sports. “Hindi iyan totoo. Halos 250,000 kamatayan taun-taon ang ipinalalagay na dahil sa hindi pagkilos.”
“Tanging 22 porsiyento ng mga Amerikano ang pisikal na aktibo ngayon sa mga antas na inirerekomenda para sa mga pakinabang ng mabuting kalusugan,” ayon kay Dr. Walter R. Dowdle, pansamantalang patnugot ng U.S. Centers for Disease Control. “Isang pambansang pagsisikap ang kinakailangan upang mapaglabanan ang mataas na antas ng hindi pagkilos ng katawan sa Estados Unidos.”
Hindi naman hinihiling ang walang tigil at mahirap na gawain, gaya ng iniulat ng Medical Post ng Canada: “Pinatutunayan ng bagong pananaliksik na kahit na ang banayad na pamamasyal ay maaaring magdulot ng mga pakinabang sa kalusugan.” Si Dr. Anthony Graham, puno ng cardiology sa Wellesley Hospital sa Toronto, Canada, ay nagpaliwanag: “Ang pinag-uusapan natin dito ay tungkol sa bahagyang pisikal na gawain, ilang anyo ng regular na gawain na maaaring katamtamang gawain na gaya ng pagtatrabaho sa inyong hardin nang ilang beses sa isang linggo nang palagian, o sandaling paglalakad. . . . Natututuhan namin ngayon na kahit na ang ganitong dami ng gawain na regular na ginagawa ay makababawas sa panganib ng isa na magkasakit sa puso. May ilang paraan para sa lahat na magkaroon ng ilang ehersisyo.”
Si Dr. Russell Pate ng University of South Carolina ay sumasang-ayon, na ang sabi: “Ako’y kumbinsido na milyun-milyong tao ang may palagay na kung hindi sila makasasama sa isang spa at gugugol ng limang oras isang linggo roon, kalimutan mo na ang tungkol sa pisikal na ehersisyo. Sa palagay ko kailangang opisyal na pagtibayin natin ang idea na ang isang kasiya-siya, komportableng paglakad sa palibot ng bloke pagkatapos maghapunan ay isang kanais-nais na bagay na dapat gawin.”
Yamang kahit na ang katamtamang pisikal na gawain ay kapaki-pakinabang sa iyong kalusugan, maaari ka bang regular na maglakad o mag-akyat-manaog sa hagdan sa halip na sumakay sa isang elebeytor? Bakit hindi iparada ang iyong kotse nang malayo ng kaunti sa iyong patutunguhan, marahil sa tindahan, at lumakad papunta roon? “Ang anumang bagay ay mas mabuti kaysa wala,” sabi ni Dr. Robert E. Leach, tagapamanihala ng ortopediko sa Boston University Medical Center.