Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Isang Diyos ng Digmaan? Salamat sa inyong mahusay na artikulo sa Nobyembre 8, 1993, Gumising! na “Ang Pangmalas ng Bibliya . . . Si Jehova ba’y Mandirigmang Diyos?” Iyan ang katanungang ibinangon ng marami sa nagdaang mga taon. Tinatalakay namin ito paminsan-minsan bilang isang pamilya. Ang inyong artikulo, lakip ang ibang pananaliksik na ginawa ko, ay nakatulong na masagot ang aking mga katanungan.
S. T., Estados Unidos
Pagpapasuso Mula sa Ina Nasisiyahan kami sa pagbabasa sa artikulong “Ang Katotohanang Pabor sa Gatas ng Ina.” (Setyembre 22, 1993) Ang aking asawa ay kasalukuyang nagpapasuso sa aming anak. Subalit, walang nabanggit ang artikulo tungkol sa bagay na maaaring panghinain ng pagpapasuso ang katawan ng ina. Marahil hindi lahat ng babae ay makapagpapasuso sa gabi. Halimbawa, sa aming kaso kung kakaunti ang tulog ng aking asawa, napakahirap nito para sa kaniya.
T. K., Alemanya
Salamat sa inyong mga komento. Tinalakay ng nakaraang mga artikulo ang ilan sa mga kahirapan na maaaring maranasan ng bagong mga ina hinggil sa bagay na ito. Halimbawa, tingnan ang “Gumising!” ng Hunyo 8, 1983, at Marso 22, 1986.—ED.
Pagpapakalabis? Nais ko kayong pasalamatan sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Hanggang Saan ang ‘Labis’?” (Oktubre 22, 1993) Ako’y halos isang taon na ngayong bautisadong Kristiyano, at kalimitang pinag-iisipan ko ang pangmalas ni Jehova hinggil sa bagay na ito. Pinahahalagahan ko nang lubos ang inyong pagtalakay sa bagay na ito. Bagaman hindi ito madali, ako’y determinadong mamuhay sa mga pamantayan ni Jehova.
C. S., Estados Unidos
Naghahanap ako ng gayong artikulo sa loob ng mga buwan. Ako’y nakikipag-date sa loob ng siyam na buwan, at nang dumating ang artikulo, agad-agad kong tinawagan ang aking boyfriend. Maraming salamat sa inyong pagtuturo sa amin hinggil sa sensitibo at maseselan na bagay na ito.
A. P. G. S., Brazil
Pinasasalamatan ko kayo mula sa kaibuturan ng aking puso dahil sa artikulong ito. Lumabas ito sa panahong kailangang-kailangan ko. Ako’y 16 na taóng gulang, at may nagugustuhan akong lalaki. Naisip kong akitin siya. Mangyari pa, alam kong mali ang pakikiapid, subalit sa palagay ko’y hindi naman talaga pagpapakalabis ang paghahalikan at pagyayapusan. Subalit sa artikulong ito, naunawaan ko na hanggang sa umabot ako sa edad na maaari na akong mag-asawa, ang gayong mga bagay ay talagang pagpapakalabis!
M. H., Hapon
Hindi na ako bata, subalit wala pa rin akong asawa, at naibangon ko na rin ang tanong na iyan. Ako’y nakikipag-date sa isang lalaki, at bilang isang buong-panahong ebanghelisador, dapat kong malaman ang sagot. Subalit kapag nahulog na nang husto ang iyong loob, ang iyong paghatol ay maaaring lumabo. Ang artikulo ay talagang napapanahon at nakatulong nang malaki sa akin sa pakikipag-usap hinggil sa paksang ito sa Kristiyanong lalaki na aking ka-date. Maraming ulit na naming binasa ito na magkasama at nagnanais na panatilihing marangal ang mga bagay sa harap ng lahat.
M. R., Estados Unidos
Ako’y nananalangin na magkaroon ng paliwanag hinggil sa paksang ito. Nang makita ko ang titulo ng artikulo, ang puso ko’y ‘natigilan.’ Sabik na binasa ko ang artikulo, at ngayon alam ko nang talaga kung paano ako dapat gumawi.
S. G., Italya
Medikal na Paggamot na Walang Dugo Ibig ko kayong pasalamatan ng lubos para sa artikulong “Nagtutulungan ang mga Saksi ni Jehova at ang Propesyon ng Medisina.” (Nobyembre 22, 1993) Habang binabasa ko ito, nangilid sa aking mga mata ang mga luha ng pagpapasalamat. Inilarawan ng artikulo ang ilan sa mahirap na gawain na hindi batid ng karamihan sa atin dahil sa hindi tayo kailanman nagkaroon ng ganitong suliranin. Subalit para sa atin na balang araw ay maaaring makaharap sa pagsubok sa ating pananampalataya hinggil sa usapin sa dugo, isang malaking kaaliwan na malaman na ang ating mga kapatid ay lubusang gumagawa alang-alang sa atin.
B. B., Estados Unidos