Pagdaig sa Pagkasugapa sa Isang Bagay
Pagdaig sa Pagkasugapa sa Isang Bagay
ANG pagtigil sa isang pagkasugapa ay tulad ng paglisan sa isang bahay na kinalakhan mo. Kahit na kung ang bahay ay luma at sira-sira, ang paglisan dito ay mahirap. Ito ang iyong tahanan.
Kung ikaw ay isang sugapa, ang pagkasugapa ay malamang na siyang naging emosyonal na tahanan mo. Bagaman ito ay tiyak na naging ganap na kaguluhan, ito ay pamilyar. “Ang pagkalango ay normal sa akin. Ang katinuan ng isip ay di-normal,” sabi ni Charles, isang pagaling na alkoholiko. Ang paglisan sa pagkasugapa ay magiging mahirap, subalit ito ay sulit sa pagsisikap.
Ang unang hakbang ay abstinensiya mula sa mga bagay na nakasusugapa. a Huwag iantala o basta mangako na unti-unti mo itong titigilan. Itapon agad ang lahat ng suplay at kaugnay na mga kagamitan. Isang maikling yugto ng withdrawal ang susunod, na kung minsan ay pinakamabuting gawin sa ilalim ng medikal na pangangasiwa. Ito ang pasimula ng habang-buhay na abstinensiya. Subalit huwag mong isipin na ito ay imposible. Magsimula sa pamamagitan ng paglalagay ng isang tunguhin na maaabot mo: abstinensiya sa isang buwan, isang linggo, o kahit na sa isang araw. Sa dulo ng bawat yugto, na ikaw ay hindi bumabalik sa paggamit ng nakasusugapang bagay, muli mong baguhin ang iyong pasiya.
Pasimula lamang ito sa pagbabago ng nakasusugapang gawi. Ang Bibliya ay nagpapayo sa atin na “linisin natin mula sa ating mga sarili ang bawat karungisan ng laman at espiritu.” (2 Corinto 7:1) Ang pagkasugapa ay higit pa sa karungisan ng laman. Ang espiritu, o mental na hilig, ay apektado rin. Ano ang makatutulong sa iyo upang gumaling, kapuwa sa laman at sa espiritu?
Kailangan ang Patuloy na Pagsisikap
“Ang pagkasugapa ay isang sakit ng buong pagkatao,” sabi ni Dr. Robert L. DuPont. Samakatuwid, ang pagdaig sa pagkasugapa ay dapat na ipatungkol sa buong pagkatao. Dapat na baguhin nito ang iyong saloobin tungkol sa mabuti at masama. Ito’y nangangailangan ng panahon. Walang shortcut sa paggaling. Ang anumang pangako ng mabilis na paggaling ay hahantong lamang sa isang mabilis na pagbalik sa dati.
Ang pakikipagbaka upang gawin ang tama ay nagpapatuloy. Ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay sumulat: “Nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang batas na nakikipagdigma laban [“patuloy na nakikipaglaban,” Phillips] sa batas ng aking pag-iisip.” (Roma 7:23) Isinulat din niya na ang mga Kristiyano ay dapat na “pinasasakdal ang kabanalan.” (2 Corinto 7:1) Binabanggit ng aklat na Word Pictures in the New Testament na ang salitang “pinasasakdal” dito ay nagpapahiwatig, “hindi ng isang biglaang pagkakamit ng ganap na kabanalan, kundi ng isang patuloy na proseso.” Kaya nga ang pagdaig sa pagkasugapa ay unti-unti.
Hinahanap ang Sanhi
Para sa marami, ang pagkasugapa ay isang pagsisikap
upang alisin sa isipan ang masaklap na mga pangyayari noon. “Ang bulimia [isang sakit na kaugnay ng pagkain] ay nakalibang sa akin mula sa mga alaala,” sabi ni Janis. “Ito ang naging paraan ko para mabuhay.” Para kay Janis, ang hindi pag-iintindi sa nakalipas ay lalo lamang nagpanatili sa kaniyang pagkasugapa. Ang pag-unawa sa mga dahilan ng kaniyang paggawi ay nakatulong kay Janis na baguhin ang kaniyang nakasusugapang gawi.Ang ilan ay nagbago ng dating mga ugali at matagumpay na naharap ito nang hindi na sinusuri ang nakalipas na mga pangyayari at mga karanasan. Nasumpungan naman ng iba na ang mga damdaming nag-uugat sa kanilang dating kapaligiran ay patuloy na humihikayat sa nakasusugapang masidhing paghahangad. Maaaring madama nila ang nadama ng salmistang si David, na sumulat: “Siyasatin mo ako, Oh Diyos, at alamin mo ang aking puso. Subukin mo ako, at alamin mo ang aking mga pag-iisip, at tingnan mo kung may anumang lakad ng kasamaan sa akin, at patnubayan mo ako sa daang walang-hanggan.”—Awit 139:23, 24.
Pakikitungo sa mga Damdamin
Naranasan mo na bang lumabas sa isang madilim na gusali at tuwirang nagtungo sa liwanag ng araw? Ikaw ay napapangiwi sa biglang pagtama ng liwanag. Sa gayunding paraan, kapag nagsisimulang lunasan ang mga pagkasugapa, maaaring masumpungan mong ikaw ay bigla at makirot na pinauulanan ng iba’t ibang damdamin. Pag-ibig, galit, pagmamalaki, inggit, takot, hinanakit, at iba pang damdamin na malaon nang nagkukubli ang ngayo’y matinding nahahayag.
Ang pagkabalisa ay maaaring magsabi sa iyo na bumalik sa kinagawiang kadiliman ng pag-abuso sa isang bagay. Ngunit hindi mo kailangang takasan ang iyong mga damdamin. Ang mga damdaming ito ay maaaring maging isang nakatutulong na pinagmumulan ng impormasyon para sa iyo. Ang mga damdamin ay kadalasang isang hudyat lamang na may isang bagay na nangangailangan ng atensiyon. Kaya kung kinakailangan, pag-isipan mo ang iyong mga damdamin. Ano ang sinasabi nito sa iyo? Kung ang mensahe ay malabo o kung ang mga damdamin ay tila nakalilipos, magtapat sa isang maygulang na kaibigan. (Job 7:11) Hindi mo kailangang harapin ang iyong mga damdamin nang nag-iisa.—Ihambing ang Kawikaan 12:25.
Tandaan na ang mga damdamin ay hindi mo naman mga kaaway. Ang Diyos na Jehova mismo ay may matinding mga damdamin, at ang tao—na nilalang sa larawan ng Diyos—ay nakararanas din ng gayon. (Genesis 1:26; Awit 78:21, 40, 41; 1 Juan 4:8) Tulad ng biglang liwanag na nakasisilaw buhat sa liwanag ng araw, ang mga damdamin ay maaaring maging masakit sa pasimula. Sabalit balang araw ang mga ito, tulad ng liwanag ng araw, ay magiging isang pinagmumulan din ng patnubay at init.
Paglutas ng Problema
Ang pagtulay sa isang alambre ay totoong nakatatakot sa isang taong takót sa matataas na dako. Sa isang sugapa na nagsisimulang gumaling, ang buhay ay maaaring katulad ng nakatatakot na pagtulay sa alambre. Ang mataas na moral na mga pananagutan ng katinuan ng isip ay maaaring magdulot ng pagkatakot sa karagdagang mga pananagutan. Ang paghihintay ng kabiguan ay maaaring magpangyari sa iyo na mangatuwiran: ‘Babalik din lang ako sa dati. Bakit hindi ko na gawin ito ngayon?’
Subalit tandaan, ang mga problema ay hindi mga pagsalakay sa iyo bilang isang tao. Ang mga ito ay mga kalagayan lamang na kinakailangang harapin. Kaya huwag kang malipos ng iyong mga pagkabalisa. Harapin mo ang iyong mga problema nang1 Corinto 10:13.
isa-isa. Tutulong ito sa iyo na ilagay ang mga ito sa tamang ayos.—Pagpapahalaga sa Sarili
Si Marion, isang pagaling na alkoholiko, ay kailangang makitungo sa kaniyang damdamin ng mababang pagpapahalaga sa sarili. “Sa loob ko,” aniya, “lagi akong nakadarama na kung ipaaalam ko sa ibang tao kung ano ako talaga, hindi ako maiibigan [ng mga tao].”
Ang pag-alpas sa mahigpit na hawak ng pagkasugapa ay humihiling na matutuhan mo—marahil sa kauna-unahang pagkakataon—ang iyong halaga bilang isang tao. Mahirap ito kung ang iyong buhay ay lubhang nasira na ng pagkasugapa. Ano ang makatutulong?
Ang Bibliya ay isang aklat na nagbibigay ng kaaliwan sa mga nasisiraan ng loob. Maaari itong tumulong sa iyo na magkaroon ng mabuting paggalang sa sarili. (Awit 94:19) Halimbawa, ang salmistang si David ay sumulat na ang mga tao ay napuputungan ng “kaluwalhatian at karangalan.” Sinabi rin niya: “Kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan.” (Awit 8:5; 139:14) Anong pagkagagandang kapahayagan ng mabuting pagpapahalaga sa sarili!
Pahalagahan ang iyong katawan, at pangangalagaan mo ito sa diwa ng kasulatan: “Walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito.” (Efeso 5:29) Oo, maaari mong harapin ang hamon ng paggaling mula sa pagkasugapa. b
Gayunman, maaaring higit pa ang nasasangkot sa pagkasugapa. Ang mga gawain ay maaaring itaguyod taglay ang katulad na debosyon at sa katulad na layunin kung paano hinahangad ang mga droga, alkohol, at pagkain. Ang ilan sa mga gawaing ito ay isasaalang-alang ngayon.
[Mga talababa]
a Mangyari pa, yaong mga may sakit na kaugnay ng pagkain ay hindi maaaring huwag kumain. Gayunman, maaari nilang ihinto ang paggamit ng pagkain bilang isang tagapagpabago ng kalagayan. Ang mga kaugalian sa labis na pagkain, hindi pagkain, pagpupurga, at labis-labis na pag-iisip tungkol sa pagkain ay maaaring palitan ng timbang na pagkain.
b Upang mapanatili ang abstinensiya at pagsulong sa paggaling, hinangad ng ilan ang isang programa ng pagpapanibagong-buhay. Maraming sentro ng paggamot, ospital, at iba pang pinagmumulan ang nag-aalok ng gayong mga programa. Hindi iniendorso ng Gumising! ang anumang partikular na paggamot. Nanaisin niyaong mga naghahangad na mamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya na pakaingat na huwag masangkot sa mga gawain na magkokompromiso ng maka-Kasulatang mga simulain.
[Blurb sa pahina 6]
“Ang paggaling ay nangangahulugan ng pagbabago [ng isa] ng saloobin tungkol sa mabuti at masama.”—Dr. Robert L. DuPont.
[Larawan sa pahina 7]
Ang unang hakbang ay abstinensiya mula sa mga bagay na nakasusugapa
[Larawan sa pahina 8]
Kapag ikaw ay nalipos ng mga damdamin, ipakipag-usap ito sa iba