Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Iskandalo sa Pagsasalin ng Dugo
Ang Alemanya, na gumagamit nang higit na mga produkto ng dugo sa bawat tao kaysa anumang bansa, ay niyanig ng mga iskandalo na “nagpangyari sa isa sa pinakamaaasahang mga sangay ng medisina na maging tudlaan ng pagbatikos,” ulat ng pahayagang Süddeutsche Zeitung. Ang iskandalo ay nagsasangkot ng isang kompaniya na nagpoproseso ng dugo na, sa loob ng ilang taon, nagbili ng napakaraming maling sinuring mga produkto ng dugo sa mga ospital. Sa gayon, ang libu-libong pasyente sa ospital na nakagamit ng mga produktong ito ay nalantad sa panganib ng pagkahawa sa HIV. Ang Federal Health Minister na si Horst Seehofer ay nagpayo na “ang sinuman na nagnanais na makatiyak na hindi siya nahawa ng HIV sa pamamagitan ng impektadong dugo o mga produkto ng plasma sa panahon ng operasyon” ay dapat magpasuri. Iniuulat ng Die Zeit na “71 porsiyento ng populasyon ang natatakot ngayon na magkaroon ng AIDS sa pamamagitan ng isinasaling dugo.”
Kailangan: Mga Monghe
Sa kauna-unahang pagkakataon sa relihiyosong kasaysayan ng Hapón, ang mga monghe ay pangmadlang kinakalap. “Ang sinuman na relihiyoso at hindi makasanlibutan ay maaaring maging pinunong pari,” sabi ng isang nakatataas na monghe ng sektang Budistang Tendai. Ipinaplano ng sekta na magkaroon ng “mga entrance exam” para sa mga aplikante pasimula sa 1995. Ayon sa isang opisyal ng sekta, ang kaunting kaalaman sa relihiyon ay kailangan upang makapasa sa pagsusulit. Kinaugalian na, ang mga anak na lalaki ng mga pari ang humahalili sa posisyon ng kanilang mga ama bilang mga pari sa templo. “Gayunman, kamakailan ang mga anak na lalaki ng mga pari sa lahat ng sekta di-umano’y atubili sa pagiging mga monghe,” ulat ng Mainichi Daily News. Nagkokomento sa kausuhang ito, si Hiroo Takagi, isang dalubhasa sa relihiyon, ay nagsabi: “Ngayong ang sistemang mana-mana ay bumabagsak na, ang mga sektang Budista ay nangangamba sa pag-unti ng mga kabataan na handang maging mga pari.”
Ang Pagbabalik ng mga Balang
Ang ikawalong salot ng Ehipto, ang mga balang, “ay nakahanda na naman muli upang sumalakay sa Aprika,” ulat ng pahayagang The Weekly Mail & Guardian. May 80,000 ektarya ang nilusob na sa Yemen, at mga kuyog ang dumating sa Chad, Niger, at Mali. Isang tagapagsalita para sa isang unit ng pananaliksik sa agrikultura ang nagsabi na ang pinsala ay nanganganib na mas malaki kaysa salot ng 1986-87 na sumira sa mga ani ng 28 bansa sa hilagang Aprika. Kaniyang sinabi pa: “Kung ang ekolohikal na mga kalagayan ay mananatiling pabor sa mga balang, ang mga kuyog ay maaaring dumami nang makasampung ulit sa isang henerasyon (45 araw).” Ang mga balang ay maaaring sumalakay sa lahat ng mga pagkaing ani ng Sahel sa 1994.
Paghadlang sa Pagpapatiwakal
“Ang mga pagpapatiwakal ng mga kabataan ay dumarami,” ulat ng pahayagang O Estado de S. Paulo sa Brazil. Ipinakikita ng isang pagsusuri ng Ministri ng Katarungan sa Brazil na “ang pangunahing dahilan ng pagpapatiwakal ay karamdaman, na sinundan ng pagkabigo sa pag-ibig, alkoholismo, at kagipitan sa pinansiyal.” Yamang ang tulong ng mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan ay mahalaga upang mahadlangan ang pagpapatiwakal, nagmumungkahi ang saykayatristang si Christian Gauderer: “Huwag ipagwalang-bahala ang posibilidad” ng pagpapatiwakal. At yamang ang pakikipagtalastasan ay makapagpapagaan ng tensiyon, “itanong ang mga dahilan ng panlulumo, kung bakit nag-iisip na magpakamatay ang tao, kung paano niya binabalak na gawin ito.”
Pagdadalang-tao Pagkatapos Magmenopos?
Maaari bang magdalang-tao pagkatapos na magmenopos? Ang sagot ay tila oo, ayon sa medikal na ulat sa pahayagan sa Paris na Le Figaro. Sinasabi ng ulat na “waring may dumaraming bilang ng mga babae ang nakatutuklas na sila’y nagdadalang-tao pagkatapos na matiyak na sila’y nagmemenopos na.” Isiniwalat ng Pranses na pagsusuri, na kinabibilangan ng 6,000 gynecologist at dalubhasa sa pagpapaanak, na ang isang babae ay may malaking posibilidad na magdalang-tao pagkatapos na magmenopos kung siya ay tumatanggap ng HRT (hormone replacement therapy) kung saan pinapalitan ng mga hormone ang hindi na inilalabas ng mga obaryo. Ayon sa estadistika, ang mga babaing ito ay karaniwang huminto na sa pagreregla sa loob ng dalawang taon, ang karamihan ay nakararanas ng halos maagang pagmemenopos, at 71 porsiyento ang tumatanggap ng HRT. Kapuna-puna, sinabi ni Dr. Christian Jamin, na nanguna sa pagsusuri, na ang bawat babae ay maaaring magkaanak kahit pagkatapos na magmenopos.
Pinuri ni Pope John XXIII si Mussolini
Matagal-tagal na ngayon, ang labanan ay waring nagaganap sa loob ng Iglesya Katolika sa pagitan ng mga sang-ayon sa kanonisasyon ni Pope John XXIII at ng mga salungat dito. Ito’y ipinagbigay-alam kamakailan sa madla na bago naging papa, si John XXIII, sa napakaraming sulat na may petsa noon pang dekada ng 1930, ay pumuri kay Benito Mussolini, isang Pasistang lider ng Italya noong mga dekada ng 1930 at 1940. Ang dating magiging papa ay nagsabi na waring si Mussolini ay ginabayan ng “Diyos.” Matagal nang panahon na nailathala ang mga sulat na ito,
subalit ang patnugot, ang dating personal na kalihim ni John XXIII, ang nagsensura sa papuri na pinatungkol sa Pasistang diktador upang “maiwasan”—ang sabi niya ngayon—“ang pulitikal na pagsasamantala.” Ipinalalagay ng ilan na ang sinensurang mga pangungusap ay ngayon na lamang ipinagbigay-alam sa madla upang hadlangan ang anumang pagpapatuloy na maaaring umakay sa kasalukuyang papa na ipahayag si John XXIII na “pinagpala.” Sa anumang kalagayan, ang sabi ng pahayagang Corriere della Sera sa Milan, ang pagsisiwalat ng gayong mga pangungusap “ay di-gaanong nakadaragdag sa kung ano ang batid na tungkol sa saloobin ng eklesiastikong mga awtoridad hinggil sa Pasismo.”Madaling Magliyab na mga Kagubatan
Ang mga sunog sa Silangang Kalimantan, Indonesia, ang tumupok sa 3.5 milyong ektarya ng lupain ng kagubatan sa mga taon ng tagtuyo ng 1983 at 1991. Subalit ang mga sunog sa maumidong kagubatan ng Amazona ang higit na pinagmumulan ng panganib. Bakit? Karaniwan na ang kulandong ng kagubatan ang mahusay na sumisilo sa mahalumigmig na hangin sa ilalim nito, na nagpapanatiling basa sa kahuyan na hindi mapagliliyab ng apoy. Sa nakalipas na limang taon, ang ulat ng Manchester Guardian Weekly, ang silangang kagubatan ng Amazona ay napuno ng napakaraming mga daan habang ang mga nagpuputol ng kahoy ay naghahanap at pumuputol ng napakahalagang mga puno ng mahogany, at ang basang atmospera ay naglalaho. Ang inaayawang mga sanga at mga putong ng mga puno na nagkalat sa pinakasahig ng kagubatan ay sinusunog, ginagawang madaling masunog ang kagubatan. Ayon sa isang surbey, ang pagpuputol ng 2 porsiyento lamang ng mga puno ay sumisira ng kasindami nang 56 na porsiyento ng kulandong ng kagubatan. Iniulat ng mga magsasaka sa Brazil ang mga apoy na kumalat nang limang kilometro sa nakatayong mga puno.
Nanganganib na Malipol ang mga Kabute
“Sa halos 4,400 uri ng mga kabute na nasumpungan sa Alemanya, sangkatlo ang waring nasa talaan ng mga uri na nanganganib na malipol,” komento ng Frankfurter Allgemeine Zeitung. Sa katunayan, nagbabala ang mga siyentipiko na hindi lamang ang kabute ang nanganganib na mamatay kundi ang maraming iba pang mga uri ng fungi sa Europa. Bakit? Lumilitaw na ang polusyon at walang patumanggang pagsasamantala ang dahilan ng pagkalipol. Ang iba pang anyo ng buhay, gaya ng encina at mga puno ng pino at maraming iba’t ibang uri ng salagubang, ay umaasa sa fungi upang mabuhay. Kaya ang laganap na pagkawala ng fungi ay nangangahulugan ng ekolohikal na kapahamakan.
Makasiyentipikong Saligan sa Paniniwala
“Posible na maging isang siyentipiko at maniwala na may Diyos,” sabi ng pahayagang The Star sa Timog Aprika. Gayon ang iniulat ng artikulo batay sa 90-minutong lektyur ni Propesor David Block, isang astronomo sa Pamantasan ng Witwatersrand sa Johannesburg. Ipinaliwanag ni Block na tinitiyak ng siyensiya kung gaano “kaayos at kabalanse” ang sansinukob. Para kay Block at sa maraming iba pang siyentipiko, ito’y maliwanag na nagpapakita ng may layuning disenyo, anupat, talagang nagpapahiwatig na may isang Disenyador. Ayon sa The Star, hininuha ni Block na may napakaraming patotoo sa pag-iral ng Diyos “na ang taong hindi naniniwala sa Maylikha ay kailangang magkaroon ng higit na pananampalataya kaysa isa na [naniniwala sa isang Maylikha].”
Nanganganib ang mga Bantayog sa Ehipto
Ang sinaunang mga bantayog sa buong Ehipto ay nanganganib dahil sa pagtaas ng tubig. Ang nanganganib ay 400 makasaysayang mga bantayog sa Cairo, gayundin ang mga bantayog sa mas malalayong katimugang dako, gaya ng Templo ng Luxor. Nawala na ang isang paa ng Sphinx, ulat ng The UNESCO Courier. Ang problema ay bahagyang dahil sa pagtatayo ng Aswân High Dam, na nag-iingat sa pag-apaw ng tubig sa Nilo at ng taas ng water table. Bago ang pagtatayo ng dam, hindi nagkaroon ng tubig ang ilog sa loob ng siyam na buwan ng taóng iyon at umurong ito sa isang mababang antas. Masisisi rin ang daan-taón nang alkantarilya ng Cairo, na tumatagas at kalimitang umaapaw. Kapag ang tubig ay pumasok sa mga pundasyon ng gusali, ang unti-unting pagpasok nito ay nasipsip maraming talampakan ang lalim sa pinakabalangkas nito, kung saan ang kemikal na mga reaksiyon ay nagaganap upang bumuo ng mga alat na sumisira sa mga pader.
Ito ba’y Katarungan?
“Si Michael Charles Hayes ay pumatay ng apat na tao sa North Carolina sa isang barilan—at ngayon, ang mga pamilya ng kaniyang biktima ay nagrereklamo, mas mabuti ang kaniyang kalagayan sa buhay higit kailanman, sa kapinsalaan ng mga nagbabayad ng buwis,” sabi ng balita sa Associated Press. Dahilan sa nahatulang wala sa katinuan ng isip at nakulong sa isang mental na institusyon ng estado, si Hayes ay naging karapat-dapat sa mga pakinabang ng Social Security para sa may kapansanan at tumatanggap ng $536 buwan-buwan. Ito’y nagpangyari sa kaniya na makabili ng isang motorsiklo, napakaraming damit, at isang silid na punung-puno ng mamahaling kagamitang stereo at video dahil sa siya’y pinaglaanan na ng tirahan at pagkain na dapat saklawin ng mga benepisyo para sa may kapansanan. Ang pamahalaan ay nagbibigay nang halos $48 milyon sa isang taon sa baliw na mga kriminal. Tinawag ito ng tagausig na si Vincent Rabil na “kakaibang pagpilipit ng katarungan” at nagsabi pa: “Ang mga nagbabayad ng buwis ay nagbabayad sa mamamatay-tao. Hindi ito makatuwiran.”