Sino ang Nagugumón, at Bakit?
Sino ang Nagugumón, at Bakit?
SAMANTALANG nagmamaneho ng iyong kotse sa isang haywey, narinig mo ang isang kakatuwang kalantog na nanggagaling sa makina. Paano ka tutugon? Titingnan mo ba ang makina upang suriin ang problema? O basta palalakasan mo ang radyo upang hindi mo marinig ang ingay?
Ang sagot ay waring maliwanag, gayunman ang mga taong sugapa ay patuloy na gumagawa ng maling pagpili—hindi sa kanilang mga kotse, kundi sa kanilang mga buhay. Sa pamamagitan ng pagkasugapa sa mga bagay na gaya ng mga droga, alkohol, at maging sa pagkain, sinisikap ng marami na kalimutan ang kanilang personal na mga problema sa halip na matagumpay na lutasin ang mga ito.
Paano masasabi ng isang tao na siya ay sugapa? Ganito ito inilalarawan ng isang doktor: “Karaniwan na, ang paggamit ng isang droga o gawain ay isang pagkasugapa kung ito ay nagdudulot ng mga problema sa iyong buhay subalit patuloy mo itong ginagawa.”
Kapag ganito ang kalagayan, kadalasang mayroong mas malubhang problema sa sarili na nangangailangang suriin bago maaaring baguhin ang nakasusugapang gawi.
Mga Droga at Alkohol
Ano ang nakapagpapasimula sa isang tao sa landas ng pagkasugapa sa mga droga at alkohol? Ang panggigipit ng mga kasama at pag-uusyoso ay kadalasang gumaganap ng mahalagang bahagi, lalo na sa mga kabataan. Oo, ang dahilan kung bakit maraming tao ang nagiging sugapa ay ang kanilang masamang pakikisama sa mga nag-aabuso sa alkohol at mga droga. (1 Corinto 15:33) Maaaring ipaliwanag nito ang isang surbey sa E.U. na nagsiwalat na 41 porsiyento ng mga nasa huling taon sa high school ay nag-iinuman ng mga inuming nakalalasing tuwing ikalawang linggo.
Gayunman, may kaibhan sa pagitan ng pag-abuso a Maaaring ihinto ng mga ito ang pag-abuso at pagkatapos ay hindi magkaroon ng simbuyong balikan ito. Subalit nasusumpungan ng mga sugapa na sila ay hindi makahinto. Isa pa, anumang masayang katuwaang dati nilang nakuha ay nalalambungan ng panggigipuspos. Ang aklat na Addictions ay nagpapaliwanag: “Ang karaniwang nangyayari sa mga sugapa ay na, sa panahon ng kanilang pagkasugapa, sila’y napopoot sa kanilang sarili, at sila’y labis na pinahihirapan ng pagsupil sa kanila ng kanilang pagkasugapa.”
at pagkasugapa. Marami na umaabuso sa mga bagay ay hindi sugapa.Ang marami na dumedepende sa alkohol o mga droga ay gumagamit nito bilang mga paraan upang takasan ang emosyonal na mga problema. Ang gayong mga problema ay napakapangkaraniwan sa ngayon. At hindi natin dapat ipagtaka ito, yamang ipinakikilala ng Bibliya ang mga panahong ito bilang “ang mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay, kung kailan darating ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Inihula ng Bibliya na ang mga tao ay magiging “mga maibigin sa salapi,” “mga palalo,” “mga di-matapat,” “mga mabangis,” “mga mapagkanulo,” at “mga mapagmalaki sa pagmamapuri.” (2 Timoteo 3:1-4) Ang mga katangiang ito ay lumikha ng isang kapaligiran na para bang matabang lupa para sa pagkasugapa.
Ang emosyonal na problema ni Susan ay resulta ng masamang pagtrato sa kaniya noon. Kaya, siya ay bumaling sa cocaine. “Nagbigay ito sa akin ng palsong damdamin ng pagsupil at pagpapahalaga-sa-sarili,” sabi niya. “Binigyan ako nito ng kakayahan na hindi ko nadarama sa aking pang-araw-araw na buhay kung walang cocaine.”
Isiniwalat ng isang pag-aaral sa mga tin-edyer na mga lalaking sugapa na mahigit na sangkatlo ang pisikal na inabuso. Nasumpungan ng isa pang pag-aaral ng 178 adultong alkoholikong mga babae na 88 porsiyento ay malubhang minaltrato sa paano man. Ang Bibliya sa Eclesiastes 7:7 ay nagsasabi: “Tunay na nagpapamangmang sa pantas ang pagkapighati.” Ang isang taong nahihirapan ang damdamin dahil sa ilang katakut-takot na mga karanasan sa buhay ay maaaring sa dakong huli’y bumaling sa mga droga o sa alkohol para sa ginhawa.
Subalit ang mga droga at alkohol ay hindi siyang tanging mga pagkasugapa.
Mga Sakit na Kaugnay ng Pagkain
Ang mga sakit na kaugnay ng pagkain (na tinatawag ng ilang dalubhasa na pagkasugapa) ay kung minsan nagsisilbi bilang isang panlibang sa di-kanais-nais na mga damdamin. Halimbawa, ginagawang dahilan ng ilan ang katabaan na siyang buntunan ng sisi dahil sa personal na mga kabiguan. “Kung minsan iniisip ko ang manatiling mataba sapagkat ang lahat ng mali sa buhay ko ay masisisi ko sa pagiging mataba,” sabi ni Jennie. “Sa ganitong paraan kung may hindi magkagusto sa akin, lagi kong masisisi ito sa aking katabaan.”
Para sa iba naman, ang pagkain ay nagbibigay ng isang maling diwa ng pagsupil. b Ang pagkain ay maaaring maging ang tanging larangan sa buhay kung saan ang isa ay nakadarama ng anumang awtoridad. Ang marami na may sakit na kaugnay ng pagkain ay nag-iisip na sila sa paano man ay may depekto. Upang magkaroon ng mga damdamin ng pagpapahalaga sa sarili, sinisikap nilang supilin ang masidhing paghahangad ng kanilang katawan para sa pagkain. Isang babae ang nagsabi: “Ginagawa mong kaharian ang iyo mismong katawan kung saan ikaw ang pinunong malupit, ang ganap na diktador.”
Ang mga karanasang sinipi kanina ay hindi siyang kabuuang paliwanag tungkol sa pagkasugapa sa mga droga, alkohol, at pagkain. Iba’t ibang salik ang maaaring nasasangkot. Iminumungkahi pa nga ng ilang dalubhasa ang isang henetikong kaugnayan na ginagawa ang ilan na mas madaling tablan ng pagkasugapa kaysa iba. “Ang nakikita natin ay isang interaksiyon ng personalidad, kapaligiran, biyolohiya at pagiging karapat-dapat sa lipunan,” sabi ni Jack Henningfield ng National Institute on Drug Abuse. “Ayaw nating madaya sa pamamagitan ng pagtingin sa isang salik lamang.”
Anuman ang kaso, walang sugapa—anuman ang dahilan ng kaniyang pagkasugapa—ang pisikal o emosyonal na wala nang pag-asa. May makukuhang tulong.
[Mga talababa]
a Mangyari pa, ang pag-abuso sa alkohol o sa iba pang droga—ito man ay humantong sa pagkasugapa o hindi—ay nakarurumi at dapat na iwasan ng mga Kristiyano.—2 Corinto 7:1.
b Ang karagdagang impormasyon tungkol sa mga sakit na kaugnay ng pagkain ay masusumpungan sa mga labas ng Gumising! ng Disyembre 22, 1990, at Pebrero 22, 1992.
[Kahon sa pahina 5]
Isang Pambuong-Daigdig na Salot ng Pagkasugapa
◼ Isiniwalat ng isang surbey sa Mexico na 1 sa 8 katao sa pagitan ng edad na 14 at 65 ay alkoholiko.
◼ Iniuulat ng social worker na si Sarita Broden ang mabilis na pagdami ng mga sakit na kaugnay ng pagkain sa Hapón. Sabi niya: “Sa pagitan ng 1940 at 1965, ang paglitaw ng mga sakit na kaugnay ng pagkain ay patuloy na dumami kasunod ang biglang pagdami kapuwa sa mga in-patient at mga out-patient sa pagitan ng 1965 at 1981. Gayunman magmula noong 1981, ang pagdami ng anorexia at bulimia ay biglang tumaas.”
◼ Sa Tsina ang bilang ng mga gumagamit ng heroin ay tila mabilis na dumarami. Si Dr. Li Jianhua, na nagtatrabaho sa Kunming Drug Abuse Research Center, ay nagsasabi: “Ang paggamit ng heroin ay lumaganap mula sa hangganan ng Tsina tungo sa interyor ng Tsina, mula sa lalawigan tungo sa mga lungsod, at sa pabatá nang pabatáng mga tao.”
◼ Sa Zurich, Switzerland, isang eksperimental na bukás na pamilihan ng droga ay nagtapos sa kabiguan. “Akala namin ay matutuklasan namin ang mga nagbebenta ng droga, subalit nabigo kami,” sabi ni Dr. Albert Weittstein, nananangis na naaakit lamang nila ang mga nagbebenta ng droga at ang mga gumagamit ng droga mula sa malayo.