Ang Kahali-halinang Paghanap ng Bagong mga Gamot
Ang Kahali-halinang Paghanap ng Bagong mga Gamot
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britaniya
Anong pagkakahawig mayroon ang goma, kakáw, bulak, at pamatay-kirot? Ang lahat ay maaaring makuha sa mga halaman. Karagdagan pa sa asukal at oksiheno na ginagawa sa pamamagitan ng photosynthesis, ang berdeng mga halaman ay gumagawa rin ng isang kahanga-hangang kaayusan ng mga bagay mula sa ibang pangunahing kimikal na mga sangkap. Ang pangalawahing mga kimikal na ito ang nagbibigay sa bawat halaman ng pansariling mga katangian nito.
ANG duro ng isang kulitis, ang asim ng isang mansanas, at ang suwabeng halimuyak ng isang rosas ay pawang dahil sa iba’t ibang kombinasyon ng kimikal na mga bagay na ginawa ng mga halaman mismo. Kaya nga, kung ano sa wari’y iisang produkto ay sa katunayan kadalasang isang napakasalimuot na halo.
Kimikal na mga Pagawaan ng Kalikasan
Isaalang-alang ang likas na amoy ng kakáw. Alam mo ba na hanggang sa ngayon ang mga siyentipiko ay nakatuklas ng 84 na iba’t ibang sumisingaw na mga kimikal na nagsasama-sama upang gawin ang natatanging bango nito? Ang laman ng mga buto ng kakáw ay totoong masalimuot, at maraming pagsisikap ang ginawa nitong nakalipas na mga taon upang kilalanin ang mga ito. At iyan ay isa lamang likas na produkto.
Ang kolesterol ay isang matabang sangkap, marahil kilalang-kilala dahil sa posibleng kaugnayan nito sa sakit sa puso ng mga tao. Gayunman, sa ilang halaman ito ang pasimula para sa paggawa ng isang mahalagang pangkat ng mga kimikal na tinatawag na mga steroid. Kasali sa mga steroid ang bitamina D, mga hormone (gaya ng cortisone), at mga gamot na gaya ng betamethasone na panlaban sa pamámagâ. Ang diosgenin, isang steroid na ginagamit sa paggawa ng naiinom na kontraseptibo, ay ginagawa ng ilang uri ng ligaw na tugî. Sa kabilang dako naman, ang cortisone ay ginagawa mula sa hecogenin, isang natural na steroid na kinuha mula sa masa ng dahon ng sisal pagkatapos gawin ang hibla. Marami sa bagong mga gamot ngayon ang unang nakuha mula sa himaymay ng halaman.
Mga Halaman at ang Tao
Bagaman ang paggamit ng tao ng sintetik na mga gamot ay isang pagsulong ng modernong medisina, ang mga katas ng halaman ay ginamit na bilang gamot para sa karaniwang mga sakit sa loob ng libu-libong taon. Inilalarawan ng maagang mga rekord ng Asiria ang paggamit ng karaniwang anemone upang mapabawa ang kirot. At isinisiwalat ng isang medikal na papyri sa Ehipto mula noong panahon ng mga Faraon ang malawakang paggamit ng mga halamang gamot.
Naitala ng World Health Organization ang gamit ng halos 20,000 halamang gamot sa buong daigdig. Sa Britaniya lamang tinatayang 6,000 hanggang 7,000 toneladang mga damong-gamot ang ginagamit taun-taon bilang mga sangkap sa mga 5,500 iba’t ibang damong-gamot na mga produkto, at sa Estados Unidos, tinatayang mahigit na kalahati ng lahat ng mga reseta ng doktor ay para sa mga gamot na galing sa mga halaman.
Pagkatuklas ng Bagong mga Gamot
Taglay ang sindami ng 250,000 kilalang mga uri ng mga halaman sa daigdig, bawat isa’y nagtataglay ng isang potensiyal na pambihirang kimikal na kombinasyon, ang mga siyentipiko ay patuloy na humahanap ng mga himaton upang makasumpong ng kapaki-pakinabang na mga gamot. Ang isa sa maliwanag na mga paraan ay pag-aralan kung paano ginagamot ng mga tao ang mga karamdaman na ginagamit ang mga halamang tumutubo sa kanilang lugar.
Ang pagkatuklas sa cocaine ay nagsimula sa obserbasyon na ang pagnguya ng mga dahon ng coca ay pumapawi sa mga hapdi ng gutom at binabawasan ang pagod. Sa pagbubukod at pagkilala sa kayarian ng molekula ng cocaine, nagawa ng mga kimiko ang isang sintetik na sangkap na magagamit bilang isang lokal na pampamanhid. Kung ikaw ay binigyan ng iyong dentista ng iniksiyon upang gawing manhid ang bahagi ng iyong panga upang hindi mo maramdaman ang kirot, malamang na ikaw ay nakinabang mula sa pananaliksik na ito.
Maraming mahahalagang impormasyon tungkol sa gamit ng mga halaman ang hindi pa inilalathala. Naituro ng mga siyentipiko na gumugol ng mahigit na apat na taon sa pagsusuri sa 2.5 milyong ispesimen sa Gray Herbarium at Arnold Arboretum ng
Harvard University ang mahigit na 5,000 uri ng halaman na dating hindi napansin bilang potensiyal na mga pinagmumulan ng gamot.Inihahambing ng isa pang pagsusuri ang kimikal na mga laman ng mga halaman. Kung ang isang uri ay naglalaman ng kapaki-pakinabang na mga sangkap, ang kaugnay na mga uri ay baka mahalaga rin. Nang ibukod ng isang siyentipikong pananaliksik tungkol sa isang puno sa hilagang Australia, ang Moreton Bay chestnut, ang castanospermine, isang lason na nagpapakita ng gawain na laban sa virus, iminungkahi ng mga dalubhasa sa buhay-halaman na naghahanap sa katulad na mga punungkahoy na saliksikin ang Alexa sa Timog Amerika.
Pananaliksik Laban sa Kanser
Kung minsan ang mga himaton ay maaaring nakaliligaw at saka nagbubunga ng di-inaasahang mga resulta. Halimbawa, sinasabing maaaring gamutin ng mga katas mula sa sitsirika ang diabetes. Sinubok ito ng mga manggagawa sa pananaliksik sa Canada, ngunit sa kanilang pagtataka sinusugpo ng katas ng sitsirika ang sistema ng imyunidad sa pamamagitan ng pagbabawas sa paggawa ng puting mga selula sa dugo. Ito ay nagbigay sa mga doktor ng idea na subukin kung ang katas ay magiging mabisa laban sa leukemia, isang kanser sa puting mga selula ng dugo.
Sa wakas halos 90 sangkap ang naibukod, kung saan ang dalawa, kilala bilang vincristine at vinblastine, ay napatunayang kapaki-pakinabang sa paggamot. Kaunting-kaunti lamang nito ang makikita sa halaman anupat halos isang tonelada ng halaman ang kinailangan upang makagawa ng 2 gramo ng vincristine. Sa ngayon ang mga sangkap na ito at ang mga nakukuha rito ay naglalaan ng isang chemotherapy na ginagamit sa buong daigdig sa paggamot ng leukemia na nakukuha ng mga bata.
Noong dakong huli ng dekada ng 1950, pinasimulan ng U.S. National Cancer Institute ang isang 25-taóng programa ng pagsusuri, kung saan 114,000 katas ng halaman mula sa 40,000 uri ay sinubok para sa panlaban sa paglaki ng tumor sa mga cancer culture. Halos 4,500 katas ng halaman ay nakagawa ng kapansin-pansing epekto, karapat-dapat sa higit pang pag-aaral. Subalit ganito ang binabanggit ng consultant pharmacognosist na si Dr. W. C. Evans: “Malamang na hindi masumpungan ang mabisang mga gamot laban sa kanser” bilang tuwirang resulta ng gayong pananaliksik, gaano man ito kahalaga. Iba-iba ang mga kanser, at iilan lamang mabilis-lumaking cancer-cell culture ang ginamit sa mga pagsubok na ito.
Bagong mga Gamot Mula sa Dating mga Halaman
Ang kilalang mga halaman ay nagbibigay sa mga mananaliksik ng higit na mapag-iisipan. Ang luya, halimbawa, ay ginagamit ngayon bilang isang gamot na humahadlang sa alibadbad at pagsusuka, mabisa lalo na laban sa hilo. a Mas mahalaga, ang luya ay maaaring kapaki-pakinabang sa pagpapabawa sa mga pinahihirapan ng tropikal na sakit na dala ng parasito na schistosomiasis (bilharzia). Ang mga pagsubok sa nahawahang mga batang mag-aaral sa Nigeria, na ginagamit ang mga tableta ng pinulbos na luya, ay nagpatigil sa pagkakaroon ng dugo sa kanilang ihi at nagpababa sa bilang ng itlog na schistosome.
Sa dami ng halamang sasaliksikin, ang mga mananaliksik ay nagsisimula pa lamang sa atas na pagsusuri sa kaharian ng mga halaman sa paghanap ng higit pang mga gamot. Kahit na ang mga halamang kilalang-kilala ay marami pa ring lihim. Ang licorice ay napakapopular ngayon yamang ang mga kimikal na natuklasan dito ay mabisa laban sa pamámagâ at ang mga nakukuha rito ay nakagiginhawa sa ilang tao na pinahihirapan ng arthritis. Sinusuri rin ng mga siyentipiko ang karaniwang garden pea sa bisa nito laban sa fungi at mikrobyo.
Ang walang pakundangang paglipol sa mga uri ng halaman sa ilang dako ng daigdig, bago pa maitala ang mga halamang iyon, ay nangangahulugan na ang paghanap para sa bagong mga gamot ay dapat na mabilis na magpatuloy. Ang maingat na kimikal na pagsusuri sa mga halaman at sa henetikong pangangalaga sa kanila ay nananatiling isang pangunahing bagay, kahit na sa mga halamang kilalang-kilala. Subalit may isang palaisipan na dapat lutasin: Anong silbi ng marami sa kahanga-hangang mga kimikal na ito sa mga halaman mismo? Halimbawa, bakit ang halamang purslane ay gumagawa ng matapang na noradrenaline, isang hormone na nasumpungang mahalaga sa kapakanan ng tao?
Tunay, ang ating kaalaman tungkol sa mga kasalimuutan ng buhay halaman ay lubhang limitado pa. Subalit ang nalalaman natin ay tumuturo sa isang panlahat na disenyo, na nagbibigay ng kapurihan sa isang Dakilang Disenyador.
[Talababa]
a Tingnan ang pahina 31 ng Hulyo 22, 1982, labas ng Awake!
[Larawan sa pahina 24]
Ang luya ay ginagamit bilang isang gamot na pangontra sa hilo