Chile—Pambihirang Bansa, Pambihirang Kombensiyon
Chile—Pambihirang Bansa, Pambihirang Kombensiyon
SILA’Y dumating nang libu-libo at sampu-sampung libo sa Santiago, ang kabiserang lungsod ng Chile. Kahit na sa isang populasyon ng mahigit na apat na milyon, ang pagdagsang ito ay maliwanag na kapansin-pansin—ang mga bisitang ito ay pawang nakasuot ng asul na mga badge na nag-aanunsiyo sa 1993 “Banal na Pagtuturo” na Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova.
Mahigit na 400 ang dumating mula sa malayong Hapón; mahigit na 700 mula sa Estados Unidos. Mahigit na isang libo ang dumating sakay ng eruplano at bus mula sa kalapit na Argentina. Ang pahayagang La Tercera ay nagsabi sa ulat nito pagkatapos ng kombensiyon: “Puti, kayumanggi, ‘dilaw,’ at itim na mga mukha ang nagpapatunay sa iba’t ibang lahi at bansa na kinakatawan sa National Stadium. Karagdagan pa, makikita ang mga lalaki’t babae mula sa Mexico, Brazil, Peru, Bolivia, Venezuela, Espanya, at Hapón sa kanilang karaniwang kasuutan.” Ang mga delegado ay nanggaling sa Australia, Belgium, Britaniya, Canada, Pransiya, Alemanya, Holland, Switzerland, Paraguay, at karamihan sa iba pang mga bansa sa Timog Amerika. Mahigit na 4,500 dayuhang mga bisita ang humugos sa Santiago noong linggo ng Nobyembre 15, 1993. Ang kasukdulan pa nito, mayroong 30,000 Saksing taga-Chile na naglakbay ng malalayong distansiya upang makarating sa Santiago. Bakit gayon?
Chile—Isang Pambihirang Bansa
Alam mo, sa heograpikong diwa, ang Chile ay isang natatanging bansa. Ano ang gumagawa ritong kakaiba at pambihira? Tumingin ka sa mapa at makikita mo ang isang bansa na mahigit 4,310 kilometro ang haba gayunma’y wala pang 440 kilometro sa pinakamalapad na sukat nito. Sa katunayan ang katamtamang lapad nito ay mahigit lamang 180 kilometro. Ang kabisera, ang Santiago, ay halos nasa gitna ng bansa. Ang mga salik na
ito ay nangangahulugan na maraming Saksi sa Chile ang kailangang maglakbay nang daan-daang kilometro kasama ang kani-kanilang pamilya upang makarating sa internasyonal na kombensiyon—at sila’y naglakbay sa kabila ng limitadong kabuhayan sa maraming kaso. Gayunman sila’y dumating nang libu-libo, nakangiti nang husto at mukhang napakaligaya.Ang Chile ay isang lupain ng saganang pagkakaiba-iba, mula sa tigang na Disyerto ng Atacama sa hilaga hanggang sa mayabong na mga ubasan sa rehiyon sa palibot ng Santiago at patimog kung saan pababa ang nagugubatang Andes patungo sa Pasipiko. Sa wakas, may mga glacier at mga fjord na nagwawakas sa rehiyon ng Antarctica.
Ang mga bisitang dayuhan ay nahahalina sa lungsod ng Santiago. Ganito ang pagkakasabi rito ng isang delegado: “Ang impresyon dito’y palaging abalang lungsod, gayunman ang mga tao ay mabait at palakaibigan. Hindi pa ako nakakita sa buong buhay ko ng napakaraming bus sa isang kalye. Maraming kompaniya ng bus ang nakikipagpaligsahan para sa mga parokyano. Ang maliliit na taksi ay nagmamadali saanman. Ang isang negatibong salik ay ang polusyon. Upang bawasan ito, ang Santiago ay may mga tuntunin kung saan ang mga kotse ay naghahali-halili na hindi lalabas isang araw sa isang linggo, ayon sa bilang ng kanilang mga plaka ng kotse.” Susog pa niya: “Isa pang kapansin-pansing tampok ay ang mga batang mag-aaral na maayos ang pananamit, pawang nakauniporme ng paaralan, walang itinatangi. Walang kompetisyon at panggigipit ng mga kaedad doon na magkaroon ng pinakabagong mamahaling damit at mga sneaker! At walang mukhang marungis.”
Mainit na Pagtanggap sa mga Bisitang Dayuhan
Ang programa sa “Banal na Pagtuturo” ay nagsimula noong Huwebes, Nobyembre 18. Ang mga delegadong dayuhan ay nagulat nang dumating sila sa Estadio Nacional soccer stadium. Sa 270-metrong paglakad mula sa kanilang mga bus tungo sa istadyum, sila’y dumaan sa siksikang daanan na punô ng mga Saksing taga-Chile—mga lalaki, babae, at mga bata—lahat ay nagnanais na batiin ang dumadalaw na mga kapatid at kamayan sila. Ang marami ay nag-aral pa nga ng simpleng mga salitang Ingles upang masabi ang: “Welcome to Chile!” Sa sumunod na apat na araw, maraming pagkakaibigan ang nabuo sa kabila ng mga hadlang
ng wika. Ang mga kamera at mga video recorder ay ginamit nang husto ng maraming tao. Libu-libo ang nagpalitan ng mga subenir, pangalan, at direksiyon.Nakagugulat na mga Bilang
Ang potensiyal na pinakamataas na bilang ng tagapakinig para sa kombensiyong ito ay waring mga 60,000—ang 44,000 Saksing taga-Chile, ang 4,500 bisita, at ang mga interesado. Gunigunihin ang pagkagulat nang ang dumalo noong Huwebes at Biyernes ay mahigit nang 50,000. Noong Sabado ang pulutong ng mga tao ay dumami mula sa 67,865 sa umaga tungo sa 70,418 noong hapon. Noong umaga ng Linggo, nang kasali sa programa ang isang drama tungkol sa ilang problemang nakakaharap ng mga Saksi sa ngayon, ang pinakamataas na bilang ng dumalo ay 80,981! Ang istadyum ay napunô, at daan-daan pa ang nakikinig sa mga laud-ispiker sa labas. Ito ang isa sa mga salik na gumawa sa kombensiyon na pambihira—ang pinakamaraming dumalo sa lahat ng mga kombensiyon na idinaos sa ibayo ng daigdig sa mga serye ng “Banal na Pagtuturo.” Ito’y isang sorpresa para sa mga Saksing taga-Chile at isang pahiwatig ng potensiyal para lumago at sumulong ang kanilang mga kongregasyon sa malapit na hinaharap.
Ang elektronikong scoreboard ay ginamit upang ipatalastas ang bawat pahayag sa Kastila at sa Ingles. Ipinakita pa nga nito kung pumapalakpak ang tagapakinig! Sa pagtatapos ay ipinakita nito ang mga bating pamamaalam sa ilang wika, kasama na ang Olandes, Pranses, Aleman, at Haponés.
Nakaakit sa Media ang Bautismo
Ang gayong kagila-gilalas na pangyayari ay hindi maaaring waling-bahala ng media sa Chile. Ang pagsaklaw rito araw-araw ng pahayagan, radyo, at telebisyon ay ekselente. Totoo ito lalo na sa maramihang bautismo na ginanap noong Sabado. Labindalawang maliliit na pool ang inilagay sa isang dulo ng palaruan ng soccer. Noong panahon ng pahayag para sa bautismo, daan-daang kandidato ang tumayo upang sagisagan ang kanilang pasiyang sundin ang halimbawa ni Kristo sa paglilingkod sa Diyos na Jehova. Pagkatapos ng pahayag, ng panalangin, at ng awit, 24 na mga ministrong nakasuot ng puting korto at kamiseta ang pumuwesto, dalawa sa bawat pool. Dumating din ang mga babaing asistant upang tumulong. Pagkatapos ay lumabas ang unang kandidato mula sa silid bihisan at lumakad sa palaruan, mga lalaki sa isang panig, mga babae sa kabilang panig. Para bang dalawang walang katapusang pila ang patungo sa mga pool. Ang lahat ay maayos pati na ang mga litratista ng pahayagan na pumuwesto rin. Sa loob ng isang oras ang bautismo ay natapos—1,282 bagong mga Saksi, mga ministrong Kristiyano, ang inilubog sa tubig, sinusunod ang halimbawang ipinakita ni Jesus.
Isang Makulay na Pamamaalam
Ang panahon ay ekselente sa buong sanlinggo. Buweno, ito ay panahon ng tagsibol sa Chile, kung kailan walang inaasahang ulan. Tumaas ang temperatura noong Linggo ng mahigit sa 20 digris Celcius. Halos lahat ng pamilya ay nagdala ng mga payong at parasol bilang proteksiyon sa mainit na araw. Ang libu-libong makulay na mga payong ay nagpapagunita sa isa sa maraming paruparong pumupuwesto sa mga bulaklak. Ang pangwakas na pahayag ay natapos noong bandang alas singko. Pagkatapos ng awit at panalangin, halos walang kumikilos. Walang may ibig na matapos ang kombensiyon. Mga grupo ang nag-awitan ng mga awiting Pangkaharian; masigabong palakpakan ang lumaganap mula sa isang dulo ng istadyum hanggang sa kabilang dulo; mga panyo ay ikinaway at ang mga payong ay sabay-sabay na pinaikot. Ito ay isang madamdaming tagpo—ang istadyum na ito na ang Bundok Andes ang nasa likuran—punô ng maliligaya, maibiging mga Kristiyanong nagpapasalamat sa “Banal na Pagtuturo” na bumago sa kanilang buhay.
Noong programa ng Linggo, dalawang malalaking ibon ng Chile, ang queltehues, o southern lapwings, ay sumalimbay sa palaruan, paminsan-minsa’y kumakain ng ilang insekto o butil. Sa pana-panahon ay ginambala nila ang programa ng kanilang ingay. Noong panghuling pahayag, para bang nahiwatigan nilang tapos na ang programa, sila’y marahang lumipad, lumigid upang tumaas, at lumipad palayo. Walang alinlangan na sila’y babalik, kung paanong ang mga Saksi ni Jehova ay maliligayahang bumalik sa istadyum na iyon sa isang taon upang ibahagi ang kanilang kagalakan at pananampalataya—sa Chile, un país singular, isang pambihirang bansa.
[Mga larawan sa pahina 17]
Mahigit na 80,000 ang dumalo sa kombensiyon sa Santiago
[Buong-pahinang-larawan sa pahina 18]