Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hindi mga Mahiko ni mga Diyos

Hindi mga Mahiko ni mga Diyos

Hindi mga Mahiko ni mga Diyos

GAYA NG ISINAYSAY NI MERCY UWASI, NG NIGERIA

ANG kirot sa loob ko ay nagsimula noong isang maaraw na hapon sa Kanlurang Aprika noong Marso 1992. Sumama ako sa aking pamilya sa aming pirasong lupa upang mag-ani ng kamoteng-kahoy. Samantalang naroon, ang kirot ay nagsimulang tumindi sa aking tiyan. Nang kami’y makauwi ng bahay, ang kirot ay naging parang nagngangalit na apoy. Ako’y sumusuka; nahihirapan akong huminga. Bagaman napakahirap para sa akin na tumayo o lumakad dahil sa kirot, nagawa pa rin ni inay na isakay ako sa isang taksi, na sumugod tungo sa kalapit na ospital.

Sa ospital ang doktor na nasa tungkulin ay nagkataong ang taong napatotohanan ko noong minsan tungkol sa pag-asa ng Bibliya. Hinipo ng doktor ang aking tiyan; ito’y magâ. Tinanong niya kung ako ba’y dinudugo, at ang aking ina ay nagsabi ng oo na ako’y nireregla.

“Ang inyong anak ay limang buwang buntis,” sabi ng doktor. “Ang dahilan kung bakit siya dinudugo ay sapagkat siya’y nagtangkang magpalaglag.”

Si inay ay sumagot: “Hindi, Doktor! Hindi siya ganiyang uri ng babae.”

“Huwag mong sabihin iyan. Nililinlang ng mga batang babae ngayon ang kanilang mga magulang. Siya’y buntis.”

Pagkatapos ay nagsalita ako. Sinabi kong isa ako sa mga Saksi ni Jehova at ako’y pinalaki sa isang Kristiyanong sambahayan at na hindi ipahihintulot ng aking budhing sinanay sa Bibliya na makibahagi sa isang imoral na gawa.

Bilang tugon sinabi ng doktor sa nanay ko: “Ginang, isaisang-tabi natin ang relihiyon at maging makatotohanan tayo. Sinasabi ko sa inyo na ang babaing ito ay limang buwang buntis.”

“Tumayo ka,” sabi sa akin ni Nanay. “Pupunta tayo sa ibang ospital.” Habang nililisan namin ang gusali, naupo ako sa damo na umiiyak dahil sa napakatinding kirot. Isinugod ako ni nanay sa bahay at sinabi kay itay kung ano ang sinabi ng doktor.

Ipinasiya nilang dalhin ako sa isang mas malaki at mas modernong ospital, isang nagtuturong ospital. Habang daan, nanalangin ako kay Jehova na iligtas ako upang huwag pulaan ng mga tao ang kaniyang banal na pangalan sa pagsasabing ako’y namatay bunga ng isang hindi ninanais na pagbubuntis. Sinabi ko na kung ako’y mamatay, kapag nakita ng doktor na iyon ang mga Saksi ni Jehova na mangangaral sa kaniya, sasabihin niya: ‘Hindi ba’t isa sa inyo ang nagpunta ritong buntis mga ilang panahon na ang lumipas?’ Nanalangin din ako na sana’y makabalik ako sa doktor na iyon at minsan pang magpatotoo sa kaniya.

“Siya’y Dalaga Pa!”

Sa mas malaking ospital, gayunding pagtatalo na naganap sa unang ospital ang muling nangyari; akala ng mga doktor ako’y buntis. Ang kirot ay napakatindi. Ako’y umiiyak. Isang doktor ang nagsalita nang masakit, na ang sabi: “Iyan ang ginagawa ninyong mga batang babae. Kayo’y nabubuntis, pagkatapos kayo’y magsisisigaw.”

Ang mga doktor ay gumawa ng ilang pagsusuri. Samantala ay sinimulan nila akong tanungin. “May asawa ka ba?”

“Wala po,” sabi ko.

“Ilang taon ka na?”

“Disiotso po.”

“Ilan ang mangingibig mo?”

“Wala po akong mangingibig.”

Pagkatapos ay sumigaw ang senior na doktor, “Ano ang ibig mong sabihin? Sinasabi mo ba sa akin na sa gulang na 18 ay wala ka pang mangingibig?” Minsan pa, katulad sa unang ospital, ipinaliwanag ko ang aking Kristiyanong paninindigan. Saka niya ako tinanong kung ako ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Sumagot ako ng oo. Pagkatapos niyan, hindi na siya nagtanong pa.

Ang mga pagsusuri ay nagpatunay na hindi ako buntis. Narinig ni nanay na sinabi ng isang doktor sa iba: “Siya’y dalaga pa!” Ang mga doktor ay humingi ng paumanhin, na ang sabi: “Hindi mo kami masisisi sa pag-iisip na gaya ng ginawa namin. Nararanasan namin ang ganiyang bagay sa mga batang babae sa araw-araw.” Gayunman, ang kakila-kilabot na karanasan ay pasimula lamang ng aking mga pagsubok.

‘Ikaw ay Magpapasalin ng Dugo’

Ipinakita ng isang pagsubok sa ultrasound ang isang malaking bukol sa isa sa aking mga tubong Palopyan. Ito’y sinlaki ng isang maliit na dalandan. Kailangan ang operasyon.

Walang atubiling sinabi ko sa kanila na hindi ako magpapasalin ng dugo bagaman sasang-ayon ako sa kahaliling mga likido. Iginiit nila na kailangan ang dugo.

Isa sa mga estudyanteng doktor ang nagalit sa akin, na ang sabi: “Ang sinasabi mo ang siya ring sinabi ng isa sa mga miyembro ninyo mga ilang taon na ang nakalipas. Subalit nang lumubha ang kaniyang kalagayan, nagpasalin siya ng dugo.”

“Iba naman ang kalagayan ko,” sagot ko, “sapagkat ang aking oo ay oo at ang aking hindi ay hindi. Hinding-hindi ko ikokompromiso ang aking katapatan.”

Nang maglaon, tatlong doktor ang dumalaw sa aking kama na nagtatanong tungkol sa aking paninindigan laban sa dugo. Ipinaliwanag ko na sinasabi ng Bibliya na ang mga Kristiyano ay dapat na “umiwas . . . sa dugo.”​—Gawa 15:20.

“Ngunit hindi mo naman ito pararaanin sa iyong bibig,” samo nila. “Pararaanin mo ito sa ugat.”

Sinabi ko na hindi mahalaga kung pararaanin mo ito sa bibig o sa ugat, pareho rin iyon.

Noong Sabado, Marso 14, isang linggo pagkatapos magsimula ang kirot, sinuri ako ng punong siruhano. Siya ang nakaiskedyul na mag-opera sa akin. Nang panahong iyon ang pamamagâ ay umabot na sa aking dibdib.

Siya’y nagtanong: “Naipagbigay-alam na ba nila sa iyo na kailangan mong magpasalin ng dugo?”

“Sinabi po nila sa akin iyan, Doktor, ngunit hindi po ako magpapasalin ng dugo,” ang sagot ko.

“Sinasabi ko sa iyo,” patuloy niya. “Magpapasalin ka. Kung hindi ka magpapasalin ng dugo, mamamatay ka. Sa Lunes, pagdating ko, kung walang nakahandang dugo para sa iyo, hindi ko gagawin ang operasyon. Walang dugo, walang operasyon.”

Saka niya nakita ang isang aklat sa tabi ng kama ko at nagtanong, “Ito ba ang Bibliya mo?” Ang sabi ko hindi; ito’y ang kopya ko ng Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. a Sinabi niya na dapat kong gamitin ang aklat upang manalangin na huwag akong mamatay. Ipinaliwanag ko na hindi natin binabasa ang ating mga panalangin mula sa mga aklat. Kailanma’t may problema kami, kami’y nananalangin kay Jehova mula sa aming puso.

Nang sumunod na dalawang araw, ang mga doktor at mga nars ay patuloy na dumarating upang gipitin akong magpasalin ng dugo. Sinabi nila sa akin na napakabata ko pa upang mamatay. “Magpasalin ka ng dugo at mabuhay ka!” anila.

“Si Jehova ay Kakampi Ko”

Noong mga panahong iyon ng kabagabagan, binasa ko ang Awit 118, na nagsasabi sa bahagi: “Sa aking kapanglawan ay tumawag ako kay Jah; sinagot ako ni Jah at inilagay ako sa maluwag na dako. Si Jehova ay kakampi ko; hindi ako matatakot. Anong magagawa ng tao sa akin?”​—Awit 118:5, 6.

Pagkatapos kong magbulay-bulay sa mga talatang ito, ang aking pananampalataya kay Jehova ay napatibay. Nang umagang iyon ang aking mga magulang ay dumating sa ospital. Ipinakita ko sa kanila ang awit na iyon, at napatibay rin ang kanilang pananampalataya.

Samantala, hindi lamang itinataguyod nina Nanay at Tatay ang aking pasiya na huwag pasalin ng dugo kundi sila ay nananalangin para sa akin. Ang mga miyembro sa aking kongregasyon ay patuloy na nananalangin at nagpapatibay sa akin mula sa Kasulatan.

“Hindi Kami mga Mahiko”

Noong Lunes, Marso 16, noong umagang nakaiskedyul ang operasyon, isa sa mga doktor ang dumating sa aking silid at nakita akong hawak-hawak ang aking Medical Directive card, na nagpapaliwanag ng katayuan ko tungkol sa pagsasalin ng dugo. Sabi niya, “Ano ito? Talaga bang totoo ang sinasabi mo?”

“Opo, hindi po ako magpapasalin ng dugo.”

“Buweno,” aniya, “ibig sabihin niyan na kakanselahin natin ang iyong operasyon. Walang operasyon.”

Saka tinawagan ng doktor ang aking ina sa telepono mula sa silid ko. Sabi ni inay: “Malaki na siya upang magpasiya para sa kaniyang sarili. Hindi ako makapagpapasiya para sa kaniya. Sinasabi niyang hindi ipinahihintulot ng kaniyang budhing sinanay sa Bibliya ang pagpapasalin ng dugo.”

Pagkarinig niyaon inihagis niya ang aking mga rekord sa mesa at galit na lumabas ng silid. Sa loob ng limang oras ay wala na kaming narinig pa. Namimilipit ako sa sakit at hindi ako makakain. At walang ibang ospital sa lugar na iyon.

Pagkatapos, sa pagtataka ko, isang stretcher ang ipinasok upang dalhin ako sa silid na pag-ooperahan. Mahigpit ang hawak ko sa aking “No Blood” na kard. Patungo sa silid ng operasyon ay nakita ko ang mga gamit sa pag-opera kasama ang mga bag ng dugo. Nagsimula akong umiyak nang husto, sinasabing hindi ako magpapasalin ng dugo. Isa sa mga nars ang nagsabi na dapat kong ihulog ang kard sa sahig. Sinabi niyang hindi ko maaaring dalhin ito sa loob ng silid ng operasyon. Sinabi ko na hindi ako papasok nang wala ang kard at na nais kong ipakita ito sa punong siruhano. Saka hinablot ng nars ang kard sa akin at dinala ito sa loob ng silid ng operasyon at ipinakita ito sa siruhano. Agad na lumabas ang punong siruhano at ang lima pang doktor na nakasuot ng kasuutan sa pag-opera patungo sa kinaroroonan ko.

Ang punong siruhano ay galit na galit. Tinawag niya ang nanay ko, itinuro ang tiyan ko, at sinabi sa kaniya: “Narito, Ginang. Hindi namin alam kung ano ang masusumpungan namin sa loob niya. Kung ooperahin namin siya, hahantong ito sa matinding pagdurugo. Gusto ba ninyong duguin siya sa kamatayan?”

Bilang tugon sinabi sa kaniya ni Nanay: “Doktor, alam ko na si Jehova ay sasakaniya. At siya rin ay sasainyo. Gawin lamang po ninyo ang pinakamabuting magagawa ninyo at ipaubaya na ninyo ang iba pa kay Jehova.”

Pagkatapos ay sinabi ng doktor: “Hindi kami mga mahiko o mga herbalista. Namumuhay kami ayon sa aming pinag-aralan. Hindi ko magagawa ang operasyong ito nang walang dugo.”

Muling nagsumamo sa kaniya ang aking ina na basta gawin lamang niya ang pinakamabuting magagawa niya. Sa wakas, siya’y sumang-ayon na mag-opera nang walang dugo. Tinanong niya ako kung ako ba ay natatakot. Bilang tugon ay sinabi ko: “Hindi po ako natatakot sa kamatayan. Alam kong nasa panig ko si Jehova.”

“Patuloy na Paglingkuran Mo ang Iyong Diyos”

Ang operasyon ay isinagawa sa loob ng isang oras. Binuksan nila ako at madaling naalis ang tumor, na ikinamangha ng mga tauhan sa ospital.

Pagkatapos sinabi ng isa sa mga doktor kay Nanay na pinag-uusapan ng mga estudyanteng doktor ang aking kaso sa gabi sa kanilang mga tuluyan. Ngayon kapag si Nanay o ako ay nagpupunta sa ospital na iyon, pinakikitaan nila kami ng paggalang at konsiderasyon.

Dalawang araw pagkatapos ng operasyon ko, ang siruhano ay dumating sa silid ko, kinumusta ako, saka nagsabi: “Dapat na patuloy na paglingkuran mo ang iyong Diyos. Talagang tinulungan ka niya.”

[Talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.