Ikaw ba’y Isang Mapanglaw, Malumbay na Ibon?
Ikaw ba’y Isang Mapanglaw, Malumbay na Ibon?
HINDI ito mananalo sa timpalak ng kagandahan para sa mga ibon—sa kulay man o sa ganda ng disenyo. Nakita ko na ang kulay kayumangging mga ibon sa Florida, E.U.A., na bumulusok upang hulihin ang kanilang isda na gaya ng German Stukas noong Digmaang Pandaigdig II. a Sa Chile, ang mga ito’y puti, na may itim na mga pakpak at katawan. (Tingnan ang larawan.) Ang mga ito’y nagpapahingalay sa malumbay na pagkakatindig sa mga batuhan sa Pasipiko at Valparaiso—marahil ay tinatapos ng mga ito ang pagtunaw sa pagkain.
Ito’y tumitimbang nang hanggang mahigit na 14 na kilo, na may habang mahigit na isa’t kalahating metro, at ang buka ng pakpak na may habang tatlong metro. Isa ito sa pinakamalalaking ibon. Kapag nasa lupa ito’y padaskul-daskol kung kumilos at nakatatawa; kapag lumilipad ito’y nakatutuwang pagmasdan, na lumilipad na para bang walang kahirap-hirap. Kapag ito’y kumakain, maaari nitong salukin ang mahigit na sampung litro ng tubig na may isda! Ano ba ito? Ito ang ibong pelikano.
Ang pelikano ay matatagpuan sa mga lawa at ilog at sa mga baybayin sa maraming bahagi ng daigdig. Ang mahaba nitong tuka at malaking lukbutan ay tamang-tama ang pagkadisenyo para sa pantanging anyo ng pangingisda nito. Ito’y sumisisid sa tubig, pinupuno nito ang lukbutan ng tubig at isda. Pagkatapos mabilis na inaalis nito ang tubig at, nilululon, pababa ang pinakahuling meryenda.
Ilang ulit na binanggit sa Bibliya ang mga pelikano. Dahil sa hilig ng ibon sa malungkot, ulilang mga lugar, ginamit ang mga ito sa Bibliya bilang mga paglalarawan sa ganap na pagkatiwangwang. (Isaias 34:11; Zefanias 2:13, 14) Ganito ang sabi ng ensayklopedya sa Bibliya na Insight on the Scriptures: “Kapag ang pelikano ay busog na busog, kalimitang ito’y lumilipad sa malungkot na lugar, kung saan ito’y malungkot na tumitindig na ang ulo nito’y nakasubsob sa mga balikat nito . . . Kung minsan ay nananatili ang ibon sa ganitong tindig sa loob ng mga oras, sa gayon ay umaangkop sa malumbay na kawalang kilos na binabanggit ng salmista nang kaniyang inilalarawan ang kasidhian ng kaniyang pagdadalamhati na ganito ang sulat: ‘Ako’y parang pelikano sa ilang.’ (Awit 102:6)” Kaya kapag ikaw ay mapanglaw at nalulumbay, tandaan maaaring makahawig mo rin ang isang pelikano!—Isinulat.
[Talababa]
a Ang Junkers Ju 87 na bombang bumubulusok ay may tila baling mga pakpak na hugis-W.
[Mga larawan sa pahina 15]
Mga pelikano sa Chile.
Nakasingit: Kayumangging pelikano ng Florida