Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag ang Pagkabata ay Isang Masamang Panaginip

Kapag ang Pagkabata ay Isang Masamang Panaginip

Kapag ang Pagkabata ay Isang Masamang Panaginip

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ESPANYA

Ngayon​—isang karaniwang araw sa mga taon ng 1990​—200 libong bata ang makikipaglaban sa gerilyang mga digmaan, 100 milyong batang nasa gulang na mag-aral ang hindi papasok sa paaralan, 150 milyong bata ang matutulog na gutom, 30 milyong bata ang matutulog sa mga lansangan, at 40 libong bata ang mamamatay.

KUNG ang nabanggit na mga bilang ay waring nakatatakot, ang mga mukha sa likuran ng mga bilang ay makabagbag-damdamin. Nasa ibaba ang maiikling kuwento ng limang bata na ang malubhang mga kalagayan ay tumutulong sa atin na maunawaan ang kahulugan ng nakatatakot na mga estadistikang ito.

Isang batang sundalo. Si Mohammad ay 13 anyos lamang, subalit siya ay isa nang bihasang sundalo sa timog-kanlurang Asia, isang beterano ng pitong digmaan. Dati siyang nag-aalaga ng mga kambing bago siya nagtungo sa digmaan​—sa gulang na sampu. Ngayon, si Mohammad ay gumagamit ng magaang na AK-47 na ripleng pansalakay, na hindi siya mag-aatubiling gamitin. Sa isang kaunting labu-labo napatay niya ang dalawang kaaway na mga sundalo nang malapitan. Nang tanungin kung ano ang nadarama niya tungkol sa pagpatay, sagot niya: “Natutuwa ako sapagkat napatay ko sila.” Ang mga bata ay mas mabuting mga sundalo, paliwanag ng kaniyang opisyal, “sapagkat sila ay hindi natatakot.”

Isang batang manggagawa. Ang apat-na-taóng-gulang na si Woodcaby ay nakatira sa isang maliit na bahay sa isang isla sa Caribbean. Siya’y bumabangon ng alas–6:00 n.u. upang gampanan ang kaniyang pang-araw-araw na mga gawain sa bahay: pagluluto, pag-iigib ng tubig, at paglilinis sa bahay ng kaniyang amo. Wala siyang suweldo at malamang na hindi pa siya makapag-aral. Sinasabi ni Woodcaby na nangungulila siya sa kaniyang mga magulang, subalit hindi niya alam kung nasaan sila. Ang kaniyang araw ay natatapos sa alas–9:30 n.g., at kung pinalad siya, hindi siya matutulog na gutom.

Isang batang gutom. Sa isang Aprikanong nayon ng Comosawha, ginugugol ng isang 11-anyos na batang babae ang bawat nakapapagod na araw sa pagbubungkal ng mga damo. Ang ulo ng damong-sibuyas​—ang malamang na tumubo sa tigang na lupa​—ay nagsisilbi upang panatilihin siya at ang kaniyang pamilya na buháy. Ang mga ulo ng damong-sibuyas ay alin sa nilalaga o minamasa at saka ipiniprito. Isang nakamamatay na kombinasyon ng tagtuyot at gera sibil ang nagdala sa mga taganayon sa bingit ng pagkagutom.

Isang batang lansangan. Si Edison ay isa lamang sa libu-libong batang lansangan sa isang malaking lungsod sa Timog Amerika. Siya’y kumikita ng kaunting salapi sa paglilinis ng sapatos, at siya’y natutulog sa bangketa malapit sa istasyon ng bus, kasama ng iba pang bata na nagsisiksikan sa isa’t isa kung mga gabing malamig. Kung minsan siya ay bumabaling sa pagnanakaw upang dagdagan ang kaniyang kita bilang isang limpiya-bota. Dalawang ulit na siya’y binugbog ng pulis, at siya’y gumugol ng tatlong buwan sa kulungan. Iginigiit ni Edison na siya ngayon ay “halos” huminto na sa paggamit ng mga droga at pagsinghot ng rugby. Siya’y nangangarap na maging isang mekaniko, matuto ng isang trabaho.

Ang kamatayan ng isang bata. Isang malamig, maulang umaga sa bundok ng Dugen sa Gitnang Silangan. Isang sanggol, na nakabalot sa telang panlibing, ay inilagay sa isang mababaw na hukay. Ang sanggol ay namatay dahil sa diarrhea​—isang karaniwang dahilan ng pagkamatay ng mga bata. Ang ina ay isang takas (refugee) at ang kaniyang gatas ay natuyo noong panahon ng nakapapagod na pagtakas nila tungo sa kaligtasan. Sa kawalan ng pag-asa pinakain niya ang kaniyang anak ng asukal at tubig, subalit ang tubig ay marumi, at ang sanggol ay namatay. Tulad ng 25,000 iba pang bata na inilibing nang araw ring iyon, hindi siya kailanman umabot ng isang taon.

Kung pararamihin nang libu-libong ulit, ang kalunus-lunos na mga ulat na ito ay naglalarawan kung ano ang buhay para sa maraming bata sa daigdig. Ang pagkabata, isang panahon upang matuto at lumaki sa tirahan ng isang maibiging pamilya, ay naging isang masamang panaginip para sa mga batang ito kung saan ang marami ay hinding-hindi na magigising pa.

Si Peter Adamson, patnugot ng ulat na The State of the World’s Children, ay nagpahayag noong 1990: “Ang kamatayan at paghihirap na ganito kalawak ay hindi na kinakailangan; ang mga ito samakatuwid ay hindi na kanais-nais. Ang sangkatauhan ay may kakayahang lunasan ang kalagayan at samakatuwid ay may moral na pananagutan na gawin iyon.”

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Photo: Godo-Foto