Mahuhusay na Munting Tagapangalaga ng Bahay
Mahuhusay na Munting Tagapangalaga ng Bahay
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Timog Aprika
ANG mga pagitan sa masusukal na kagubatan sa Aprika ay kalimitang pinupunan ng isang puno na may hungkag na mga sanga na tinatawag na barteria. Upang maabot ang sukdulang taas nito, ang puno ay kailangang makipagpaligsahan na taasan ang iba upang maabot ang pinakakulandong ng kagubatan. Upang magtagumpay sa ganitong pakikipagpaligsahan, kailangan ng barteria na maingatan ang sarili nito mula sa gumagapang na mga halaman at mula sa lumot na humahadlang sa liwanag upang maabot ang mga dahon. Dito gumaganap ng mahalagang bahagi ang itim na mga langgam na nangangagat bilang mga tagapangalaga ng bahay. Ang kaugnayan sa pagitan ng langgam at ng puno ay isinapelikula sa Korup, isang masukal na kagubatan ng Cameroon, bilang bahagi ng dokumentaryo sa TV na African Rainforest: Korup, ginawa nina Phil Agland at Michael Rosenberg.
Ipinakikita ng dokumentaryo ang isang bagong reynang langgam na naghahanap ng punong barteria. Likas na, alam nito na ang hungkag na mga sanga nito ay angkop na lugar upang itatag ang kaniyang kolonya. Pagkatapos na bumutas sa isang sanga, siya’y nangingitlog sa loob. Ang hungkag na mga sanga ay tahanan din ng maliliit na insekto na kumakain ng dagta ng puno. Pinangangalagaan ng mga langgam ang mga insektong ito na parang mga alagang hayop at ginagatasan ang mga ito upang makakuha ng nakapagpapalusog na inumin.
Sa sandaling ang kolonya ng langgam ay lumaki-laki na, sinisimulan nitong palayasin ang ibang naninirahan at nililinis ang puno. Anong kahanga-hangang pagmasdan ang matatalinong munting mga tagapangalaga ng bahay na ito! Ang ilan ay bumababa sa pinakapaanan ng puno at sinasalakay ang mga halamang gumagapang na pumipigil sa puno. Nginangatngat nila ang hanggang sa mga tangkay at sa gayon ay pinapatay ang mga halamang gumagapang. Makikita rin ang ibang langgam na inaalisan ang mga dahon ng mga dumi, lumot, at lichen. Kahit ang uod na natuklasang nagtatago sa ilalim ng dahon ay pinaaalis.
“Sa mabusising paraan,” paliwanag ng dokumentaryo sa TV, “nililinis ng mga langgam ang bawat piraso ng basura. Dahil sa naalisan nang lahat ng naninirang insekto at mga halamang gumagapang, ang barteria ay maaari na ngayong makipagpaligsahang mabuti sa ibang mga puno, iniingatan ng mga langgam nito. Sa kabilang panig, magagamit ng mga langgam ang hungkag na mga sanga ng barteria upang mapangalagaan ang kanilang maliliit na insekto—ang kanilang tanging pinagkukunan ng pagkain—at magpalaki ng kanilang mga anak.”
Anong sipag na mga manggagawa ang mga langgam na ito! Ang sinaunang kawikaan ay nagsasabi: “Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; masdan mo ang kaniyang mga lakad at magpakapantas ka.”—Kawikaan 6:6.