Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mali ba ang Magdalamhati?

Mali ba ang Magdalamhati?

Ang Pangmalas ng Bibliya

Mali ba ang Magdalamhati?

“AKO’Y MATIBAY NA NANINIWALA SA PAG-ASA NG PAGKABUHAY-MULI, AT INAAKALA KO NA MALING IPAHAYAG ANG AKING DALAMHATI SA HARAP NG IBA AT NA BINIBIGYAN KO SILA NG DAHILAN NA MAG-ALINLANGAN NA TAGLAY KO ANG MATIBAY NA PAG-ASANG IYON. AKALA KO NA KUNG TALAGANG NANINIWALA AKO SA PAGKABUHAY-MULI, HINDI AKO MAGDADALAMHATI NANG HUSTO TUNGKOL SA NAMATAY.”​—CHARLENE, ISANG BAUTISADONG KRISTIYANO SA LOOB NG MAHIGIT NA 21 TAON.

KAPAG namatay ang minamahal mo, maaaring maranasan mo ang mga damdamin at mga saloobin na hindi mo inaasahan​—takot, galit, pagkadama ng pagkakasala, at panlulumo. Para sa Kristiyano ang nakapagpapasigla sa pusong pangako ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay tungo sa buhay sa isang malaparaisong lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos ay maaaring makatulong upang mapalubag ang nakasisindak na mga epekto ng kamatayan. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15; Apocalipsis 21:1-4) Ngunit gaya ng ipinahihiwatig ng mga salita ni Charlene, kapag namatay ang isang mahal sa buhay, dinadala ng ilang Kristiyano ang di-kinakailangang pasan​—ang palagay na maling magdalamhati, na ang pagdalamhati sa paano man ay nagsisiwalat ng kakulangan ng pananampalataya sa pangako ng Bibliya tungkol sa isang pagkabuhay-muli.

Gayunman, ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagdadalamhati? Mali bang magdalamhati kapag namatay ang isang mahal sa buhay?

Sila’y Nagdalamhati

Ang pananampalataya ni Abraham ay kilalang-kilala. Nang malagay sa pagsubok, si Abraham “ay para na ring inihandog [ang kaniyang anak] si Isaac.” (Hebreo 11:17; Genesis 22:9-13) Maliwanag, wala pang binuhay-muli bago nang panahon niya, subalit si Abraham ay nanampalataya na, kung kinakailangan, “magagawa ng Diyos na ibangon siya [ang kaniyang anak] kahit mula sa mga patay.” (Hebreo 11:19) Halos 12 taon pagkatapos masubok ang pananampalataya ni Abraham, ang kaniyang asawa, si Sara, ay namatay. Ano ang reaksiyon ng taong iyon ng pananampalataya? Ang Bibliya ay nagsasabi na kaniyang “tinangisan si Sara at iniyakan.” a (Genesis 23:2) Oo, ang taong may pananampalataya na maaaring buhaying-muli ng Diyos ang patay ay hayagang nagdalamhati. Gayunman, si Abraham ay binabanggit bilang isang katangi-tanging halimbawa ng pananampalataya.​—Hebreo 11:8-10.

Isa sa pinakamakabagbag-damdaming halimbawa ng hayagang pagdadalamhati sa namatay na mahal sa buhay ay si Jesu-Kristo mismo. Tungkol sa kamatayan ni Lazaro, isang matalik na kaibigan ni Jesus, ating mababasa: “Si Maria, nang siya ay dumating sa kinaroroonan ni Jesus at makita siya, ay sumubsob sa paanan niya, na sinasabi sa kaniya: ‘Panginoon, kung narito ka, ang aking kapatid ay hindi sana namatay.’ Sa gayon, si Jesus, nang kaniyang makita siya na tumatangis at ang mga Judio na sumama sa kaniya na tumatangis, ay dumaing sa espiritu at nabagabag; at sinabi niya: ‘Saan ninyo siya inilagay?’ Sinabi nila sa kaniya: ‘Panginoon, halika at tingnan mo.’ Si Jesus ay lumuha.”​—Juan 11:32-35.

Tunay na nakapagpapasigla sa pusong malaman na ang sakdal na Anak ng Diyos ay hindi nahiyang magdalamhati nang hayagan. Ang salita sa orihinal na wika na isinaling “lumuha” (da·kryʹo) ay nangangahulugang “lumuha nang tahimik.” Ang kapansin-pansin dito ay na bago pa ito may binuhay-muli si Jesus na dalawang tao​—ang anak ng babaing balo sa Nain at ang anak na babae ni Jairo​—at layon din niyang buhaying-muli si Lazaro. (Lucas 7:11-15; 8:41, 42, 49-55; ihambing ang Juan 11:11.) Maaga rito sinabi niya kay Martha: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, kahit na siya ay mamatay, siya ay mabubuhay.” (Juan 11:25) Gayunman, si Jesus ay nalipos ng matinding damdamin anupat nangilid ang mga luha sa kaniyang mga mata.

Mayroon pang bagay na mas mahalaga. Si Jesus “ang eksaktong representasyon ng kaniya [kay Jehova] mismong sarili.” (Hebreo 1:3) Ang magiliw at matinding damdamin ni Jesus sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay kung gayon ay naglalarawan ng isang makabagbag-damdaming larawan ng ating makalangit na Ama, si Jehova. Inilalarawan nito ang isang Diyos na ang puso ay bagbag ng hapis dahil sa dalamhati ng kaniyang mga lingkod.​—Ihambing ang Awit 56:8.

Maliwanag, kung gayon, hindi maling magdalamhati kapag ang isa na iyong minamahal ay namatay. Tinangisan ni Abraham ang pagkamatay ni Sara. Si Jesus ay hayagang nagdalamhati nang mamatay si Lazaro. Nauunawaan ng Diyos na Jehova ang ating kirot sapagkat “siya ay nagmamalasakit” sa atin.​—1 Pedro 5:7.

Ano, kung gayon, ang tungkol sa pag-asang Kristiyano? Mahalaga ba ito?

‘Huwag Malumbay Gaya ng Iba’

Nang ang ilan sa unang-siglong kongregasyong Kristiyano sa Tesalonica ay nagdalamhati sa pagkamatay ng mga kapananampalataya, sinikap ni apostol Pablo na aliwin sila. Siya’y sumulat: “Bukod diyan, mga kapatid, hindi namin ibig na kayo ay walang-alam may kinalaman sa mga natutulog sa kamatayan; upang hindi kayo malumbay gaya rin ng iba na walang pag-asa.” (1 Tesalonica 4:13) Oo, yaong mga may tiwala sa pangako ng Diyos na buhayin ang mga patay ay nasa mas mabuting kalagayan kaysa roon sa walang pag-asa ng pagkabuhay-muli. b Bakit gayon?

Sa harap ng kamatayan, yaong walang pag-asa ng pagkabuhay-muli ay nawawalan ng pag-asa. Kahit na sinasabi nilang naniniwala sila sa isang uri ng kabilang buhay, kakaunti ang nagkakaroon ng anumang tunay na kaaliwan mula rito. Para sa marami pang iba, ang kanilang kalungkutan ay hindi lamang dahilan sa bagay na ang kanilang mga mahal sa buhay ay nawalay sa kanila sa pamamagitan ng kamatayan kundi sa bagay na kung para sa kanila ang pagkawalay ay magpakailanman. Palibhasa’y walang pagkaunawa tungkol sa pagkabuhay-muli, inililibing nila ang kanilang mga pag-asa na kasama ng kanilang mga mahal sa buhay; ayon sa paniniwala nila, hinding-hindi na nila makikita silang muli.​—Ihambing ang 1 Corinto 15:12-19, 32.

Gayunman, iba naman sa mga tunay na Kristiyano. Ang kamatayan, sabi ni Pablo, ay katulad ng pagtulog​—hindi lamang dahil sa ito ay isang walang malay na katayuan na kahawig ng mahimbing na pagtulog kundi rin naman dahil sa posibleng magising mula rito sa pamamagitan ng isang pagkabuhay-muli. (Awit 13:3; Eclesiastes 9:5, 10) Ang salig-Bibliyang pag-asang iyan ay mahalaga.

Kapag namatay ang isang mahal sa buhay, ang Kristiyano ay nagdadalamhati rin kung paanong ang hindi sumasampalataya ay nagdadalamhati sa nawalang pakikisama, sa pagkawala ng isang pamilyar na mukha, sa pagkawala ng isang mahal na tinig. Ang pag-asa ng pagkabuhay-muli ay hindi gumagawang manhid sa puso. Gayunman, pinahihinahon o ginagawa nitong timbang ang pagdadalamhati. Hindi, hindi inaalis ng pag-asa ang pangangailangang magdalamhati, kundi maaari nitong gawing mas madaling batahin ang kirot.

[Mga talababa]

a Tungkol sa salitang Hebreo na isinaling “tinangisan,” ang Theological Wordbook of the Old Testament ay nagsasabi: “Lahat ng nakadarama sa pagkawala ng yumao ay makikiramay sa dalamhati ng mga miyembro ng pamilya. . . . Kadalasang kasama sa pagdadalamhati ang matinis na mga pag-iyak o paghagulgol.” Tungkol sa salitang Hebreo na “umiyak,” ang aklat ding iyon ay nagpapaliwanag: “Kung paanong ang mga luha ay nauugnay sa mga mata, ang pag-iyak ay nauugnay sa tinig; ang mga Semita ay hindi umiiyak nang mahina, kundi malakas. . . . Sa buong M[atandang] T[ipan] ang pag-iyak ay natural at kusang kapahayagan ng matinding damdamin.”

b Ang unang-siglong mga Kristiyano na sinulatan ni Pablo ay may pag-asa ng isang pagkabuhay-muli tungo sa langit kung saan sila ay maglilingkod bilang mga kasamang tagapamahala ni Kristo. (1 Tesalonica 4:14-17; ihambing ang Lucas 22:29, 30.) Sa gayo’y pinatibay-loob sila ni Pablo na aliwin ang isa’t isa taglay ang pag-asa na sa pagkanaririto ni Kristo ang mga tapat sa kanila na namatay na ay bubuhaying-muli at makakasama ni Kristo at ng isa’t isa. Gayunman, para sa karamihan ng mga namatay, ang Bibliya ay nangangako ng isang pagkabuhay-muli tungo sa isang isinauling makalupang paraiso.​—Juan 5:28, 29; Apocalipsis 21:1-4.

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Jean-Baptiste Greuze, detalye mula sa Le fils puni, Louvre; © Photo R.M.N.