Mga Pagsisikap Upang Iligtas ang mga Bata
Mga Pagsisikap Upang Iligtas ang mga Bata
“Tayo’y nagkatipon sa Pandaigdig na Summit Para sa mga Bata upang gumawa ng isang pinagsamang pangako at gumawa ng isang apurahang panlahat na pagsamo—upang bigyan ang bawat bata ng isang mas mabuting kinabukasan.”—United Nations Conference, 1990.
MGA pangulo at mga punong ministro mula sa mahigit na 70 bansa ang nagtipon sa New York City noong Setyembre 29 at 30, 1990, upang talakayin ang kalagayan ng mga bata sa daigdig.
Itinuon ng komperensiya ang pansin sa internasyonal na nakalulungkot na paghihirap ng mga bata, isang pangglobong trahedya na iningatang lihim. Ang delegado ng Estados Unidos na si Peter Teeley ay nagsabi: “Kung 40,000 batik-batik na kuwago ang namamatay araw-araw, magkakaroon ng karahasan. Subalit 40,000 bata ang namamatay, at halos walang reaksiyon.”
Lahat ng nagtipong mga pinuno ng pamahalaan ay sumang-ayon na may dapat gawin—nang apurahan. Sila’y gumawa ng isang “taimtim na pangako na bibigyan ng prayoridad ang mga karapatan ng bata, sa kanilang pananatiling buháy at sa kanilang proteksiyon at pag-unlad.” Anong espesipikong mga mungkahi ang kanilang ginawa?
Mahigit na 50 Milyong Buhay ng mga Kabataan ang Nasa Alanganin
Ang pangunahing layunin ay sagipin ang mahigit na 50 milyong bata na malamang na mamatay sa mga taon ng 1990. Marami sa mga buhay ng mga kabataang ito ang maaaring iligtas sa pagpapatupad ng sumusunod na mga hakbang pangkalusugan.
• Kung lahat ng mga ina sa nagpapaunlad na mga bansa ay mahihimok na pasusuhin ang kanilang mga sanggol kahit na sa loob ng apat hanggang anim na buwan, isang milyong bata ang maililigtas taun-taon.
• Ang malawakang paggamit ng oral rehydration therapy (ORT) ay maaaring bawasan nang kalahati ang bilang ng namatay na mga bata dahil sa diarrhea, na pumapatay ng apat na milyong bata taun-taon. a
• Maaaring hadlangan ng malaganap na pagbakuna at ng paggamit ng murang mga antibiotic ang milyun-milyong iba pang kamatayan dahil sa mga sakit na gaya ng tigdas, tetanus, at pulmunya.
Maisasagawa ba ang gayong uri ng programang pangkalusugan? Ang halaga ay maaaring umabot ng $2.5 bilyon sa isang taon sa pagtatapos ng dekada. Sa pangglobong mga termino ang gugulíng ito ay maliit lamang. Ginugugol ng mga kompaniya ng tabako sa Amerika ang halagang iyan sa bawat taon—sa pag-aanunsiyo lamang ng sigarilyo. Araw-araw ang mga bansa sa daigdig ay gumagastos ng gayunding halaga sa gastusing militar. Ang mga pondo bang iyon ay mas mabuting magugugol sa kalusugan ng nanganganib malipol na mga bata? Tahasang binabanggit ng United Nations Declaration on the Rights of the Child na “utang ng sangkatauhan sa bata ang pinakamabuting maibibigay nito.”
Mangyari pa, ang pagbibigay sa “bawat bata ng isang mas mabuting kinabukasan” ay nagsasangkot ng higit pa kaysa pagliligtas sa kanila mula sa maagang kamatayan. Si Sandra Huffman, pangulo ng Center to Prevent Childhood Malnutrition, ay nagpapaliwanag sa magasing Time na ang “ORT ay hindi humahadlang sa diarrhea, inililigtas lamang nito ang mga bata mula sa pagkamatay dahil dito. . . . Ang kailangan nating gawin ngayon,” susog niya, “ay ituon ang pansin sa kung paano natin mahahadlangan ang sakit, hindi lamang ang kamatayan.”
Upang mapabuti—bukod sa iligtas—ang mga buhay ng milyun-milyong bata, ilang mahirap na mga programa ang inilunsad. (Tingnan ang kahon sa pahina 6.) Walang isa man ang madaling tuparin.
Malinis na Tubig sa Malapit
Si Felicia Onu ay gumugugol ng limang oras araw-araw sa pag-iigib ng tubig para sa kaniyang pamilya. Ang tubig na dinadala niya sa bahay ay kadalasang marumi. (Ang gayong tubig ay nagdadala ng taunang salot ng impeksiyon dahil sa bulating guinea at nakatutulong sa biglang paglitaw ng diarrhea.) Subalit noong 1984, sa kaniyang nayon ng Ugwulangwu sa silangang Nigeria, isang balon ang hinukay at isang poso ang ininstalá.
Ngayon ay kailangan na lamang niyang lumakad ng ilang daang metro upang kumuha ng malinis na tubig. Ang kaniyang mga anak ay mas malulusog, at ang kaniyang buhay ay naging mas maginhawa. Mahigit na isang bilyong tao na gaya ni Felicia ang nagkaroon ng malinis na tubig noong mga taon ng 1980. Subalit milyun-milyong babae at mga bata ang gumugugol pa rin ng maraming oras araw-araw sa pagbubuhat ng mga balde na naglalaman ng tubig na mas kaunti pa sa dami ng tubig na ipina-flush ng isang katamtamang palikuran sa Kanluran.
Mabuti at Masamang mga Kalagayan sa Edukasyon
Si Maximino ay isang matalinong 11-taóng-gulang na batang lalaki na nakatira sa isang liblib
na dako sa Colombia. Sa kabila ng paggugol ng ilang oras sa isang araw sa pagtulong sa kaniyang ama na alagaan ang kanilang mga pananim, siya ay mahusay sa paaralan. Siya’y nag-aaral sa isang Escuela Nueva, o Bagong Paaralan, na may naibabagay na programang dinisenyo upang tulungan ang mga bata na makahabol kung hindi sila makapasok ng ilang araw sa paaralan—isang karaniwang pangyayari, lalo na sa panahon ng pag-aani. Kaunting-kaunti ang mga guro sa paaralan ni Maximino. Hindi sapat ang mga aklat-aralin. Ang mga bata ay hinihimok na tulungan ang isa’t isa sa kung ano ang hindi nila nauunawaan, at sila mismo ang gumagawa ng karamihan ng gawain na nasasangkot sa pagpapatakbo ng paaralan. Ang makabagong sistemang ito—lalo nang nababagay sa mga pangangailangan ng mahihirap sa rural na mga pamayanan—ay sinusubok sa maraming iba pang bansa.Libu-libong kilometro mula sa Colombia, sa isang malaking lungsod sa Asia, nakatira ang isa pang matalinong 11-taóng-gulang, nagngangalang Melinda. Bago lamang siya huminto sa pag-aaral upang ilaan ang 12 oras sa isang araw sa pamumulot ng mga pirasong metal at plastik mula sa isa sa malalaking tambakan ng basura ng lungsod. “Nais kong tulungan ang aking tatay upang mayroon kaming makain sa araw-araw,” sabi ni Melinda. “Kung hindi ko siya tutulungan, baka sumala kami sa pagkain.” Kahit na sa isang mabuting araw, siya ay kumikita ng mga 8 piso lamang.
Batang mga Manggagawang Pangkalusugan
Sa labas ng bayan ng lungsod ng Bombay sa India ay may isang bayan ng mga barung-barong na tinatawag na Malvani, kung saan ang sakit ay malaon nang likas doon. Sa wakas ang mga bagay ay sumusulong, dahil sa masigasig na mga manggagawang pangkalusugan na gaya nina Neetu at Aziz. Dinadalaw nila ang mga pamilya upang alamin kung ang mga bata ay nabakunahan na o kung
sila ay pinahihirapan ng sakit na diarrhea, scabies, o anemia. Sina Neetu at Aziz ay 11 taóng gulang lamang. Sila’y nagboluntaryong magtrabaho sa isang programa kung saan ang nakatatandang mga bata ay inaatasang subaybayan ang kalusugan ng mga batang wala pang limang taóng gulang. Dahil sa mga pagsisikap nina Neetu at Aziz—at ang mga pagsisikap ng maraming batang katulad nila—halos lahat ng mga kabataan sa Malvani ay nabakunahan, nalalaman ng mga magulang kung paano isagawa ang oral rehydration therapy, at bumuti ang panlahat na mga tuntunin sa pangangalaga sa kalusugan.Sa buong daigdig, isang napakalaking hakbang ang ginagawa upang bakunahan ang mga bata laban sa pinakakaraniwang sakit. (Tingnan ang tsart sa pahina 8.) Nabakunahan na ngayon ng Bangladesh ang mahigit na 70 porsiyento ng mga sanggol na populasyon nito, at nabakunahan na ng Tsina ang mahigit na 95 porsiyento. Kung maaabot ng bawat nagpapaunlad na bansa ang 90 porsiyentong tanda, ang mga dalubhasa sa kalusugan ay naniniwala na magkakaroon ng pangkalahatang imyunidad. Kapag ang karamihan ay nabakunahan, mas mahirap ilipat ang sakit.
Karukhaan, Digmaan, at AIDS
Gayunpaman, ang katotohanan ay na bagaman lubus-lubusan ang isinasagawa sa pangangalaga at edukasyong pangkalusugan, ang ibang problema ay nananatili higit kailanman. Tatlo sa pinakamahirap na problema ay ang karukhaan, digmaan, at AIDS.
Nitong nakalipas na mga taon ang mahihirap na tao ng daigdig ay naging mas mahirap. Ang tunay na kita sa mahihirap na dako ng Aprika at sa Latin Amerika ay bumaba ng 10 porsiyento o higit pa sa nakalipas na dekada. Ang mga magulang sa mga bansang ito—kung saan 75 porsiyento ng kita ng pamilya ay ginugugol sa pagkain—ay hindi na kayang bigyan ang kanilang mga anak ng isang timbang na pagkain.
‘Pakanin mo ang mga bata ng gulay at saging,’ si Grace ay sinabihan sa kaniyang lokal na klinikang pangkalusugan. Subalit si Grace, isang ina ng sampung anak, na nakatira sa Silangang Aprika, ay walang perang pambili ng pagkain, at walang sapat na tubig upang itanim niya ang mga pananim sa 0.1 ektaryang lupa ng pamilya. Wala silang mapagpilian kundi ang magtiis sa mais at balatong at kung minsan ay magutom. Kung magpapatuloy ang kasalukuyang kalagayan, malamang na wala nang pag-asa para sa pamilya ni Grace o para sa milyun-milyong iba pa na gaya niya.
Ang mga anak ni Grace, bagaman mahirap, ay mas mabuti ang buhay kaysa sa walong-taóng-gulang na si Kim Seng ng Timog-silangang Asia, na
ang ama ay napatay sa isang gera sibil na pagpapatayan ng magkakapatid at na ang ina sa dakong huli ay namatay dahil sa gutom. Si Kim Seng, na halos mamatay rin dahil sa malnutrisyon, sa wakas ay nakasumpong ng kanlungan sa isang kampo para sa mga takas. Marami sa limang milyong bata na nanghihina sa mga kampo para sa mga takas sa buong daigdig ay nagdanas ng kahawig na mga kahirapan.Sa pasimula ng dantaon, 5 porsiyento lamang ng mga namatay sa digmaan ay mga sibilyan. Ngayon ang bilang na iyan ay dumami tungo sa 80 porsiyento, at ang karamihan ng mga biktimang ito ng digmaan ay mga babae o mga bata. Yaong maaaring nakaligtas sa pisikal na pinsala ay pinahihirapan pa rin sa emosyonal na paraan. “Hindi ko makalimutan kung paano pinatay ang aking nanay,” sabi ng isang batang takas mula sa isang bansa sa timog-sentral Aprika. “Sinunggaban nila ang aking ina at ginawan siya ng masasamang bagay. Pagkatapos itinali nila siya at sinaksak siya. . . . Kung minsan ay napapanaginipan ko ito.”
Habang ang mararahas na labanan ay patuloy na sumisiklab sa bansa at bansa, waring hindi maiiwasan na ang walang malay na mga bata ay patuloy na daranas ng mga kapinsalaan ng digmaan. Isa pa, pinipinsala rin ng internasyonal na tensiyon ang mga batang hindi tuwirang sangkot sa mga labanan. Ginagamit ng militar ang napakaraming salapi na maaari sanang magugol sa paglalaan ng mas mabuting edukasyon, sanitasyon, at pangangalagang pangkalusugan. Ang ginugugol ng daigdig sa militar sa industriyalisadong mga bansa ay nakahihigit sa pinagsamang taunang kita ng kalahati sa pinakamahihirap sa sangkatauhan. Kahit na ang 46 na pinakamahirap na mga bansa sa daigdig ay gumugugol ng gayundin karaming salapi sa kanilang mga makinang militar na gaya ng ginugugol nila sa kalusugan at edukasyon na pinagsama.
Bukod pa sa karukhaan at digmaan, isa pang mamamatay-tao ang lihim na sumusubaybay sa mga bata sa daigdig. Noong mga taon ng 1980, samantalang kapuna-punang pagsulong ang ginagawa sa pakikipagbaka laban sa tigdas, tetanus, at diarrhea, isang bagong nakatatakot na karanasan sa kalusugan ang lumitaw: ang AIDS. Tinataya ng World Health Organization na sa taóng 2000, sampung milyong bata ang mahahawahan. Karamihan sa mga batang ito ang mamamatay bago sila umabot ng dalawang taon, at walang sinuman ang mabubuhay nang mahigit na limang taon. “Malibang mayroon tayong gawin kaagad, ang AIDS ay nagbabantang pawiin ang lahat ng pagsulong na nagawa natin upang iligtas ang bata sa nakalipas na 10 taon,” hinagpis ni Dr. Reginald Boulos, isang pediatrician na taga-Haiti.
Mula sa maikling repasong ito, maliwanag na sa kabila ng ilang kapuri-puring mga nagawa, ang layon na ‘pagbibigay sa bawat bata ng isang mas mabuting kinabukasan’ ay nananatiling isang napakalaking atas. May pag-asa ba na balang araw ang pangarap ay matutupad?
[Talababa]
a Ang ORT ay nagbibigay sa mga bata ng likido, asin, at glucose na kailangan upang masawata ang nakamamatay na mga epekto ng pagkaubos ng tubig sa katawan dahil sa diarrhea. Iniulat ng World Health Organization noong 1990 na mayroon nang mahigit na isang milyong buhay sa isang taon ang naililigtas sa pamamagitan ng paraang ito. Para sa higit na mga detalye, tingnan ang Pebrero 22, 1986, na labas ng Gumising!, mga pahina 23-5.
[Kahon sa pahina 6]
Mga Tunguhin Para sa ’90’s—Ang Hamon na Iligtas ang mga Bata
Ang mga bansang dumalo sa Pandaigdig na Summit Para sa mga Bata ay gumawa ng ilang tiyak na mga pangako. Ganito ang inaasahan nilang matatamo sa taóng 2000.
Pagbabakuna. Ang kasalukuyang mga programa sa pagbabakuna ay nagliligtas ng tatlong milyong bata sa bawat taon. Subalit dalawang milyon ang namamatay pa rin. Sa pamamagitan ng pagbabakuna sa 90 porsiyento o higit pa ng mga bata sa daigdig laban sa pinakakaraniwang sakit, ang karamihan sa mga kamatayang ito ay maiiwasan.
Edukasyon. Noong dekada ng 1980, aktuwal na bumaba ang pagpapatala sa paaralan sa marami sa pinakamahihirap na bansa sa daigdig. Ang tunguhin ay baligtarin ang kalakarang iyon at tiyakin na sa pagtatapos ng dekada, ang bawat bata ay may pagkakataong mag-aral.
Malnutrisyon. Ang mga opisyal ng United Nations Children’s Fund ay naniniwala na “taglay ang tamang mga patakaran, . . . ang daigdig sa ngayon ay may kakayahang pakanin ang lahat ng mga bata sa daigdig at mapagtagumpayan ang pinakamalubhang mga anyo ng malnutrisyon.” Gumawa ng mga mungkahi na bawasan ng kalahati ang bilang ng mga batang mahina ang katawan dahil sa di-wastong pagkain sa kasalukuyang dekada. Maililigtas ng gayong tagumpay ang 100 milyong bata mula sa mga matinding hapdi ng gutom.
Malinis na tubig at sanitasyon. Noong 1987, ang Brundtland Report ay nagsabi: “Sa nagpapaunlad na daigdig, ang bilang ng malapit na gripo ng tubig ay isang mas mabuting pahiwatig ng kalusugan ng isang pamayanan kaysa bilang ng mga kama sa ospital.” Sa kasalukuyan mahigit na isang bilyong tao ang walang makuhang malinis na tubig, at doble niyan ang walang malinis na tapunan ng dumi. Ang layon ay maglaan ng malaganap na makukuhang malinis na maiinom na tubig at malinis na paraan sa pagtatapon ng dumi ng tao.
Proteksiyon. Noong nakaraang dekada, ang mga digmaan ang nagpangyari ng mga pinsala at kamatayan sa mahigit na limang milyong bata. Limang milyon pang bata ang nawalan ng tirahan. Ang mga takas na ito, gayundin ang milyun-milyong batang lansangan at mga batang manggagawa, ay apurahang nangangailangan ng proteksiyon. Ang Kombensiyon Tungkol sa mga Karapatan ng Bata—ngayo’y pinagtibay ng mahigit na isang daang bansa—ay naghahangad na ingatan ang lahat ng mga batang ito mula sa karahasan at pagsasamantala.
[Chart sa pahina 7]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
PANGUNAHING MGA SANHI NG MGA KAMATAYAN NG BATA
(Mga Batang Wala Pang Limang Taon)
MILYUN-MILYONG KAMATAYAN TAUN-TAON (Mga tantiya noong 1990):
0.51 MILYON Tuspirina
0.79 MILYON Neonatal Tetanus
1.0 MILYON Malarya
1.52 MILYON Tigdas
2.2 MILYON Ibang Impeksiyon sa Palahingahan
4.0 MILYON Sakit na Diarrhea
4.2 MILYON Ibang mga Sanhi
Pinagmulan: WHO at UNICEF
[Chart sa pahina 8]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
PAGSULONG SA PAGBABAKUNA SA MGA BATA SA NAGPAPAUNLAD NA DAIGDIG 1980-1988
Persentahe ng mga batang wala pang 12 buwan na naba-kunahan na
TAON
1980 1988
DPT3* 24% 66%
POLIO 20% 66%
TUBERKULOSIS 29% 72%
TIGDAS 15% 59%
* DPT3: Pinagsamang pagbabakuna para sa DIPHTHERIA, TUSPIRINA (PERTUSSIS), at TETANUS.
PINAGMULAN: WHO at UNICEF (Hindi kabilang ang Tsina sa mga bilang noong 1980)
[Picture Credit Line sa pahina 4]
Photo: Godo-Foto