Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Kapistahan Pagkatapos kong mabasa ang serye ng “Ang mga Kapistahan—Kung Bakit ang Ilang Bata Ay Hindi Nagdiriwang ng mga Ito” sa Nobyembre 22, 1993, ng Gumising!, namalayan ko ang mga luha ng kagalakan na dumadaloy sa aking mukha. Ako’y pinalaki bilang isa sa mga Saksi ni Jehova at taglay ko rin ang damdamin na gaya ng marami sa mga batang sinipi. Ibig kong papurihan ang ating mga kabataan dahil sa pagiging mabubuting halimbawa! Bilang isang magulang, napatibay-loob ako na malamang maraming bata ang nagnanais na paluguran si Jehova sa napakabatang edad.
T. K., Estados Unidos
Ako’y siyam na taóng gulang, at hindi ko alam na karima-rimarim at kasuklam-suklam ang Halloween. Hindi ko nadarama na parang may nawawala sa akin.
A. C., Estados Unidos
Nang ako’y bata pa, lagi kong inaasam-asam ang Pasko at Easter. Subalit ngayon ay nauunawaan ko na ang mga ito ay paganong mga kapistahan at na walang-kabuluhan na sundin ang kaugalian. Ang paliwanag na ibinigay ay kumpleto at malawak.
S. L. P., Alemanya
Ako’y pinalaking Saksi mula pa noong ako’y 6 na taóng gulang, at ngayon ako’y nasa mga edad 30 na. Iniisip ng maraming tao na ang aking kapatid na lalaki, ang aking mga kapatid na babae, at ako ay pinagkakaitan. Ipinaliwanag ko sa kanila na kami’y tumatanggap ng mga regalo sa buong taon at na ang aming mga magulang ay malayang nagbibigay ng kanilang panahon at ng kanilang mga sarili. Marami kaming ginagawa na magkakasama. Ang aking ama ay walang mintis sa kaniyang pagdaraos ng aming lingguhang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. Iyan ang pinakamahalagang espirituwal na regalo! Hindi ako kailanman naghinanakit dahil sa hindi pagdiriwang ng mga kapistahan.
D. Y., Estados Unidos
Ako’y 14 na taóng gulang at masasabi ko rin kung ano ang nabanggit. Ako’y nagpapasalamat na inilathala ang artikulong ito. Pinalakas ako nito na malamang ang ibang kabataan ay naninindigan sa katotohanan.
C. A., Estados Unidos
Hindi ko nadarama na para bang may nawawala sa akin dahil sa hindi ko pagdiriwang ng mga kapistahan. Ang aking pamilya ay nagbibigay sa akin ng mga regalo at binibigyan ako ng pera kapag kailangan ko. Mayroon din ako ng mga laruan na nasisiyahang paglaruan ng mga kaedad ko [12].
L. C., Estados Unidos
Ang artikulong ito ay kasagutan sa maraming panalangin. Hindi talaga mauunawaan ng isa ang mga kagalakan at mga pangamba sa pagpapalaki ng bata maliban na may dalawang mata na may nangingilid na mga luha ang nakatitig sa iyo na wari bang nagtatanong kung bakit may nanunuya sa kaniya. Ang aming anak na babae ay nagsimulang mag-kindergarten sa taóng ito, at bagaman tiningnan na namin ang impormasyon tungkol sa mga kapistahan, napakahirap pa rin nito para sa kaniya. Kami’y nananalangin gabi-gabi para sa kaniya na siya’y maging matatag at malakas ang loob sa paaralan. Pagkatapos ay dumating ang mga artikulo ng Gumising! Siya’y nakapagbabasa na sa antas ng ikapitong-baitang, kaya ang tanging ginawa ko ay ibigay ito sa kaniya upang kaniyang basahin. Ang kaniyang puso ay naging matatag habang kaniyang binabasa ang mga pahayag ng ibang bata at nakita ang kanilang mga larawan. Nang sumunod na araw siya mismo ay nakapaglagay ng kopya sa kaniyang guro.
G. M., Estados Unidos
Ang ilan sa mga bata sa paaralan ay nanunukso sa akin dahil sa hindi ako nagdiriwang ng mga kapistahan, kaya gumawa ako ng mga kopya ng magasin at ibinigay ang ilan sa kanila. Tiyak na hihinto na ang panunukso sapagkat ngayon ay alam na nilang hindi ako pinagkakaitan.
K. H., Estados Unidos
Safari Sakay ng Bus Kapag ako’y namamanglaw, kung minsan ako’y nananahi at nakikinig sa aking mga cassette ng Awake! Ako’y talagang humanga kung paano pinasigla ng artikulong “Isang Safari Sakay ng bus Patungo sa Kalagitnaan ng Australia” ang aking espiritu. (Hunyo 8, 1993) Para bang ako’y naroroon din, kasama sa mga kagalakan at katuwaan na tinatamasa ng mga naglalakbay. Maraming salamat.
A. W., Estados Unidos