Paano Ako Papayat?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ako Papayat?
“ANG pagiging mataba ang tanging pinakanakatatakot na bagay na maaaring mangyari sa buhay ng isang tin-edyer na lalaki.” Ganiyan ang himutok ng isang tin-edyer na lalaki na nagngangalang Judd. Kung ikaw ay labis na mataba, batid mo kung ano ang kaniyang nadarama.
Gayunman, ang labis na taba sa katawan ay higit na makapipinsala sa iyo kaysa makasira lamang ng iyong hitsura. Ang labis na katabaan ay may panganib na magdulot sa iyo ng maraming problema sa kalusugan—mga problema sa kasu-kasuan, sakit sa palahingahan, at diabetes, gayundin ng pumapatay na sakit sa puso at kanser sa colon na maaaring magpahirap sa iyo habang ikaw ay nagkakaedad. a
Mangyari pa, kung ikaw ay tabain, hindi ibig sabihin nito na kailangan mong magbawas ng timbang. Ang ilan sa atin ay maaaring nagmana ng bilugang pangangatawan; tayo’y wari bang mas mabigat kaysa ninanais nating tamang timbang. b Subalit kung tiniyak ng iyong doktor na ikaw ay mayroong mas maraming taba sa katawan kaysa nararapat, maaaring nasasangkot ang maraming iba pang salik. Ganito ang sabi ng aklat na The Healthy Adolescent: “Ang hindi tamang pagkilos ng mga glandulang endocrine gaya ng lapay, thyroid, at mga adrenal ay . . . nauugnay sa sobrang katabaan ng ilang tao.”
Sobrang Kumain, Kulang sa Ehersisyo
Sa maraming kaso, ang sobrang katabaan ay bunga lamang ng di-mabuting ugali sa pagkain at kakulangan ng ehersisyo. Ganito ang gunita ng kabataang si Judd: “Yamang ang aking ina ay kailangang magtrabaho upang mapangalagaan kami, kaming magkapatid ang . . . nag-aasikaso ng aming pagkain. Kumakain kami ng pake-paketeng candy bar, na may kasamang dalawang-litrong inuming de bote ng [soda].” Pangkaraniwan ba iyan?
Kaya naman, para sa ibang kabataan, ang pagkain ay hindi basta dahil sa gutom lamang kundi para bang pagbibigay kasiyahan sa pangangailangan ng pangangalaga at pag-aliw. Ang gayong mga kabataan ay maaaring magpakalabis sa pagkain sa isang maling pagtatangka na ibsan ang kaigtingan, gaya ng pagdidiborsiyo ng mga magulang, pagkamatay ng isang mahal sa buhay, o ilang mapapait na karanasan.
Ang suliranin ng labis na pagkain ay kalimitang pinalulubha pa ng kawalan ng ehersisyo. Ang A Parent’s Guide to Eating Disorders and Obesity ay nagsasabi: “Ang telebisyon ay hindi lamang di-nagpapakilos ng katawan, kundi ang mga programa nito at mga anunsiyo ay humihimok sa pagkain . . . at pagkain . . . at higit pang pagkain.”
Ang Silo ng Diyetang Pagpapagutom
Sinasabi ng ilan na 1 sa 4 na Amerikano ay nagdidiyeta sa paano man. Subalit, ang mahigit na 90 porsiyento ng mga taong nagbabawas ng timbang sa pamamagitan ng pagdidiyeta ay tumataba rin muli. Ano ang nangyari?
Ang iyong katawan ay parang pugon; ang iyong utak ang thermostat. Kapag ikaw ay kumain, sinusunog ng iyong metabolismo ang pagkain upang ilabas nito ang enerhiya. Kapag mas maraming gatong ang ipinasok sa katawan kaysa kailangan ng
katawan, ito’y iniimbak bilang taba. Ngayon, kapag ginutom mo ang iyong sarili upang magbawas ng timbang, mababawasan nga ang iyong timbang—sa pasimula. Subalit ang iyong katawan ay mabilis na pumapaling sa ‘krisis na pamamaraan’ at ibinababa ang iyong thermostat sa pamamagitan ng pagpapabagal sa iyong metabolismo. Ikaw ay magsisimulang bumigat na naman, kahit pa kakaunti ang iyong kainin, at ang karamihan ng iyong kinakain ay iniimbak bilang taba. Bumabalik muli ang bawat librang nawala sa iyo at nadaragdagan pa. Dahil sa iyong pagkasiphayo, magdidiyeta ka na naman. Subalit habang nababawasan ka ng timbang—lalo ka namang tumataba.Kaya naman makikita mo kung bakit ang mapanlinlang na pagdidiyeta ay hindi talaga mabisa. Ang mga pildoras na pandiyeta ay makapagpapawala sa iyong gana pansamantala, subalit ang katawan ay mabilis na makikibagay sa mga ito at ang iyong gana ay manunumbalik muli. O ang iyong metabolismo ay babagal at bibigat ka na naman. Huwag nang banggitin pa ang masamang mga epektong naranasan ng ilan, gaya ng pagkaliyo, mataas na presyon ng dugo, mga atake ng nerbiyos, at pagkasugapa. Gayundin ang masasabi sa mga pildoras na nag-aalis ng tubig at nagpapabilis ng iyong metabolismo. Si Dr. Lawrence Lamb ay tahasang nagsabi nang ganito: “Walang anumang bagay na ligtas, mabisang pildoras na magpapangyaring mabawasan ang taba sa iyong katawan.”
Bilang isang kabataan, ang iyong katawan ay nangangailangan ng marami-raming calorie at pagkain sa araw-araw. Ang diyetang pagpapagutom ay literal na makapagpapabansot lamang sa iyo. Isip-isipin din ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Haring Saul sa 1 Samuel 28:20: “Nawalan siya ng lakas, sapagkat hindi siya kumain ng tinapay buong araw at buong gabi.” Gayundin naman, ayon sa isang manggagamot, ang mga kabataang ginugutom ang kanilang sarili ay maaaring makaranas ng “pagkahapo, . . . panlulumo, pangingiki, humihina sa pag-aaral, hindi pagkadumi, pagkabalisa, amenorrhea [di-normal na pagpigil o pagkawala ng regla], at pagbagal ng isip.”
Ligtas na Pagbabawas ng Timbang
Ang ligtas na paraan ng pagbabawas ng timbang ay nagsisimula sa ganap na pagpapasuri sa manggagamot ng inyong pamilya. Masusuri niya ang anumang mga suliranin sa kalusugan na maaaring makabigo sa simpleng plano sa pagdidiyeta. Matutulungan ka rin niya na magtakda ng isang makatuwirang tunguhin sa pagbabawas ng timbang at magplano ng isang pamamaraan upang maabot ang tunguhing iyan sa loob ng tamang haba ng panahon.
Ang Bibliya ay nagsasabi: “Walang maigi sa tao kundi ang kumain at uminom at pagalaking mabuti ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang gawa.” (Eclesiastes 2:24) Kaya ang pagdidiyeta na nagkakait sa iyo ng kasiyahan ng pagkain ay malamang na hindi maging mabisa sa pagtagal ng panahon. Isa pa, ang labis na pagkain ang hinahatulan ng Bibliya. (Kawikaan 23:20, 21) Kung gayon, may ilang mungkahi rito upang makatulong sa iyo na maging “katamtaman sa mga kinaugalian” sa iyong pagkain.—1 Timoteo 3:11.
Huwag kalingatan ang agahan! “Ang gutom at pagkakait ay makadaraig sa iyo,” ang babala ng The New Teenage Body Book. “Malamang na magkarga ka nang mas maraming pagkain—at mga calorie—sa bandang dulo ng araw.”
Uminom ng maraming tubig bago kumain. Ito’y makapagpapabusog sa iyo. Ang pag-inom ng maraming tubig ay waring may ginagampanang bahagi rin sa pag-aalis ng mga imbak na taba sa katawan. Kaya naman inirerekomenda ng mga doktor na uminom nang di-kukulangin sa walong baso ng tubig sa isang araw.
Huwag kumain habang nanonood ng TV. Ganito ang sabi ni Dr. Seymour Isenberg: “Kung ikaw ay abala sa panonood ng TV . . . , ikaw ay [maaaring] magsimulang kumain na gaya ng isang makina.”
Manalangin bago kumain. Tandaan: “Nilalang ng Diyos [ang mga pagkain] upang tanggapin nang may pagpapasalamat niyaong mga may pananampalataya at nakaaalam nang may-katumpakan sa katotohanan.” (1 Timoteo 4:3) Dahil sa isinasaisip niya ang malapit na kaugnayan sa Maylikha, ang isang kabataan na may takot sa Diyos ay hindi magpapakalabis sa pagkain hanggang sa punto na gawing mabagal ang kaniyang sarili sa pag-iisip at paggawa. Ang panalangin ay makapagpapalakas sa iyong pagpapasiya na kumain nang katamtaman.
Kumain nang mabagal. Gumugugol nang halos 20 minuto upang ang tiyan ay magbigay ng hudyat sa utak na ito’y punô na. Sa gayon ang pagkain nang may kabagalan ay makatutulong sa iyo na ‘kumain hanggang sa mabusog,’ subalit hindi sosobra!—Levitico 25:19.
Humanap ng mabuting mga kahalili sa pagkain—lalo na kung ikaw ay may ugaling kumain kapag ikaw ay naiinip, naiigting, nalulungkot, o nanlulumo. Makipag-usap sa isang pinagtitiwalaan mo. Maglakad-lakad, o mag-ehersisyo. Gawin ang isang libangan. Makinig sa musika. Mas mabuti, sikaping bigyang kasiyahan ang iyong espirituwal na gana. (1 Pedro 2:2) Tutal, ang pagkain ay hindi naman nakapagpapatibay ng pananampalataya. (Ihambing ang Hebreo 13:9.) Subalit ang pagbabasa ng Bibliya ay nakapagpapatibay ng pananampalataya, at makatutulong ito upang alisin sa iyong isip ang iyong gana sa pagkain.
Pagbabago ng Iyong Pagkain at ng Iyong Istilo ng Buhay
Ang mga pagbabago ay kailangang gawin sa kung ano ang iyong kinakain. Ang Batas Mosaiko ay nagbabawal sa pagkain ng taba. (Levitico 3:16, 17) Bagaman ito’y sa relihiyosong mga kadahilanan, ang pag-iwas sa pagkaing may taba—gaya ng mga cheeseburger o mga pagkaing ipinirito sa taba—ay makatuwirang dahilan sa pagkain. Ang matatamis na soft drink at mga pastry ay mababa rin sa nutrisyon at mataas sa calorie. At bagaman ang maraming asin sa walang-tabang piraso ng karne ay maaaring napakasarap, nagpapangyari ito sa iyong katawan na panatilihin ang tubig sa iyong katawan.
Karamihan sa mga dalubhasa sa pagkain ay sumasang-ayon na ang masiyahan sa kaunting pagkain ng iyong paboritong pagkain paminsan-minsan ay hindi naman masama. Subalit kung talagang nais mong mabawasan ang iyong timbang, dapat mong sanayin ang iyong panlasa sa mas nakapagpapalusog na mga pagkain gaya ng prutas, mga nuwes, mga butil na pagkain, at mga gulay. “Kumain ng sari-saring pagkain upang huwag mainip,” ang mungkahi ng isang dalubhasa sa pagkain. Hindi ka ba nagluluto para sa iyong pamilya? Kung gayon makipag-usap ka sa iyong nanay at tingnan kung makatutulong siya. Totoo, ang buong pamilya ay makikinabang kung ang mabuting mga pagbabago ay ginagawa sa pang-araw-araw na pagkain.
Yamang ang pagkain nang wasto ay mahalaga, hindi ka magbabawas ng timbang malibang bumaling ka sa “thermostat” ng iyong utak. Paano? Sa pamamagitan ng katamtamang ehersisyong aerobic sa loob ng 20 minuto kahit tatlong beses lamang sa isang linggo. (1 Timoteo 4:8) Ang bagay na kasinsimple ng mabilis na paglalakad o pag-akyat sa hagdan ay makasasapat na. Ang ehersisyo ay makatutulong sa iyo na magtinging mas payat at balingkinitan anuman ang timbang o uri ng iyong katawan. Habang pinag-iinit nito ang metabolikong pugon mo, nagsusunog ka ng mga calorie, at nagsusunog ka ng taba. Sa pamamagitan ng ehersisyo mahahalinhan mo ang kimikal na proseso ng iyong katawan. Maaari mong maparami ang kalamnan sa iyong katawan, at ang mga kalamnan ay nagsusunog ng mga calorie kahit na ikaw ay natutulog!
Sa pagtitiyaga at determinasyon, maaari kang magtagumpay laban sa labis na timbang. c Ipagpalagay na, ang pagbawas ng kaunting timbang ay hindi makalulutas sa lahat ng iyong mga suliranin, subalit maaari kang magtingin at makadama na mas mabuti. Maaari pa ngang mas bubuti ang iyong madarama sa iyong sarili.
[Mga talababa]
a Halos 80 porsiyento ng napakatabang mga kabataan ang nananatiling napakatabang mga adulto.
b Tingnan “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Napakataba Ko?” sa Abril 22, 1994, labas ng Gumising!
c Ang mga indibiduwal na may malulubhang sakit na kaugnay ng pagkain ay nangangailangan ng propesyonal na tulong upang mabatá nila ang kanilang kabalisahan.
[Larawan sa pahina 21]
Ang ehersisyo at timbang, masusustansiyang pagkain ang mga pinakasusi sa ligtas na pagbabawas ng timbang