Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Nagpasiya ng Pabor ang Kataas-taasang Hukuman sa Isa sa mga Saksi ni Jehova
Apat na taon na ang nakalilipas nang isa sa mga Saksi ni Jehova sa Florida, E.U.A., ang nawalan ng napakaraming dugo habang nagsisilang ng sanggol sa pamamagitan ng cesarean. Inakala ng kaniyang mga doktor na siya’y kailangang salinan ng dugo upang mailigtas ang kaniyang buhay. Ang pasyente ay tumanggi sa paggamit ng dugo dahil sa kaniyang mga paniniwala at relihiyosong mga paninindigan. Sa isang biglaang pagdinig, ang lokal na hukuman sa paglilitis ay nagpasiya na maaaring salinan ang pasyente kahit laban sa kaniyang kagustuhan kung ipinalalagay na mahalaga ng kaniyang nangangalagang mga manggagamot. Ang pinakapangunahing pangangatuwiran ay na kapag namatay ang pasyente, ang kaniyang mga anak ay mapagkakaitan ng kaniyang pangangalaga at pag-iingat. Ang pagpapasiyang ito’y pinagtibay ng Pandistritong Hukuman ng Paghahabol sa Florida. Sa wakas, ang kaso ay nakaabot sa Kataas-taasang Hukuman sa Florida. Ang hukumang iyan ang nagpasiya ng pabor sa Saksi, na pinawalang-saysay ang mga pagpapasiya na ginawa ng dalawang naunang hukuman, bagaman huli na upang hadlangan ang di-nais na mga pagsasalin. Sinabi ng mataas na hukuman ng Florida na ang pagiging magulang “sa ganang sarili ay hindi nagkakait sa isa na mamuhay ayon sa sariling paniniwala ng isa.” Sa gayon, matinding pinagtibay ng hukuman ang karapatan ng pasyente sa malayang pagpapasiya sa sariling katawan at relihiyosong kalayaan.
Isang Lumalagong Wika
Mahigit na 330 milyong tao ang nagsasalita ng Kastila ngayon. Sa taóng 2000, ang bilang ng mga Hispanico sa Estados Unidos lamang ay aabot sa 35 milyong dami. Sa taóng iyan malalampasan ng Kastila ang Ingles at magiging ang pinakasasalitaing wika sa Kanluraning mga bansa. Gayon ang sabi ng magasing Kastila na Cambio16 América. Ang Instituto Cervantes, isang organisasyon sa pagpapalaganap ng wikang Kastila, ay nag-ulat ng 70-porsiyentong pagdami sa bilang ng mga taong nag-aaral ng Kastila sa Estados Unidos sa pagitan ng 1986 at 1990, at 80-porsiyentong pagdami sa Hapón. Bakit may napakalaking interes sa wikang ito? Sinasabi ng patnugot ng Instituto Cervantes na natatanto ng mga tao na ang Kastila ay nagiging higit at higit na mahalaga sa Kanluraning mga bansa. Ang Kastila ay may karagdagang bentaha: Ito’y sinasalita sa maraming iba’t ibang bansa.
Mahihilig sa Maaanghang na Sili
Parami nang paraming tao ang kumakain ng maaanghang na sili. Ang marami na ayaw nito ay may palagay na dinaraig ng maaanghang na sili ang likas na lasa ng pagkain. Subalit ang mahihilig sa maanghang na sili ay nagsasabi na malayung-malayo ito sa katotohanan. Ayon sa magasing Reader’s Digest, ipinaliliwanag ng kasalukuyang aklat hinggil sa mga sili na ang maaanghang na sili ay nagtataglay ng walang amoy na kimikal na sangkap na sumasama sa mga selulang pandamdam sa bibig at ginagawang sensitibo ang mga ito sa lasa ng pagkain. Sinasabi ng ilan na ang maaanghang na sili ay mabuti rin sa kalusugan. Ang hilaw na sili ay mayroong mas maraming bitamina C kaysa kahel. Ang kilalang pinakamaanghang na sili ay ang habanero mula sa Yucatán, Mexico. Di-umano ang pagkain ng mga habanero ay magpapangyari sa iyo na makadamang para bang nakahiwalay ang iyong ulo sa iyong katawan. Subalit ang ilan ay hindi man lamang tumitikim nito.
Mahilig sa Seksong mga Bata
Isiniwalat ng isinagawang surbey kamakailan sa mga estudyanteng nag-aaral sa elementarya sa Connecticut, E.U.A., na 28 porsiyento ng mga nasa ikaanim na baitang ay mahilig sa sekso. Ang bilang ay tumaas hanggang 49 na porsiyento sa mga nasa ikawalong baitang, at mahigit na 60 porsiyento sa mga nasa ikasampung baitang. Ipinalalagay ng ilang dalubhasa na ang napakaraming bilang ng mga batang mas batang edad ay nakikipagtalik. Upang maiwasan ang mga pagdadalang-tao ng tin-edyer na mga batang babae at ang pagkalat ng AIDS, iminungkahi ng Surgeon General ng E.U. na ang “mga paaralan ay dapat na mamigay ng mga condom” sa mga estudyante, ayon sa magasing USA Weekend. Halos 50 pandistritong mga paaralan sa Estados Unidos ang sumunod sa mungkahing ito. Isang pandistritong paaralan sa New Haven, Connecticut, ay nagbibigay ng mga condom sa mga bata na kasimbata ng sampung taóng gulang. Iginigiit ng mga di-sumasang-ayon sa programang ito na ang pamamahagi ng mga condom sa mga bata ay humihimok lamang sa kanila na makipagtalik.
Problemang mga Manginginom na Kabataan
Sa isang surbey sa halos 14,000 estudyante sa high school sa Hapón, 17.3 porsiyento ang ipinalalagay na problemang mga manginginom, ulat ng Asahi Evening News. Sa mga lalaki ang bilang ay mas mataas, na ang 24.8 porsiyento ay may mga bisyo sa pag-inom na sanhi ng sikolohikal, pisikal, at panlipunang mga problema. Mahigit sa kalahati ng problemang mga manginginom na kabataang ito ay nagsabi na sila’y umiinom dahil ibig nila ang lasa. Isa sa 4 ang nagsabi na siya’y umiinom dahil siya’y malungkot o nalulumbay. “Dumating na ang panahon para sa mga nababahala sa mga estudyante na taimtim na magbigay-pansin sa problema,” sabi ni Dr. Kenji Suzuki, ang nagsagawa ng surbey. “Ang mga estudyante ay dapat na turuan nang
wasto sa paaralan at sa tahanan,” sabi pa niya. Sa Hapón ang batas ay nagbabawal sa pag-inom ng mga wala pang 20 taóng gulang.Sanayang Dako Para sa mga Kriminal
Ang mga nag-iisip na ang karamihan sa mga bilanggo ay nagsimula bilang “napakapanganib na masasamang-loob” ay lumilinlang sa kanilang sarili, sabi ng abogadong taga-Brazil na si Noely Manfredini D’Almeida. Bagkus, iginiit niya, sa Brazil ang “karaniwang bilanggo ay napakadukha at napakabata na nakagawa ng krimen na wala man lamang pagkakataon na magpasimula ng kaniyang sariling buhay.” Ang mga kabataang nagkasala na ito ay itinapon sa mga bilangguan na kasama ang pusakal na mga kriminal. Ayon sa magasing Veja, ang mga bilangguang ito sa katunayan ay “mga makina na lumilikha ng mga kriminal. Ang mga bilanggo na may kaunting pagkakasala ay nagiging propesyonal na mga kriminal.”
Mga Nasawi ng Tagumpay
Kamakailan ay ipinagdiwang ng Colombia ang tagumpay ng koponan ng mga manlalaro ng soccer nito dahil sa ito’y naging karapat-dapat sa 1994 World Cup na paligsahan sa soccer. Pagkatapos na pagkatapos ng matagumpay na laro kung saan tinalo ng pambansang koponan ng Colombia ang koponan ng mga taga-Argentina sa ‘iskor na 5 sa 0,’ ang mga taga-Colombia ay magulong nagkasiyahan sa mga lansangan. Di-nagtagal ang kagalakan ay nauwi sa kasakunaan. Mahigit na 70 tao ang namatay sa panahon ng mga parti sa lansangan, ayon sa isang pag-uulat. At, halos 900 tao ang nasaktan dahil sa mga aksidente sa sasakyan, pagkalasing, o mga awayan. Gayunman, sinabi ng isang opisyal na bagaman ang bilang ng mga nasawi ay malaki, ito ay “normal [pa rin] sa mga kalagayang gaya nito.”
Halos Walang Pagkabahala sa Kalusugan
“Mahigit sa sangkatlo ng lahat ng mga manggagawa sa opisina sa Alemanya ang hindi nagpapakita ng interes sa kanila mismong kalusugan,” ulat ng Süddeutsche Zeitung. Ito ang hinuha na naabot ni Claudia Pohle ng Ruhr University sa Bochum pagkatapos na tanungin ang 343 manggagawa sa opisina kung ano ang kanilang ginagawa sa kanilang pisikal, emosyonal, at kabutihang panlipunan. Mahigit na 36 na porsiyento ng mga tinanong ang nagpakita ng halos walang pagkabahala sa kanilang kalusugan; wala pang 20 porsiyento ang nagpakita ng interes, subalit hindi nagtatagal na interes sa pinakausong ehersisyo. Tanging 20 porsiyento ang nakatatalos kung ano ang kanilang kailangan upang manatiling malusog, at kanilang isinasagawa ang nararapat.
Ang Suliranin sa Sobrang Katabaan
“Ang Amerika ang may pinakamatatabang tao sa mundo,” sabi ni Dr. Robert Kushner, patnugot ng University of Chicago’s Nutrition and Weight Control Clinic. “Ang bilang ng napakatatabang Amerikano sa edad na 17 ay tumaas ng 28 porsiyento ng populasyon noong 1990 mula sa 24 na porsiyento noong 1985,” ulat ng The Toronto Star. Ano ang sanhi? Sinasabi ng bagong pananaliksik na ang labis na pagkain, kawalan ng ehersisyo, at mga henetiko ang pangunahing mga dahilan. “Ang mga tao ay bumibigat nang bumibigat, at iyan ay dapat talagang bigyan ng pansin,” sabi ni Charlotte Schoenborn ng National Centre for Health Statistics. Ang sobrang katabaan ay maaaring pagmulan ng pagtaas ng presyon ng dugo, diabetes, at iba pang malubhang mga suliranin sa kalusugan. Ang pagtuklas ng lunas ay hindi madali. Iminungkahi ng mga doktor ang pagbabago sa istilo ng pamumuhay. “Kumain nang kaunti at higit na mag-ehersisyo. Minsang mabawasan ang timbang, ang tanging bagay na makatutulong upang mapanatiling bawas ang timbang ay ang pisikal na pagkilos,” sabi pa ng Star.
Inabusong mga Bata
“Ang karahasan laban sa mga bata ay umaabot sa pinakamataas na antas,” ulat ng pahayagang O Estado de S. Paulo sa Brazil. Kung may kinalaman sa walang kaugnayan sa sekso na pagmamalupit, ang porsiyento ng nabiktimang mga batang lalaki ay halos katulad sa mga biktimang batang babae. Subalit hindi ito ang kalagayan sa seksuwal na pang-aabuso. Sa mga kabataang biktima ng seksuwal na karahasan, mga 23 porsiyento ang lalaki samantalang 77 porsiyento ang babae. Kahit ang paslit na mga bata ay hindi nakaliligtas sa mga karahasan sa tahanan. Ayon kay Miriam Mesquita, propesor sa University of São Paulo, “mahigit na 30 porsiyento ng mga biktima ng homicide na wala pang 10 taóng gulang ay pinatay ng mga miyembro ng pamilya.” Halos 29 na porsiyento ng mga batang pinaslang ng isang ama, isang tiyuhin, isang kapatid na lalaki, o pangalawang ama ay hinalay muna bago pinatay. Ang O Estado de S. Paulo ay nag-uulat na sa Brazil mga 90 porsiyento ng lahat ng kaso ng karahasan sa tahanan laban sa mga bata ay hindi naiuulat.
Organisadong Krimen
“Ang organisadong krimen ay nagpalawak ng impluwensiya nito sa lubusang nakapangangambang paraan anupat ang malawakang grupo ng kriminal na mga organisasyon ay masusumpungan sa buong daigdig,” sabi ni Gianni De Gennaro, patnugot ng mga gawaing laban sa Mafia para sa gobyerno ng Italya. Ang paglawak ng grupong kriminal gaya ng Italian Mafia, mga Chinese triad, mga gang ng motorsiklo sa Hilagang Amerika, at ang pangkat ng kriminal ng dating mga lupaing Komunista ay talagang tunay na nakababahala sa lipunan. Ang bawal na pagkita ng pera ang nagpapahintulot sa mga kriminal na makayanan ang pinakabagong teknolohiya at kadalubhasaan, na gumagawang mahirap para sa mga ahensiyang nagpapatupad ng batas na pakitunguhan ang problema.