Tunay na Pag-asa Para sa mga Bata
Tunay na Pag-asa Para sa mga Bata
“Hindi na kailanman magkakaroon ng . . . sanggol na mabubuhay lamang ng ilang araw . . . Hindi sila magpapagod nang walang kabuluhan o magsisilang ng mga anak na aabutin ng kapahamakan; sapagkat sila’y magiging bayang pinagpala ng PANGINOON.”—Isaias 65:20, 23, New International Version.
SA KABILA ng kapuri-puring mga pagsisikap ng tao upang pagbutihin ang mga bagay, milyun-milyong bagong silang na mga sanggol ang “aabutin [pa rin] ng kapahamakan.” Hindi magiging ganiyan lagi. Ang hula ni Isaias ay hindi lamang tumitiyak sa atin na balang araw ang bawat bata ay magkakaroon ng isang tiwasay na kinabukasan kundi sinasabi rin nito kung paano matutupad ang tunguhing iyon.
Sa Isaias 65:17, ang Diyos ay nagsasabi: “Ako’y lumilikha ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, o mapapasa-puso man.” Upang wastong mapangalagaan ang mga bata sa daigdig, kinakailangan kapuwa ang “mga bagong langit” at “isang bagong lupa.”
Ang “bagong lupa” na ito ay isang bagong lipunan ng mga tao na sumusunod sa mga simulain na itinuro ni Jesu-Kristo. Isa sa mga simulaing iyon, na ipinaliwanag ni Jesus, ay na “sinumang tumatanggap sa isa sa ganitong maliliit na bata salig sa aking pangalan, ay tumatanggap sa akin.” (Marcos 9:37) Ang isang lipunan na pinakikitunguhan ang bawat maliliit na bata na para bang ito ay si Kristo mismo ay magiging “isang bagong lupa” nga! Ngayon pa, angaw-angaw na mga tao ang nagsisikap na gawin iyan, at sila’y nagtagumpay sa pagbibigay ng pag-asa sa mga bata sa daigdig.
Mga Bata na Ngayo’y May Pag-asa
Si Tshepo, kasama ang kaniyang apat na nakatatandang mga kapatid na lalaki at babae, ay nakatira sa isang bayan ng mga barungbarong sa Timog Aprika. Nang siya ay isang taóng gulang, mayroon na siyang magáng tiyan na katangian ng isang batang dumaranas ng malnutrisyon. Nilustay ng kaniyang mga magulang ang malaking bahagi ng kanilang maliit na kita sa beer sa walang saysay na pagtatangkang kalimutan ang kanilang mga suliranin. Si Tshepo ay bihirang magkaroon ng isang mainit na pagkain, at siya ay pinababayaang maglaro sa gitna ng mga kalat at mga lata ng beer na walang laman na nakakalat sa paligid ng bahay.
Ang kinabukasan para kay Tshepo ay mukhang mapanglaw hanggang sa may nangyari upang baguhin ang paraan ng pag-iisip ng kaniyang mga magulang. Isang kapitbahay na nagngangalang George ang nagbigay sa kanila ng isang libreng kurso sa edukasyon sa Bibliya. Ang mga resulta ay kahanga-hanga—ang problema sa pag-inom ay naglaho, ang tahanan ay naging malinis, ang pamilya ay nagkaroon ng mainit na pagkain araw-araw, at si Tshepo at ang kaniyang mga kapatid na lalaki at babae ay nagsimulang magmukhang malinis, maayos ang pananamit, at maligaya.
Tinulungan ni George ang pamilya ni Tshepo sapagkat, bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, nakadarama siya ng pananagutan sa lahat, pati sa mahihirap at walang pinag-aralan. Mangyari pa, nangailangan ng maraming panahon at tiyaga upang tulungan ang pamilya na baguhin ang kanilang istilo ng buhay, upang turuan sila ng bagong mga pagpapahalaga na salig sa Salita ng Diyos. Subalit inaakala ni George na sulit naman ang pagsisikap, lalo na kapag nakikita niya ang pagkakaibang nagawa nito sa mga bata.
Sa bayan ng San Salvador Atenco sa Mexico ay nakatira ang isang magbubukid na nagngangalang José, ang ama ng siyam na anak. Siya ay malakas uminom ng alak, at ang kaniyang mga anak ay takot sa kaniya dahil sa siya ay marahas kapag siya ay lasing. Ang kanilang tahanan ay laging marumi, at ang bakuran ay nagsilbing isang kulungan ng mga asno at mga baboy na alaga ng pamilya, na gumagala sa loob ng bahay kung ibig nito. Bunga
nito, ang mga bata ay pinahihirapan ng mga impeksiyon sa bituka, at kung minsan ang kanilang mga katawan ay punô ng nagnananang mga sugat.Ang mga bagay ay nagbago nang si José ay magsimulang mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Inihinto niya ang malakas na pag-inom ng alak at naging tunay na ama sa kaniyang mga anak. “Ngayon ay maaari pa nga kaming makipaglaro kay itay!” may pagmamalaking bulalas ng isa sa nakababatang anak. Ang kanilang tahanan ngayon ang isa sa pinakamalinis—sa halip na isa sa pinakamarumi—sa bayan. Ang mga baboy at mga asno ay inaalagaan sa isang bukid, at regular na pinakukuluan ng pamilya ang iniinom na tubig. Ang pinagbuting tuntunin sa pangangalaga sa kalusugan ay nangahulugan na ang mga bata ay mas malusog at mas maligaya.
Gaya ng ipinakikita ng dalawang halimbawang ito, kadalasan nang ang susi upang tulungan ang mga bata ay tulungan ang mga magulang. Kinilala ng deklarasyon ng Pandaigdig na Summit Para sa mga Bata na “ang pamilya ang pangunahing may pananagutan sa pagpapalaki at pangangalaga sa mga bata.” At kung palalakihin o pangangalagaan ng mga pamilya ang kanilang mga anak o hindi ay maaaring nakasalig nang malaki sa edukasyon gayundin sa kita.
Pagbabago sa Isang Batang Lansangan
Sa Brazil, si Domingos ay siyam na taóng gulang lamang nang mamatay ang kaniyang ama. Nang muling mag-asawa ang kaniyang ina, siya ay agad na ipinadala sa isang ampunan. Ang malupit na pagtratong tinanggap niya sa ampunan ay nagpangyari sa kaniya na magpasiyang sumama sa isang grupo na nagbabalak tumakas. Bagaman pinabalik siya ng kaniyang ina sa kaniyang tahanan nang mabalitaan niya ang tungkol sa kaniyang mga balak, ang ilang pagpalo mula sa kaniyang tiyuhin ay kumumbinsi sa kaniya na lumayas. Siya ay naging isa sa libu-libong batang lansangan sa Sāo Paulo na naglilimpiya-bota, nagtitinda ng mga kendi, o naghahatid pa nga ng bawal na gamot upang mabuhay.
Nang unang dumating si Domingos sa isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, wala siyang tiwala at walang mabuting asal—hindi nakapagtataka dahil sa kaniyang pinagmulan. Gayunpaman, nakamit ng adultong mga Saksi ang kaniyang pagtitiwala, at sa pamamagitan ng isang personal na pag-aaral ng Bibliya, tinulungan nila siya na magkaroon ng bagong mga simulain sa buhay. Sa wakas natutuhan niyang maglagak ng kaniyang tiwala sa Diyos at sa iba. Tinulungan siya ng mga Saksi na magkaroon ng trabaho, una muna’y bilang isang
katulong ng naglalatag ng ladrilyo at pagkatapos ay bilang isang boy sa opisina. Ngayon, pagkalipas ng ilang taon, siya ay naglilingkod bilang isang buong-panahong ministrong Kristiyano.Ipinakikita ng mga halimbawang ito na maaaring bawasan ng isang nagmamalasakit na lipunan ng tao ang mga paghihirap ng mga bata sa daigdig. Mangyari pa, batid ng mga Saksi ni Jehova na ang kapahamakan ay hindi kailanman lubusang malulunasan ng mga pagsisikap ng tao. Ang tiyak na lunas sa mga problema ng mga bata sa daigdig ay mangangailangan ng kakayahang nakahihigit sa tao, walang takdang yaman, at pangglobong awtoridad.
“Mga Bagong Langit” Para sa Isang Mas Mabuting Daigdig
Tanging Diyos lamang ang makapaglalaan ng isang ganap na lunas. Sa kadahilanang ito, sinasabi ng hula ni Isaias na ang “bagong lupa” ay sasamahan ng “mga bagong langit.” Ilang ulit na ipinangangako ng Bibliya na “isang bagong langit” o “mga bagong langit” ang itatatag. (Isaias 65:17; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1) Sa bawat okasyon ang pagtatatag ng “mga bagong langit” na ito ay inilarawan bilang isang mahalagang hakbang sa pag-alis ng paghihirap at pagdadala ng katuwiran sa lupa. Ano bang talaga ang “mga bagong langit” na ito?
Kadalasang ginagamit ng Bibliya ang salitang “mga langit” bilang isang kasingkahulugan ng pamamahala, ng Diyos o ng mga tao. (Ihambing ang Daniel 4:25, 26.) Ang bagong pamahalaang ito ay isang makalangit na Kaharian, ang Kaharian ng Diyos—ang isa na itinuro ni Jesus na ipanalangin ng kaniyang mga tagasunod. (Mateo 6:10) Ang Kaharian ng Diyos ay magkakaroon ng kapangyarihan na alisin ang anumang kapahamakan na maaaring nagbabanta sa mga bata sa daigdig, at ito ay magiging determinadong gawin iyon.
Bakit tayo makatitiyak niyan? Sapagkat ipinababanaag ng isang pamahalaan ang personalidad ng mga pinuno nito. Samakatuwid, ang Kaharian ng Diyos ay mamamahala kasuwato ng mga pamantayan ng Diyos at niyaong sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang hinirang ng Diyos na Hari. Ipinakita nila kapuwa ang isang magiliw na interes sa kapakanan ng mga bata.—Awit 10:14; 68:5; Marcos 10:14.
Samantalang buong pananabik na hinihintay natin ang ipinangakong Kahariang ito, o “mga bagong langit,” maaari tayong kumilos upang mapabuti natin ang mga kalagayan ng mga bata sa ating pook. Gaya ng wastong hinuha ng Pandaigdig na Summit Para sa mga Bata: “Wala nang atas na mas dakila pa kaysa pagbibigay sa bawat bata ng isang mas mabuting kinabukasan.”
[Kahon sa pahina 11]
Isang Praktikal na Programa Upang Tulungan ang mga Bata
Ang gawaing pagtuturo ng mga Saksi ni Jehova ay nagbibigay ng praktikal at nagtatagal na tulong sa mga bata. Ang ilang aspekto ng programang ito ay:
Edukasyong pang-adulto. Ito’y kinapapalooban ng isang kurso sa pagbasa at pagsulat para sa mga magulang na hindi makabasa o makasulat, pati ng malawakang pagtuturo sa Bibliya na dinisenyo upang ikintal ang kailangang mga pagpapahalaga para sa wastong pangangalaga sa mga bata.
Patnubay pampamilya. Ang Bibliya ay nagpapayo sa mga magulang—kahit na sa mahihirap—na pangalagaan ang lahat ng kanilang mga anak sa halip na ipadala ang ilan na tumira sa mga kamag-anak. Ang aklat na Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya ay napatunayang kapaki-pakinabang sa pagtulong sa mga pamilya na may pantanging mga problema. a
Pagkasangkot at pakikibagay ng bata. Kapag ang mga bata mismo ang nasasangkot sa edukasyon, pangangalaga sa kalusugan, at sanitasyon, ang mga resulta ay mas mabuti. Ang mga Saksi ay karaniwang nakikipag-aral sa mga bata, ginagamit ang ibinagay na mga publikasyon na gaya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas upang tulungan sila sa paglutas sa mga problema sa bahay at sa pagpapabuti ng kanilang personal na kalinisan. b
Pagtuturo ng kalinisan at pangangalaga sa kalusugan. Inilalathala ng mga Saksi ni Jehova ang magasing Gumising! sa 74 na mga wika, at ang magasing ito ay regular na nagtatampok ng mga artikulo tungkol sa pangangalaga sa kalusugan.
Gawaing pagtulong. Sa mga panahon ng kagipitan, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsasaayos ng mabilis na gawaing pagtulong na tuwirang nagbibigay ng tulong sa dakong nasalanta.
[Mga talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mga larawan sa pahina 10]
Isang tiyak na lunas sa mga problema ng mga bata sa daigdig ay mangangailangan ng kakayahang nakahihigit sa tao. Diyos lamang ang makapaglalaan ng lunas na iyon