Ang Bibliya Ba’y Hindi Praktikal?
Ang Bibliya Ba’y Hindi Praktikal?
MARAMI ang sumasagot ng oo at nagsasabi: “Hindi ito makasiyentipiko. Ito’y katha-katha at alamat. Ito’y lipás na sa panahon. Ito’y hindi praktikal. Ang mga naniniwala rito ay nabubuhay sa isang daigdig ng pangarap.”
Gayunman, Ano ba ang mga Katotohanan?
• Sinasabi ng Bibliya na ang buhay ay nilikha ng Diyos. Sinasabi ng siyensiya na ang buhay ay buhat sa di-sinasadyang pagsasama ng mga kimikal at enerhiya. Ang The World Book Encyclopedia ay nagsasabi: “Ipinakita ni Pasteur na ang buhay ay hindi maaaring kusang lumitaw lamang.” Ang aklat ng biyologong si Michael Denton na Evolution: A Theory in Crisis ay nagsasabi: “Sa pagitan ng isang nabubuhay na selula at ng pinakamataas na uri ng hindi biyolohikal na sistema, . . . may pagkalaki-laki at tiyak na agwat na mahirap isipin.” Walang ebolusyunistang makapagsasabi ng anumang makasiyentipikong matinong paraan na ang buhay ay maaaring kusang lumitaw.
• Sinasabi ng ebolusyon na ang orihinal na selulang ito ang pinagmulan ng lahat ng nabubuhay na nilikha sa lupa. Ipinakikita ng rekord ng fossil na tiyak na walang gayong unti-unting pagbabago kung saan ang isang uri ng pamilya ay nagiging ibang uri ng pamilya. Ang siyentipikong si Francis Hitching sa kaniyang aklat na The Neck of the Giraffe ay sumulat: “Kapag naghahanap ka ng mga kaugnayan sa pagitan ng malalaking grupo ng mga hayop, walang gayong kaugnayan.” Kasuwato ito ng sinasabi ng Bibliya—na ang isang pamilya ay nagpaparami “ayon sa kani-kaniyang uri.”—Genesis 1:12, 25.
• Sa maraming pagkakataon pinatutunayan ng arkeolohiya na ang makasaysayang mga ulat ng Bibliya ay totoo.
• Akala ng mga tao noong una na ang lupa ay inaalalayan sa kalawakan ng lahat ng uri ng hindi kapani-paniwalang paraan. Si Isaac Newton ang nagpatunay sa makasiyentipikong paraan na sa pamamagitan ng mga batas ng pagkilos at grabitasyon, ang lupa ay lumulutang sa kalawakan. Ipinakita iyan ng Bibliya halos 3,200 taon bago pa niyan, iniuulat sa Job 26:7 na “ibinibitin [ng Diyos] ang lupa sa wala.”
• Ang The Encyclopedia Americana ay nagsasabi: “Ang ideya tungkol sa isang bilog na lupa ay hindi malawakang tinatanggap hanggang noong panahon ng Renaissance,” subalit noong ikawalong siglo B.C.E., ang Bibliya ay nagsabi tungkol sa Diyos: “Siya ay nakaupo sa ibabaw ng bilog na lupa.”—Isaias 40:22, Moffatt.
• Ipinababanaag ng Mosaikong Batas (ika-16 na siglo B.C.E.) ang kabatiran tungkol sa nakahahawang mga mikrobyo ng sakit libu-libong taon na bago iniugnay ni Pasteur ang mga mikrobyo sa sakit.—Levitico, kabanata 13, 14.
• Isang libong taon bago si Kristo, isinulat ni Solomon sa makasagisag na pananalita ang tungkol sa sirkulasyon ng dugo, subalit kailangan pang maghintay ng siyensiya ng medisina hanggang ipaliwanag ito ni William Harvey noong ika-17 siglo C.E.—Eclesiastes 12:6.
• Isinulat ni Solomon ang tungkol sa mga langgam na may mga kamalig sa ilalim ng lupa kung saan iniimbak nila ang mga butil na magtatagal hanggang sa taglamig. (Kawikaan 6:6-8) Sinabi ng mga kritiko sa Bibliya na hindi umiiral ang gayong mga langgam. Gayunman, noong 1871, natuklasan ng isang Britanong naturalist ang mga langgam at ang kanilang mga kamalig.
• Ipinababanaag ng Awit 139:16 ang kaalaman tungkol sa henetikong kodigo: “Nakita ng iyong mga mata pati nang ako’y binhing sumisibol pa lamang, at sa iyong aklat ay pawang napasulat ang lahat ng bahagi.”
• Noong ikapitong siglo B.C.E., bago nalaman ng mga siyentipiko ang pandarayuhan ng ibon, isiniwalat ng Bibliya sa Jeremias 8:7: “Nalalaman ng tagak sa himpapawid ang panahon upang mandayuhan, alam ng kalapati at ng langay-langayan ang panahon ng kanilang pagbabalik.”—The New English Bible.
• Noong unang siglo C.E., inihula ng Bibliya na sa “mga huling araw,” sisirain ng tao ang kapaligiran ng lupa, at dahil dito, ‘dadalhin [ng Diyos] sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.’—2 Timoteo 3:1; Apocalipsis 11:18.
• Hindi praktikal ang Bibliya? Taglay nito ang pinakapraktikal na karunungan para sa mapanganib na panahong ito, subalit kailangang gamitin ng mga tao ang kanilang malayang kalooban upang sundin ito kung nais nilang makinabang. ‘Pandayin ninyo ang inyong mga tabak upang maging mga sudsod at ang inyong mga sibat upang maging karit.’ ‘Gawin ninyo ang mga bagay na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo.’ Ibigin ninyo ang inyong kapuwa na gaya ng inyong sarili. Ang mga sumusunod sa mga panuntunang ito ay hindi nagsisimula ng mga digmaan, hindi gumagawa ng mga krimen. Kapag ang mga tao sa lupa ay masunurin sa pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa mga kamay ni Kristo Jesus, magiging gayon ang pag-asa ng sumasampalataya sa Bibliya, hindi isang imposibleng pangarap, kundi isang praktikal na katotohanan.—Mikas 4:2-4; Mateo 7:12; Apocalipsis 21:3-5.
[Picture Credit Line sa pahina 21]
Sa Kagandahang-loob ng Shrine of the Book, Israel Museum, Jerusalem