Kaniyang ‘Inalaala ang Kaniyang Maylikha sa mga Kaarawan ng Kaniyang Kabataan’
Kaniyang ‘Inalaala ang Kaniyang Maylikha sa mga Kaarawan ng Kaniyang Kabataan’
“SI Adrian ay laging nakatatawag ng higit na pansin sa amin na mga magulang niya,” sabi ng kaniyang tatay. “Sa gulang na apat pinaandar niya ang kotse ng pamilya tungo sa isang puno, na siyang dahilan na ang lahat ay mahuli sa pulong ng kongregasyon. Sa gulang na lima ay nagtipon siya ng maraming palaka at dinala ito sa bahay. Nangailangan ng mga araw upang alisin ang mga palakang iyon. Para kaming isang pamilya ng mga Ehipsiyo noong panahon ng salot ng mga palaka na binabanggit sa Bibliya.
“Nang siya ay 11, nakasumpong siya ng tatlong munting raccoon sa kahabaan ng haywey at dinala ito sa paaralan sa loob ng kaniyang bag ng mga aklat. Pagpasok ng guro, ang silid-aralan ay nasa kaguluhan—ang mga bata ay nagsisiksikan sa paligid ng bag ni Adrian, tuwang-tuwang nagdadaldalan. Ang guro ay tumingin sa loob, nakita ang mga raccoon, at isinakay siya sa kotse kasama ang kaniyang mga alagang hayop tungo sa isang gusali na kumukupkop ng mga ulilang hayop. Si Adrian ay naluluha sa gunita ng pagkawala ng kaniyang munting mga raccoon, subalit pagkatapos libutin ang gusali at pagkakita sa mumunting sorra at iba pang ulilang mga hayop na inaalagaang mabuti, iniwan niya ang mga raccoon doon.”
Ang kaniyang ama ay nagpatuloy: “Si Adrian ay hindi salbaheng bata. Isa lamang masyadong abalang bata. Mayroon siyang masiglang guniguni na nagpanatiling kawili-wili sa buhay.”
Ipinakita naman ng nanay ni Adrian ang isa pang katangian niya—interesado siya sa pamilya, ang buhay niya ay nakasentro sa tahanan, isang napakamapagmahal na bata. Aniya: “Inilalarawan siya ng mga bata sa paaralan bilang isang tao na hindi mananakit sa sinuman. Isang batang babae sa kaniyang klase ay medyo mahina ang ulo bagaman hindi naman retarded. Sumasakay siya sa bus ng paaralan na kasama ni Adrian. Siya’y pinagtatawanan ng ibang bata, subalit sinabi sa amin ng nanay niya na laging pinakikitunguhan ni Adrian ang kaniyang anak na babae nang may paggalang at pantanging kabaitan. Mayroon din siyang seryosong katangian—isang maalalahaning bata na may matinding mga damdamin na kadalasang hindi ipinahahayag ang mga ito. Subalit kapag ipinahayag niya ito, ginugulat niya kami ng mga komento na nagpapakita ng malalim na matalinong unawa tungkol sa mga bagay-bagay.”
Ganito niya tinapos ang pagtasa sa kaniyang anak na lalaki: “Ang kaniyang karamdaman ay gumawa sa kaniya na mabilis na gumulang at lumikha ng isang mas malalim na espirituwalidad sa kaniya.”
Siya’y Matatag—Walang Dugo!
Ang kaniyang karamdaman? Oo. Nagsimula ito noong Marso 1993, nang si Adrian ay 14 anyos. Isang mabilis-lumaking tumor ang nasumpungan sa kaniyang tiyan. Nais ng mga doktor ang isang biopsy subalit ikinatakot nila ang labis na pagdurugo at sinabi na baka kailanganin ang isang pagsasalin ng dugo. Tumanggi si Adrian. Siya’y matatag. Sabi niya, na may mga luha sa kaniyang mga mata: “Talagang hindi ko mapananatili ang aking paggalang-sa-sarili kung ako’y sasalinan ng dugo.” Siya at ang kaniyang pamilya ay mga Saksi ni Jehova, na tumatangging pasalin ng dugo sa maka-Bibliyang kadahilanan na nakatala sa Levitico 17:10-12 at Gawa 15:28, 29.
Samantalang nasa Child Health Centre ni Dr. Charles A. Janeway sa St. John’s, Newfoundland, na naghihintay para sa biopsy—gagawin nang walang pagsasalin ng dugo—si Adrian ay hiniling ng onkologong si Dr. Lawrence Jardine na magpahayag ng kaniyang paninindigan may kinalaman sa dugo.
“Alam po ninyo,” sabi ni Adrian, “hindi mahalaga kung ang aking mga magulang ay mga Saksi ni Jehova o hindi. Hindi pa rin ako magpapasalin ng dugo.”
Si Dr. Jardine ay nagtanong, “Natatalos mo ba na maaari kang mamatay kung hindi ka magpapasalin ng dugo?”
“Opo.”
“At handa kang gawin iyan?”
“Kung iyan po ang kinakailangan.”
Ang kaniyang ina, na naroroon din, ay nagtanong, “Bakit ganiyan ang paninindigan mo?”
Si Adrian ay sumagot: “Inay, hindi ito mabuting pálítan. Ang suwayin ang Diyos at dagdagan angAwit 37:10, 11; Kawikaan 2:21, 22.
aking buhay ng ilang taon ngayon at pagkatapos dahil sa aking pagsuway sa Diyos ay maiwala ko ang pagkabuhay-muli at ang mabuhay nang walang-hanggan sa kaniyang paraisong lupa—hindi iyan matalino!”—Ang biopsy ay isinagawa noong Marso 18. Ito’y nagpakita na si Adrian ay may isang malaking lymphoma tumor. Ang kasunod na biopsy sa utak ng buto ay nagpatunay sa pangamba na siya ay may leukemia. Ipinaliwanag ngayon ni Dr. Jardine na isang matinding programa sa chemotherapy at mga pagsasalin ng dugo ang tanging paraan upang mabuhay si Adrian. Gayunman, tinanggihan pa rin ni Adrian ang pagsasalin ng dugo. Ang chemotherapy ay sinimulan, nang walang pagsasalin ng dugo.
Ngayon, gayunman, dahil sa kritikal na yugto ng paggamot na ito ang isinasagawa, nagkaroon ng pangamba na baka makialam ang Child Welfare Department at kumuha ng isang utos ng korte (court order) para sa pangangalaga at sa kapangyarihang magbigay ng pagsasalin ng dugo. Pinapayagan ng batas ang sinumang 16 anyos o mas matanda pa na gumawa ng kaniyang sariling pasiya tungkol sa paggamot. Ang tanging paraan lamang upang ang sinumang wala pang 16 na magkaroon ng karapatan ay ang sila’y mauri bilang isang maygulang na minor de edad (isang kabataang itinuturing na may sapat nang gulang upang gumawa ng kaniyang sariling mga pasiya tungkol sa medikal na paggamot).
Sa Korte Suprema ng Newfoundland
Kaya noong Linggo ng umaga, Hulyo 18, ang pansamantalang patnugot ng Child Welfare ay nagsampa ng demanda upang makakuha ng karapatan sa pangangalaga. Karaka-raka, isang kilala at lubhang iginagalang na abugado, si David C. Day, Queen’s Counsel, ng St. John’s, Newfoundland, ay kinuha upang kumatawan kay Adrian. Nang hapon ding iyon, noong ika–3:30, ang Korte Suprema ng Newfoundland ay nagtipun-tipon, si Hukom Robert Wells ang namuno.
Noong panahon ng sesyon sa hapon, nilinaw ni Dr. Jardine sa hukom na itinuturing niya si Adrian na isang maygulang na minor de edad na may taimtim na paniniwala laban sa paggamit ng dugo at na siya, si Dr. Jardine, ay nangako kay Adrian na hindi niya isasama ang pagsasalin ng dugo sa anumang paggamot. Tinanong ni Hukom Wells ang doktor na kung naipasiyang isagawa ang isang pagsasalin ng dugo sa utos ng korte, gagawin ba niya ito? Si Dr. Jardine ay sumagot: “Hindi, hindi ko gagawin ito.” Binanggit niya na sa paniwala ni Adrian ang kaniyang maka-Bibliyang pag-asa ng buhay na walang-hanggan ay manganganib. Ang taimtim na patotoo ng kilalang doktor na ito ay
kapuwa kahanga-hanga at nakapagpapasigla sa puso at pinagmulan ng mga luha ng kagalakan ng mga magulang ni Adrian.“Pakisuyong Igalang Ninyo Ako at ang Aking mga Kahilingan”
Nang muling magtipon ang korte noong Lunes, Hulyo 19, iniharap ni David Day ang mga kopya ng isang apidabit ni Adrian—mahinang-mahina siya upang humarap sa korte—na ginawa at nilagdaan niya na nagpapahayag ng kaniyang sariling mga kahilingan tungkol sa paggamot sa kaniyang kanser nang walang dugo o mga produkto ng dugo. Dito ay sinabi ni Adrian:
“Marami kang pinag-iisipang bagay kapag ikaw ay may karamdaman, at kung ang karamdaman mo ay kanser, alam mo na maaari kang mamatay at iniisip mo iyan. . . . Hindi ako sumasang-ayon sa pagpapasalin ng dugo o ipahihintulot man ang paggamit nito; hindi. Alam kong maaari akong mamatay kung hindi ako sasalinan ng dugo. Subalit iyan ang pasiya ko. Walang sinuman ang humimok sa akin sa pasiyang iyan. Ako’y lubos na nagtitiwala kay Dr. Jardine. Naniniwala ako na siya ay isang taong may palabra de honor. Sinasabi niyang bibigyan niya ako ng matinding paggamot nang walang dugong gagamitin kailanman. Sinabi niya sa akin ang mga panganib. Nauunawaan ko iyan. Batid ko ang tungkol sa pinakamasamang maaaring mangyari. . . . Ang pakiramdam ko ba kung ako’y sasalinan ng dugo iyan ay katulad ng paghalay sa akin, pag-abuso sa aking katawan. Kung mangyari iyan ay hindi ko na ibig ang aking katawan. Hindi ko maaaring ibuwis iyan upang iligtas ang aking buhay. Ayaw ko ng anumang paggamot kung gagamitan ng dugo, kahit na ang posibilidad ng paggamit ng dugo. Tatanggihan ko ang paggamit ng dugo.” Ang apidabit ni Adrian ay nagtapos sa ganitong pagsamo: “Pakisuyong igalang ninyo ako at ang aking mga kahilingan.”
Sa buong panahon ng paglilitis si Adrian ay nasa kaniyang silid sa ospital, at si Hukom Wells ay may kabaitang dumalaw upang makita siya roon, at si David Day ay naroroon. Sa pag-uulat ng panayam na iyon, binanggit ni G. Day ang tungkol sa paraan ng pagsasalita ni Adrian sa hukom na nagpapangyari sa mga tagapakinig na makinig nang husto tungkol sa isang paksang ito, sa diwa: “Alam kong ako’y malubha, at nalalaman kong maaari akong mamatay. Sinasabi ng ilang manggagamot na ang pagsasalin ng dugo ay makatutulong. Sa palagay ko’y hindi, dahil sa lahat ng mga panganib na nababasa ko tungkol dito. Ito man ay nakatutulong o hindi, ang aking pananampalataya ay tutol sa pagpapasalin ng dugo. Igalang ninyo ang aking pananampalataya at igagalang ninyo ako. Kung hindi ninyo igagalang ang aking pananampalataya, para bang ako’y hinalay. Kung igagalang ninyo ang aking pananampalataya, mahaharap ko ang aking karamdaman na taglay ang karangalan. Ang pananampalataya lamang ang taglay ko, at ngayon ito ang pinakamahalagang bagay na kailangan ko upang tulungan akong labanan ang sakit.”
Si G. Day ay may ilang sariling komento niya tungkol kay Adrian: “Siya ay isang kliyente na may kakayahang pangasiwaan ang kaniyang maselang na karamdaman nang may katiyagaan, tibay ng loob, at katapangan. May katatagan sa kaniyang mga mata; pagtitiwala sa kaniyang tinig; lakas ng loob sa kaniyang gawi. Higit sa lahat, ipinahihiwatig sa akin ng kaniyang pananalita at pagkumpas ang isang matibay na pananampalataya. Ang kaniyang litaw na katangian ay pananampalataya. Ang mahigpit na karamdaman ay nagpangyari sa kaniya na magtayo ng mga tulay sa pagitan ng mga pangarap ng kabataan at ng mga katotohanan ng adulto. Tinulungan siya ng pananampalataya na gawin iyon. . . . Siya’y totoong prangka at, sa isip ko, tapat. . . . Batid ko ang posibilidad na [iginiit] sa kaniya ng kaniyang mga magulang ang kanilang pagtutol sa paggamit ng dugo sa medikal na paggamot sa kaniya. . . . Ako’y nasisiyahan [na] siya ay may sariling opinyon sa pagpapahayag ng kaniyang kahilingan para sa medikal na paggamot na walang pagsasalin ng dugo.”
Sa isa pang pagkakataon binanggit ni G. Day ang tungkol sa mga paniniwala ni Adrian na “mas mahalaga sa kaniya kaysa buhay mismo” pagkatapos ay isinusog niya: “Sa harap ng mga problemang iyon, ipinadarama sa akin ng matatag na binatang ito na ang lahat ng mga kaabahan sa buhay ko ay bale wala. Siya ay mauukit sa aking alaala magpakailanman. Siya’y isang maygulang na minor de edad na may matinding tibay ng loob, matalinong unawa, at talino.”
Ang Pasiya—Si Adrian ay Isang Maygulang na Minor de Edad
Noong Lunes, Hulyo 19, natapos ang paglilitis, at iginawad ni Hukom Wells ang kaniyang pasiya, na nang maglao’y inilathala sa Human Rights Law Journal, Setyembre 30, 1993. Ang sumusunod ay mga halaw:
“Sa sumusunod na mga kadahilanan, ang mga
kahilingan ng Patnugot ng Child Welfare ay pinawawalang-saysay; hindi kailangan ng bata ang pangangalaga; ang paggamit ng dugo o mga produkto ng dugo para sa mga layunin na pagsasalin ng dugo o iniksiyon ay hindi napatunayang lubhang kailangan, at sa partikular na mga kalagayan sa kasong ito, ay maaaring maging mapanganib.“Malibang kailanganin ng isang pagbabago ng kalagayan ang isa pang utos, ang paggamit ng dugo o mga produkto ng dugo sa paggamot sa kaniya ay ipinagbabawal: at ang batang lalaki ay ipinahahayag na isang maygulang na minor de edad na ang mga kahilingan na tumanggap ng medikal na paggamot nang walang dugo o mga produkto ng dugo ay dapat igalang. . . .
“Walang alinlangan na ang ‘kabataang’ ito ay totoong matibay ang loob. Sa palagay ko mayroon siyang pagtaguyod ng isang maibigin at nagmamalasakit na pamilya, at inaakala kong hinaharap niya ang kaniyang karamdaman taglay ang malaking tibay ng loob. Bahagi ng kaniyang relihiyosong paniniwala na hindi tama para sa kaniya ang gumamit ng mga produkto ng dugo sa pamamagitan ng pagpapasok nito sa kaniyang katawan, sa anumang layunin . . . Nagkaroon ako ng bentaha na mabasa ang apidabit na ginawa ni A. kahapon, at nagkaroon ako ng bentaha na marinig ang kaniyang ina, na nagbigay ng katibayan, at nagkaroon ako ng bentaha na makausap mismo si A.
“Ako’y nasisiyahan na siya’y taimtim na naniniwalang ang pagpapasalin ng dugo ay magiging mali at na ang ipilit ang pagsasalin ng dugo sa mga kalagayang sinasabi namin ay magiging isang pagsalakay sa kaniyang katawan, isang pagsalakay sa kaniyang personal na buhay, at isang pagsalakay sa kaniyang buong pagkatao, sa lawak na ito’y lubhang makaaapekto sa kaniyang lakas at kakayahang batahin ang kakila-kilabot na karanasan na kaniyang daranasin, anuman ang kalalabasan.
“Ako’y sumasang-ayon na ang doktor ay nagsabi ng makatuwirang bagay nang sabihin niya na ang pasyente ay dapat na nakikipagtulungan at nasa positibong kaisipan tungkol sa chemotherapy at iba pang mga paggamot sa kanser upang magkaroon ng anumang pag-asa, anumang tunay na pag-asa, tagumpay, at na ang pasyenteng sapilitang binibigyan ng isang bagay na labag sa kaniyang taimtim na pinaniniwalaan ay magiging isang pasyenteng ang pagiging nababagay sa paggamot ay lubhang mababawasan. . . .
“Sa palagay ko ang nangyari kay A. ay tumulong sa kaniya upang gumulang sa isang antas na hindi mo sukat akalain sa isang 15-anyos na hindi nakakaharap at namumuhay na gaya ng kaniyang pamumuhay at harapin ang kaniyang nakakaharap. Sa palagay ko ang kaniyang karanasan ay isang masamang karanasan na maiisip ko, at may suspetsa ako na ang kaniyang pananampalataya ay isa sa mga bagay na nagbibigay ng lakas sa kaniya at sa kaniyang pamilya. Inaakala ko na ang nangyari ay gumawa kay A. na gumulang higit pa sa anumang normal na inaasahan o pagkamaygulang sa isang 15-anyos. Sa palagay ko ang batang lalaking nakausap ko kaninang umaga ay ibang-iba sa isang normal
na 15-anyos, dahil sa kaniyang kalunus-lunos na karanasan.“Inaakala kong siya’y may sapat nang pag-iisip upang ipahayag ang isang kapani-paniwalang opinyon, at na ipinahayag niya ito sa akin . . . Ako rin ay nasisiyahan na nararapat . . . para sa akin na isaalang-alang ang kaniyang mga kahilingan, at isinasaalang-alang ko ito. Ang kaniyang kahilingan ay na walang produkto ng dugo ang isasalin, at ako’y nasisiyahan din na kung pawawalang-saysay ng Direktor sa ilang paraan ang mga kahilingang ito sa ilalim ng isang utos ng Korte, na ang kaniyang pinakamabuting kapakanan ay mahahayag at tunay na lubhang maaapektuhan . . . Isa pa, kung—at ito’y posibleng mangyari—siya’y mamatay sa karamdamang ito, kung isasaalang-alang ang kaniyang relihiyosong mga paniniwala, at isasagawa ang isang pagsasalin ng dugo, gagawin niya ito sa isang kalagayan ng isip na napakalungkot, lubhang di-nararapat, at hindi kanais-nais. Isinasaalang-alang ko ang lahat ng bagay na ito. . . .
“Sa lahat ng mga kalagayan, inaakala ko na nararapat na ipagkait ko ang kahilingan na ang mga produkto ng dugo ay gamitin sa paggamot kay A.”
Ang Mensahe ni Adrian kay Hukom Wells
Isang kahanga-hangang maalalahaning mensahe ng kabataang lalaking ito, na nakababatid na siya’y mamamatay, ang ipinadala kay Hukom Robert Wells, na ipinasa ni G. David Day, gaya ng sumusunod: “Inaakala kong magiging pabaya ako kung hindi ko babanggitin, alang-alang sa kliyente ko na nakausap kong saglit pagkatapos ninyong umalis ng ospital ngayon, salamat daw mula sa kaibuturan ng kaniyang puso, na totoong mapagpahalaga, dahil sa pag-aasikaso ninyo sa bagay na ito nang may kabilisan at pagkaunawa at pagkamakatarungan. Siya’y lubhang nagpapasalamat sa inyo, Kagalang-galang na Hukom, at nais kong ipakita iyan ng ulat. Salamat po.”
Ginugunita ng ina ni Adrian ang pangwakas na mga pangyayari ng kuwento.
“Pagkatapos ng paglilitis tinanong ni Adrian si Dr. Jardine, ‘Gaano katagal na lamang po ang itatagal ng aking buhay?’ Ang sagot ng doktor: ‘Isa o dalawang linggo.’ Nakita ko ang aking anak na lumuha, lumabas sa mga talukap ng matang nakapikit nang husto. Lumapit ako at niyapos siya, at sabi niya: ‘Huwag, Inay. Ako’y nananalangin.’ Pagkaraan ng ilang sandali, ako’y nagtanong, ‘Paano mo hinaharap ito, Adrian?’ ‘Inay, sa paano man ako’y mabubuhay, kahit na ako’y mamatay. At kung dalawang linggo na lamang ang buhay ko, nais kong tamasahin ito. Kaya kailangang masaya kayo.’
“Nais niyang dumalaw sa sangay ng Watch Tower sa Georgetown, Canada. Ginawa niya iyon. Lumangoy siya sa palanguyan doon kasama ng isa sa kaniyang mga kaibigan. Nanood siya ng isang laro ng koponan sa baseball na Blue Jays at nagpalitrato na kasama ng ilan sa mga manlalaro. Higit sa lahat, sa kaniyang puso ay inialay na niya ang kaniyang sarili na maglingkod sa Diyos na Jehova, at ngayon nais niyang sagisagan iyan sa pamamagitan ng pagpapalubog sa tubig. Sa ngayon ang kaniyang kalagayan ay lumala na, at siya’y nasa ospital muli at hindi na makaaalis dito. Kaya may kabaitang isinaayos ng mga nars para sa kaniya na gamitin ang isa sa stainless na mga tangkeng bakal sa silid ng physiotherapy. Siya ay nabautismuhan doon noong Setyembre 12; siya’y namatay kinabukasan, Setyembre 13.
“Ang kaniyang libing ang pinakamalaking libing na kailanman ay naranasan ng punerarya—mga nars, doktor, magulang ng mga pasyente, kaklase, kapitbahay, at marami sa kaniyang espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae mula sa kaniya mismong kongregasyon at sa ibang kongregasyon. Bilang mga magulang, kailanman ay hindi namin natanto ang lahat ng kahanga-hangang mga katangian na nasa aming anak na lalaki habang tinitiis niya ang marami niyang pagsubok o ang kabaitan at pagkamaalalahanin na bahagi ng kaniyang nalilinang na Kristiyanong personalidad. Ang kinasihang salmista ay nagsabi: ‘Ang mga anak ay mana na mula kay Jehova.’ Tiyak na ang isang ito ay isang mana, at aming inaasam-asam na makita siya sa bagong sanlibutan ng katuwiran ni Jehova, na malapit nang itatag sa isang lupang paraiso.”—Awit 127:3; Santiago 1:2, 3.
Harinawang hintayin natin ang katuparan kay Adrian ng pangako ni Jesus sa Juan 5:28, 29: “Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas, yaong mga gumawa ng mabubuting bagay sa pagkabuhay-muli sa buhay, yaong mga nagsagawa ng buktot na mga bagay sa pagkabuhay-muli sa paghatol.”
Sa pagtangging pasalin ng dugo na ipinalalagay na maaari sanang pahabain ang kaniyang kasalukuyang buhay, pinatunayan ni Adrian Yeatts ang kaniyang sarili na isa sa maraming kabataan na inuuna ang Diyos.
[Kahon sa pahina 5]
‘Ang Buhay Ay Nasa Dugo’
Ang dugo ay hindi kapani-paniwalang masalimuot, nararating ang bawat selula sa katawan. Sa loob ng isang patak, 250,000,000 pulang mga selula ng dugo ang nagdadala ng oksiheno at inaalis ang carbon dioxide; 400,000 puting mga selula ang naghahanap at lumilipol sa inaayawang mga baktirya at mga virus na sumasalakay sa daluyan ng dugo; 15,000,000 platelet ang agad na nagtitipon kung saan may hiwa at nagsisimulang mamuo upang takpan ang sira. Lahat ng ito ay pinipigil sa malinaw, kulay-garing na plasma, na sa ganang sarili ay binubuo ng daan-daang sangkap na gumaganap ng mahahalagang bahagi sa mahabang talaan ng mga tungkulin ng dugo. Hindi nauunawaan ng mga siyentipiko ang lahat ng ginagawa ng dugo.
Hindi kataka-taka na ipinahahayag ng Diyos na Jehova, ang Maylikha ng makahimalang likidong ito, na ‘ang buhay ay nasa dugo.’—Levitico 17:11, 14.
[Kahon sa pahina 7]
Heart Transplant na Walang Pagsasalin ng Dugo
Noong nakaraang Oktubre, ang tatlong-taóng-gulang na si Chandra Sharp ay ipinasok sa isang ospital sa Cleveland, Ohio, E.U.A., na ang puso ay hindi lamang malaki kundi humihina rin naman. Siya’y hindi kumakain nang sapat, nasugpo ang kaniyang paglaki, ang kaniyang timbang ay 9 na kilo lamang, at kailangan niya ang isang heart transplant. Siya’y tinaningan lamang ng ilang linggo upang mabuhay. Ang kaniyang mga magulang ay sumang-ayon sa transplant subalit hindi sila sumang-ayon sa pagsasalin ng dugo. Sila’y mga Saksi ni Jehova.
Ito’y hindi problema sa siruhano, si Dr. Charles Fraser. Ang The Flint Journal ng Michigan ay nag-ulat noong Disyembre 1, 1993: “Sinabi ni Fraser na ang Cleveland Clinic at ang iba pang mga sentro sa paggamot ay nagiging dalubhasa sa pagsasagawa ng maraming operasyon—pati na ang mga transplant—nang walang ipinapasok na dugo ng ibang tao sa pasyente. ‘Marami pa kaming natutuhan tungkol sa kung paano iiwasan ang pagdurugo, at kung paano ihahanda ang aparato para sa puso-bagà sa pamamagitan ng mga solusyon maliban sa dugo,’ sabi ni Fraser.” Saka idinagdag niya: “Ginagawa na ng ilang pantanging mga ospital sa loob ng mga dekada ang mga pag-oopera sa puso nang walang pagsasalin ng dugo. . . . Lagi naming sinisikap na gawin ang operasyon nang walang (pagsasalin ng) dugo.”
Noong Oktubre 29, isinagawa niya ang heart transplant kay Chandra nang walang dugo. Pagkalipas ng isang buwan si Chandra ay iniulat na mahusay.