Mga Kabataang May “Lakas na Higit sa Karaniwan”
Mga Kabataang May “Lakas na Higit sa Karaniwan”
IKAW ay bata. Mga 12 anyos lamang. Mayroon kang pamilyang mahal mo. Mayroon kang mga kaibigan sa paaralan na nasisiyahan kang kasama. Sumasama ka sa mga iskursiyon sa dalampasigan at sa mga kabundukan. Namamangha ka kapag minamasdan mong mabuti ang langit sa gabi na punô ng mga bituin. Nasa unahan mo ang buong buhay mo.
At ngayon ikaw ay may kanser. Ang balitang iyon ay isang dagok kung ikaw ay 60 anyos. Ito’y isang matinding dagok kung ikaw ay 12 anyos.
Si Lenae Martinez
Waring gayon ang buhay para sa 12-anyos na si Lenae Martinez. Ang kaniyang pag-asa ay mabuhay magpakailanman sa isang lupang paraiso. Ang pag-asang ito ay pinatibay ng pagsasanay sa Bibliya na tinanggap niya buhat sa kaniyang mga magulang, na mga Saksi ni Jehova. Hindi ba nabasa niya mismo sa Bibliya na ang lupa ay mananatili magpakailanman, na ito ay nilalang upang tahanan magpakailanman, at na mamanahin ito ng maaamo magpakailanman?—Eclesiastes 1:4; Isaias 45:18; Mateo 5:5.
Ngayon siya ay nasa Valley Children’s Hospital sa Fresno, California, E.U.A. Siya ay naospital doon dahil sa wari’y isang impeksiyon sa bató. Gayunman, ipinakikita ng mga pagsusuri na siya ay may leukemia. Tiniyak ng mga doktor na gumagamot kay Lenae na dapat siyang salinan ng pulang mga selula ng dugo at mga platelet at simulan agad ang chemotherapy.
Sinabi ni Lenae na ayaw niya ng dugo o mga produkto ng dugo, na siya ay naturuan na ipinagbabawal iyon ng Diyos, gaya ng ipinakikita sa mga aklat ng Bibliya na Levitico at Gawa. “Sapagkat minagaling ng banal na espiritu at namin mismo na huwag nang magdagdag ng higit pang pasanin sa inyo, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan, na patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa mga bagay na binigti at sa pakikiapid.” (Gawa 15:28, 29) Itinaguyod siya ng kaniyang mga magulang sa paninindigang ito, subalit idiniin ni Lenae na desisyon niya ito at na napakahalaga nito sa kaniya.
Ilang ulit na nakipag-usap ang mga doktor kay Lenae at sa kaniyang mga magulang. Magkagayon man, dumating uli sila isang hapon. Ganito ang sabi ni Lenae tungkol sa pagdalaw na ito: “Talagang napakahina ko dahil sa lahat ng kirot at sumuka ako ng maraming dugo. Tinanong nila ako ng mga tanong ding iyon, sa ibang paraan nga lang. Muli kong sinabi sa kanila: ‘Ayaw ko ng dugo o mga produkto ng dugo.
Tatanggapin ko pa ang kamatayan, kung kinakailangan, kaysa sirain ang pangako ko sa Diyos na Jehova na gawin ang kaniyang kalooban.’ ”Si Lenae ay nagpatuloy: “Sila’y nagbalik kinaumagahan. Ang bilang ng mga platelet ng dugo ay bumababa, at mataas pa rin ang lagnat ko. Masasabi kong ang doktor ay nakinig nang husto sa pagkakataong ito. Bagaman hindi nila naiibigan ang aking paninindigan, sinabi nila na ako ay isang totoong maygulang na 12-anyos. Nang maglaon ang aking pediatrician ay dumating at sinabi sa akin na ikinalulungkot niyang sabihin na walang makatutulong sa akin kundi ang chemotherapy at mga pagsasalin ng dugo. Umalis siya at sinabi niyang babalik na lang siya mamaya.
“Nang umalis siya, umiyak ako nang husto sapagkat siya ang doktor ko buhat nang ako’y isilang, at ngayon para bang ipinagkakanulo niya ako. Nang magbalik siya nang malaunan, sinabi ko sa kaniya kung ano ang nadama ko sa ginawa niya—para bang ipinadama niya sa akin na hindi na siya nagmamalasakit sa akin. Nakagulat ito sa kaniya, at sinabi niya na ikinalulungkot niya kung ano ang nasabi niya. Wala siyang layon na saktan ako. Tumingin siya sa akin at nagsabi: ‘Buweno, Lenae, kung ganiyan nga ang kailangang mangyari, magkita na lang tayo sa langit.’ Inalis niya ang kaniyang salamin sa mata at, may mga luha sa kaniyang mga mata, sinabi niya na mahal niya ako at niyapos ako nang mahigpit. Pinasalamatan ko siya at sinabi: ‘Salamat po. Mahal ko rin kayo, Dr. Gillespie, subalit ako po’y umaasang mabuhay sa isang lupang paraiso sa pagkabuhay-muli.’ ”
Pagkatapos dalawang doktor at isang abugado ang dumating, sinabi nila sa mga magulang ni Lenae na nais nilang makausap siya na mag-isa, at hiniling ang mga magulang na lumabas ng silid, na ginawa naman nila. Sa buong pag-uusap na ito, ang mga doktor ay naging totoong makonsiderasyon at mabait at humanga sila sa malinaw na paraan ng pagsasalita ni Lenae at sa kaniyang matibay na paniniwala.
Nang nag-iisa na lamang siya, sinabi nila sa kaniya na siya ay mamamatay dahil sa leukemia at ang sabi nila: “Ngunit pahahabain ng mga pagsasalin ng dugo ang iyong buhay. Kung tatanggihan mo ang pagsasalin ng dugo, ikaw ay mamamatay sa loob ng ilang araw.”
“Kung magpapasalin ako ng dugo,” tanong ni Lenae, “gaano po ang itatagal ng buhay ko?”
“Mga tatlo hanggang anim na buwan,” sagot nila.
“Ano po ang magagawa ko sa loob ng anim na buwan?” tanong niya.
“Ikaw ay lalakas. Magagawa mo ang maraming bagay. Maaari kang pumunta sa Disney World. Maaari mong makita ang maraming iba pang lugar.”
Sandaling nag-isip si Lenae, saka sumagot: “Ako po’y naglingkod kay Jehova sa buong buhay ko, 12 taon. Ipinangako niya sa akin ang buhay na walang-hanggan sa Paraiso kung susundin ko siya. Hindi ako tatalikod sa kaniya ngayon para lamang sa anim na buwan na buhay. Nais kong maging tapat hanggang mamatay ako. At nalalaman ko na sa kaniyang takdang panahon kaniyang bubuhayin-muli ako mula sa kamatayan at bibigyan ako ng buhay na walang-hanggan. Kung magkagayon magkakaroon ako ng maraming panahon para sa lahat ng bagay na nais kong gawin.”
Ang mga doktor at ang abugado ay humanga. Pinapurihan nila siya at lumabas at sinabi sa kaniyang mga magulang na siya’y nag-iisip at nagsasalitang parang isang adulto at kaya niyang gumawa ng kaniyang sariling mga pasiya. Kanilang inirekomenda sa komite ng etika ng Valley Children’s Hospital na si Lenae ay ituring na isang maygulang na minor de edad. Ang komiteng ito, binubuo ng mga doktor at iba pang mga propesyonal sa pangangalagang-pangkalusugan, pati na ang isang propesor sa etika sa Fresno State University, ay nagpasiya na pahintulutan si Lenae na gumawa ng kaniyang sariling mga pasiya tungkol sa kaniyang medikal na paggamot. Itinuring nila si Lenae na isang maygulang na minor de edad. Wala nang kinuhang utos ng korte.
Pagkatapos ng isang mahaba, mahirap na gabi, noong ika–6:30 n.u., Setyembre 22, 1993, si Lenae ay natulog sa kamatayan sa mga bisig ng kaniyang ina. Ang dangal at kahinahunan ng gabing iyon ay nakaukit sa mga isipan ng mga naroroon. May 482 na dumalo sa libing, kasama ang mga doktor, nars, at mga guro, na humanga sa pananampalataya at katapatan ni Lenae.
Ang mga magulang at mga kaibigan ni Lenae ay lubhang nagpapasalamat na ang mga doktor at
mga nars at mga administrador sa Valley Children’s Hospital ay lubhang mapagmasid sa pag-unawa sa pagkamaygulang ng kabataang ito anupat hindi na kailangan ang kaso sa korte upang gawin ang desisyong iyon.Si Crystal Moore
Ang gayong konsiderasyon ay hindi ipinagkaloob sa 17-anyos na si Crystal Moore nang siya ay maospital sa Columbia Presbyterian Medical Center sa Lungsod ng New York. Siya’y pinahihirapan ng sakit na pamamaga ng malaking bituka. Pagkatanggap sa kaniya sa ospital, paulit-ulit na idiniin ni Crystal, kasama ng kaniyang mga magulang, ang kaniyang pagtangging pasalin ng dugo. Ayaw niyang mamatay; bagkus, nais niya ng medikal na paggamot na kasuwato ng utos sa Bibliya na umiwas sa dugo.—Gawa 15:28, 29.
Ang pangkat ng manggagamot na tumitingin kay Crystal ay nakatitiyak na ang kaniyang kalagayan ay nangangailangan ng pagsasalin ng dugo. Isang doktor ang tahasang nagsabi: “Kung si Crystal ay hindi sasalinan ng dugo sa Huwebes, Hunyo 15, kung gayon sa Biyernes, Hunyo 16, siya’y mamamatay!” Noong Hunyo 16, si Crystal ay hindi namatay, at ang ospital ay humingi sa Korte Suprema sa Estado ng New York ng awtoridad na sapilitang magsalin ng dugo.
Sa paglilitis, na dali-daling isinaayos sa ospital nang umagang iyon, isa sa mga manggagamot ang tumestigo na si Crystal ay nangangailangan ng dalawang yunit ng dugo karaka-raka at maaaring mangailangan ng hindi kukulanging karagdagang sampung yunit. Sinabi pa niya na kung sisikapin ni Crystal na tumangging pasalin, itatali niya siya ng mga panali sa pulsuhan at paa upang magawa ang pagsasalin ng dugo. Sinabi ni Crystal sa mga doktor na siya ay “sisigaw at hihiyaw” kung susubukin nilang salinan siya ng dugo at na bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, itinuturing niya ang anumang sapilitang pagsasalin ng dugo na kasuklam-suklam na gaya ng panghahalay.
Sa kabila ng paulit-ulit na kahilingan ng kaniyang abugado sa paglilitis, si Crystal ay hindi binigyan ng pagkakataong magsalita para sa kaniyang sarili sa harap ng hukuman upang ipakita ang kaniyang kakayahang gumawa ng desisyon. Bagaman katatanggap lamang ni Crystal ng isang gantimpala sa Super Youth Program bilang pagkilala sa kaniyang akademikong kahusayan at pangunguna sa kaniyang mataas na paaralan, hindi siya pinahintulutan ng hukom na lumilitis na tumestigo na itatala sa rekord ng korte tungkol sa kaniyang pagtangging pasalin ng dugo. Ito’y katumbas ng pagkakait kay Crystal ng mga karapatan sa legal na proseso, sa kalayaang magpasiya kung ano ang mangyayari sa pisikal na katawan ng isa, sa personal na buhay, at sa kalayaan sa pagsamba.
Bagaman hindi pinapayagan ng hukumang naglilitis na tumestigo si Crystal na itatala sa rekord ng korte, dinalaw ng hukuman si Crystal na mag-isa sa kaniyang silid sa loob ng 20 minuto. Pagkatapos ng dalaw ang hukom na lumilitis ay nagsabi na si Crystal ay “totoong napakatalino” at “napakatatás magsalita” at ipinaliwanag na si Crystal ay “tiyak na matino ang isip” at “may kakayahang lubusang ipahayag ang kaniyang sarili.” Sa kabila ng mga obserbasyong ito, matatag na hindi binigyan ng hukumang naglilitis si Crystal ng pagkakataon na magpasiya tungkol sa kaniyang sariling medikal na pangangalaga.
Noong Linggo ng umaga, Hunyo 18, si Crystal ay nangailangan ng emergency na operasyon, na sinang-ayunan niya, ngunit patuloy niyang tinanggihan ang pagsasalin ng dugo. Tatlong onsa lamang ng dugo ang nawala sa panahon ng operasyon. Gayunman, sinabi ng mga manggagamot na baka kailanganin ang pagsasalin ng dugo pagkatapos ng operasyon. Isang doktor naman ang tumestigo na hindi na kailangan ang pagsasalin ng dugo. Madalas na niyang ginagawa ang katulad na mga kaso nang walang pagsasalin ng dugo sa nakalipas na 13 taon, at hindi na nangailangan ng pagsasalin ng dugo pagkatapos ng operasyon.
Noong Hunyo 22, 1989, ang hukumang naglilitis
ay naglagay kay Crystal sa pansamantalang pangangalaga ng ospital sa layuning salinan ng dugo tangi lamang kung “kinakailangan upang pangalagaan at iligtas ang kaniyang buhay.” Ang pagiging tagapangalagang ito ng ospital ay nagtapos nang si Crystal ay palabasin sa ospital. Si Crystal ay hindi kailanman nangailangan ng dugo, at wala kailanmang isinaling dugo, subalit nakasisindak malaman kung paano pinakitunguhan ng hukuman si Crystal.Mula nang palabasin sa ospital, si Crystal ay nagtapos sa high school na may karangalan. Di-nagtagal, siya ay naging isang buong-panahong ministro bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Siya’y naging isang tour guide sa Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Lungsod ng Jersey at nagboluntaryo bilang isang miyembro ng isang pangkat na nagtatayo at nagre-remodel ng mga Kingdom Hall.
Gayunman, ang mga doktor sa Columbia Presbyterian Medical Center ay nagsabi na kung hindi siya pasasalin ng dugo noong Hunyo 15, siya ay mamamatay noong Hunyo 16 at na kung tatanggi siyang pasalin, siya’y tatalian ng mga panali sa pulsuhan at paa. Kung tahasang sabihin ng mga doktor na nagnanais magsalin ng dugo sa utos ng korte na kung hindi susunod ang hukom karaka-raka, ang pasyente ay mamamatay, alalahanin nila ang kaso ni Crystal Moore.
Si Lisa Kosack
Ang unang gabi ni Lisa sa Hospital for Sick Children sa Toronto ay masahol pa sa isang masamang panaginip. Siya’y pumasok sa ospital noong alas kuwatro ng hapon at agad na binigyan ng sunud-sunod na pagsusuri. Hindi siya nabigyan ng silid sa ospital kundi noong kinse minuto pagkaraan ng alas onse nang gabing iyon. Noong hatinggabi—buweno, hayaan nating si Lisa ang magsabi kung ano ang nangyari. “Noong hatinggabi isang nars ang pumasok at nagsabi: ‘Kailangang salinan kita ng dugo.’ Sinabi ko nang malakas: ‘Hindi po ako maaaring magpasalin ng dugo sapagkat ako’y isang Saksi ni Jehova! Alam po ninyo iyan! Alam po ninyo iyan!’ ‘Buweno, oo, alam ko,’ aniya, at agad na tinanggal ang aking suwero at ikinabit ang sa dugo. Ako’y nag-iiyak at naghahagulgol.”
Anong walang-puso at malupit na pagtrato sa isang maysakit at nahihintakutang 12-anyos na batang babae sa kalagitnaan ng gabi sa isang di-pamilyar na kapaligiran! Dinala si Lisa ng kaniyang mga magulang sa Hospital for Sick Children sa Toronto sa pag-asang makasumpong ng mababait at nakikipagtulungang mga doktor. Sa halip, ang kanilang anak na babae ay napailalim sa napakasakit na pagsasalin ng dugo sa hatinggabi, sa kabila ng paninindigan kapuwa ni Lisa at ng kaniyang mga magulang na ang pagsasalin ng dugo o mga produkto ng dugo ay isang paglabag sa batas ng Diyos at hindi dapat gamitin.—Gawa 15:28, 29.
Kinabukasan ang ospital ay humiling ng isang utos ng korte na magsalin ng dugo. Ang paglilitis ay tumagal ng limang araw, na pinamunuan ni Hukom David R. Main. Ito ay ginanap sa isang silid sa ospital, si Lisa ay dumalo sa loob ng limang araw. Si Lisa ay may malubhang myeloid leukemia, isang kalagayan na kadalasan nang nakamamatay, bagaman ang mga doktor ay nagpahayag na ang bilang ng gumagaling ay 30 porsiyento. Inireseta nila ang maraming pagsasalin ng dugo at puspusang chemotherapy—isang paggamot na nagsasangkot ng matinding kirot at nakapanghihinang masasamang epekto.
Noong ikaapat na araw ng paglilitis, si Lisa ay nagbigay ng patotoo. Isa sa mga tanong na itinanong sa kaniya ay kung ano ang nadama niya sa sapilitang pagsasalin ng dugo noong hatinggabi. Sinabi niya na sa pakiwari niya siya’y isang aso na ginagamit sa isang eksperimento, na pakiwari niya siya’y hinahalay, at palibhasa siya’y isang minor de edad inaakala ng ilang tao na magagawa nila sa kaniya ang anumang bagay. Kinamumuhian niyang makita ang dugo ng ibang tao na
pumapasok sa kaniyang katawan, nag-aalala kung magkakaroon siya ng AIDS o hepatitis o ibang nakahahawang sakit mula rito. At higit sa lahat, nababahala siya tungkol sa kung ano ang iisipin ni Jehova tungkol sa paglabag niya sa kaniyang batas laban sa pagpapasok ng dugo ng iba sa kaniyang katawan. Sinabi niya na kung mangyari itong muli, siya’y “manlalaban at sisipain niya ang pinagsasabitan ng bag ng dugo at aalisin ang nakasaksak na aparato na nakakabit sa tubo at sa bag ng dugo gaano man kasakit ito, at bubutasin niya ang bag ng dugo.”Ang kaniyang abugado ay nagtanong, “Ano ang nadarama mo, tungkol sa paghiling ng Children’s Aid Society na ang pangangalaga sa iyo ay kunin sa iyong mga magulang at ibigay sa kanila?”
“Buweno, ako’y galit na galit; nadama kong sila’y malupit sapagkat kailanman ay hindi ako binugbog ng aking mga magulang, mahal nila ako at mahal ko sila, at kailanma’t masakit ang lalamunan ko o may sipon ako o anumang bagay, inaalagaan nila ako. Ang kanilang buong buhay ay nakasentro sa akin, at ngayon basta na lamang may ibang tao, dahil lamang sa sila’y tumututol, ang darating at basta na lamang kukunin ako sa aking mga magulang na sa palagay ko ay napakalupit na bagay, at nakaliligalig ito nang husto sa akin.”
“Nais mo bang mamatay?”
“Hindi po, sa palagay ko po’y walang sinuman ang may nais na mamatay, subalit kung mamatay man ako ay hindi po ako matatakot, sapagkat nalalaman ko po na may pag-asa ng buhay na walang-hanggan sa isang paraiso sa lupa.”
Marami ang umiiyak habang buong tapang na tinatalakay ni Lisa ang kaniyang nalalapit na kamatayan, ang kaniyang pananampalataya kay Jehova, at ang kaniyang determinasyon na manatiling masunurin sa kaniyang batas tungkol sa kabanalan ng dugo.
“Lisa,” patuloy ng kaniyang abugado, “mahalaga ba sa iyo na malaman mo na ikaw ay inuutusan ng hukuman na magpasalin ng dugo?”
“Hindi po, sapagkat mananatili pa rin po akong tapat sa aking Diyos at susunod sa kaniyang mga utos, sapagkat ang Diyos ay mas nakahihigit sa anumang hukuman o sa sinumang tao.”
“Lisa, ano ang nais mong maging pasiya ng hukom sa kasong ito?”
“Buweno, ang nais ko pong maging pasiya ng hukom sa kasong ito ay ibalik ako sa aking mga magulang at sila muli ang mangalaga sa akin upang ako’y maging maligaya, at nang ako’y makauwi na ng bahay at maging nasa maligayang kapaligiran.”
At iyon nga ang naging pasiya ni Hukom Main. Ang sumusunod ang mga halaw mula sa pasiyang ito.
“Malinaw na sinabi ni L. sa hukumang ito na, kung sisikaping salinan siya ng dugo, lalabanan niya ang pagsasaling iyon nang kaniyang buong lakas. Sinabi niya, at naniniwala ako sa kaniya, na siya’y sisigaw at makikipaglaban at na tatanggalin niya ang nakasaksak na aparato sa kaniyang kamay at sisikapin niyang sirain ang dugo na nasa bag sa uluhan ng kaniyang kama. Tumatanggi akong gumawa ng anumang utos na magpapangyari sa batang ito na maranasan ang kakila-kilabot na karanasang iyan.”
Ganito ang sabi niya, tungkol sa sapilitang pagsasalin ng dugo noong hatinggabi:
“Nasumpungan ko na siya ay hindi pinakitunguhang mabuti dahil sa kaniyang relihiyon at sa kaniyang edad ayon sa s. 15(1). Sa mga kalagayang ito, sa pagsasalin ng dugo, ang kaniyang karapatan sa katiwasayan ng kaniyang pagkatao ayon sa s. 7 ay nilabag.”
Ang kaniyang impresyon tungkol kay Lisa mismo ay kawili-wili:
“Si L. ay isang maganda, lubhang matalino, matatás magsalita, magalang, madamayin at, higit sa lahat, isang taong malakas ang loob. Mayroon siyang karunungan at pagkamaygulang na higit sa kaniyang edad at sa palagay ko’y tamang sabihin na taglay niya ang lahat ng positibong mga katangian na nanaisin ng sinumang magulang sa isang anak. Mayroon siyang pinag-isipang mabuti, matatag at maliwanag na relihiyosong paniniwala. Sa aking palagay, gaano man karaming pagpapayo mula sa anumang pagmumulan o panggigipit mula sa kaniyang mga magulang o sa sinuman, pati na ang isang utos ng hukumang ito, ay hindi makatitinag o makapagpapabago sa kaniyang relihiyosong mga paniniwala. Naniniwala ako na si L. K. ay dapat bigyan ng pagkakataon na labanan ang sakit na ito taglay ang dangal at kapayapaan ng isip.”
“Ang paghiling ng pangangalaga sa batang ito ay pinawawalang-saysay.”
Si Lisa at ang kaniyang pamilya ay umalis ng ospital nang araw na iyon. Tunay, pinaglabanan ni Lisa ang kaniyang sakit taglay ang dangal at kapayapaan ng isip. Siya’y namatay na mapayapa sa tahanan, sa maibiging mga bisig ng kaniyang ina at ama. Sa paggawa ng gayon siya ay sumama sa ranggo ng marami pang kabataang mga Saksi ni Jehova na inuuna ang Diyos. Bunga nito, tatamasahin niya, kasama nila, ang katuparan ng pangako ni Jesus: “Siya na nawawalan ng kaniyang kaluluwa alang-alang sa akin ay makasusumpong nito.”—Mateo 10:39, talababa.
Si Ernestine Gregory
Sa gulang na 17, si Ernestine ay narikunosi na pinahihirapan ng leukemia. Nang maospital, siya’y tumanggi sa paggamit ng mga produkto ng dugo upang tulungan ang chemotherapy na nais isagawa ng mga doktor. Dahil sa pagtanggi ni Ernestine at ang pagtaguyod ng kaniyang ina sa kaniyang pagpili ng paggamot na walang dugo, iniulat ng ospital ang bagay na ito sa mga welfare official sa Chicago, Illinois, E.U.A., na humiling naman ng isang utos ng korte upang gumamit ng dugo. Ang paglilitis ay isinaayos, kung saan dininig ng hukumang naglilitis ang patotoo ni Ernestine, ng isang medikal na doktor, isang saykayatris, at isang abugado, gayundin ng ibang taong kasangkot.
Sinabi ni Ernestine sa kaniyang doktor na ayaw niyang pasalin ng dugo. Iyan ang kaniyang personal na pasiya salig sa kaniyang pagbabasa ng Bibliya. Na ang isang sapilitang pagsasalin ng dugo na isasagawa sa ilalim ng utos ng korte ay hindi pa rin paggalang sa batas ng Diyos at mali sa kaniyang paningin, ano pa mang awtoridad ng hukuman. Na siya ay hindi tutol sa medikal na paggamot at ayaw niyang mamatay. Na ang pasiya niya ay hindi isang kahilingan na mamatay, hindi pagpapatiwakal; gayunman, hindi siya natatakot mamatay.
Si Stanley Yachnin, M.D., ay nagpatotoo na siya ay “humanga sa pagkamaygulang ni Ernestine, sa kaniyang pagkatao,” at sa kataimtiman ng kaniyang relihiyosong mga paniniwala. Sinabi rin niya na nauunawaan ni Ernestine ang kalikasan at mga kahihinatnan ng kaniyang karamdaman. Dahil sa pagkaunawa niya, nakita ni Dr. Yachnin na hindi na kailangan pang tawagin ang isang saykayatris o isang sikologo.
Gayunpaman, isang saykayatris ang tinawag, si Ner Littner, M.D., na pagkatapos makausap si Ernestine ay nagsabi na taglay ni Ernestine ang pagkamaygulang ng isa na nasa pagitan ng edad na 18 at 21. Sinabi niyang si Ernestine ay nagpakita ng pagkaunawa sa mga kahihinatnan ng pagtanggap o pagtangging magpasalin ng dugo. Sinabi niya na tinanggap niya ito, hindi dahil sa siya ay nasa ilalim ng impluwensiya ng iba, kundi dahil sa pinaniniwalaan niya mismo ito. Sinabi ni Dr. Littner na si Ernestine ay dapat payagang gumawa ng kaniyang sariling pasiya sa bagay na ito.
Si Jane McAtee, isang abugado para sa ospital, ay tumestigo na pagkatapos kapanayamin si Ernestine, siya’y naniniwalang nauunawaan ni Ernestine ang kalikasan ng kaniyang karamdaman at na siya’y “waring lubusang may kakayahang maunawaan ang kaniyang pasiya at tanggapin ang mga kahihinatnan nito.”
Hangang-hanga rin ang hukuman sa patotoo ni Ernestine. Nasumpungan ng hukuman na si Ernestine ay isang maygulang na 17-anyos, na ang pasiya ni Ernestine ay ginawa niya, at na kaniyang nauunawaan ang maselang na kalagayan niya. Gayunman, bagaman siya’y nagpakita na siya ay isang maygulang na dalagitang may kakayahang gumawa ng may kabatiran, matalinong medikal na mga pasiya para sa kaniyang sarili na kasuwato ng kaniyang mahigpit na pinanghahawakang mga pamantayan at paniniwala, nakasisindak, ang hukumang naglilitis ay nagkaloob ng isang utos na nagpapahintulot ng mga pagsasalin ng dugo.
Ang utos ng korte sa paglilitis ay unang inapela sa Hukuman sa Paghahabol ng Illinois. Sa isang dalawa-sa-isang desisyon, ipinasiya ng Hukuman sa Paghahabol na si Ernestine ay hindi maaaring piliting pasalin ng dugo na labag sa kaniyang kalooban. Ikinatuwiran ng hukuman na ang Unang Susog sa karapatan ni Ernestine tungkol sa kalayaan sa pagsamba pati na ang kaniyang konstitusyunal na karapatan sa sariling buhay ay nangangalaga sa kaniyang karapatan bilang isang maygulang na minor de edad na tumangging pasalin ng dugo sa relihiyosong mga kadahilanan.
Pagkatapos inapela ng mga opisyal ng child-welfare ang desisyon ng Hukuman sa Paghahabol sa Korte Suprema ng Illinois. Pinagtibay ng Korte Suprema ng Illinois, ang pasiya ay na bagaman si Ernestine ay isang minor de edad, na siya ay may karapatang tumanggi sa medikal na paggamot na di-kanais-nais sa kaniya. Ibinatay ng korte supremang ito ang desisyon nito sa karapatan ng panlahat na batas na magpasiya para sa sariling katawan at ang tuntuning maygulang na minor de edad. Ang pamantayang ikakapit sa mga kaso ng maygulang na minor de edad sa Illinois ay binuod ng Korte Suprema ng Illinois sa sumusunod na pananalita:
“Kung maliwanag at nakakukumbinsi ang katibayan na ang minor de edad ay maygulang na upang maunawaan ang mga kahihinatnan ng kaniyang mga kilos, at na ang minor de edad ay maygulang na upang gamitin ang paghatol ng isang adulto, kung gayon ang doktrina ng maygulang na minor de edad ay nagbibigay sa kaniya ng karapatan ng panlahat na batas na sumang-ayon o tumanggi sa medikal na paggamot.”
Si Ernestine ay hindi binigyan ng chemotherapy o pagsasalin ng dugo, at hindi siya namatay dahil sa kaniyang sakit na leukemia gaya ng nais papaniwalain ng mga doktor sa hukuman. Si Ernestine ay nanindigang matatag at inuna ang Diyos, gaya ng iba pang kabataang nabanggit kanina. Ang bawat isa’y tumanggap ng “lakas na higit sa karaniwan.”—2 Corinto 4:7.
[Kahon sa pahina 13]
Mga Panganib ng Pagsasalin ng Dugo
Ang The New England Journal of Medicine, labas ng Disyembre 14, 1989, ay nag-ulat na ang isang yunit ng dugo ay maaaring magdala ng sapat na virus ng AIDS na magpapangyari ng 1.75 milyong pagkahawa!
Noong 1987, pagkatapos malaman na ang AIDS ay naililipat sa pamamagitan ng suplay ng dugo na galing sa mga nagkaloob ng dugo, ang aklat na Autologous and Directed Blood Programs ay nanangis: “Ito ang pinakamasaklap sa lahat ng medikal na kabalintunaan; na ang mahalagang nagbibigay-buhay na kaloob ng dugo ay maaaring maging isang instrumento ng kamatayan.”
Si Dr. Charles Huggins, patnugot ng paglilingkod para sa pagsasalin ng dugo sa isang ospital sa Massachusetts, E.U.A., ay nagsabi: “Ito ang pinakamapanganib na bagay na ginagamit natin sa medisina.”
Ang Surgery Annual ay naghinuha: “Maliwanag, ang pinakaligtas na pagsasalin ay yaong isa na hindi ibinibigay.”
Dahil sa mas maraming paglitaw muli ng kanser pagkatapos ng operasyon kung saan nagkaroon ng pagsasalin ng dugo, si Dr. John S. Spratt ay nagsabi sa The American Journal of Surgery, labas ng Setyembre 1986: “Ang siruhano sa kanser ay baka kailangang maging isang siruhanong nag-oopera nang walang pagsasalin ng dugo.”
Ang babasahing Emergency Medicine ay nagsabi: “Ang aming karanasan sa mga Saksi ni Jehova ay maaaring bigyan ng kahulugan na hindi namin kailangang umasa sa pagsasalin ng dugo, taglay ang lahat ng potensiyal na mga komplikasyon nito, gaya ng palagay natin noon.”
Binanggit ng babasahing Pathologist ang pagtanggi ng mga Saksi ni Jehova na pasalin ng dugo at ang sabi: “Maraming katibayan na sumusuporta sa kanilang pangangatuwiran laban sa pagsasalin ng dugo, sa kabila ng mga pagtutol ng mga nagbebenta ng dugo.”
Si Dr. Charles H. Baron, propesor ng batas sa Boston College Law School, ay nagsabi tungkol sa pagtanggi ng mga Saksi ni Jehova na pasalin ng dugo: “Lahat ng lipunang Amerikano ay nakinabang. Hindi lamang ang mga Saksi ni Jehova, kundi ang mga pasyente sa pangkalahatan, ay malamang na hindi na binibigyan ngayon ng hindi kinakailangang pagsasalin ng dugo dahil sa gawain ng mga Hospital Liaison Committee ng mga Saksi.”