Paano Kung Umibig Ako sa Isang Di-sumasampalataya?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Kung Umibig Ako sa Isang Di-sumasampalataya?
“May problema ako,” ang pag-amin ng isang Kristiyanong babae. “May crush ako sa aking kapitbahay. Mabait siya, magalang, at makonsiderasyon, ngunit isang bagay lamang ang wala sa kaniya—ang pag-ibig kay Jehova. Alam kong mali para sa akin na ibigin siya, ngunit hindi ko alam kung paano ko pakikitunguhan ang aking damdamin para sa kaniya.”
Si Mark ay 14 na taóng gulang nang maranasan niya ang gayunding kalagayan. a Nahumaling siya sa isang babae na hindi niya kapareho ang relihiyosong mga pinaniniwalaan. “Kalimitang nangangarap ako nang gising tungkol sa kung ano ang gaya na kami’y magkasama, mag-asawa na,” aniya. “Subalit alam kong mali ito.”
ANG mga crush at paghanga ay karaniwan sa panahon ng pagkatin-edyer, kapag napakatindi ng romantikong damdamin. (Ihambing ang 1 Corinto 7:36.) Dahil sa walang mapag-ukulan ng gayong damdamin, ang mga kabataan ay malamang na mahumaling sa paboritong mga guro, mang-aawit, at iba pa. Yamang ang personal na mga kaugnayan sa gayong mga adulto ay, sa kalakhang bahagi, hindi magkakatotoo, ang mga crush na ito ay karaniwang panandalian lamang at hindi naman nakasasamâ. b Kung gayon, paano kung nagkaroon ka ng matinding damdamin sa kasinggulang mo—sa isa na handa at kayang magkaroon ng kaugnayan sa iyo—subalit ang taong iyon ay iba ang relihiyosong mga paniniwala sa iyo?
Para sa ilan maaaring ito’y hindi isang problema. Unang-una, maraming kabataan ang di-gaanong interesado sa relihiyon. At maging sa gitna ng mga relihiyoso, ang pakikipag-date sa isang di-kapananampalataya ay hindi naman laging tinututulan. Ang mga taong may liberal na kaisipan ay malamang na sumang-ayon pa rito. Subalit, nakikita ng maraming adulto ang posibleng mga problema sa gayong mga relasyon, lalo na ang mga ito’y kalimitang humahantong sa pag-aasawa. Sa gayon ang manunulat na si Andrea Eagan ay nagpayo sa mga kabataan: “Ang pagkakaroon ng magkatulad na relihiyosong pinagmulan ay hindi mahalaga kung ang sinuman sa inyo ay hindi relihiyoso. Subalit kung ang relihiyon ay mahalaga para sa isa o sa inyong dalawa, kung gayon dapat na isaalang-alang ang mga pagkakaiba sa relihiyon. . . . Hindi ninyo kinakailangang maging pareho kung may kinalaman sa relihiyon . . . , subalit kailangang magkasundo kayo sa isa’t isa.”
Ang gayong payo ay waring makatuwiran. Subalit ang totoo ito’y nagpapabanaag ng “karunungan ng sanlibutang ito.” (1 Corinto 3:19) Ipinakikita ng Bibliya na ang pag-iibigan ng isang mananampalataya at ng isang di-sumasampalataya ay nagbabangon ng problema na higit pa sa basta magkabagay lamang ng mag-asawa. Batid ng mga kabataan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova na ito’y isang bagay na pagsunod sa Salita ng Diyos, na humihimok sa mga Kristiyano na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39) Yamang ang pakikipag-date ay hindi isang libangan lamang kundi isang paghahanda sa pag-aasawa, hindi ito makalulugod sa Diyos kapag nahulog nang husto ang loob ng isa sa kaniyang mga lingkod sa isa na hindi nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova.
Magkagayon man, nasusumpungan ng ilang kabataang Saksi ang kanilang sarili na naaakit sa mga di-sumasampalataya. Paano ito nangyayari? Ano ang dapat mong gawin kung masumpungan mo ang iyong sarili sa gayong kalagayan?
Kung Paano Ito Nangyayari
Unawain, una sa lahat, na ang lahat ng tao ay nagkakamali. “Sinong makasisiyasat ng kaniyang mga kamalian?” tanong ng salmista. (Awit 19:12) Ang mga kabataan ay lalo nang sumasailalim sa mga pagkakamali sa larangan ng pag-ibig. Bakit? Sa simpleng dahilan na kulang sila sa katalinuhan na dala ng karanasan at panahon. (Kawikaan 1:4) Dahil sa walang gaanong karanasan sa pakikitungo sa di-kasekso, baka hindi alam ng isang kabataang Kristiyano kung paano pakikitunguhan ang romantikong pagkaakit—o atensiyon mula sa di-kasekso.
Ito ang kalagayan ni Sheila nang kaniyang mabatid na isang kaeskuwela niya ang may crush sa kaniya. “Masasabi ko na gusto niya ako,” sabi ni Sheila. “Kapag oras ng pananghalian lalapit siya sa akin at kasama kong kakain. Kapag panahon ng pag-aaral sa aklatan, hinahanap niya ako.” Ang damdamin ni Sheila sa lalaki ay sumidhi. Si Mark, na nabanggit na, ay gayundin ang naalaala: “Palagi kong nakikita ang babaing ito sa klase sa gym. Sinisikap niyang malapitan ako at makausap. Hindi mahirap na magkaroon ng pakikipagkaibigan.” Sa kalagayan ng 14-na-taóng-gulang na si Pam, ang isang kapitbahay na lalaki ay nagbigay pa nga ng singsing bilang kapahayagan ng kaniyang pagmamahal sa kaniya.
Sabihin pa, hindi naman laging isang Saksi ang nagiging walang-malay na biktima ng paglapit. Isang babae ang basta nagsusukli ng ipinakikitang interes ng isang Kristiyanong lalaki na nagngangalang Jim. Kaya, napilitan siyang aminin ang kaniyang ginawa nang isang araw ay magpakita ang babae sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, na hinahanap siya!
Anuman ang kalagayan, maaaring nabatid mo na mali ang marahuyo. Subalit kung minsan mahirap tanggihan ang atensiyon mula sa isang di-kasekso. Isaalang-alang si Andrew. Noong siya’y nasa unang taon sa high school, isinasaayos ng kaniyang mga magulang ang tungkol sa diborsiyo. “Kailangan ko ang isang kausap,” ang kaniyang gunita. Isang babae sa paaralan ang waring laging may tamang salita na nagpapalakas ng kaniyang
loob. Hindi nagtagal ang romantikong damdamin para sa isa’t isa ay lumago.Ang mga Panganib
Kapag hindi nabantayan, ang gayong damdamin ay maaaring magdulot ng tunay na problema. Ang Kawikaan 6:27 ay nagsasabi: “Makakukuha ba ng apoy ang tao upang ilagay iyon sa kaniyang sinapupunan at hindi masusunog ang kaniya mismong mga kasuutan?” Halimbawa, isaalang-alang ang karanasan ng isang babaing nagngangalang Kim. Bagaman pinalaki bilang isang Kristiyano, hinayaan niya ang kaniyang loob na mahulog sa isang lalaki sa paaralan. “Siya’y isa sa pinakatanyag at pinagkakaguluhang lalaki sa paaralan,” ang gunita ni Kim. Hindi nagtagal palihim siyang dumadalo sa mga parti kung saan lantarang ginagamit ang mga droga. “Takot na takot ako, subalit iniibig ko siya. Nagdalang-tao ako.” Napakasal si Kim sa kaniyang boyfriend, subalit ang lalaki ay nabilanggo sa salang pagnanakaw na may armas. Minsan pa naging totoo ang babala ng Bibliya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.”—1 Corinto 15:33.
Hindi naman ibig sabihin nito na ang lahat ng kabataan na hindi mga Saksi ni Jehova ay imoral o gumagamit ng droga. Subalit, sa paano man ang gayong mga kabataan ay hindi nagtataglay ng katulad na pinahahalagahang mga bagay, mga pangmalas, o mga tunguhin gaya sa mga kabataang Saksi. Ang 1 Corinto 2:14 ay nagpapaliwanag na ang isang di-sumasampalataya ay “hindi tumatanggap ng mga bagay ng espiritu ng Diyos, sapagkat ang mga iyon ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya malalaman ang mga iyon, sapagkat ang mga iyon ay sinusuri sa espirituwal na paraan.” Isip-isipin kung paano hinubog ng iyong pinahahalagahang relihiyosong mga bagay ang iyong emosyon—ang kagalakan na iyong nararanasan sa Kristiyanong mga pagpupulong, ang kasabikan ng pagbabahagi ng mensahe ng Bibliya sa isang taong tumatanggap, ang kasiyahan sa pag-aaral ng Bibliya mismo. Ang isa bang di-sumasampalataya ay makauunawa—lalo’t higit ang makiisa—sa gayong damdamin? Malamang na hindi.
Kaya si Pablo ay nagpapayo sa mga Kristiyano: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-mananampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran at katampalasanan? O anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman? Karagdagan pa, anong pagkakasuwato mayroon sa pagitan ni Kristo at ni Belial? O anong bahagi mayroon ang isang tapat na tao sa isang di-mananampalataya?” (2 Corinto 6:14, 15) Ito mismo ang aral na natutuhan ng kabataang si Sonya nang siya’y umibig nang husto sa isang di-sumasampalataya. Ganito ang kaniyang pag-amin: “Ang pagkakaroon ng kasama na hindi mo kaisa sa sigasig at pag-ibig kay Jehova ang pinakamalungkot na bagay na maiisip. Ito’y nakadudurog ng puso. Kapag ang katotohanan ang nag-uudyok na puwersa sa iyong buhay, kailangan mong ibahagi ito—basta kailangan mong gawin ito! Talagang walang-saysay ang damdamin kapag hindi mo maibahagi ito sa iyong kabiyak sapagkat ang kasama mo’y isang di-sumasampalataya.”
Kaya, sa gayong relasyon, ang relihiyon ay wari bang nagiging, hindi isang bagay na pagkakasunduan, kundi ang pangunahing pagtatalunan. Malamang na mapilitan kang isaisantabi ang iyong espirituwal na mga interes upang mapanatili ang kapayapaan. Subalit ang paggawa ng gayon ay makasisira lamang sa iyong espirituwalidad. Ganito ang paglalahad ng isang kabataang babae: “Naging malapit ako sa isang lalaki na hindi Saksi. Subalit habang nagiging malapit ang kaugnayan, saka ko nabatid na talagang umiibig na pala ako sa kaniya. Unti-unti ang aking kaugnayan kay Jehova ay hindi na gaanong naging mahalaga para sa akin; ang aking kaugnayan sa lalaking ito ang naging pinakamahalagang bagay para sa akin. Ayaw ko nang dumalo sa mga pulong, makisama sa aking Kristiyanong mga kapatid, o makibahagi sa gawaing pangangaral. Ang tanging ibig ko lamang ay makasama siya. Ako’y naging di-aktibong Saksi nang sumunod na dalawang taon. At sa buong panahong ito, hindi kailanman sinuklian ng aking ‘kaibigan’ ang aking pag-ibig sa kaniya. Patuloy kong inisip na baka balang araw gagawin din niya iyon, subalit hindi ito kailanman nangyari.”
Oo, ang umibig sa isa na hindi mo kaisang nagpapahalaga sa relihiyoso at pangmoral na bagay na iyong pinahahalagahan ay tiyak na magdudulot sa iyo ng dalamhati at kalungkutan. Ang landas ng karunungan ay lumayo sa gayong pakikipamatok. Subalit paano mo magagawa ito kapag napakasidhi ng iyong damdamin sa isang tao? Ito ang magiging paksa ng aming susunod na artikulo sa seryeng ito.
[Mga talababa]
a Ang ilan sa pangalan ay pinalitan.
b Tingnan ang kabanata 28 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 19]
Ang isa bang di-sumasampalataya ay makakaisa mo sa kasigasigan sa espirituwal na mga bagay?