Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
“Isang Pinagmumulan ng Matinding Paghihirap sa Iglesya”
Sa pakikipagpulong niya sa mga obispo ng silangang Canada, ibinaling ni John Paul II ang kaniyang pansin sa mga pang-aabuso sa sekso na ginawa ng mga pari. Gaya ng iniulat sa L’Osservatore Romano, sinabi ng papa sa mga preladong taga-Canada na “ang kahihiyan na idinulot ng mga miyembro ng klero at ng mga Relihiyoso na nabigo sa bagay na ito ay naging sanhi ng matinding paghihirap para sa Iglesya sa Canada.” Sinabi pa niya na siya’y nanalangin “para sa mga biktima ng seksuwal na kalisyaan, gayundin para sa mga gumawa ng kalisyaang ito.” Inaakala ng ilan na ang pag-aalis ng sapilitang di-pag-aasawa ng mga pari ay kapuwa makatutulong sa pagbawas ng mga iskandalo na may kaugnayan sa seksuwal na pang-aabuso ng mga klero at makalulutas “sa kakulangan o di-pantay na pamamahagi ng mga pari” na binanggit ng papa. Subalit ayon kay John Paul II, “ang mga problema ngayon dahil sa pananatiling walang-asawa ng mga pari ay hindi sapat na dahilan upang lupigin ang paniniwala ng Iglesya may kinalaman sa kahalagahan at kawastuan nito.”
Bakit May Pagkasugapa sa Droga?
“Maraming tao ang nag-aakala na ang modernong pharmacology ay may maliit na pildoras na makalulutas sa anumang problema natin. Kung hindi makatulog ang isang tao, iinom siya ng pildoras. Kung ibig niyang maging mahusay ang kaniyang pagtatrabaho, isa na namang pildoras ang kaniyang iinumin,” sabi ng hepe ng pulisya sa São Paulo, si Alberto Corazza, gaya ng sinipi sa magasing Veja sa Brazil. “Makatuwirang isipin na ang gayong kultura ay nakaiimpluwensiya sa mga kabataan.” Sinabi pa niya: “Walumpung porsiyento ng mga sugapa sa droga ay may malulubhang problema sa pamilya. Sila’y mula sa napakahigpit o napakaluwag na pamilya o mula sa tahanan na walang ama.” Subalit paano maiingatan ng mga magulang ang mga kabataan mula sa mga droga? Sabi ni Corazza: “Waring ito’y isang pangarap lamang, subalit sa isang mahusay na tahanan kung saan may pagmamahal sa mga anak at may pakikipag-usap, hindi kailanman magkakaroon ng puwang ang mga droga.”
“Pinakamarahas na Bansa”
“Ang Amerika ang pinakamarahas na bansa sa daigdig,” sulat ng kolumnista na si Ann Landers. “Noong 1990, ang mga baril ay pumaslang ng 10 katao sa Australia, 22 sa Gran Britaniya, 68 sa Canada at 10,567 sa Estados Unidos.” Ito rin ang bansang pinakanasasandatahan. Ang mamamayan nito ay nagtataglay ng mahigit na 200 milyong armas—halos isa sa bawat 255 milyong naninirahan. Ang mga paaralan ay hindi ligtas mula sa karahasan. Halos 20 porsiyento ng lahat ng estudyante sa high school ang may dalang anumang uri ng armas. Halos tatlong milyong krimen sa bawat taon ang nagaganap sa loob o malapit sa mga kampus ng paaralan. Bawat araw 40 guro ang nabubugbog, at halos 900 ang pinagbabantaang saktan. Ayon sa National Education Association, 100,000 estudyante ang nagdadala ng mga baril sa paaralan araw-araw, at ang isang karaniwang araw ay makikitaan ng 40 bata na napatay o nasugatan ng mga armas. “Ang ating pagpaparaya sa karahasan ay natatangi, at ang mga paaralan ay larawan lamang niyan,” sabi ni John E. Richters ng Pambansang Surian ng Kalusugang Pangkaisipan. Isang guro sa Ingles, na noo’y may 10-porsiyentong tagumpay lamang ng mga estudyante sa ika-12 baitang ang mapasusulat niya ng sanaysay, ang nagkaroon ng 100-porsiyentong tagumpay nang kaniyang iatas sa kanila ang paksang “Ang Aking Paboritong Armas.”
Suliranin ng Iglesya
Ang mga obispo mula sa kanlurang Canada ay humiling sa Vaticano na luwagan ang patakaran ng simbahan tungkol sa di-pag-aasawa ng mga pari at pahintulutan ang mga pari na mag-asawa upang mapaglingkuran ang populasyon ng mga katutubo sa Northwest Territories. Ipinalagay ng mga obispo na ang pagsasaalang-alang sa kultura, lakip na ang kakulangan ng mga pari sa mga rehiyon sa kahilagaan, ang nagbibigay-matuwid sa kanilang kahilingan. “Si Obispo Denis Croteau,” ulat ng The Toronto Star, “ay nagsasabi na ang mga taong Inuit at Dene ay may pampamilyang simulain sa kanilang kultura kung saan, maliban ang lalaki ay nag-asawa na, nagpamilya at naging isang elder, ‘ikaw ay hindi isang lider at hindi ka pakikinggan ng mga tao.’ ” Bagaman nagbigay ng pansin si Papa John Paul II at ang iba pang mga opisyal ng Vaticano sa pakiusap ng mga obispo, walang pagbabago ang inaasahang darating. Ipinahayag ni Kardinal Jozef Tomko, pinuno ng Kongregasyon ng Vaticano para sa Evangelization of Peoples, ang pangamba na “ang eksepsiyon na ipagkakaloob sa Canada ang magiging tampulan ng pansin ng media at magbubukas ng daan sa mga kahilingan sa Aprika, Timog Amerika at saanman,” sabi ng Star.
Dumarami ang Panlulumo
“Labindalawang magkakahiwalay na mga pagsusuri na kinasasangkutan ng mga panayam na may kabuuang 43,000 katao sa siyam na mga bansa ang naunang nagpatunay sa pananaliksik sa Amerika sa pamamagitan ng pagpapakita na ang bilang ng masidhing panlulumo ay patuloy na tumaas sa kalakhan ng daigdig sa panahon ng ika-20 siglo,” sabi ng The Harvard Mental Health Letter. Pagkatapos tipunin ang mga paksa “sa mga pangkat na tinitiyak ng dekada ng pagsilang, nagpapasimula bago ang 1905 at nagwawakas pagkatapos ng 1955,” ipinakita ng halos lahat ng pagsusuri na “ang mga taong isinilang nang bandang huli ay mas malamang na manlumo nang matindi sa ilang
panahon ng kanilang buhay.” Ipinakita rin ng karamihan ng mga pagsusuri ang patuloy na pagdami ng malubhang panlulumo sa buong dantaon.Pananatiling Malusog ng mga Bata
“Mahigit sa 230 milyon batang nasa edad bago mag-aral sa nagpapaunlad na mga bansa, o 43 porsiyento, ang nabansot dahil sa malnutrisyon dahil sa kakulangan ng pagkain at sa sakit,” sabi ng press release ng UN. Noong 1993 tinatayang apat na milyong bata ang namatay dahil sa malnutrisyon, tuwiran man o dahil sa napalala nito ang epekto ng nakahahawang mga sakit. Ano ang lunas? Iminumungkahi ng World Health Organization na “ang lahat ng sanggol ay pantanging pasusuhin ng gatas ng ina mula sa pagsilang hanggang 4-6 na buwang gulang. Pagkatapos noon, ang mga bata ay kailangang patuloy na pasusuhin, samantalang tumatanggap ng wasto at sapat na karagdagang pagkain hanggang 2 taóng gulang at higit pa.” Ang mga ina at mga tagapangalaga ng kalusugan ay hinihimok na huwag bigyan ng maling kahulugan ang mga yugto ng paglaki ng pasusuhing mga sanggol bilang mabagal na paglaki at maagang magbigay ng ibang mga pagkain. Ito’y maaaring maging mapanganib para sa mga sanggol at maging sanhi ng malnutrisyon at sakit, lalo na kung ang sinimulang ibigay na mga pagkain ay marumi at kulang sa sustansiya.
Pagkaalipin Ngayon
Bagaman sinabi ng Universal Declaration of Human Rights na “walang sinuman ang dapat na mapaalipin o nasa paglilingkuran,” gayunman daan-daang milyong tao ang nagdurusa bilang mga alipin. Ang napakaraming tao na nakararanas ng tulad-aliping mga gawain sa ngayon, gaya ng ipinakita ng magasing UN Chronicle, ang sa katunayan ay mas marami kaysa bilang ng mga alipin noong ika-16 hanggang ika-18 siglo, “ang panahong pinakamalakas ang negosyo ng alipin.” Ang isang nakababahalang aspekto ng pagkaalipin sa ngayon ay na ang karamihan ng biktima ay mga bata. Ang pito-hanggang-sampung-taóng-gulang na mga bata ang nagpapakahirap sa mga pabrika sa loob ng 12 hanggang 14 na oras sa isang araw. Ang ilan ay nagpapaalipin bilang mga katulong sa bahay, mga babaing nagbibili ng laman, o mga sundalo. “Malaki ang pangangailangan sa mga batang manggagawa,” ulat ng UN Centre for Human Rights, “sapagkat ito’y mura” at dahil sa ang mga bata ay “takot na takot magreklamo.” Ang pagkaalipin, sabi ng UN, ay nananatiling kahindik-hindik na “modernong katotohanan.”
Pormula Para sa Sobrang Katabaan
Ang dami ng oras sa isang araw na ginugugol sa panonood ng telebisyon ng mga batang hindi pa nag-aaral ay tuwirang may kaugnayan sa pagdami ng taba sa katawan sa huling yugto ng pagkabata, sabi ni Dr. Munro Proctor ng Boston University School of Medicine. Si Dr. Proctor ay nagsagawa ng apat na taóng pagsusuri sa 97 batang hindi pa nag-aaral na, sa simula, nasa pagitan ng mga edad na tatlo at lima. Sinusubaybayan ng mga magulang ang oras na ginugugol ng kanilang mga anak sa panonood ng telebisyon araw-araw, samantalang sinusukat ang mga skin fold sa buong katawan taun-taon. Gaya ng iniulat ng The Medical Post ng Canada, “ang bawat bata ay nanonood ng telebisyon nang dalawang oras araw-araw. Sa bawat karagdagang oras na ipinanood ng TV sa bawat araw, may 0.8 mm [0.03 pulgada] karagdagang pagbabago sa mga tricep skinfold at 4.1 mm [0.2 pulgada] karagdagang pagbabago sa kabuuan ng mga skinfold.” Si Dr. Proctor ay naghihinuha na ang panonood ng telebisyon ay umaakay sa kabawasan ng galaw ng katawan at nagpapababa ng bilis ng metabolismo at naglalantad sa mga bata sa mga anunsiyo ng mga pagkain na sagana sa calorie na kinakain habang hindi kumikilos.
Isla ng Pista Opisyal
“Hinihiling ng [World] Bank at ng [International Monetary Fund] sa gobyerno na bawasan ang bilang ng mga araw na walang trabaho sa Sri Lanka, na sa kasalukuyan ay 174 sa 365, marahil ay isang pandaigdig na rekord,” sabi ng The Economist. “Paano uunlad ang bansa kung ang mga mamamayan nito ay halos kalahating taon kung magbakasyon?” Ang mataas na bilang ng araw na hindi ipinagtatrabaho ay nagpapakita ng pagkahalu-halo ng mga lahi at relihiyon sa Sri Lanka. Karagdagan pa sa 5 sekular na pista opisyal, may 20 relihiyosong mga pista opisyal para sa Budista, Hindu, Muslim, at mga relihiyong Kristiyano. Ang mga lingkod ng bayan ay may karagdagang 45 araw na walang trabaho taun-taon—tinutumbasan ng maraming pribadong mga negosyo. Subalit, lumalago ang ekonomiya ng Sri Lanka. “Ang agrikultura ang pinakasentro ng ekonomiya at nakasalig sa dalawang monsoon na humahampas sa isla sa mga panahon ng anihan,” sabi ng The Economist. “Ang mga monsoon ay hindi nagpipista opisyal.”
Naglalakad Samantalang Nakainom
“Ang pag-inom at pagmamaneho ay hindi dapat pagsabayin,” ang sabi ng mga anunsiyo, at ang mahihigpit na parusa ay ipinatutupad sa mga nagmamaneho samantalang nakainom. Bagaman ang karamihan ng pansin ay nakatuon sa lasing na mga tsuper, di-gaanong binibigyang-pansin ang pag-inom at paglalakad. Ayon sa National Highway Traffic Safety Administration, 5,546 na taong naglalakad ang nasawi sa Estados Unidos dahil sa mga kotse noong 1992, at mahigit na sangkatlo ng mga taong naglalakad ang lasing. Ang mga ito ang dahilan ng 14 na porsiyentong mga kamatayan may kaugnayan sa sasakyan. Para sa mga mahigit na 14 ang edad, halos 36 na porsiyento ang may mataas na antas ng alkohol sa dugo upang sila’y ipalagay na nagmamaneho nang lasing kung sila’y nagmamaneho. Kakaunti pa ang kabatiran sa kasalukuyan kung paano iiwasan ang gayong mga kamatayan at kung sino ang pinakananganganib.