Krakatoa—Isang Malaking Sakuna na Muling Dinalaw
Krakatoa—Isang Malaking Sakuna na Muling Dinalaw
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA INDONESIA
ANG Carita Beach ay waring isang tahimik na dako. Walang anuman dito ang nagpapahiwatig ng isang maligalig na kahapon. Para bang ito ay isang tahimik na bakasyunan sa Java, mga isang daan at limampung kilometro sa kanluran ng lungsod ng Djakarta at matatagpuan sa Sunda Strait, na naghihiwalay sa mga isla ng Indonesia na Java at Sumatra. Ang napakaraming tao at buhul-buhol na trapiko ng Djakarta ay tila malayung-malayo, at ang kapaligiran ay tiwasay at matahimik. Ang katutubong mga bahay ay nakatayong matatag sa tabi mismo ng tubig.
Subalit ang pangalang iyan—Carita Beach—ay isang madayang himaton sa isang magulong kasaysayan. Ang “Carita” ay isang salita sa Indonesia na nangangahulugang “kuwento,” at ang lugar na ito, tulad ng marami pang ibang dako, ay talagang isang taguan ng kalunus-lunos na mga kuwento—pawang galing sa isang malaking sakuna na matinding sumabog sa rehiyong ito at ipinadama ang sarili nito sa buong daigdig.
Tumitingin sa ibayo ng tahimik, bughaw na tubig ng Sunda Strait mula sa Carita Beach, makikita ng isa ang isang pangkat ng maliliit na isla. Mula sa isa sa mga ito—ang Anak Krakatau (Anak ng Krakatoa)—pumapailanglang pa rin ang usok. Ang pangalang nagbabanta ng masama ay nagpapagunita sa galít na “ama” nito, ang Bundok Krakatoa, na ang karamihan ay naglaho sa ilalim ng tubig ng Sunda Strait pagkatapos pumutok sa pinakamalakas na pagsabog sa lahat ng makabagong kasaysayan noong Agosto 27, 1883.
Isang pangkat ng 17 sa amin ang naglayag mula sa Carita Beach upang dalawin ang pangkat ng mga isla. Umarkila kami ng isang bangka upang gawin ang 40 kilometrong paglalakbay sa ibayo ng kipot (strait). Habang ang baybayin ng Java ay naglalaho sa aming paningin sa mga ulap, pinag-isipan ko ang marahas na kahapon ng Krakatoa.
Marahas na Kasaysayan ng Krakatoa
Sa ngayon, ang Krakatoa ay tumutukoy sa isang pangkat ng apat na mga isla: ang Rakata, Panjang, at Sertung, at ang bagong anyong Anak Krakatau sa gitna. Ang Rakata ay matagal nang sentro ng pagkilos ng bulkan. Ito’y lumaki nang husto mga dantaon na ang nakalipas nang dalawa pang bulkan ang lumitaw mula sa kalapit na dagat at unti-unting sumama sa Rakata upang mabuo ang mabangis na Bundok Krakatoa. Mabuti na lamang, waring ang lahat ng gawain nito ay nagpanatili sa isla na hindi tinitirhan ng tao.
Bagaman may ilang ulat tungkol sa isang katamtamang pagputok noong 1680 na sumalanta sa lahat ng pananim, noong 1883, ang Krakatoa ay muling natakpan ng malalagong tropikal na pananim. Subalit ang isla ay naging aktibo at dumagundong noong Mayo 20, 1883, may mga pagputok at mga pagsabog ng bato, abó, at mga ulap ng singaw. Ang dagundong na ito ay nagpatuloy hanggang noong Hunyo at Hulyo. Noong kalagitnaan ng Agosto, lahat ng tatlong pangunahing mga bunganga ng bulkan ay naglabas ng maraming singaw, alabok, bato, at abó. Ang mga barkong nagdaraan sa kipot ay kailangang magdaan sa malalaking balsa ng mga bato, samantalang pinauulanan ng mga abo sa kanilang mga kubyerta.
Samantalang naglalayag kami sa mga tubig ding iyon, ang tanging bagay na bumabagsak paminsan-minsan sa aming kubyerta ay ang mga lumilipad na isda na hindi nakalukso nang husto sa ibabaw ng barko. Mahirap isipin ang panahon nang ang matinding kalungkutan at pagkawasak ay nangyari sa tahimik na mga tubig nito. Subalit nagsisimula pa lamang ang malaking sakuna.
Ang wakas ay dumating noong Agosto 26, habang sunud-sunod na pagsabog ang patuloy na dumagundong. Sa wakas, noong Agosto 27, apat
na malalakas na pagsabog—noong 5:30, 6:44, 10:02, at 10:52 n.u.—ang yumanig sa bulkan. Ang sukdulang ikatlong pagsabog ay mas malakas kaysa pagsabog sa Hiroshima at sa anumang kasunod na atomikong mga pagsabog. Sa katunayan, sinasabi ng ilan na taglay nito ang lakas na 100,000 bomba hidroheno. Ito’y narinig sa Australia, Myanmar, at Rodrigues, isang isla 5,000 kilometro ang layo sa Indian Ocean. Ang mga pressure wave sa kapaligiran ay lumibot sa lupa nang pito at kalahating ulit bago naglaho. Kasinlayo ng English Channel, ang mga barko ay nayanig ng mga alon sa karagatan dahil sa pagsabog ng bulkan.Isang ulap ng abó ang pumailanglang sa tinatayang taas na 80 kilometro at kumalat. Nalambungan ng kadiliman ang buong rehiyon sa loob ng dalawa at kalahating araw. Ang The New York Times ng Agosto 30, 1883, sinisipi ang Lloyd’s of London, ay nagbabala sa lahat ng mga barko na iwasan ang Sunda Strait. Mapanganib ito sa lahat ng nabigasyon sapagkat lahat ng mga parola ay “naglaho.” Ang alabok ng bulkan ay pumailanglang na mataas sa atmospera, kung saan ikinalat ito ng ihip ng hangin sa palibot ng planeta sa loob ng ilang linggo. Ang isang resulta ay ang isa o dalawang taon ng maniningning na mga pagsikat ng araw, paglubog ng araw, mga limbo ng araw, at iba pang kababalaghan sa atmospera.
Ang Pagkawasak sa Buhay
Ang pagsabog ay nagpangyari ng pagkalaki-laking seismikong mga alon, tinatawag na mga tsunami, na ang taas ay umaabot ng 15 metro sa dagat. Habang ang isang alon ay nagtutungo sa kumikipot na dagat tungo sa bayan ng Merak sa Java, ang dumadaluhong na pader ng tubig ay inaakalang nakaabot sa taas na 40 metro. Ito’y bumagsak sa bayan, lubusang niwasak ito. Gayundin ang dinanas ng ilan pang bayan sa kahabaan ng mga baybayin ng Java at Sumatra. Halos 37,000 katao ang nalunod ng mga tsunami nang araw na iyon. Isang bapor de gera ang nasumpungang sumadsad tatlong kilometro malayo sa aplaya!
Ano ba, talaga, ang nangyari? Ang nakatatakot na Krakatoa ay nagbuga ng halos dalawampung kilometro kubiko ng mga labí, sinasaid ang pagkalaki-laking silid ng magma nito sa ilalim ng lupa. Ang walang laman na silid ay bumagsak, sa gayo’y ibinulusok ang dalawang-katlo ng isla sa dagat. Ang lupain na may taas na 300 metro sa ibabaw ng antas ng dagat ay lumubog nang 300 metro sa ilalim ng antas ng dagat. Kalahati lamang ng pinakamataas na kono ng bulkan, ang Rakata, ang nanatili.
Ang natira sa Rakata, pati sa mga isla ng Panjang at Sertung, ay natakpan ng tatlumpung metro
ng mainit na abó. Lahat ng buhay ay inaakalang nawasak. Nang gawin ang isang surbey pagkalipas ng siyam na buwan, isa lamang gagamba ang nasumpungang naghahabi ng sapot. Nang sumunod na mga taon, ang Krakatoa ay naging isang laboratoryo sa pananaliksik habang ginagawan ng dokumento ng mga siyentipiko ang pagbabalik ng buhay sa tatlong isla. Ang pinakamalapit na lupa kung saan maaaring magkaroon ng buhay ay 40 kilometro ang layo.Mahigit lamang 60 taon ang nakalipas, isang bagong kono ng bulkan ang lumitaw mula sa dagat sa gitna ng tatlong isla. Itong Anak ng Krakatoa (Anak Krakatau) ay patuloy na sumabog at lumaki sa paglipas ng panahon. Sa ngayon ito ay tinatayang 200 metro ang taas, 2 kilometro ang lapad—at napakaaktibo! Ang sumpunging anak na ito ang dinalaw muna namin.
Isang Pagdalaw sa Anak ng Krakatoa at mga Kalapit Nito
Lumapit kami sa baybayin ng Anak Krakatau, at may kahirapang bumaba kami ng bangka tungo sa maningning na itim na buhangin ng dalampasigan. Ang silangang dulo ng isla ay nagugubatan ng mga puno ng casuarina, ang ilang katawan ng puno ay hanggang 60 centimetro sa diyametro. May kataka-takang pagkasari-sari ng mga halaman at mga bulaklak. Maraming uri ng ibon ang lilipad-lipad sa mga punungkahoy, at ang mga paniki ay nakabitin nang patiwarik sa isang puno ng igos. Ang mga bubuli ay kumakaripas ng takbo sa palumpong. Ang nagugubatang bahagi ng isla ay buháy sa mga insekto at mga paruparo.
Gayunman, ang bagong pagsilang ng Anak Krakatau ay nahadlangan ng maraming pagsabog sa nakalipas na mga taon; natatakpan pa rin ng buhay halaman ang halos 5 porsiyento lamang ng isla. Habang naglalakad kami sa maitim na abó patungo sa tuktok ng bulkan, nakita namin na nagsimula nang tumubo ang sari-saring halaman sa iláng na mga dalisdis nito, gumagapang pataas hanggang sa susunod na pagputok at pilit na magpapaatras sa kanila.
Tumagas ang singaw mula sa mga bitak sa gilid ng bulkan. Tumitinging pababa sa apoy mula sa gilid ng bunganga ng bulkan, nakikita namin ang ligalig ng maapoy na anak na ito. Hindi mahirap isipin ang napakalawak na mga tectonic plate na marahang gumigiling sa ilalim ng Sunda Strait, ginawa itong ang pinakaaktibong bulkanikong rehiyon sa daigdig.
Ang muling pagtatanim sa kagubatan ay may patuloy na pagsulong sa kalapit na mga isla ng Sertung, Rakata, at Panjang, na nakapalibot sa Anak Krakatau. Ang mga ito ay hindi na sumabog mula noong di-malilimutang pagsabog ng 1883. Mahigit nang isang siglo, ang mga ito ay gumaling at tumubong muli, minsan pang naging mapayapang mga isla na sagana sa tropikal na mga pananim. Sa katunayan, sa loob lamang ng 20 hanggang 40 taon pagkatapos ng pagsabog, ang mga islang ito ay muling tinamnan at naging tirahan ng sari-saring mga ibon, bubuli, ahas, paniki, at mga insekto. Mula noon, ang muling paglitaw ng buhay ay mabilis na nagpatuloy.
May ilang anyo ba ng buhay na nakaligtas sa matinding init at nahuhulog na abó ng Krakatoa? Maraming dalubhasa sa halaman at hayop ang naniniwalang walang anyo ng buhay ang nakaligtas, bagaman pinag-aalinlanganan ng ilan ang konklusyong ito. Karaniwan nang ipinalalagay nilang dinala ng mga ibong nagdadala ng mga binutil at ng lumulutang na mga basura mula sa binahang mga ilog sa Sumatra at Java ang bumabalik na mga daluyong ng nabubuhay na mga bagay.
Habang ang aming bangka ay naglalayag sa tahimik na bughaw na mga tubig sa paligid ng mga isla para sa aming pabalik na paglalakbay sa Java, hindi ko maubos maisip ang kahanga-hangang kakayahang gumaling ng ating planeta. Kung hahayaan lamang, maaaring muling maayos ng lupa ang sarili nito. Iyan ay nasumpungan kong isang nakaaaliw na idea, lalo na dahil sa bagay na lubhang niwawasak ng sangkatauhan sa pangglobong lawak ang planetang ito ngayon. Sa ngayon, ang tao ay unti-unting gumagawa ng pagkawasak na higit pa sa pagkalaki-laking pagbabago sa Krakatoa. Subalit kapag huminto na ang tao sa pagwasak sa lupa—at tiyak na hihinto siya—ang lupa ay gagaling. Habang naglalayag kami sa bughaw na mga alon ng Sunda Strait, nilingon ko ang luntiang mga isla, buháy na muli pagkatapos ng pagtahimik ng Krakatoa. Oo, ang lupa ay maaaring gumaling. Anong kahanga-hangang panahon iyon na makitang mangyari iyan sa isang pangglobong lawak!—Isaias 35:1-7; Apocalipsis 11:18.
[Larawan sa pahina 15]
Ang Anak Krakatau sa malayo