Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Ang May Edad Na Dapat ko kayong pasalamatan sa artikulo ng Agosto 8, 1993 ng Gumising! na “Pagtanda Taglay ang Pagkaunawa.” Ang artikulo ay nakapagpaluha sa akin. Alam ninyo, ang aking ina ay halos 90. Kamakailan ipinasiya niyang lumabas na mag-isa, bagaman hindi niya dapat gawin iyon, at nahulog siya at nabali ang kaniyang braso. Gumaling naman siyang mabuti subalit hindi na maaaring iwan na mag-isa. Hindi na ako nakadadalo sa ilang Kristiyanong pagpupulong, at kung minsan ay nakadarama na para bang binibigo ko si Jehova. Subalit binigyan ninyo ako ng labis na tulong. Kapag ako’y nanlulumo, iniisip ko ang artikulong ito.
B. T., Estados Unidos
Pagpapatawad Katatapos ko lamang na basahin ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya . . . Hanggang Saan ang Lubos na Pagpapatawad ng Diyos?” (Disyembre 8, 1993) Ito ang talagang kailangan ko. Ang artikulong ito ang nakatulong sa akin na maunawaan na kapag inalis ng Diyos ang mga kasalanan, ang mga ito’y wala nang talaga, nabura na, napawi na. Habang isinusulat ko ito, nakadarama ako ng tunay na kapayapaan ng isip.
J. W., Estados Unidos
Nakaaaliw na malamang nakikita ni Jehova ang puso at na handa niyang pawiin ang ating mga kasalanan. Dati’y nadarama kong hindi ako karapat-dapat sa pagpapatawad ni Jehova anupat ako’y nanlumo. Naisip ko pa nga noon ang pagpapatiwakal. Ang malalapit na kaibigan sa kongregasyon ang tumulong sa akin. Subalit kailangan ko pa rin ang muling pagbibigay-tiwala, at ang artikulong ito ang tumulong sa akin.
K. H., Estados Unidos
Mga Salamin sa Mata Maraming salamat sa artikulong “Isang Pagsusuri sa mga Salamin sa Mata.” (Hulyo 8, 1993) Batid ko na ako’y may problema sa aking mga mata at na ako’y dapat na magpatingin sa isang espesyalista sa mata, subalit lagi ko itong ipinagpapaliban. Pagkatapos kong mabasa ang inyong artikulo, ako ay nakipagtipang magpapatingin. Natuwa ako na ginawa ko iyon. Ang artikulong ito ay dumating sa akin sa tamang panahon.
J. W., Inglatera
Tapat na Ama at Anak Nabasa ko ang salaysay na “Ang Tapat na Halimbawa ng Aking Ama” nang tuluy-tuloy. (Disyembre 22, 1993) Ang artikulong ito ang humimok sa akin na gumawa pa nang higit sa paglilingkuran sa Diyos. Ang matatag na paninindigan ng mga Daveys (kapuwa ang ama at anak na lalaki), na maglingkuran kay Jehova hanggang sa kamatayan, ang nagpasigla sa aking determinasyon na taglay ko nang ako’y mabautismuhan dalawang taon ang nakararaan sa edad na 18. Inaasahan ko na ang mga artikulong gaya nito ay makaaantig ng puso ng maraming iba pang kabataan sa buong mundo.
C. M., Italya
Mga Paruparo Ibig kong samantalahin ang pagkakataong ito na pasalamatan kayo sa artikulong “Isang Araw sa Buhay ng Isang Paruparo.” (Oktubre 8, 1993) Kaming mag-asawa ay nasiyahang magpahingalay sa Zion National Park noong nakaraang buwan. Magkasama naming binabasa ang artikulong ito nang biglang dumapo ang isang paruparo sa lupa at ibinuka nang husto ang mga pakpak nito. Hindi namin nalalaman noon kung bakit ginagawa nila iyon! Ang artikulong ito ay totoong nakatulong sa amin na pahalagahan ang kamangha-manghang paglalang ni Jehova.
C. B., Estados Unidos
Sumpunging mga Magulang Pinahahalagahan ko ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Napakasumpungin ng Aking mga Magulang?” (Nobyembre 8, 1993) Ang aking ina ay naging sumpungin nitong huli. Totoong nakatulong sa akin ang artikulo upang maunawaan na ang mga kahirapan sa kabuhayan, pati na ang ibang mga pananagutan, ang pangunahing mga sanhi ng kaniyang pagkasumpungin. Ngayon ay higit ko siyang tutulungan kapag magagawa ko at yayapusin siya at sasabihin sa kaniya na mahal ko siya.
T. B., Estados Unidos
Kami’y mga magulang ng dalawang batang lalaki, na ang edad ay 7 at 12. Ang ilan sa mga problemang ibinangon ninyo sa artikulong ito ay lumitaw kamakailan sa aming sambahayan, at aming sinisikap—na hindi matagumpay—na ipaliwanag ang mga bagay sa aming mga anak. Ang artikulong ito ang tunay na kasagutan sa aming mga panalangin. Nakatulong na ito sa aming kalagayan.
R. P. at A. P., Estados Unidos