Natutuhan Kong Kapootan ang Aking Dating Naibigan
Natutuhan Kong Kapootan ang Aking Dating Naibigan
Ang pakikipaglaban ang buhay ko. Nasisiyahan akong suntukin ang aking kalaban nang buong lakas ko at makita siyang bumagsak sa aking paanan. Tuwang-tuwa akong tumayo sa gitna ng ring ng boksing at marinig na isigaw ng tagapag-anunsiyo ang aking pangalan bilang ang panalo sa labanan. Gusto ko ang boksing! Gayunman, ngayon ang isipin lamang ang tungkol sa karahasan ay nakababalisa sa akin. Natutuhan kong kapootan kung ano ngayon ang tinatawag kong pumapatay na isport ng boksing.
NOONG 1944, nang ako’y pitong taon, ako’y nakatira sa Lares, Puerto Rico, kung saan ako ipinanganak. Noon ko tinanggap ang matinding pagkasindak sa pagkamatay ng aking ina. Siya’y namatay dahil sa kanser sa gulang na 32. Ang kirot ay napakasakit nang di-nagtagal, umuwi ako ng bahay galing sa paaralan at nakita ko ang isang babae na nakakandong sa aking ama. Siya ay naging madrasta ko.
Nahahalata ang aking hindi pagsang-ayon sa kaniya, malupit ang naging pakikitungo sa akin ng aking madrasta. Kaya ako’y naglayas. Nagtago ako sa loob ng isang trak na punô ng uling at mga kahel at ako’y nakatulog. Anong laking gulat ko nang ako’y magising at masumpungan ko ang aking sarili sa lungsod ng San Juan, sa kabilang panig ng isla!
Ang Basag-ulero sa Lansangan
Sa loob ng walong buwan ako ay tumira sa mga lansangan ng San Juan. Palagi akong binubuwisit ng ibang bata. Kaya napag-isip-isip ko na kailangan kong lumaban upang mabuhay. Pagkaraan ng walong buwan ay nasumpungan ako ng mga pulis at inuwi ako sa bahay. Hindi ko matanggap kailanman ang idea ng pagkakaroon ng isang madrasta at ginugol ko ang karamihan ng aking panahon sa mga lansangan. Halos araw-araw, ako’y nasasangkot sa isang away. Nang ako’y maging sampung taóng gulang, ako’y lumayas na muli.
Pagkaraan ng ilang linggo, muli akong nahuli ng mga pulis. Sa pagkakataong ito tumanggi akong sabihin sa kanila ang aking pangalan at kung saan ako galing. Nang hindi nila makita ang aking pamilya, ipinadala nila ako sa isang ampunang pinatatakbo ng gobyerno sa lungsod ng Guaynabo. Doon ay isinuot ko ang aking unang pares ng mga glab ng boksing. Doon ko rin nakita sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, ang pangalang Jehova sa isang karatula. Tinanong ko ang tungkol dito, at ako’y sinabihan na si Jehova ang Diyos ng mga Judio. Hindi ko kailanman nakalimutan ang pangalang iyon.
Nang ako’y tumuntong ng 15 anyos, umalis ako sa ampunan, hinding-hindi na babalik pa. Upang tustusan ang aking sarili ako’y nagtinda ng diyaryo. Gayunman, ang bawat kalye ay ruta ng isang nagtitinda ng diyaryo. May isa lamang paraan upang
itatag ko ang aking sariling ruta: makipag-away! At ako’y nakipag-away.Pagkalipas ng dalawang taon ako’y sumama sa Hukbo ng E.U. at tumanggap ng panimulang pagsasanay sa Arkansas, E.U.A. Di-nagtagal ako’y naging miyembro ng isang koponan ng boksing. Pagkatapos ako’y inilipat sa yunit ng Pantanging Paglilingkod. Ang mga tungkulin ko ay sa loob ng himnasyo, at ang sarhento ko ay isang tagapagsanay sa boksing.
Isang Malupit na Isport
Tumanggap ako ng pagsasanay sa kung paano gagamitin ang aking mga kamao upang saktan ang aking mga kalaban. Ako’y sinanay na waling-bahala ang mga pagkakaibigan sa loob ng ring. Sa tunog ng kuliling, ang isang kaibigan ay nagiging isang kaaway na dapat pabagsakin at lalong mabuti ay patulugin.
Nais kong manatili sa hukbo, subalit sinabi sa akin ng sarhento ko: “Magretiro ka agad sa hukbo hangga’t maaga. Maging propesyonal na boksingero ka, at sa loob ng ilang taon, makikita kita sa telebisyon na lumalaban ng boksing sa Madison Square Garden sa Lungsod ng New York.” Hindi ako makapaniwala! Ako—ang mahirap at walang tirahang bata—magiging isang kilalang boksingero?
Pagkalipas ng dalawang taon umalis ako sa hukbo at bumalik ako sa Puerto Rico. Isang araw noong 1956, nakita ko ang isang anunsiyo para sa isang amatyur na paligsahan sa boksing, ang Golden Gloves. Sumali ako sa paligsahan at naging Golden Gloves na kampeon sa welterweight sa Puerto Rico. Pagkatapos ako’y isinakay ng eruplano patungo sa Lungsod ng New York upang lumahok sa pambansang paligsahan ng Golden Gloves. Sinikap kong makapasok sa semifinals, ngunit hindi ko napanalunan ang kampeonato. Gayunpaman, di-nagtagal ay nagkaroon ng mga alok buhat sa magiging mga manedyer at mga tagasanay. Kaya tinanggap ko ang isang alok na manatili sa Lungsod ng New York at nagsanay upang maging isang propesyonal na boksingero.
Noong 1958, ako’y naging isang propesyonal na boksingero. At tama ang sarhento ko. Noong 1961, limang taon pagkatapos kong umalis sa hukbo, ako’y lumabas sa pambansang telebisyon, nagboboksing sa Madison Square Garden. Marami sa mga laban ko sa boksing ay ginanap sa kilalang arenang iyon sa isports.
Niwakasan ng mga suntok ko ang mga karera ng ilang boksingero. Isang boksingero sa Mexico ang lubusang nawalan ng paningin bunga ng malupit na mga suntok ko. Ang isa pang laban na naging isang mabigat na pasan din sa aking budhi ay ang laban ko sa kampeon ng middleweight ng Dominican Republic. Bago ang laban ay gumawa siya ng malaking isyu sa bagay na ako ay mas mabigat sa kaniya ng kalahating kilo. Ang saloobin niya ay nagpasiklab ng galit ko. Kailanman ay hindi pa ako tumutol kapag ginagawan ng usap ng isang kalaban ang gayong maliit na kalamangan ng timbang sa akin. Sinabi ko sa kaniya: “Buweno, humanda ka sapagkat ngayong gabi ay papatayin kita!” Nang magtungo ako sa ring, binanggit ng isang pahayagan na taglay ko ang “isang satanikong hitsura.” Wala pang dalawang minuto, ang tao ay walang-malay na bumagsak sa sahig. Ang kaniyang panloob na tainga ay napinsala nang husto anupat hindi na siya muling lumaban ng boksing.
Kung Paano Ko Natutuhang Kapootan ang Boksing
Ang popularidad ko ay nakatawag ng pansin at pakikipagkaibigan ng mga aktor at mga musikero. Noong minsan ay itinaguyod pa nga ng dating kampeon sa heavyweight na si Joe Louis ang isa sa aking mga laban. Madalas akong maglakbay, nagkaroon ng mamahaling kotse, at nagtamasa ng iba pang materyal na mga bagay. Gayunman, gaya ng karamihan sa mga boksingero, ang tagumpay ko ay sandali lamang. Noong 1963, ako’y nasaktan nang husto sa ilang laban at hindi na maaaring lumaban muli.
Nang panahong ito ay nabasa ko sa isang artikulo sa pahayagan na isang kilalang boksingero ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova. Sa ilang kadahilanan, pagkabasa ko sa artikulo, nanatili sa aking
isipan na ang relihiyon ng mga Saksi ni Jehova ay para lamang sa mayayamang tao.Sa sumunod na mga taon, naranasan ko ang maraming medikal na problema. Naranasan ko rin ang mga panahon ng matinding panlulumo. Noong minsang nanlumo ako, itinutok ko ang isang baril sa aking puso at binaril ko ang aking sarili. Ang bala ay nailihis ng isang tadyang, nailigtas ang aking buhay. Ako’y buháy, subalit ako’y hindi maligaya at maysakit. Wala nang kayamanan, wala nang kabantugan, wala nang boksing!
Pagkatapos, isang araw sinabi sa akin ng aking asawa, si Doris, na siya’y nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at nais niyang dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. “Ewan ko, Doris,” sabi ko. “Mahirap na tao tayo, at ang mga Saksi ni Jehova ay mayayaman at importanteng mga tao.” Sinabi niya sa akin na hindi ito totoo at na ang Saksing nakikipag-aral sa kaniya ay nakatira sa amin mismong pook. Kaya sumang-ayon ako sa kaniyang pasiya na dumalo sa mga pulong. Noong minsan samantalang ako’y naghihintay sa kaniya sa labas ng Kingdom Hall, isang Saksi ang nag-anyaya sa akin na pumasok. Maruming damit na pantrabaho ang suot ko, subalit mapilit siya. Ako’y tinanggap sa kabila ng aking hitsura. Ang palakaibigang kapaligiran ay hinangaan ko.
Di-nagtagal ako’y nagsimulang mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Nalaman ko na si Jehova ay hindi lamang Diyos ng mga Judio, gaya ng sinabi sa akin, kundi na siya ang tanging tunay na Diyos, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ang Maylikha ng lahat ng bagay. Natutuhan ko rin na kinapopootan ng Diyos na Jehova ang karahasan. Ang Bibliya ay nagsasabi sa Awit 11:5: “Sinusubok mismo ni Jehova ang matuwid gayundin ang masama, at sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan ng Kaniyang kaluluwa.” Kaya nilayuan ko ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa boksing. Alam ko kung gaano karahas ang isport na ito. Pagkatapos kong malaman kung paano ito minamalas ng Diyos, walang alinlangan sa aking isipan na ang boksing ay masama, pumapatay na isport. Oo, natutuhan kong kapootan ang isport na dati kong naibigan.
Ang Pinakadakilang Pribilehiyo
Noong 1970, ako’y nagpasiyang ialay ang aking buhay kay Jehova. Kami ni Doris ay nabautismuhan noong Oktubre nang taóng iyon. Mula noon ay nagtamasa ako ng pribilehiyo ng pangangaral sa iba. Bilang isang buong-panahong ebanghelisador, nagkaroon ako ng bahagi sa pagtulong sa mga 40 katao na maging mga mananamba ni Jehova.
Nakapanghihinayang, ako ngayon ay nagdurusa dahil sa mga pinsalang natamo ko noong aking mararahas na taon. Tumanggap ako ng daan-daang suntok sa aking ulo, na naging sanhi ng permanenteng pinsala sa aking utak. Problema ko ang pagiging makakalimutin at ang loob ng aking tainga, na nakaaapekto sa aking panimbang. Kung ikikilos ko nang mabilis ang aking ulo, mahihilo ako. Kailangan kong regular na uminom ng gamot para sa aking mga problema sa panlulumo. Gayunman, nauunawaan ng aking kapuwa mga Kristiyano at tinutulungan nila akong batahin ito. Ako’y totoong nagpapasalamat kay Jehova sa pagbibigay sa akin ng lakas upang regular na makibahagi sa paghahayag ng kaniyang pangalan at mga layunin sa iba.
Tinatamasa ko ang pinakadakilang pribilehiyo sa lahat—yaon ay, ang magkaroon ng isang personal na kaugnayan sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova. Nang ako’y isang boksingero, nabigyan ko ng kalungkutan ang puso ni Jehova sa bawat laban. Ngayon ay mapagagalak ko ang kaniyang puso. Pakiwari ko ba siya’y personal na nakikipag-usap sa akin nang sabihin niya: “Magpakadunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.”—Kawikaan 27:11.
Hindi na magtatagal wawakasan ni Jehova ang mga gawa ni Satanas, pati na ang karahasan at yaong mga nagtataguyod nito. Anong laking pasasalamat ko kay Jehova sa pagtuturo sa akin na hindi lamang ibigin ang mabuti kundi kapootan din ang masama! Kasali riyan ang pagkapoot sa pumapatay na isport ng boksing. (Awit 97:10)—Gaya ng inilahad ni Obdulio Nuñez.
[Larawan sa pahina 13]
Si Obdulio Nuñez