Paano Ko Maihihinto ang Pagkahumaling sa Isang Tao?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Maihihinto ang Pagkahumaling sa Isang Tao?
“AKO’Y 20 taóng gulang at isang bautisadong Saksi ni Jehova. Ngunit ako’y nagsimulang makipag-date sa isang 28-taóng-gulang [na di-sumasampalataya]. Mahal ko siya, at naniniwala ako na mahal din niya ako. Hindi ito alam ng aking mga magulang, dahil batid kong hindi sila sasang-ayon dito. Nang kanilang matuklasan ito, nasaktan sila at nabigla. Hindi nila maintindihan kung papaano nahulog nang husto ang aking loob sa isang lalaking tagasanlibutan.”
Gayon ang sulat ng isang kabataang Kristiyanong babae na ating tatawaging Monique. a Nakalulungkot naman, nasusumpungan ng maraming kabataan ang kanilang sarili sa gayong mahirap na kalagayan—nahumaling o nahulog nang husto ang loob sa isang di-sumasampalataya, isa na hindi niya kaisa sa kanilang Kristiyanong mga paniwala at mga pamantayan sa moral. Ipinakita ng naunang artikulo sa seryeng ito (Gumising! ng Mayo 22, 1994) na ang gayong relasyon ay hindi lamang di-nakalulugod sa Diyos kundi isa ring malubhang panganib sa kaligayahan at kapakanan ng isa. Natalos ng kabataang si Ruth ang bagay na ito. “Naging malapít ako sa isang lalaki na hindi sumasampalataya,” ang kaniyang pagtatapat. “Kaya naman, natanto ko na kung ako’y magkakaroon ng anumang kaugnayan kay Jehova, kailangan kong putulin ang aking relasyon sa kaniya.”
Kung ikaw ay isang Kristiyano, marahil masasabi mo sa memorya ang mga salita sa Bibliya sa Santiago 4:4: “Hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Samakatuwid, ang sinumang naghahangad na maging kaibigan ng sanlibutan ay ibinibilang ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos.” Subalit kung nahulog na nang husto ang iyong loob sa isang di-sumasampalataya, ang mga salitang ito ay hindi madaling ikapit. Totoo, ang isipin na putulin ang ugnayan ay maaaring makasiphayo sa iyo. Totoong nadarama mong nagtatalo ang iyong loob. ‘Papaano ko maihihintong magustuhan—o ibigin—ang isang tao?’ maitatanong mo.
Ang apostol na si Pablo ay minsang nagsabi: “Tunay ngang nalulugod ako sa batas ng Diyos ayon sa aking pagkatao sa loob, ngunit nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang batas na nakikipagdigma laban sa batas ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa batas ng kasalanan na nasa aking mga sangkap. Miserableng tao ako!” (Roma 7:22-24) Gaya ni Pablo, maaaring nararanasan mo ang pakikipagpunyagi sa iyong mga damdamin. Subalit, maraming kabataang Kristiyano ay nakapanagumpay sa pagpupunyaging ito at, wika nga, ‘naagaw mula sa apoy.’ (Ihambing ang Judas 23.) Papaano? Sa pamamagitan ng pagtapos sa isang mapangwasak na relasyon bago mangyari ang di na maisasauling pinsala.
Paghingi ng Tulong
Halimbawa, si Mark ay nagkaroon ng tinatawag niyang “matinding crush” sa isang di-sumasampalataya
nang siya’y 14 na taóng gulang lamang. Sa halip na humingi ng tulong, sinikap niyang ilihim ang kaniyang damdamin. Subalit ang kaniyang damdamin para sa babae ay lalo lamang sumidhi. Di-nagtagal tumatawag na siya nang palihim sa kaniya. Nang ang babae ay tumatawag na rin, hindi pa natatagalan at napagwari ng kaniyang mga magulang kung ano ang nangyayari.Huwag kang magkakamali na subuking lutasin nang mag-isa ang problema. Ang Kawikaan 28:26 ay nagsasabi: “Siyang tumitiwala sa kaniyang sariling puso ay mangmang, ngunit ang lumalakad na may kapantasan ay maliligtas.” Totoo nga, malalagay ka ba sa ganitong situwasyon kung ang iyong pagpapasiya ay hindi humina? Kung minsan natatalo ng ating emosyon ang pangangatuwiran, at kailangan natin ang tulong ng isa na mas makatotohanan at walang kinikilingan. Ang iyong mga magulang ang malamang na nasa pinakamabuting kalagayan upang makatulong sa iyo, lalo na kung sila’y may takot sa Diyos. Malamang, mas kilala ka nila kaysa ibang tao. Minsan sila’y naging bata rin at sila’y matutulungan na maunawaan kung ano ang iyong dinaranas. Sa Kawikaan 23:26, ang manunulat ng Bibliya na si Solomon ay nagpapayo: “Anak ko, ibigay mo sa akin ang iyong puso, at malugod ang iyong mga mata sa aking mga daan.” Bakit hindi mo ibuhos ang laman ng iyong puso sa iyong mga magulang, at ipaalam sa kanila na kailangan mo ng tulong?
Ganiyan mismo ang ginawa ng kabataang si Jim. Nilalabanan niya ang kaniyang marubdob na damdamin sa isang babae sa paaralan. Ang sabi niya: “Sa wakas ay hiningi ko ang tulong ng aking mga magulang. Ito ang pinakasusi upang mapagtagumpayan ko ang mga damdaming ito. Sila’y nakatulong nang malaki sa akin.” Dahil sa naranasan ni Jim ang mapagmahal na tulong ng kaniyang mga magulang, ganito ang payo ni Jim: “Sa palagay ko hindi dapat mag-atubili ang mga kabataang Kristiyano na makipag-usap sa kanilang mga magulang. Makipag-usap sa kanila. Mauunawaan ka nila.”
Sa gayunding kalagayan, isang kabataang nagngangalang Andrew ang nakinabang mismo sa isa pang larangan ng tulong. May kinalaman sa kaniyang pagdalo sa isang lokal na pansirkitong asamblea ng mga Saksi ni Jehova, ang sabi niya: “Pinag-isip ako nang malalim ng isa sa mga pahayag. Ang tagapangasiwa ng sirkito ay nagbigay ng matinding payo laban sa pagkakaroon ng mga kaugnayan sa mga di-kasekso na hindi mga Kristiyano. Batid ko na kailangang kong ituwid agad ang aking pag-iisip.” Kaya ano ang ginawa niya? Una siya’y nakipag-usap sa kaniyang ina, isang nagsosolong magulang, at nakinabang mula sa kaniyang payo. Pagkatapos siya’y lumapit sa isang matanda sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, na nakapagbigay ng sumusubaybay na tulong. Ang mga matanda sa kongregasyon ay maaaring maging “gaya ng isang kublihang dako buhat sa hangin at isang dakong kanlungan buhat sa bagyo” para sa mga naliligalig. (Isaias 32:2) Bakit hindi lumapit sa isa sa kanila, at ipaalam sa kaniya kung ano ang bumabagabag sa iyo?
Lubos at Dagling Pakikipaghiwalay
Nang matuklasan ng mga magulang ni Mark ang kaniyang lihim na pakikipag-ugnayan, kumilos sila agad. “Tahasan nilang sinabi sa akin na ihinto ang relasyong ito,” sabi ni Mark. “Ang paghihimagsik ang una kong reaksiyon. Nagkasigawan kami, at nagkulong ako sa aking kuwarto. Subalit hindi nagtagal pinag-isipan ko ang makatotohanang mga bagay, at napagwari ko na kami ng babae ay may magkaibang mga tunguhin. Hindi magiging matagumpay ang aming relasyon.” Oo, ang pagbubulaybulay sa makatotohanang mga bagay ay makatutulong upang pumayapa ang iyong damdamin. Tanungin mo ang iyong sarili: ‘Ang tao bang ito’y kaisa ko sa aking mga tunguhin, sa aking mga paninindigan, sa aking mga pamantayan sa moral? Kung kami’y mag-aasawa, makatutulong ba ang taong ito sa aking pagsisikap na sumamba sa Diyos? Makakaisa ko ba ang taong ito sa aking kasigasigan sa espirituwal na mga bagay? Totoo nga, anong pagkakasundo ang mayroon sa gayong relasyon?’—Ihambing ang 2 Corinto 6:14-18.
Gayunman, ang lubos at dagling pakikipaghiwalay ay hindi madali. Si Monique, na binanggit sa pasimula, ay may ganitong pag-amin: “Sinubukan ko sa dalawang pagkakataon na putulin ang aking relasyon subalit hindi nagtagumpay. Ayaw kong mawala siya nang lubusan sa akin. Sinikap kong magpatotoo sa kaniya, umaasa na kaniyang tatanggapin si Jehova. Sumama pa nga siya nang minsan sa pulong noong Linggo. Subalit wala talaga siyang interes kay Jehova. Natanto ko na ang tamang landas ay lubusan siyang layuan.”
Ito’y nagpapaalaala sa atin ng mga salita ni Jesus sa Mateo 5:30. Kaniyang sinabi roon ang tungkol sa mga bagay na makahahadlang sa pagpasok ng isa sa Kaharian ng Diyos—mga bagay na maaaring kasinghalaga ng kanang kamay. Sa gayon, si Jesus ay nagpayo: “Putulin mo ito at itapon mula sa iyo. Sapagkat higit na kapaki-pakinabang sa iyo na isa sa iyong mga sangkap ang mawala kaysa ang buong katawan mo ang mapunta sa Gehenna [isang simbolo ng walang-hanggang pagkapuksa].” Kasuwato ng simulaing ito, may katapangang lapitan ang tao na iyong kinahuhumalingan at “magsalita ng katotohanan.” (Efeso 4:25) Sa isang pampublikong lugar—hindi nag-iisa o nasa isang romantikong kalagayan—ipaalam sa kaniya sa matatag at tuwirang mga salita na ang relasyon ay tapos na. Ganito ang paggunita ng kabataang si Sheila: “Ang bagay na naging matagumpay para sa akin ay ang pagkakaroon ng tiyak na pagkilos. Hindi na kami sabay mananghalian. Hindi na kami magkikita kapag oras ng pag-aaral sa aklatan. Nilinaw ko ang aking katayuan sa kaniya.” Gayon din ang tahasang sinabi ng Kristiyanong babae na nagngangalang Pam: “Sa wakas ay sinabi ko sa kaniya na lubayan na niya ako, at basta hindi ko na siya pinansin.”
Paglimot sa Kirot
Sa panahon ng masakit na bunga ng gayong paghihiwalay, maaaring madama mo ang gaya ng sinabi ng salmista: “Ako’y nahirapan, at ako’y nahukot; ako’y tumatangis buong araw.” (Awit 38:6) Ang ilang yugto ng kahapisan ay likas lamang. Kinikilala ng Bibliya na may “panahon ng pag-iyak.” (Eclesiastes 3:4) Subalit hindi mo kailangang mamighati magpakailanman. Maiibsan din ang kirot balang araw. “Oo,” ang pag-amin ni Mark, “nakaranas ako ng pagkahapis. Nadama ito ng aking mga magulang at pinalawak ko pa ang aking pakikisama sa ibang mga kabataang Kristiyano. Ito’y totoong nakatulong.” Si Andrew, na nakadama rin ng gayong panlulumo pagkatapos niyang makipaghiwalay, ay nagsabi: “Tumulong ang matatanda. Higit akong sumama sa gawaing pangangaral at naging malapit sa ilang Kristiyanong kapatid na nagkaroon ako ng mabuting kaugnayan.” Oo, maging magawain sa espirituwal na mga bagay. (1 Corinto 15:58) Ang ilang pisikal na gawain o ehersisyo ay makatutulong din. Huwag maging mapag-isa. (Kawikaan 18:1) Ituon ang iyong isip sa mga bagay na nakasisiya at nakapagpapatibay.—Filipos 4:8.
Tandaan din na si Jehova ay matutuwa sa iyong matatag na paninindigan. Malayang lumapit sa kaniya sa panalangin upang humingi ng tulong at suporta. (Awit 55:22; 65:2) “Naging panay ang aking pananalangin,” ang gunita ng kabataang si Sheila. Hindi, hindi madali na tapusin ang nakapipinsalang relasyon. Ganito ang pag-amin ni Sheila: “Bagaman tapos na ito, kung minsan ay naaalaala ko siya at iniisip ko kung ano ang kaniyang ginagawa. Subalit kailangang panindigan mo ang iyong pasiya, batid mo na iyong pinalulugdan si Jehova.”
[Talababa]
a Ang mga pangalan ay pinalitan.
[Larawan sa pahina 18]
Ipaalam sa tao sa matatag at tuwirang mga salita na ang relasyon ay tapos na