Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkabuhay-muli—Isang Di-sana-Nararapat na Kabaitan ng Diyos

Pagkabuhay-muli—Isang Di-sana-Nararapat na Kabaitan ng Diyos

Pagkabuhay-muli​—Isang Di-sana-Nararapat na Kabaitan ng Diyos

ANG paglalaan ng isang pagkabuhay-muli para sa sangkatauhan ay tunay na isang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na Jehova, sapagkat hindi siya obligadong maglaan ng pagkabuhay-muli. Ang pag-ibig sa sanlibutan ng sangkatauhan ang nag-udyok sa kaniya na ibigay ang kaniyang bugtong na Anak upang ang angaw-angaw, oo, kahit na libu-libong milyon na namatay na nang walang tunay na kaalaman ng Diyos ay magkaroon ng pagkakataon na makilala at ibigin siya, at upang ang mga umiibig at naglilingkod sa kaniya ay magkaroon ng pag-asa at pampatibay-loob na ito sa matapat na pagtitiis, kahit hanggang sa kamatayan. (Juan 3:16) Inaaliw ni apostol Pablo ang mga kapuwa Kristiyano sa pamamagitan ng pag-asa ng pagkabuhay-muli, sumusulat sa kongregasyon sa Tesalonica tungkol sa kanila sa kongregasyon na nangamatay na at may pag-asa sa isang makalangit na pagkabuhay-muli: “Bukod diyan, mga kapatid, hindi namin ibig na kayo ay walang-alam may kinalaman sa mga natutulog sa kamatayan; upang hindi kayo malumbay gaya rin ng iba na walang pag-asa. Sapagkat kung ang ating pananampalataya ay na si Jesus ay namatay at muling bumangon, sa gayunding paraan, yaong mga natulog na sa kamatayan sa pamamagitan ni Jesus ay dadalhin ng Diyos kasama niya.”​—1 Tesalonica 4:13, 14.

Sa gayunding paraan, sa kanila na tapat sa Diyos na nangamatay taglay ang pag-asa ng buhay sa lupa sa ilalim ng Mesianikong Kaharian, at para rin sa iba na hindi pa nakakikilala sa Diyos, ang mga Kristiyano ay hindi dapat malumbay na gaya ng iba na walang pag-asa. Kapag binuksan ang Sheol (Hades), yaong mga naroroon ay lalabas. Binabanggit ng Bibliya ang marami na nagtungo roon, kasali ang mga tao sa sinaunang Ehipto, Asiria, Elam, Meshech, Tubal, Edom, at Sidon.​—Ezekiel 32:18-31.

Ang kadakilaan at lawak ng pag-ibig at di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa pagbibigay ng kaniyang Anak upang ‘ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay’ ay hindi tinatakdaan ang pagkakapit ng pantubos doon lamang sa pinipili ng Diyos para sa makalangit na pagtawag. (Juan 3:16) Sa katunayan, ang haing pantubos ni Jesu-Kristo ay hindi lubusang maikakapit kung ito’y para lamang sa magiging miyembro ng Kaharian ng langit. Hindi nito matutupad ang lahat ng layunin ng paglalaan dito ng Diyos, sapagkat layunin ng Diyos na ang Kaharian ay magkaroon ng makalupang mga sakop. Si Jesu-Kristo ang Mataas na Saserdote hindi lamang ng mga kasamang saserdote na makakasama niya kundi rin naman ng sanlibutan ng sangkatauhan na mabubuhay kapag ang kaniyang mga kasama ay magpupuno bilang mga hari at mga saserdote na kasama niya. (Apocalipsis 20:4, 6) Siya ay “subók na sa lahat ng mga bagay tulad natin [espirituwal na mga kapatid niya], ngunit walang kasalanan.” Samakatuwid siya’y maaaring makiramay sa mga kahinaan ng mga tao na nagsisikap na maglingkod sa Diyos; at ang kaniyang kasamang mga hari at mga saserdote ay nasubok din sa gayong paraan. (Hebreo 4:15, 16; 1 Pedro 4:12, 13) Alang-alang kanino sila magiging mga saserdote kung hindi alang-alang sa sangkatauhan, pati na yaong binuhay-muli, sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari at paghatol?

Ang mga lingkod ng Diyos ay buong pananabik na tumitingin sa araw na iyon kapag tatapusin ng pagkabuhay-muli ang gawain nito. Sa pagsasakatuparan ng kaniyang mga layunin, ang Diyos ay nagtakda ng tamang panahon para rito, kung saan ang kaniyang karunungan at pagkamatiisin ay lubusang maipagbabangong-puri. (Eclesiastes 3:1-8) Siya at ang kaniyang Anak, na kaya at handang gawin ang pagkabuhay-muli, ang tatapos nito sa takdang panahong iyon.

Dapat asahan ni Jehova at ng kaniyang Anak ang ganap na pagsasakatuparan ng gawaing iyon taglay ang malaking kagalakan. Ipinakita ni Jesus ang kaniyang pagkukusa at pagnanais nang mamanhik sa kaniya ang isang ketongin: “ ‘Kung ibig mo lamang, ay mapalilinis mo ako.’ Sa gayon ay naantig siya [si Jesus] sa pagkahabag, at iniunat niya ang kaniyang kamay at hinipo siya, at sinabi sa kaniya: ‘Ibig ko. Luminis ka.’ At kaagad-agad ang ketong ay naglaho mula sa kaniya, at siya ay naging malinis.” Ang makabagbag-damdaming pangyayaring ito na nagpapakita ng maibiging-awa ni Kristo sa sangkatauhan ay iniulat ng tatlong manunulat ng Ebanghelyo. (Marcos 1:40-42; Mateo 8:2, 3; Lucas 5:12, 13) At tungkol naman sa pag-ibig at pagkukusa ni Jehova na tulungan ang sangkatauhan, atin muling gunitain ang mga salita ng tapat na si Job: “Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya? . . . Ikaw ay tatawag, at ako’y sasagot. Ikaw ay magtataglay ng nasa sa gawa ng iyong mga kamay.”​—Job 14:14, 15.

Ang Ilan ay Hindi Bubuhaying-muli

Bagaman totoo na ang haing pantubos ni Kristo ay ibinigay para sa sangkatauhan sa pangkalahatan, ipinahiwatig ni Jesus na ang aktuwal na pagkakapit nito ay matatakdaan nang sabihin niya: “Kung paanong ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Ang Diyos na Jehova ay may karapatang huwag tanggapin ang pantubos para sa sinumang inaakala niyang hindi karapat-dapat. Pinatatawad ng pantubos ni Kristo ang mga kasalanan ng isang indibiduwal dahil sa pagiging isang anak ng makasalanang si Adan, subalit maaaring dagdagan iyan ng isang tao sa pamamagitan ng kaniyang sinasadya, kusang landasin ng kasalanan, at sa gayo’y maaari siyang mamatay dahil sa kasalanang iyon na hindi na mapatatawad salig sa pantubos.

Sinabi ni Jesus na ang isa na nagkasala laban sa banal na espiritu ay hindi patatawarin sa kasalukuyang sistema ng mga bagay ni sa darating na sistema ng mga bagay. (Mateo 12:31, 32) Ang isang tao na hinatulan ng Diyos na nagkasala laban sa banal na espiritu sa kasalukuyang sistema ng mga bagay samakatuwid ay hindi makikinabang sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, yamang ang kaniyang mga kasalanan ay hindi kailanman mapatatawad, ginagawang walang silbi sa kaniya ang pagkabuhay-muli. Binanggit ni Jesus ang hatol laban kay Judas Iscariote sa pagtawag sa kaniya na “ang anak ng pagkapuksa.” Ang pantubos ay hindi kakapit sa kaniya, at ang kaniyang pagkapuksa ay isang hatol na naigawad na, hindi na siya tatanggap ng pagkabuhay-muli.​—Juan 17:12.

Sa mga sumasalansang sa kaniya, ang Judiong mga lider ng relihiyon, sinabi ni Jesus: “Paano kayo makatatakas mula sa paghatol ng Gehenna?” (Mateo 23:33) Ipinakikita ng kaniyang mga pananalita na ang mga taong ito, kung hindi sila magbalik sa Diyos bago ang kanilang kamatayan, ay magkakaroon ng pangwakas na masamang paghatol laban sa kanila. Kung gayon, walang magagawa ang pagkabuhay-muli para sa kanila. Magiging totoo rin ito tungkol sa “taong tampalasan.”​—2 Tesalonica 2:3, 8.

Binabanggit ni Pablo yaong mga nakaalam ng katotohanan, naging mga kabahagi sa banal na espiritu, at pagkatapos ay nahulog, na gaya ng nahulog sa isang kalagayan kung saan imposibleng “panumbalikin silang muli sa pagsisisi, sapagkat ipinapako nilang muli ang Anak ng Diyos para sa kanilang mga sarili at inilalantad siya sa hayag na kahihiyan.” Hindi na sila maaaring tulungan ng pantubos; kaya naman hindi na sila tatanggap ng pagkabuhay-muli. Inihalintulad ng apostol ang mga iyon sa isang bukid na nagbubunga lamang ng mga tinik at dawag at sa gayo’y tinanggihan at sinusunog. Inilalarawan nito ang kinabukasan nila: ganap na pagkalipol.​—Hebreo 6:4-8.

Minsan pa, sinabi ni Pablo na yaong “sinasadya na mamihasa sa kasalanan pagkatapos na matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, [na] wala nang anumang haing natitira pa para sa kasalanan, kundi may nakatatakot na paghihintay sa paghuhukom at may maapoy na paninibugho na lalamon doon sa mga sumasalansang.” Pagkatapos ay inilarawan niya: “Ang sinumang taong nagwalang-halaga sa batas ni Moises ay namamatay nang hindi pakikiramayan, sa testimonyo ng dalawa o tatlo. Gaano pa ngang lalong matinding kaparusahan, sa palagay ninyo, ang karapat-dapat sa tao na yumurak sa Anak ng Diyos at itinuring na may pangkaraniwang halaga ang dugo ng tipan na sa pamamagitan nito ay pinabanal siya, at lumapastangan sa espiritu ng di-sana-nararapat na kabaitan nang may paghamak? . . . Isang bagay na nakatatakot nga ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buháy.” Ang hatol ay lalong matindi sa bagay na sila’y hindi lamang namatay at inilibing sa Sheol, bilang mga sumuway sa Kautusan ni Moises. Ang mga ito ay ang nagtutungo sa Gehenna, kung saan wala nang pagkabuhay-muli.​—Hebreo 10:26-31.

Si Pedro ay sumusulat sa kaniyang mga kapatid, binabanggit na sila, bilang “ang tahanan ng Diyos,” ay nasa ilalim ng paghatol, at saka siya sumipi sa Kawikaan 11:31 (LXX) na nagbababala sa kanila tungkol sa mga panganib ng pagsuway. Ipinahihiwatig niya rito na ang kanilang kasalukuyang paghatol ay maaaring magwakas sa isang paghatol ng walang-hanggang pagkapuksa para sa kanila, gaya ng isinulat ni Pablo.​—1 Pedro 4:17, 18.

Binabanggit din ni apostol Pablo ang ilan na “daranas ng panghukumang kaparusahan na walang-hanggang pagkapuksa mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang lakas, sa panahon na siya ay darating upang luwalhatiin may kaugnayan sa kaniyang mga banal.” (2 Tesalonica 1:9, 10) Samakatuwid ang mga ito ay hindi makaliligtas tungo sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, at yamang ang kanilang pagkapuksa ay “walang-hanggan,” sila’y hindi tatanggap ng pagkabuhay-muli.