Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinahihirapan Ka ba ng Kirot sa Likod?

Pinahihirapan Ka ba ng Kirot sa Likod?

Pinahihirapan Ka ba ng Kirot sa Likod?

“Napakatindi ng kirot. Para bang may nagsindi at sinilaban ang aking likod! Ang tanging natatandaan ko ay yumuko ako upang ilayo ang aking munting pamangkin sa mga bubog, at bigla na lamang pinagdingas ang aking likod, wika nga. Nanatili akong gayon ng ilang araw, hindi makaunat. Hindi pa ako kailanman nakaranas ng gayong kirot,” ang paglalahad ni Karen, 32, isang maybahay at ina ng dalawang anak.

ANG kirot sa likod ay pumapangalawa sa sakit ng ulo sa dami ng tao na apektado nito sa Estados Unidos. Ito ang pangunahing sanhi ng matagalang pagkabalda ng mga taong wala pang 45 at ang ikatlong pangunahing sanhi sa gitna ng mga taong mahigit nang 45. Ang mga pinahihirapan nito ay gumugugol ng 24 na bilyong dolyar sa isang taon sa paghahanap ng lunas​—apat na ulit ng ginugol sa paggamot sa AIDS noong 1991.

Ayon kay Dr. Alf L. Nachemson, isang siyentipikong mananaliksik sa mga suliranin sa likod, dalawang bilyong pasyente sa buong mundo ang nakaranas ng kirot sa balakang sa nakaraang sampung taon. “Kung minsan sa panahon ng ating aktibong pamumuhay 80 porsiyento sa atin ang makararanas ng kirot sa likod sa papaano man,” sabi niya.

Isang Siklo ng Kirot

Walang pinipili ang kirot sa likod. Kapuwa ang mga trabahador at mga nag-oopisina ay malamang na magkaroon ng mga pinsala sa likod. Ang mga lalaki at mga babae, bata’t matanda, ay maaaring makaranas ng kirot na ito. Kapag ang kirot ay paulit-ulit at hindi naaalis, makaaapekto ito sa pagtatrabaho, perang kinikita, pamilya, at sa ginagampanang bahagi sa pamilya, na nagdudulot din ng paghihirap ng loob. Papaano?

Nasusumpungan ng mga tao ang kanilang sarili sa isang siklo ng kirot, sabi ng aklat na The Fight Against Pain. Ang kirot sa katawan ay sanhi ng kabalisahan at panlulumo na maaaring umakay sa mas matindi at walang lubay na kirot. Halimbawa, baka kailangang pakitunguhan ng isang bata pang magulang o ng nagtatrabaho para sa pamilya ang panggigipit sa trabaho, pamilya, at mga kaibigan dahil sa kawalang-lakas na bunga ng mga problema sa likod.

“Ang pinakamalaking problemang nasusumpungan ko ay ang kawalan ng pag-unawa at empatiya sa bahagi ng aking pamilya at mga kaibigan. Sinisikap ng tao na mapabawa ang kirot, hindi nauunawaan kung gaano ka talaga nagdurusa,” sabi ni Pat, 35, isang sekretarya na unang nakaramdam ng kaniyang sunud-sunod na pagsumpong ng kirot sa likod noong 1986. “Yamang hindi mo alam kung kailan o saan susumpong ang kirot, may hilig ka na huwag magplano ng napakaraming gawain. Para bang ikaw ay hindi gaanong mahilig makihalubilo, hindi tumatanggap ng mga paanyaya, hindi mahilig kumarga ng sanggol ng iba, hindi ngumingiti, pawang dahil sa ikaw ay nasasaktan. Ang kirot, kung hahayaan mo, ay maaaring sumupil sa iyo.”

Kung Bakit Kumikirot ang Likod

Hindi na ba mapipigilan ang kirot sa likod? Ano ba ang magagawa mo upang mapabawa ito o maiwasan ito? Kailan ka dapat humingi ng medikal na tulong para sa iyong likod? Bagaman ang kirot sa likod na walang-lubay ay maaaring maghudyat ng maraming panloob na sakit, ang tatalakayin dito ay magtutuon ng pansin sa dalawang pinagmumulan ng kirot sa likod​—mga herniated disk (ang lumihis na pinakaplato sa pagitan ng mga buto sa likod) at mga pulikat.

Ang mga herniated disk ang pangunahing sanhi ng sakit sa likod sa mga adultong bata pa at nasa kalagitnaang edad. Ang gayong mga disk ay kalimitang tinutukoy bilang mga “slipped disk” o dumausdos na pinakaplato sa pagitan ng mga butong-gulugod sa likod, na maling tawag, yamang ang mga ito ay hindi maaaring dumausdos o lumihis sa lugar.

Sa pagsapit ng isang tao sa mga edad na 20, ang malaesponghang loob ng mga disk ay nagsisimulang maiwala nito ang katangian ng pagkabanat at halumigmig, na sanhi ng pagliit ng disk. Subalit hindi naman ito karaniwang sanhi ng pagkirot. Gayunman, nagaganap sa ibang tao ang matinding kirot kapag ang bahaging malaesponghang loob ay umusli, o bumukol, sa pinakalabas ng bilog ng mahiblang himaymay.

Ang magasing Fortune ay nagkokomento may kinalaman sa mga disk na ito: “Minsang ang mga ito’y humina sa isang antas, ang pinakamahinang puwersa​—ang bagay na kasingkaraniwan ng pagbahin o pagyuko upang iurong ang isang stereo​—ay maaaring ang pinakamalaking salik na magiging sanhi ng kirot.”

Ang mga disk ay gumaganap na para bang mga shock absorber sa pagitan ng unang 24 na vertebrae, o mga butong-gulugod. Ang mga butong ito ay nakasalansan at bumubuo ng patayong tunel, ang spinal canal, kung saan nakapaloob ang kordon ng gulugod (spinal cord). Sa pagitan ng bawat pares ng mga butong-gulugod, may maliit na butas kung saan ang isang bungkos ng mga nerbiyo, tinatawag na nerve root, ay lumalabas mula sa pinakakanal, isang bungkos sa magkabilang tabi. Ang disk ay maaaring umusli at dumiin sa pantanging nerbiyo. Ang puwersang ito ay makahahadlang sa mga hudyat ng nerbiyo na nagdadala ng pandamdam paroo’t parito sa ibang mga bahagi ng katawan.

Halimbawa, ang napakakirot na kalagayan na tinatawag na sciatica, ay maaaring mangyari kung may puwersang dumiriin sa mga ugat ng nerbiyo (nerve root) ng sciatic nerve. Ang ilang ugat ng nerbiyo na lumalabas mula sa gawing ibaba ng gulugod ang siyang bumubuo ng sciatic nerve. May isang sciatic nerve sa magkabilang tabi, bumababa sa likod ng mga hita hanggang sa tuhod at pagkatapos ay nagsasanga sa ibang mga nerbiyo. Ang kirot na sciatic ay karaniwang nagsisimula sa gawing ibaba at tumatagos sa balakang at pigî at pababa sa hita, kung minsan hanggang sa alak-alakan at paa. Bilang resulta, ang isang tao ay papilay-pilay na lumakad​—isang kalagayan kung saan kinakaladkad ang paa dahil sa hindi maiangat ng mga kalamnan ng binti ang mga daliri sa paa. Ang pinahihirapan nito ay makararanas din ng pamimitig, pangingimay, at panghihina ng kalamnan sa apektadong binti.

Kapag ang disk ay dumiin sa mga ugat ng nerbiyo sa cauda equina, isang grupo ng mga nerbiyo sa gawing ibaba lamang ng baywang na naglilinis ng pantog at ng bituka, ang isang tao ay maaaring magkaproblema sa pag-ihi at pagdumi. Ang mga taong may anuman sa mga sintomang ito ay dapat na magpatingin sa doktor agad-agad, baka ang mga ito’y tanda ng malulubhang suliranin sa neuron.

Kapag pinatitigas at pinalalambot, ang mga kalamnan sa likod ay dumurugtong sa mga litid upang tumulong, pinananatili ang gulugod mula sa pagbagsak at pinangyayari nito na bumaluktot at pumihit. Gayunman, kapag napupuwersa, ang wala sa lugar na kalamnan ay maaaring pulikatin, tumitigas nang husto anupat ito’y bumubukol. Dahil sa ito’y nangyayari nang walang babala at pansamantalang hindi mapakikilos ang isang tao, ang mga yugto ng mga pulikat sa likod ay maaaring maging napakatinding sakit. Inilarawan ng isang pinahihirapan ang kirot bilang “sunud-sunod na lindol na sumasabog sa iyong likod.”

Ang mga doktor ay sumasang-ayon na ang pamumulikat ng kalamnan ay nangyayari upang ingatan ang tao mula sa magaganap na higit pang pinsala sa nanghihinang mga kalamnan. Ganito ang sabi ng isang aklat ng Time-Life na The Fit Back: “Sa pamamagitan ng hindi pagkilos ng likod, ang pulikat ang pumupuwersa sa iyo na gawin ang pinakamabuting pagkilos at mahiga. Ang posisyong ito ay hindi lamang nakababawas ng igting sa iyong likod, kundi pinahihintulutan nito ang namamagang himaymay na magkumpuni sa sarili nito.”

Upang maiwasan ang pananakit ng likod na kalimitang sanhi ng mga pulikat, ang mga kalamnan ng likod, tiyan, at mga hita ay kailangang mapanatiling malakas at matigas. Halimbawa, ang mga luyloy na kalamnan sa tiyan ay maaaring lumikha ng pananakit ng likod sapagkat ang mga ito’y hindi nagbibigay ng angkop na tulong at hindi gaanong makalaban sa hila ng bigat ng katawan sa gulugod. Kung ang mga kalamnan sa tiyan ay nasa kondisyon, ang mga ito’y lumilikha ng “pinakabigkis ng kalamnan” na humahadlang sa balakang na bumaluktot sa paliyad na posisyon. Ang pagliyad, isang labis na pagkurba ng balakang, ang humihila sa mga butong-gulugod ng balakang na mawala sa tamang hanay.

Kung Ano ang Magagawa Mo Upang Mapaginhawa ang Kirot

Ang maling tindig, sobrang katabaan, mahinang mga kalamnan, at kaigtingan ay ang apat na mga salik na malamang na sanhi ng kirot sa balakang. Ang karaniwang mga gawain na di-wasto ang paggawa, gaya ng pag-upo, pagtayo, o pagbubuhat, ang ibang naghahantad na mga salik.

Ang magkasuwatong kaugnayan ang umiiral sa pagitan ng mabuting pagtindig at malalakas na kalamnan sa tiyan at likod. Ang tamang pagtindig ay nagpapahintulot sa mga kalamnan na gumawa nang mabuti, samantalang ang nasa mabuting kondisyon na kalamnan ay mahalaga para sa wastong tindig. Ang hanay na sumusunod sa likas na kurbang S ng gulugod ay kailangan para sa mabuting tindig. Hindi naman ito nangangahulugan ng tuwid na tuwid na gulugod.

Kung ang di-wastong tindig ay maitutuwid, ang kirot dahil sa tindig ay maaaring mawala, ang sabi ni Robin McKenzie sa aklat na Treat Your Own Back, na nagsabi pa: “Gayunman, habang lumilipas ang panahon, kung hindi naiwawasto, ang nakaugaliang maling tindig ang sanhi ng mga pagbabago ng mga kasu-kasuan, ang labis na panghihina ay nangyayari, at ang maagang pagtanda ng mga kasu-kasuan ang nagiging bunga.”

Ang labis na timbang, lalo na sa tiyan, ay makapagpapakirot din ng likod dahil ito’y lumilikha ng pababang hila sa mga kalamnan na sumusuporta sa likod. Ang regular na pag-eehersisyo ang susi sa malusog na likod. Kahit na hindi na nararamdaman ang kirot, ang ehersisyo ay kailangan sapagkat ang kirot ng likod na nawawala ay malamang na lumitaw muli nang hindi inaasahan. Ang kumpletong medikal na pagpapasuri ay iminumungkahi bago magsimula ng pag-eehersisyo. Ang doktor ay makapagmumungkahi ng angkop na mga ehersisyo para sa sakit sa likod ng indibiduwal, o maituturo niya ang isang pasyente sa isang physical therapist.

Ipinalalagay ng maraming mananaliksik na ang kaigtingan ay maaaring magpangyari sa isang tao na madaling tablan ng sakit sa likod. Ang kaigtingan ay maaaring maging sanhi ng mga pulikat para sa ilang tao sapagkat ang tensiyon na hindi nababawa ay nagpapahigpit sa mga kalamnan, na nagbubunga ng kirot sa likod. Ang pagkontrol o pag-aalis sa pinagmumulan ng kaigtingan ay makatutulong upang mabawasan ang panganib ng kirot sa likod.

Ang mga tao na gumugugol ng napakaraming oras sa pag-upo sa trabaho o kapag naglalakbay sa malalayong lugar ay maaaring makaranas ng pananakit ng likod. Ang higit na timbang ay napupunta sa balakang kapag nakaupo, ayon sa isang pagsusuri sa Sweden. Nakalulungkot naman, ang panganib na ito ay pinatindi ng paggamit ng mga silya sa opisina na kulang ang suporta sa likod. Makatutulong ang pagtayu-tayo sa pagkakaupo sa pana-panahon sa pamamagitan ng pagtindig at paglalakad sa loob ng ilang minuto.

Kapag nagbubuhat ng mabibigat o maging ng magagaang na bagay, dapat na maging maingat ang mga tao sa paggamit ng kanilang mga kalamnan sa likod. Ang pagbaluktot sa mga tuhod ay iminumungkahi kapag nagbubuhat upang huwag kayaning lahat ng mga kalamnan sa likod ang bigat.

Ang isang taong nagtatrabaho sa asiwang posisyon ay malamang na magkaroon din ng mga sakit sa likod. Ang mga manggagawang nagpapasa-pasa ng trabaho sa isang linya, mga nars, elektrisyan, tagalinis ng bahay, at mga magbubukid ay pawang kinakailangang yumuko sa loob ng mahaba-habang oras kapag sila’y nagtatrabaho. Upang mabawasan ang panganib ng pinsala sa likod, iminumungkahi ng mga physical therapist ang palaging pagpapahingalay o pagpapalit ng posisyon. Ang mga taong matagal na nakatayo ay pinapayuhan na gumamit ng bangkito o bangkito para sa paa at bahagyang itaas ang isang paa upang maiunat ang balakang.

Ang Paghahanap ng Lunas

Para sa karamihan ng mga nakararanas ng kirot sa likod na nagmumula sa kalamnan, inirerekomenda ng mga doktor ang kinaugaliang paggamot​—pamamahinga, pagpapainit, masahe, ehersisyo, at, una sa lahat, mga gamot na nag-aalis ng maga at kirot. Kung may kinalaman sa huling nabanggit, si Dr. Mark Brown ng University of Miami School of Medicine ay nagbabala. Sinabi niya na sa Estados Unidos, ang matagal na paggamit ng gamot ang pangunahing sanhi ng pagdurusa dahil sa kirot sa likod, iyon ay, mula sa masamang mga epekto ng paggagamot. Kailangang mag-ingat ang mga tao na huwag masanay sa gamot, na maaaring magbunga sa pagdaragdag ng dosis, malamang na pagmulan ng pagkasugapa.

Ang physical therapy at pagpapatingin sa chiropractor ay makatutulong din at makapagpapaginhawa sa ilang pinahihirapan nito. Ang pangangalaga ng chiropractor ang dahilan ng pagpapatingin ng halos dalawang-katlo ng lahat ng pasyente para sa kirot sa likod sa Estados Unidos, sabi ng magasing HealthFacts.

Ang pag-oopera ay maaaring kailanganin upang maiwasto ang mga problema o maibsan ang kirot na may kaugnayan sa mga herniated disk. Gayunman, kalimitan nang unang irerekomenda ng doktor ang kinaugaliang paggamot para sa karamihan ng pinahihirapan ng kirot sa likod. Ang mga tao na sinabihan na kailangan nila ng operasyon ay makabubuting humingi ng ikalawa o ikatlong opinyon.

Para sa milyun-milyong pinahihirapan nito, ang patuloy subalit natitiis na kirot sa likod ay bahagi ng buhay. Tinitiis ng marami ang kirot subalit hindi nila hinahayaang makahadlang ito sa kanilang pang-araw-araw na mga gawain. Batid nila ang mga salik na pinagmumulan ng kirot at nagsasagawa ng mga hakbang upang maiwasan o malabanan ito. Sila’y laging nag-eehersisyo, pinananatili ang tamang timbang, pinabubuti ang kanilang tindig, at binabawasan ang kaigtingan sa kanilang buhay. Sa kabila ng paulit-ulit na pagkirot dahil sa herniated disk at sa pulikat, si Karen, na nabanggit sa pasimula, ay may kasiyahang nananatiling abala, gumugugol ng maraming oras sa gawaing pangangaral at pagtuturo ng mga Saksi ni Jehova. Tulad ni Karen, maraming pinahihirapan nito ang nagpapanatili ng positibong saloobin at nagsisikap na masugpo ang kanilang kirot sa likod.

[Kahon sa pahina 24]

Ilang Tulong sa Paghadlang sa Kirot sa Likod

☞ Iwasang magbuhat ng anuman sa mabilis, pabiglang kilos. Sa halip na yumuko mula sa baywang, ibaluktot ang mga tuhod.

☞ Humingi ng tulong kapag nagbubuhat ng mabibigat na bagay.

☞ Kapag nagbubuhat ng ilang dala-dalahan, gawing timbang ang dala sa magkabilang tabi. Kapag nagbubuhat ng mabigat na bagay, dalhin ito ng dalawang kamay na nasa harap ng iyong katawan. Kung ito’y binubuhat na nasa tagiliran, pagpalit-palitin sa magkabilang tabi.

☞ Sa biyahe, gumamit ng natitiklop na lalagyan ng bagahe at/o magaang na maleta na may mga tali sa balikat.

☞ Kapag nagbubuhat ng mga dala-dalahan mula sa lalagyan sa likod ng sasakyan, ilagay ang mga dala-dalahan na malapit sa katawan bago buhatin ang mga ito.

☞ Kapag nagba-vacuum, gumamit ng panlinis na vacuum na may mahabang hawakan. Sa halip na yumuko mula sa baywang upang linisin ang ilalim, iluhod ang isang tuhod, na gumagamit ng mga pad para sa tuhod. Kung ikaw ay yuyuko mula sa baywang, kung gayon, hangga’t maaari, itukod ang isang kamay sa isang bagay upang sumuporta sa iyo.

☞ Kapag nagtatrabaho sa opisina, magpalit-palit ng pag-upo sa mesa na ang pinakaibabaw ay may taas na hanggang baywang kapag nakatayo.

☞ Lumuhod kapag naghahalaman, at hati-hatiin ang gawain sa maiikling bahagi. Kapag nakatayo huwag yuyuko mula sa baywang.

☞ Mag-ehersisyo ng para sa likod nang palagian kahit sa loob ng 10 hanggang 15 minuto lamang. Mag-ehersisyo nang katamtaman lamang kung ikaw ay mas may edad na.

☞ Kapag nag-aayos ng kama, lumuhod sa kama sa isang tuhod, itukod ang isang kamay kapag inaabot ang dulo ng kama. Kapag inaayos o isinusuksok ang mga sapin sa kama, lumuhod sa sahig sa bawat gilid ng kama.

☞ Kapag nagmamaneho sa malayuang mga lugar, huminto at magpahinga paminsan-minsan. Kung ang likod ng upuan ng sasakyan ay hindi komportable, gumamit ng unan upang punan ang lugar kung saan hindi naghuhusto nang maayos ang maliit na bahagi ng likod.

☞ Huwag mag-jogging sa matitigas na ibabaw. Magsuot ng angkop na pang-ehersisyong mga sapatos.

☞ Gumamit ng unan o iba pang sandalan kapag nakaupo sa komportableng mga silya o sopa. Dahan-dahang tumayo, ginagamit ang iyong mga binti sa pagtayo.

☞ Kung ikaw ay gumugugol ng mga oras na nakaupo sa trabaho, kumuha ng upuan na may wastong hugis na sandalan. Tumayo paminsan-minsan, at kumilos-kilos.

☞ Huwag yumuko sa mga kahon ng kabinet na lalagyan ng salansan sa loob ng mahabang oras, kundi maupo hangga’t maaari.

☞ Kung ikaw ay nagsusuot ng matataas ang takong na mga sapatos kung araw, magdala ng mas maginhawang pares ng sapatos upang ipalit sa mga ito hangga’t maaari.