Ang Kaakit-akit na mga Palasyo ng Moscow sa Ilalim ng Lupa
Ang Kaakit-akit na mga Palasyo ng Moscow sa Ilalim ng Lupa
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA RUSSIA
HINDI mahirap hulaan kung nasaan ang subway, o Metro. Isang walang katapusang agos ng mga tao ang dumaragsa sa isang pasukan patungo sa ilalim ng lupa. Sa ibabaw ng pasukan ay ang letrang M, na kumikinang sa matingkad na pulang ilaw neon. Ang mga pintong pasukan ay bumukas sa harap ko. Sa loob ay nakaharap ko ang tanawin ng mga taong mabilis na bumababa at naglalaho na para bang patungo sa isang kalaliman. Sa simula ako ay nag-atubili. Pagkatapos, nang masupil ko ang aking pangamba, sumunod ako.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, ako’y nasa isang subway. Hindi lamang basta anumang subway—ang Moscow Metro! Subalit sa isang daigdig kung saan magagawa ng tao na maglakbay sa kalawakan, hatiin ang atomo, at magsagawa pa nga ng masalimuot na operasyon sa utak, ano ba ang natatangi tungkol sa isang subway?
Sa isang bagay, nasabi sa akin na ang Moscow Metro ay malamang na ang pinakamagandang subway sa buong mundo. Gaya ng sinasabi ng kawikaang Ruso, “mas maiging makitang minsan ng iyo mismong mga mata ang isang bagay kaysa sandaang ulit na marinig ang tungkol dito.” Nang daluhan ko ang internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Moscow noong nakaraang Hulyo, sabik na sabik akong sumakay sa Metro.
Kung Paano Umiral Ito
Noong 1902 isang siyentipiko at inhinyerong Ruso na nagngangalang Bolinsky ang nagmungkahi ng pagtatayo ng sistema ng transportasyon sa ibabaw ng lupa na tatakbo sa kahabaan ng pader ng Kremlin at iikot sa sentro ng lungsod. Subalit tinanggihan ng konseho ng lungsod ng Moscow ang mga plano sa paggawa ng sistema ng transportasyon nang panahong iyon. Pagkalipas ng sampung taon ay seryosong pinag-isipan ng konseho ang idea—ito ang magiging kauna-unahang uri nito sa Russia—subalit inantala pa ng pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig I noong 1914 ang pagtatayo nito. Noon lamang 1931 na ang idea ay muling sinariwa. Iyan ay nang ipag-utos ng Sentral na Komite ng Partido Komunista ng Unyong
Sobyet na ang unang daang-bakal ng bansa sa ilalim ng lupa ay itatayo sa Moscow. Ang Russia sa gayon ay naging ang ika-11 bansa, at ang Moscow ang ika-17 lungsod, na magsasagawa ng gayong pagkalaki-laking proyekto sa pagtatayo.Ang Metropolitan Subway ng Moscow ay nagbukas ng unang linya nito, na binubuo ng halos labing-isang kilometrong riles, noong alas siyete ng umaga ng Mayo 15, 1935, mga tatlong taon lamang pagkatapos magsimula ang konstruksiyon. Apat na tren ang naglilingkod sa 13 istasyon, at ito ay nakapagdadala ng halos 200,000 pasahero sa isang araw. Ang mga taga-Moscow at mga bisitang dayuhan ay hangang-hanga. Ito’y bagung-bago, lubhang pambihira! Sa mga gabi ang mga tao ay pumipila upang mapabilang sa ilan sa unang mga pasahero nito. Ito ay isang bagay na dapat makita. At gayon pa rin hanggang sa ngayon.
Magmula noong 1935 ang sistema ay pinalawak na sa siyam na mga linya na sumasaklaw ng kabuuang mga 200 kilometro at may 149 na istasyon. Halos lahat ng iba pang anyo ng transportasyong pampubliko sa Moscow, pati na ang paliparan at mga daanang-ilog, sa paano man ay nauugnay sa paglalakbay sa Metro. Sa katunayan, hindi maguniguni ng mga taga-Moscow ang buhay nang walang Metro. Nauunawaan naman, yamang araw-araw ito ay nagdadala ng katamtamang siyam na milyong pasahero, halos doble ng populasyon ng Finland. Kung ihahambing, ang mga subway sa London at sa Lungsod ng New York ay magkasamang nagdadala ng halos kalahati ng bilang na iyan.
Pagkuha ng Isang Malapitang Tingin
Nag-uusyoso ka bang makita kung ano ang naroroon sa mga 20 palapag sa ilalim ng lupa? Isang eskaleytor ang mabilis na nagdadala sa atin pababa. Isa lamang ito sa mga 500 eskaleytor sa buong sistema, na kung pagdudugtung-dugtungin ay aabot ng 50 kilometro. At anong bilis nito, bumababa sa isang 30-digris na dalisdis sa bilis na halos isang metro sa bawat segundo—halos doble ng bilis ng mga eskaleytor sa maraming ibang bansa!
Kami’y nakapasok na sa istasyon ng Mayakovskaya. Ipinadarama ng arkitektura nito sa amin ang pagiging nasa loob ng isang palasyo kaysa nasa loob ng isang istasyon ng subway. Hindi ko maisip kung kami bang talaga ay nasa ilalim ng lupa. Bihira akong makakita ng gayong kagagandang arkitektura sa ibabaw ng lupa, at lalo na sa ilalim ng lupa. Hindi kataka-taka na isang internasyonal na pagtatanghal sa arkitektura ang ginanap sa pagitan ng 1937 at 1939 ang nagkaloob ng gantimpala sa limang istasyon ng Moscow Metro, pati na ang isang ito. Mangyari pa, hindi lahat ng 149 na istasyon ay sinlaki ng istasyon ng Mayakovskaya; karamihan ng mas bagu-bago ay kainaman lamang—gayunma’y kahanga-hanga—bawat isa’y pambihira sa istilo at anyo.
Halos lahat ng istasyon ay may masasabi tungkol sa kasaysayan ng Russia. Ang marmol, seramik, at granito ay nagmula sa 20 iba’t ibang bahagi ng Russia upang gamitin sa dekorasyon. Sa gayon, ganito ang sabi ng isang photo guide: “Ang buong bansa ay tumulong upang itayo ang Moscow Metro.” Ang granito ay malawakang ginamit para sa mga dekorasyon sa sahig dahil sa tibay nito. Ito ay isang mahalagang salik dahil sa pulutong ng mga taong dumaragsa araw-araw sa mga istasyon.
Samantalang nasisiyahan sa mga kagandahan ng palasyong ito sa ilalim ng lupa, napansin namin ang mga tren na mabilis na nagpaparoo’t parito. Mga 90 segundo o higit pa pagkatapos na ang isa ay umalis sa istasyon, ang mga ilaw ng susunod na tren ay makikita nang dumarating. Ang mga tren ba ay laging tumatakbo nang ganito kadalas? Kung panahong abala ang trapiko, tumatakbo ang mga ito nang madalas. Kung hindi ang mga ito ay tumatakbo nang halos tatlong minuto ang agwat.
Bahagya pa lamang kaming nakauupo sa aming komportableng mga upuan ng tren bago namin naranasan kung gaano kadaling bumilis sa sukdulang tulin ang tren. Humahagibis ito sa isang tunél na halos 6 na metro sa diyametro, kung minsan sa tulin na halos 100 kilometro sa isang oras. Aba, malalakbay ng isang tao ang buong kahabaan ng Metro sa loob ng halos anim na oras! Pinipili ng mga taga-Moscow ang Metro hindi lamang dahil sa ito ang pinakamabilis na paraan ng paghahatid kundi rin naman dahil sa ito ay mura at komportable. Noong nakaraang Hulyo, noong panahon ng internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni
Jehova, ang isang sakay saanman sa Metro ay nagkahalaga ng sampung ruble, noo’y katumbas ng isang sentimo ng E.U.Ang mga pagitan ng mga tren ay napakaikli anupat magtataka ka kung paano posible para sa mga tren na maglakbay sa gayong tulin. Ang paliwanag ay simple. Isang sistema ng awtomatikong pagkontrol sa tulin ang idinisenyo upang hadlangan ang mga aksidente. Tinitiyak ng sistemang ito na ang distansiya sa pagitan ng mga tren ay hindi kukulangin sa distansiya na kinakailangan upang ihinto ang tren sa tuling iyon. Sa ibang salita, ang isang tren na naglalakbay sa bilis na 90 kilometro isang oras na papalapit kaysa kinakailangang layo ng paghinto sa tren na nasa unahan ay awtomatikong nagsisimulang magpreno. Isa pa, ang inhinyero sa naunang tren ay binabalaan ng isang hudyat ng alarma. Mangyari pa, dinaragdagan ng sistemang ito ang ligtas na paglalakbay. Iyan ba ang dahilan kung bakit ang mga taga-Moscow na sumasakay sa Metro ay waring kalmante at relaks? Karamihan sa kanila ay tahimik na nauupo at nagbabasa, maliwanag na nagtitiwalang sila ay ligtas na makararating sa kanilang patutunguhan.
Mga Ilaw at Hangin
Maaga kinabukasan, habang libu-libong makina ng kuryente ay nagsimulang umandar at daan-daang libong ilaw ang sumindi, milyung-milyong tao ang nagsimulang tumahak sa kanilang daan sa mataong mga palasyo sa ilalim ng lupa kung saan 3,200 kotse ng subway ay salit-salit na magbubukas at magsasara ng mga pinto nito sa maghapon. Lahat ng ito ay ginagawang posible ng napakaraming kuryente.
Ang gawaing ito ay lumilikha ng matinding init, na, sa bahagi, ay tinatanggap ng nakapalibot na lupa. Subalit kumusta naman ang sobrang init na maaaring maging sanhi ng labis na pag-init sa mga tunél at mga istasyon? Buweno, gaya ng nararapat sa mga palasyo, ang bawat istasyon ay pinaglilingkuran ng sistema ng bentilasyon na lubusang binabago ang hangin apat na beses isang oras. Laging may sariwang hangin, gaano man karaming tao sa Metro. Sa katunayan, ang sistema ng bentilasyon sa Moscow Metro ay itinuturing ng marami na pinakamahusay sa buong daigdig.
Gayunman, kung taglamig, ang init na ito ay kapaki-pakinabang. Maliban sa mga gusali at mga daang-pasukan na nasa ibabaw ng lupa, hindi na kinakailangan pa ang sistema ng pagpapainit. Ang mga tren, ang napakaraming tao, at ang lupa mismo, ay nag-iimbak ng init sa panahon ng tagsibol at tag-init, saganang nagbibigay ng sapat na init upang panatilihing mainit ang mga palasyo sa ilalim ng lupa.
Papuri Mula sa Lahat ng Panig
Gaya ng inaasahan, ang may larawang bukleta na Metro guide ay punúng-punô sa papuri nito: “Ang Moscow Metro ay wastong maituturing bilang isa sa pinakamaganda sa daigdig, na ang malapalasyong mga istasyon taglay ang kanilang masalimuot na network ng mga riles, mga instalasyon ng elektrisidad, mga tubo at mga kable ay kumakatawan sa isang tunay na pagsasama ng pinakamagaling na artistikong pagsisikap at katalinuhan sa inhinyeriya. Higit pa sa mga istasyon, ang mga ito ay mga obramaestra sa arkitektura ng walang kaparis na dingal at ganda na pinalalamutian ng marmol, granito, bakal at baldosa, na inayos sa pamamagitan ng pagbibigay-liwanag sa orihinal na disenyo, eskultura, mosaic, moldura, paneling, may kulay na mga salamin, at mga gawang repoussé. Ang pinakamagagaling na arkitekto at mga dalubhasa sa sining,” pati na ang mga eskultor, “ay tumulong sa layout at sa dekorasyon.”
Ngayon, pagkatapos madalaw ang Moscow at makita ang Metro sa ganang sarili, ako’y sasang-ayon. Marami sa aking kapuwa mga delegado sa kombensiyon ay humanga rin. Isang Aleman ang nagsabi sa akin: “Para bang ako’y pumasok sa isang bulwagang pangkonsiyerto na may magagandang chandelier. Ako’y nabighani.” Isang bisita buhat sa Estados Unidos ang humanga sa pagiging nasa oras, kalinisan, at kahusayan ng Metro. At isang delegado sa kombensiyon mula sa malayong Siberia ay namangha sa pagkalaki-laking sukat at lawak ng mga gusali sa ilalim ng lupa.
Kung sakaling mapunta ka sa Moscow, hihimukin kitang dalawin ang kaakit-akit na mga palasyong ito sa ilalim ng lupa. Tandaan: “Mas maiging makitang minsan ng iyo mismong mga mata ang isang bagay kaysa sandaang ulit na marinig ang tungkol dito.”
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Sovfoto/Eastfoto
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Ilan sa magagandang istasyon ng subway sa Moscow
[Credit Line]
Mga kuhang larawan (paikot sa kanan mula sa itaas sa kaliwa): Laski/Sipa Press; Sovfoto/Eastfoto; Sovfoto/Eastfoto; Laski/Sipa Press; Laski/Sipa Press; Sovfoto/Eastfoto