Ang Kirot na Mawawala Na
Ang Kirot na Mawawala Na
ANG kirot na aalisin bilang katuparan ng pangako ng Bibliya ay ang kirot na nararanasan bunga ng di-kasakdalan ng unang tao. Kabilang sa kirot na ito ang mailalarawan bilang talamak na kirot.
Sa halip na pagiging isang nagbababalang sistema para sa sakit o pinsala, ang talamak na kirot ay itinulad sa isang “palsong alarma” na hindi humihinto. Ang kirot na ito ang nagpapangyari sa mga pinahihirapan na gumugol ng bilyun-bilyong dolyar taun-taon sa paghahanap ng ginhawa, at sinisira ang buhay ng milyun-milyon.
Ang dalubhasa sa kirot na si Dr. Richard A. Sternbach ay sumulat: “Di-tulad ng matinding kirot, ang talamak na kirot ay hindi isang sintoma; ang talamak na kirot ay hindi isang nagbababalang hudyat.” Ang Emergency Medicine ay nagdiriin: “Walang pag-asa sa talamak na kirot.”
Sa gayon, itinuring ng maraming doktor nitong nakalipas na mga taon ang kirot na iyon bilang isang tunay na sakit mismo. “Sa matinding kirot ang kirot ay isang sintoma ng sakit o pinsala,” paliwanag ni Dr. John J. Bonica sa The Management of Pain, ang pamantayang teksto tungkol sa kirot sa ngayon. “Sa talamak na kirot ang kirot mismo ang sakit.”
Mga Pagsisikap Upang Maunawaan ang Kirot
Ang kirot ay hindi pa rin lubusang maunawaan. “Ang walang-katapusang pagkabighani na sikaping maunawaan kung ano ang kirot,” sabi ng magasing American Health, “ay nagpangyari sa mga siyentipiko na gumawang puspusan.” Mga ilang dekada ang nakalipas, ipinalagay nila na ang kirot ay isang anyo ng pandamdam, gaya ng paningin, pandinig, at pandama, na nadarama sa pamamagitan ng isang pantanging mga dulo ng nerbiyo sa balat at inihahatid sa utak sa pamamagitan ng partikular na mga himaymay ng nerbiyo. Subalit ang payak na ideang ito ng kirot ay nasumpungang hindi totoo. Paano?
Ang isang salik na humantong sa isang bagong pagkaunawa ay ang pag-aaral sa isang dalaga na walang pagkadama ng kirot. Pagkamatay niya noong 1955, isang pagsusuri sa kaniyang utak at sa sistema nerbiyosa ay umakay sa isang ganap na bagong idea tungkol sa sanhi ng kirot. “Hinanap [ng mga doktor] ang mga dulo ng nerbiyo,” sabi ng The Star Weekly Magazine, Hulyo 30, 1960. “Kung [siya] ay walang anumang dulo ng nerbiyo, iyan sana ang dahilan ng kawalan ng pakiramdam ng dalaga. Subalit mayroong mga dulo ng nerbiyo at maliwanag na maayos.
“Pagkatapos, sinuri ng mga doktor ang mga himaymay ng nerbiyo na ipinalalagay na nag-uugnay sa mga dulo ng nerbiyo sa utak. Dito, tiyak, masusumpungan ang depekto. Subalit hindi gayon. Ang mga himaymay ay pawang maayos, gaya ng nakita, bukod doon sa mga humina na dahil sa pinsala.
“Sa wakas, gumawa ng mga pagsusuri sa utak ng dalaga at, minsan pa, walang depekto ng anumang
uri ang napatunayan. Ayon sa lahat ng umiiral na kaalaman at teoriya, ang babaing ito ay dapat na normal na makaramdam ng kirot, gayunman hindi man lamang niya maramdaman ang pagkiliti.” Gayunman, siya ay sensitibo sa diin kapag nadidiit sa balat at makikilala niya ang kaibhan sa pagitan ng hipo ng ulo ng aspili at ng matulis na dulo ng aspili, bagaman ang duro ng aspili ay hindi masakit.Si Ronald Melzack, na noong mga taon ng 1960 ay kasamang awtor ng isang popular na bagong teoriya upang ipaliwanag ang kirot, ay nagbibigay ng isa pang halimbawa ng kasalimuutan nito. Sabi niya: “Patuloy na itinuturo ni Gng. Hull ang kaniyang paa na wala roon [ito ay pinutol], at inilalarawan ang nakapapasong mga kirot na parang isang mainit na mainit na panundot na idinuduro sa kaniyang mga daliri sa paa.” Sinabi ni Melzack sa magasing Maclean’s noong 1989 na kaniyang “hinahanap pa rin ang mga paliwanag sa kung ano ang tinatawag niyang ‘guniguning’ kirot.” Karagdagan pa, may tinatawag na idinadahilang kirot, kung saan ang isang tao ay maaaring may diperensiya sa isang bahagi ng katawan subalit nadarama ang kirot sa ibang bahagi ng katawan.
Kasangkot Kapuwa ang Isip at ang Katawan
Ang kirot ay nakilala na ngayon bilang “isang lubhang masalimuot na interaksiyon ng isip at ng katawan.” Sa kaniyang aklat noong 1992 na Pain in America, sinasabi ni Mary S. Sheridan na “ang nararanasang kirot ay lubhang sikolohikal anupat maaaring ikaila kung minsan ng isip ang pag-iral nito at kung minsan ay lumilikha o naipagpatuloy ito nang matagal pagkatapos mawala ang matinding pinsala.”
Ang kalagayan, pagtutuon ng isip, personalidad ng isa, ang kaniyang pagiging madaling tumanggap ng mungkahi, at iba pang salik ay pawang mahalaga kung paano tumutugon ang isa sa kirot. “Ang takot at pagkabalisa ay lumilikha ng labis-labis na pagtugon,” sabi ng awtoridad sa kirot na si Dr. Bonica. Sa gayon, maaaring matutuhan ng isa na madama ang kirot. Si Dr. Wilbert Fordyce, isang propesor ng sikolohiya na nagdadalubhasa sa mga suliranin ng kirot, ay nagpapaliwanag:
“Ang problema ay hindi kung baga ang kirot ay tunay. Mangyari pa ito ay tunay. Ang problema ay kung ano ang mahalagang mga salik na nakaiimpluwensiya rito. Kung makikipag-usap ako sa iyo bago ang hapunan tungkol sa isang ham sandwich, maglalaway ka. Tunay na tunay ito. Subalit ito ay nangyayari dahil sa pagkondisyon. Walang ham sandwich doon. Ang mga tao ay lubhang sensitibo sa pagkondisyon. Naiimpluwensiyahan nito ang sosyal na paggawi, paglalaway, presyon ng dugo, ang bilis ng pagtunaw sa pagkain, kirot, lahat ng uri ng bagay.”
Kung paanong ang iyong mga damdamin at kalagayan ng isip ay maaaring magpatindi sa kirot, maaari nitong sugpuin o pahupain. Isaalang-alang ang isang halimbawa: Sinabi ng isang neurosiruhano na bilang isang kabataan siya minsan ay lubhang nabighani ng isang babae samantalang nakaupong kasama niya sa isang napakalamig na pader anupat wala siyang naramdamang matinding lamig o kirot sa kaniyang puwitan. “Halos magyelo ako,” sabi niya. “Marahil ay naupo kami roon sa loob ng 45 minuto, at wala akong naramdamang lamig.”
Ang gayong mga halimbawa ay marami. Ang mga manlalaro ng football na buhos na buhos ang isip sa laro o mga sundalong nasa kainitan ng laban ay maaaring nasugatan nang lubha gayunma’y nakadarama ng kaunti o walang kirot nang panahong iyon. Ang kilalang Aprikanong manggagalugad na si David Livingstone ay nagsabi tungkol sa pagsalakay sa kaniya ng isang leon na umalog sa kaniya “gaya ng pag-alog ng isang terrier sa isang daga. Ang sindak . . . ay lumikha ng isang uri ng pangangarap kung saan wala akong nadamang kirot.”
Kapansin-pansin na ang mga lingkod ng Diyos na Jehova, na mahinahong tumitingin sa kaniya taglay ang ganap na pagtitiwala at pag-asa, kung minsan ay nakaranas na masugpo ang kanilang kirot. “Kataka-taka nga,” ulat ng isang Kristiyano na hinampas, “pagkatapos ng unang mga hampas, talagang wala na akong naramdaman. Sa halip, para bang naririnig ko lamang ang mga ito, tulad ng pagpalo sa isang dram sa malayo.”—Pebrero 22, 1994, Gumising!, pahina 21.
Kung Paano Binabago ang mga Pandama sa Kirot
Sa isang pagsisikap na ipaliwanag ang ilang mahiwagang mga aspekto ng kirot, noong 1965 isang propesor sa sikolohiya, si Ronald Melzack, at isang propesor sa anatomiya, si Patrick Wall, ay gumawa ng isang malawakang pinapupurihang gate-control na teoriya ng kirot. Ang edisyon noong 1990 ng
aklat-aralin ni Dr. Bonica tungkol sa kirot ay nagsabi na ang teoriyang ito ay “kabilang sa pinakamahalagang mga pagsulong sa larangan ng pananaliksik at terapi tungkol sa kirot.”Sang-ayon sa teoriya, ang pagbubukas at pagsasara ng isang teoretikal na tarangkahan sa kordon ng gulugod (spinal cord) ang nagpapahintulot o humahadlang sa pagdaan ng mga hudyat ng kirot tungo sa utak. Kung mga pandama maliban sa kirot ang daragsa sa tarangkahan, sa gayon ang mga hudyat ng kirot na darating sa utak ay maaaring mabawasan. Kaya, halimbawa, ang kirot ay nababawasan sa pagkukuskos o pag-alog sa isang daliring bahagyang napaso, yamang ang mga hudyat maliban sa kirot ay inihahatid sa kordon ng gulugod upang hadlangan ang pagdaan ng mga hudyat ng kirot.
Ang tuklas noong 1975 na ang ating katawan ay gumagawa ng sarili nitong tulad-morpinang mga sangkap na tinatawag na mga endorphin ay nakatulong pa sa pananaliksik upang maunawaan ang mahiwagang mga aspekto ng kirot. Halimbawa, ang ilang tao ay may kaunti o walang pandamdam sa kirot dahil sila ay gumagawa nang labis na mga endorphin. Maaari ring ipaliwanag ng mga endorphin ang hiwaga kung bakit ang kirot ay nababawasan o naaalis pa nga sa pamamagitan ng acupuncture, isang medikal na pamamaraan kung saan ang ga-buhok na mga karayom ay ipinapasok sa katawan. Ayon sa mga report ng nakasaksi, isang operasyon sa puso ang isinagawa samantalang ang pasyente ay gising, listo, at relaks sa pamamagitan ng paggamit ng acupuncture bilang ang tanging pamatay-kirot! Bakit walang naramdamang kirot?
Inaakala ng iba na maaaring pinakilos ng mga karayom ang paggawa ng mga endorphin na pansamantalang pumawi ng kirot. Ang isa pang posibilidad ay na pinapatay ng acupuncture ang kirot sapagkat pinasisigla ng mga karayom ang mga himaymay ng nerbiyo na naghahatid ng mga hudyat maliban sa kirot. Ang mga hudyat na ito ay dumaragsa sa mga tarangkahan sa kordon ng gulugod, hinahadlangan ang mga hudyat ng kirot na makarating sa utak, kung saan nakikilala ang kirot.
Ang teoriyang gate-control, at ang bagay na ang katawan ay gumagawa ng sarili nitong mga pamatay-kirot, ay maaari ring magpaliwanag kung bakit ang kalagayan, mga kaisipan, at mga damdamin ng isa ay nakaaapekto sa kirot na nadarama. Kaya, ang sindak ng isang biglang pagsalakay ng isang leon ay maaaring nagpasigla sa pagdami ng mga endorphin ni Livingstone, at inapawan din nito ang kaniyang kordon sa gulugod ng mga hudyat maliban sa kirot. Bunga nito, ang kaniyang mga pagkadama ng kirot ay nabawasan.
Gayunman, gaya ng nabanggit na, ang kalagayan ng isip at mga damdamin ng isa ay maaaring magkaroon ng kabaligtarang epekto. Maaaring patindihin ng labis-labis na kaigtingan sa araw-araw ng karaniwang modernong buhay ang pandama ng isang tao sa kirot sa pamamagitan ng paglikha ng kabalisahan, tensiyon, at paninigas at pagliit ng mga kalamnan.
Nakatutuwa naman, ang mga pinahihirapan ng kirot ay may dahilan para maniwala na bubuti ang kalagayan. Ito’y dahilan sa maraming pasyente ang ngayo’y nakikinabang mula sa pinagbuting mga paraan ng paggamot. Ang gayong mga pagsulong ay bunga ng mas mabuting pagkaunawa sa kakila-kilabot na sakit na ito. Si Dr. Sridhar Vasudevan, presidente ng American Academy of Pain Medicine, ay nagpaliwanag: “Ang idea na ang kirot kung minsan ay maaaring maging isang sakit sa ganang sarili ay bumago sa paggamot noong dekada ng 1980.”
Paano nabago ang paggamot sa kirot? Anong mga paggamot ang mabisa?
[Larawan sa pahina 7]
Paano binabawasan o inaalis ng acupuncture ang kirot?
[Credit Line]
H. Armstrong Roberts