Ang Pagsulong sa Paggamot sa Kirot
Ang Pagsulong sa Paggamot sa Kirot
HANGGANG kamakailan lamang kakaunting doktor ang maraming nalalaman tungkol sa kirot, at marami ang hindi pa nakaaalam nang higit. Si Dr. John Liebeskind, isang dating presidente ng International Pain Foundation, ang nagsabi mga ilang taon na ang nakalipas: “Sa palagay ko’y walang medikal na paaralan sa daigdig kung saan mahigit na apat na oras sa apat na taon ang ginugol sa pagtuturo sa mga estudyante na suriin at gamutin ang mga problema tungkol sa kirot.”
Gayunman, ang mga pagsulong sa pag-unawa sa kirot ay kasabay ng higit na mga pagsisikap sa paggamot dito. Sa gayon, ang pag-asa para sa mga pinahihirapan ng kirot ay lumiwanag. “Tayo’y makapagpapasalamat,” ulat ng magasing American Health, “na kinikilala na ngayon ng medisina na ang talamak na kirot ay hindi lamang sintoma, kundi isang magagamot na sakit mismo.” Ang pangmalas na ito ay nakatulong sa lubhang pagdami ng mga klinikang nakatalaga sa paggamot sa kirot.
Kung Saan Ginagamot ang Kirot
Binuksan ni Dr. John J. Bonica ang unang multidisciplinary pain clinic sa Estados Unidos. “Noong 1969 may 10 lamang gayong klinika sa daigdig,” ulat niya. Subalit ang bilang ng mga klinikang nakatalaga sa paggamot sa kirot ay lubhang dumami sa nakalipas na 25 taon. Mayroon na ngayong mahigit na isang libong klinika sa paggamot sa kirot, at isang kinatawan ng isang pambansang samahan sa paggamot ng talamak na kirot ay nagsabi na “mga bagong klinika ang nagbubukas halos araw-araw.” a
Isip-isipin kung ano ang kahulugan niyan! “Ngayon ang mga pasyenteng dati’y naglalakbay ng daan-daan o libu-libong milya upang guminhawa mula sa matinding kirot ay makasusumpong nito malapit sa bahay,” sabi ni Dr. Gary Feldstein, isang anestisyologo sa Lungsod ng New York. Kung ikaw ang pinahihirapan ng kirot, anong laking pagpapala na tumanggap ng tulong mula sa isang pangkat ng mga espesyalista na sinanay upang gamutin ang kirot!
Si Linda Parsons, ang asawa ng isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova, ay pinahihirapan ng kirot sa likod sa loob ng maraming taon. Nagpatingin siya sa maraming manggagamot, gayunman ang kaniyang kirot ay nagpatuloy. Isang araw noong Mayo nang nakaraang taon, sa kawalan halos ng pag-asa, dinampot ng mister niya ang direktoryo ng telepono at tiningnan ang talaan sa ilalim ng kirot. Nakatala ang numero ng telepono ng isang klinika sa paggamot sa kirot na hindi kalayuan sa kung saan sila naglilingkod sa gawing timog ng California. Gumawa sila ng appointment, at pagkalipas ng ilang araw nakilala ni Linda ang doktor upang tanggapin ang kaniyang unang pagkunsulta at pagsusuri.
Gumawa ng mga kaayusan upang gamutin si Linda bilang isang pasyente sa labas ng klinika. Siya’y nagsimulang magtungo sa klinika tatlong beses isang linggo para sa paggamot at sinunod din niya ang isang programa ng paggamot sa bahay. Sa loob ng ilang linggo, napansin niya ang pagsulong. Ganito ang sabi ng kaniyang mister: “Natatandaan ko ang pagsasabi niya isang gabi na halos may malaking pagtataka, ‘Hindi ako makapaniwalang wala na akong nararamdamang kirot.’” Sa loob ng ilang buwan, ang regular na pagtungo sa klinika ay maaaring ihinto.
Ang tulong na tinanggap ni Linda upang masugpo ang kaniyang kirot ay kahawig niyaong inilalaan ng maraming multidisciplinary pain clinic. Ginagamit ng mga klinikang iyon ang kasanayan ng isang pangkat ng mga propesyonal sa kalusugan, na, ayon kay Dr. Bonica, ay “siyang pinakamabuting paraan upang gamutin ang talamak na kirot.” Paano, halimbawa, ginamot si Linda sa kaniyang kirot?
Kung Paano Maaaring Gamutin ang Kirot
Inilalarawan ng isang brosyur sa klinika ang pamamaraan sa iyong pagdating: “Ang bawat indibiduwal
ay sinusuri ng isang manggagamot upang alamin ang pinagmumulan ng kirot at saka ibinabalangkas ang makatotohanang mga tunguhin at mga programa sa paggamot. . . . Ang pantanging mga pamamaraan at paggamot ang ginagamit upang tulungan ang katawan sa paglalabas ng ‘mga endorphin’ (mga kimikal na likas na ginagawa sa katawan) upang bawasan ang kirot at pagkabalisa at iwasan ang pagdepende sa mga gamot.”Kabilang sa mga paggamot na tinanggap ni Linda ay ang acupuncture at TENS, na ang ibig sabihin ay transcutaneous (pinadaraan sa balat) electrical nerve stimulation. Siya ay tumanggap ng mga paggamot na pinasisigla sa elektrikal na paraan sa klinika at siya’y binigyan ng isang maliit na yunit ng TENS upang gamitin sa bahay. Ang biofeedback—isang pamamaraan kung saan ang pasyente ay tinuturuang subaybayan ang mga pagtugon ng kaniyang katawan at baguhin ito upang bawasan ang epekto ng kirot—ay ginamit din.
Ang physical therapy, pati na ang madiing masahe sa himaymay, ay isang bahagi ng paggamot. Nang maglaon, subalit ito ay pagkatapos lamang na si Linda ay handa na para rito, isang programa sa ehersisyo sa himnasyo ng klinika ay ipinakilala, at ito ay naging isang mahalagang bahagi ng paggamot. Ang ehersisyo ay mahalaga, yamang nasumpungang isinasauli nito ang naubos na mga endorphin dahil sa talamak na kirot. Gayunman, ang hamon ay tulungan ang mga taong pinahihirapan ng kirot na magsagawa ng isang kapaki-pakinabang na programa ng ehersisyo.
Maraming pinahihirapan ng talamak na kirot na nagtutungo sa mga klinika ang umiinom ng napakaraming pamatay-kirot, at kasali na rito si Linda. Subalit di-nagtagal siya ay naawat sa pag-inom niya ng mga gamot, na isang mahalagang tunguhin ng mga klinika na gumagamot sa kirot. Si Linda ay walang naranasang mga withdrawal symptom, bagaman iyan ay pangkaraniwan. Binanggit ng dalubhasa sa kirot na si Dr. Ronald Melzack na sa “isang surbey ng mahigit na 10,000 biktima ng paso . . . , walang isa mang kaso ng pagkasugapa sa dakong huli ang maipalalagay na dahil sa mga gamot na ibinigay upang mapaginhawa ang kirot noong panahon ng pagtigil sa ospital.”
Yamang kadalasang may malaking sikolohikal na aspekto sa talamak na kirot, sinisikap ng mga klinika na tulungan ang mga pasyente, sa katunayan, upang huwag nilang makilala ang kanilang kirot. “Kung ano ang iniisip mo,” paliwanag ni Dr. Arthur Barsky, isang propesor sa Harvard Medical School, “kung ano ang inaasahan mo,
kung gaano ka nagtutuon ng isip sa iyong nadarama—lahat ng bagay na ito ay may malaking impluwensiya sa kung ano sa katunayan ang nadarama mo.” Kaya ang mga pasyente ay tinutulungang magtuon ng isip sa ibang mga bagay maliban sa kanilang kirot.Mga Pag-asa sa Paggaling
Ang bagong mga klinika bang ito sa paggamot sa kirot ang sagot sa mga problema ng sangkatauhan tungkol sa kirot? Bagaman ang mga pamamaraan ng paggamot sa kirot na inilarawan dito ay maaaring makatulong, ang isa ay dapat na mag-ingat sa pagpili ng isang may kakayahang klinika o espesyalista sa kirot. Magkagayon man, ang mga inaasahan ay dapat na maging makatotohanan.
Upang ilarawan ang isang karaniwang matagumpay na kuwento: Si Stephen Kaufman, isang dating weight lifter sa Olympic, ay halos naging isang baldado dahil sa talamak na kirot na dinanas niya nang barilin siya sa leeg ng isang mugger. Pagkalipas ng walong buwan sa programa na paggamot sa kirot, siya’y nakabalik sa trabaho nang buong-panahon at sa wakas ay lumahok pa nga sa paligsahan ng weight lifting. Gayunma’y sinabi niya: “Kadalasan, ang aking mga daliri sa paa ay nakadarama na para bang ito’y pinapaso sa kumukulong tubig.”
Kaya sa kabila ng lahat ng nakatutuwang pagsulong, maliwanag na wala sa kakayahan ng tao na tuparin ang pangako ng Bibliya, ‘Mawawala na ang kirot.’ (Apocalipsis 21:4) Kaya, paano matutupad ang tunguhing iyan?
[Talababa]
a Hindi iniendorso ng Gumising! ang anumang partikular na klinika sa paggamot sa kirot o paraan ng paggamot.
[Mga larawan sa pahina 9]
Mga paraan ng paggamot sa kirot, pati na ang elektrikal na pagpapasigla sa nerbiyo
[Credit Line]
Sa Kagandahang-loob ng Pain Treatment Centers ng San Diego