Mabibili ba ng Kayamanan ang Kaligayahan?
Mabibili ba ng Kayamanan ang Kaligayahan?
MALIWANAG na ang pagkakaroon ng higit na salapi kaysa ibang tao ay hindi gumagawa sa mga tao na mas maligaya. Sabi ng magasing Psychology Today: “Minsang maangat sa karukhaan, nakapagtatakang ang lumalaking kita ay may kaunting kaugnayan sa personal na kaligayahan.”
Ito’y pinatunayan sa isang patalastas sa pagkamatay sa New York Times ng Oktubre 29, 1993, na may ulong-balita: “Si Doris Duke, 80, Tagapagmana na ang Malaking Kayamanan ay Hindi Maaaring Bumili ng Kaligayahan, ay Patay Na.” Ang artikulo ay nagsabi: “Sa kalaliman ng gabi sa Roma noong 1945, si Bb. Duke, na noo’y 33 anyos, ay nagsabi sa isang kaibigan na ang kaniyang pagkalaki-laking kayamanan sa ilang paraan ay isang hadlang sa kaligayahan.”
“Ang lahat ng salaping iyan ay problema kung minsan,” pagtatapat ni Duke sa isang kaibigan. “Pagkatapos kong makipag-date sa isang lalaki nang ilang beses, sinasabi niya sa akin kung gaano niya ako kamahal. Subalit paano ko malalaman na totoo nga ito? Paano ako makatitiyak?” Ang Times ay nagsabi: “Ang kaniyang mga salita nang gabing iyon ay nagpakita na ang kaniyang buhay ay lubhang apektado, napinsala pa nga, ng kaniyang kayamanan.”
Sa kahawig na paraan, si Jean Paul Getty, dating kilalang ang pinakamayamang tao sa daigdig, ay nagsabi: “Ang salapi ay walang anumang kaugnayan sa kaligayahan. Marahil ito’y may kaugnayan sa kalungkutan.” At si Jane Fonda, isang kilalang artista sa Hollywood, na noong mga taon ng 1970 ay tumanggap ng kalahating milyong dolyar sa bawat pelikula, ay nagsabi: “Natikman ko na ang kayamanan at lahat ng materyal na bagay. Walang kabuluhan ito. Ang kayamanan ay humantong sa mga problemang pangkaisipan, bukod pa sa mga diborsiyo at mga bata na namumuhi sa kanilang mga magulang.”
Ang kayamanan ay hindi kailanman nagdadala ng kaligayahan, ni nadadala man ito ng kaaba-abang karukhaan. Kaya nga, isang pantas na tao noon ang nagsabi: “Huwag mo akong bigyan ng kahit karalitaan o kayamanan man.” (Kawikaan 30:8, 9) Binanggit ng isa pang manunulat ng Bibliya na ang kailangan ng isang tao upang lumigaya ay “ang maka-Diyos na debosyon na ito kasama ng pagka-nasisiyahan-sa-sarili. Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang bagay na mailalabas. Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, tayo ay magiging kontento na sa mga bagay na ito.”—1 Timoteo 6:6-10.