Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Komunikasyon Salamat sa kahanga-hangang serye ng “Komunikasyon sa Pagitan ng Mag-asawa.” (Enero 22, 1994) Ako’y kasal sa loob ng 26 na taon na. Ilang taon lamang ang nakalilipas, ang aking pag-aasawa ay naging labis na maigting, at kami’y nasa bingit ng isang malaking suliranin. Ang problema ay ang aming kawalan ng komunikasyon. Sinaliksik ko ang mga lathalain ng Samahang Watch Tower at sinikap kong ikapit ang aking nabasa. Ang aking asawang lalaki ay nagsimula ring mag-aral ng Bibliya. Subalit ang mga artikulong ito ay nagbigay sa akin ng karagdagang mga bagay na kailangan kong pasulungin. Ang mga ito ay tumutulong sa akin na pasulungin ang pang-unawa at nag-udyok sa akin na isagawa ang mga mungkahing ito.
Y. K., Hapón
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong Ang artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano Naman ang Tungkol sa Pag-iistambay?” (Hunyo 22, 1993) ay totoong pumatnubay sa akin sa tamang landas. Ako’y nakatira sa lugar na kung saan napakakaraniwan ang pag-iistambay. Naniniwala ako na maraming kabataang gaya ko ang makikinabang mula sa artikulong ito.
T. S., Nigeria
Ang artikulong “Bakit Napakasumpungin ng Aking mga Magulang?” (Nobyembre 8, 1993) ay naibigan ko nang labis sapagkat ang aking ama ay nagagalit sa akin dahil sa ginagawa ng aking kapatid. Kung minsan ako ay sumasama sa aking ama sa kaniyang trabaho, at ngayon nababatid ko kung gaano kaigting ang kaniyang nararanasan.
A. K., Estados Unidos
Maraming salamat sa mga artikulong “Normal ba ang Aking Paglaki?” at “Bakit Napakabilis Kong Lumaki?” (Setyembre 22 at Oktubre 8, 1993) Ako’y 11 taóng gulang, at sinasabi ng ilang tao na napakaliit ko para sa edad ko. Napakahusay talaga ng mga artikulo.
J. R. P., Alemanya
Ako’y 11 taóng gulang at laging tampulan ng masasakit na biro tungkol sa aking taas. Salamat sa pagtulong ninyo sa akin na maunawaan na hindi ako nag-iisa sa bagay na ito at na ako’y normal. Ako’y mas mabilis lamang na lumaki kaysa iba. Totoong natulungan ako ng mga artikulong ito.
E. Q., Inglatera
Sana’y noong ilang taon ko pa tinaglay ang ganitong artikulo nang isa sa aming anak na lalaki ang nagbibinata at biglang lumaki na ngayo’y anim na talampakan at siyam na pulgada ang taas. Hindi ko masabi kung ilang ulit na ang unang sasabihin ng mga tao ay, ‘Naku po, napakalaki mo!’ o, ‘Anong lagay ng klima diyan sa itaas?’ sa halip na, ‘Hello, kumusta ka?’ Hindi na kailangang sabihin pa, ginawa nitong mas mahirap ang panahon ng pagbibinata. Kailangang tulungan natin ang mga kabataan na maging palagay sa mga katawang minana nila. Ang inyong artikulo ay lubos na pinahahalagahan namin.
M. D., Estados Unidos
Tapat na Ama Salamat sa nakapagpapatibay-loob na artikulong “Ang Tapat na Halimbawa ng Aking Ama.” (Disyembre 22, 1993) Ang aking ama mismo ay namatay nang tapat halos dalawang taon na ang nakalilipas. Ang kaniyang mga binti ay magang-magâ anupat hindi siya makalakad noong huling buwan ng kaniyang buhay. Subalit siya’y nangangaral sa bawat tao na dumadalaw sa kaniya hanggang noong huling sandali niya. Siya’y gumugugol ng halos 20 oras sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa kaniyang pananampalataya noong huling buwan niya. Ipinagunita sa akin ng artikulong ito na ‘gayunding mga bagay sa paraan ng mga pagdurusa ay nagaganap sa buong samahan ng ating mga kapatid.’—1 Pedro 5:9.
D. P., Estados Unidos
Pagsasalin ng Dugo Ibig kong ipahayag ang aking pasasalamat sa artikulong “Nagtutulungan ang mga Saksi ni Jehova at ang Propesyon ng Medisina.” (Nobyembre 22, 1993) Ipinamalas nito ang pagmamalasakit ni Jehova sa ating pisikal at espirituwal na kapakanan. Ako’y sapilitang sinalinan ng dugo 13 taon na ang nakalilipas kasunod ng panganganak ko. Kaya natanto ko ang kahalagahan ng pagkakaroon ng Kristiyanong mga lalaki na sinanay na tumulong sa atin kapag kinakailangan. Umaasa ako at nananalangin na ang iba ay huwag nang makaranas ng aking naranasan.
K. T., Estados Unidos