Nasumpungan Ko ang Tunay na Kayamanan sa Australia
Nasumpungan Ko ang Tunay na Kayamanan sa Australia
ABRIL 1971 noon. Pagkatapos gumugol ng pitong taon sa Australia, ako’y nagbalik kamakailan sa Gresya upang dalawin ang aking pamilya. Gabi noon, at ako’y tahimik na nakaupo sa mesa sa isang karinderya sa plasa ng nayon ng Karies nang dumating at naupo sa tapat ko ang pari at alkalde roon. Maliwanag na gusto nila ng gulo.
Wala man lamang bahagyang pagbati, pinaratangan ako ng pari na ako’y nandayuhan sa Australia sa layuning kumita lamang ng salapi. Ang sabihin na ako’y nagulat ay hindi sapat. Ako’y mahinahong sumagot hangga’t maaari na samantalang ako’y nakatira sa Australia, ako’y nakakuha ng kayamanang mas mahalaga kaysa salapi.
Ang sagot ko ay nakagulat sa kaniya, at nais niyang malaman kung ano ang ibig kong sabihin. Sumagot ako na kabilang sa iba pang mga bagay, natutuhan ko na ang Diyos ay may pangalan. “At ito ang isang bagay na hindi ninyo itinuro sa akin,” sabi ko, tinititigan siya sa mata. Bago siya makasagot, nagtanong ako, “Maaari po bang sabihin ninyo sa akin ang pangalan ng Diyos na tinukoy ni Jesus nang ituro niya sa atin na ipanalangin sa modelong panalanging: ‘Pakabanalin nawa ang iyong pangalan’?”—Mateo 6:9.
Ang usapan tungkol sa pagtatalo ay mabilis na kumalat sa plasa ng nayon, at sa loob lamang ng humigit-kumulang sampung minuto 200 katao ang nagkatipon. Ang pari ay hindi mapakali. Ayaw niyang sagutin ang aking tanong tungkol sa pangalan ng Diyos, at mahihina ang mga sagot niya sa iba pang mga tanong sa Bibliya. Halatang-halata ang kaniyang pagkapahiya sa kaniyang madalas na paghiling sa wayter ng higit pang ouzo, isang inuming de alkohol sa Gresya.
Isang kawili-wiling dalawang oras ang lumipas. Ang aking tatay ay dumating na hinahanap ako, subalit nang makita niya kung ano ang nangyayari ay tahimik siyang naupo sa isang sulok at pinagmasdan ang tagpo. Ang masiglang talakayan ay nagpatuloy hanggang ika–11:30 n.g., nang isang lasing na lalaki ang galit na nagsisigaw. Nang mangyari iyon ay iminungkahi ko sa pulutong ng mga tao na dahil sa gabi na, dapat na kaming magsiuwing lahat.
Ano ang naging sanhi ng komprontasyong ito? Bakit sinikap ng pari at ng alkalde na makipagtalo sa akin? Ang kaunting kasaysayan tungkol sa aking paglaki sa bahaging ito ng Gresya ay tutulong sa iyo na maunawaan ito.
Maagang mga Paghihirap
Ako’y ipinanganak sa nayon ng Karies sa Peloponnisos, noong Disyembre 1940. Kami’y dukhang-dukha, at kapag ako’y hindi nag-aaral, ako’y nagtatrabahong kasama ni Nanay maghapon sa mga taniman ng palay, nakatayo sa ga-tuhod ang
lalim na tubig. Nang matapos ko ang paaralang primarya sa gulang na 13, isinaayos ng aking mga magulang na ako’y magtrabaho bilang isang aprentis. Upang ako’y tumanggap ng pagsasanay bilang isang tubero at tagakabit ng bintana, ang mga magulang ko ay nagbigay sa aking amo ng 500 kilong trigo at 20 kilong mantika, na halos ang buong kita nila sa isang taon.Ang buhay bilang isang aprentis—na nabubuhay nang malayo sa tahanan at kadalasang nagtatrabaho mula sa madaling-araw hanggang sa hatinggabi—ay napakahirap. Kung minsan naiisip kong umuwi ng bahay, subalit hindi ko magawa iyan sa aking mga magulang. Gayon na lamang ang walang pag-iimbot na pagsasakripisyo ang ginawa nila alang-alang sa akin. Kaya kailanman ay hindi ko ipinaalam sa kanila ang tungkol sa aking mga problema. Sinabi ko sa aking sarili: ‘Dapat kang magtiis, gaano man ito kahirap.’
Sa paglipas ng mga taon, nadadalaw ko ang aking mga magulang sa pana-panahon, at sa wakas ay natapos ko ang aking pagiging aprentis nang ako’y 18. Saka ako nagpasiyang magtungo sa Atenas, ang kabisera, kung saan mas maraming makukuhang trabaho. Doon ay nakasumpong ako ng trabaho at umupa ng isang silid. Araw-araw pagkatapos ng trabaho, ako’y umuuwi ng bahay, nagluluto para sa aking sarili, naglilinis ng silid, at saka gumugugol ng kaunting panahong mayroon ako sa pag-aaral ng Ingles, Aleman, at Italyano.
Ang imoral na usapan at gawi ng ibang kabataan ay nakaligalig sa akin, kaya iniwasan ko ang pakikisama sa kanila. Subalit ito ay nagpangyari sa akin na makadama na ako’y nag-iisa. Nang ako’y tumuntong ng 21, ako’y hiniling na magsagawa ng paglilingkod militar, noong panahong ito ay ipinagpatuloy ko ang aking pag-aaral ng mga wika. Pagkatapos, noong Marso 1964, pagkaalis ko sa hukbo, ako’y nandayuhan sa Australia, naninirahan sa Melbourne.
Relihiyosong Paghahanap sa Isang Bagong Bansa
Agad akong nakasumpong ng trabaho, nakilala ang isa pang dayuhang Griego, na nagngangalang Alexandra, at sa loob ng anim na buwan pagdating ko, kami ay nagpakasal. Paglipas ng ilang taon, noong 1969, isang may edad na babae, isang Saksi ni Jehova, ang dumalaw sa aming bahay at nag-alok ng Ang Bantayan at Gumising! Nasumpungan kong kawili-wili ang mga magasin, kaya’t inilagay ko ito sa isang ligtas na lugar, tinatagubilinan ang aking asawa na huwag itong itatapon. Pagkaraan ng isang taon dalawa pang Saksi ang dumalaw at nag-alok ng isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Tinanggap ko ito, at ang natutuhan ko buhat sa Kasulatan ang siyang hinahanap ko upang punán ang kahungkagan na umiral sa buhay ko.
Nang matuklasan ng kapitbahay ko na ako’y nakikipag-aral sa mga Saksi, itinuro niya sa akin ang mga pangkat ng mga Evangelist, sinasabing ang mga ito ay mas mabuting relihiyon. Bunga nito, nakipag-aral din ako sa isang matanda buhat sa Evangelist Church. Di-nagtagal ako’y dumadalo sa mga pulong kapuwa ng mga Evangelist at ng mga Saksi, sapagkat desidido akong masumpungan ang tunay na relihiyon.
Kasabay nito, alang-alang sa aking Griegong kinalakhan, sinimulan kong seryosong pag-aralan ang relihiyong Orthodoxo. Isang araw ako’y nagtungo sa tatlong simbahang Griego Orthodoxo. Nang ipaliwanag ko ang layunin ng aking pagdalaw sa unang simbahan, marahang ipinahiwatig ng pari na ako’y umalis na. Habang ginagawa niya ito, ipinaliwanag niya na kami’y mga Griego, at hindi tamang makisama sa mga Saksi o sa mga Evangelist.
Ang kaniyang saloobin ay nakagulat sa akin, subalit naisip ko: ‘Marahil ang partikular na paring ito ay hindi isang mabuting kinatawan ng simbahan.’ Sa aking pagtataka ang pari sa ikalawang simbahan ay gayundin ang reaksiyon. Gayunman, sinabi niya sa akin na may isang klase sa pag-aaral ng Bibliya na idinaraos ng isang teologo sa kaniyang simbahan tuwing Sabado ng gabi. Nang magtungo ako sa ikatlong simbahan, lalo akong nasiphayo.
Gayunman, naipasiya kong daluhan ang klase sa pag-aaral ng Bibliya na idinaraos sa ikalawang simbahan, nagtungo ako roon nang sumunod na Sabado. Nasisiyahan akong sundan ang pagbabasa sa Bibliya sa aklat ng Mga Gawa. Nang ang bahagi tungkol sa pagluhod ni Cornelio sa harap ni Pedro ay basahin, pinutol ng teologo ang pagbasa at binanggit na wastong tinanggihan ni Pedro ang gawang pagsamba ni Cornelio. (Gawa 10:24-26) Pagkasabi niyaon ako’y nagtaas ng kamay at nagsabi na ako’y may katanungan.
“Oo, ano ang nais mong malaman?”
“Buweno, kung si apostol Pedro ay tumangging sambahin, bakit mayroon tayo ng imahen niya at sinasamba ito?”
Nagkaroon ng ganap na katahimikan sa loob ng ilang segundo. Pagkatapos para bang isang bomba ang inihulog. Sumiklab ang galit, at nagkaroon ng mga sigaw, “Saan ka ba nanggaling?” Sa loob ng dalawang oras ay nagkaroon ng mainit na debate, at maraming sigawan. Sa wakas, habang ako’y papaalis, ako’y binigyan ng isang aklat na iuuwi sa bahay.
Nang buksan ko ito, ang unang mga salitang nabasa ko ay: “Tayo’y mga Griego, at ang ating relihiyon ay nagbubo ng dugo upang maingatan ang ating tradisyon.” Batid ko na ang Diyos ay hindi lamang sa mga Griego, kaya agad kong pinutol ang aking kaugnayan sa Iglesya Griego Orthodoxo. Mula noon ay nagpatuloy ako ng aking pag-aaral sa Bibliya sa mga Saksi lamang. Noong Abril 1970, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig, at ang aking asawa ay nabautismuhan pagkaraan ng anim na buwan.
Pakikipagkita sa Pari sa Nayon
Sa pagtatapos ng taóng iyon, ang pari buhat sa aming nayon sa Gresya ay nagpadala ng isang sulat na humihiling ng salapi upang tumulong sa pagkukumpuni sa simbahan sa nayon. Sa halip na magpadala ng salapi, pinadalhan ko siya ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, kasama ang isang sulat na nagpapaliwanag na ako ngayon ay isa na sa mga Saksi ni Jehova at na ako’y naniniwalang nasumpungan ko ang katotohanan. Pagkatanggap ng sulat ko, ipinahayag niya sa simbahan na isang nandayuhan sa Australia ay naghimagsik.
Pagkatapos, patuloy na itinatanong ng mga ina na ang mga anak na lalaki ay nasa Australia ang pari kung ito ba ay ang kanilang anak. Ang aking nanay ay nagtungo pa nga sa kaniyang bahay at nagmakaawa sa kaniya na sabihin sa kaniya. “Ikinalulungkot ko, ito’y ang iyong anak,” ang sabi niya. Nang dakong huli sinabi sa akin ni Nanay na mas pipiliin pa niyang pinatay na siya kaysa sabihin sa kaniya ang tungkol sa akin.
Pagbabalik sa Gresya
Pagkatapos ng aming bautismo, kami ng asawa ko ay nagnanais na magbalik sa Gresya at sabihin sa aming mga pamilya at mga kaibigan ang mabubuting bagay na natutuhan namin buhat sa Bibliya. Kaya noong Abril 1971, kasama ang aming limang-taóng-gulang na anak na babae, si Dimitria, kami ay nagbalik para sa isang pinalawig na bakasyon, tumitira sa bayan ng Kiparissia, mga 30 kilometro mula sa nayon namin ng Karies. Ang aming balikang tiket sa eruplano ay may bisa sa loob ng anim na buwan.
Noong ikalawang gabi sa bahay, si Nanay ay tumangis at umiiyak na sinabi sa akin na maling landas ang tinahak ko at binigyan ko ng kahihiyan ang pangalan ng pamilya. Umiiyak at humihikbi, siya’y nagsumamo sa akin na talikdan ang aking “maling” landas. Pagkatapos siya’y hinimatay at bumagsak sa aking mga bisig. Kinabukasan ay sinikap kong makipagkatuwiranan sa kaniya, ipinaliliwanag na dinagdagan ko lamang ang aking kaalaman tungkol sa Diyos na buong pagmamahal na itinuro niya sa amin mula sa pagkasanggol. Nang sumunod na gabi nangyari ang di-malilimutang engkuwentrong iyon sa lokal na pari at alkalde ng nayon.
Ang aking dalawang nakababatang kapatid na lalaki, na nakatira sa Atenas, ay dumating upang mamalagi roon para sa Pasko ng Pagkabuhay. Kapuwa nila ako iniwasan na para bang ako’y isang ketongin. Gayunman, isang araw ang mas matanda sa dalawa ay nakinig. Pagkatapos ng ilang oras na usapan, sinabi niya na sumasang-ayon siya sa lahat ng ipinakita ko sa kaniya mula sa Bibliya. Mula nang araw na iyon, ipinagtanggol niya ako sa iba pa sa pamilya.
Pagkatapos ako’y dumalaw sa Atenas at kadalasan ako’y tumitira sa aking kapatid na lalaki. Tuwing gagawin ko iyon, inaanyayahan niya ang iba pang pamilya na pumunta at makinig sa mabuting balita. Sa aking malaking kagalakan, siya at ang kaniyang asawa, pati ang tatlo pang pamilya na pinagdarausan nila ng mga pag-aaral sa Bibliya, nang maglaon ay sinagisagan ang kanilang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo sa tubig!
Ang mga linggo ay mabilis na lumipas, at bago matapos ang aming anim na buwan, isang Saksing naglilingkod sa isang kongregasyon mga 70 kilometro ang layo sa aming nayon ay dumalaw. Binanggit niya ang kinakailangang tulong sa gawaing pangangaral sa lugar na iyon at tinanong ako
kung napag-isipan ko bang manatili nang permanente. Nang gabing iyon ipinakipag-usap ko ang posibilidad na ito sa aking asawa.Magiging mahirap manatili, sang-ayon kaming dalawa. Subalit maliwanag na may malaking pangangailangan para sa mga tao na mapakinggan ang katotohanan ng Bibliya. Sa wakas, nagpasiya kaming manatili sa loob ng isa o dalawang taon. Ang aking asawa ay babalik sa Australia upang ipagbili ang aming bahay at kotse at dalhin ang mga pag-aaring madadala niya. Palibhasa’y nakapagpasiya na, nagtungo kami sa susunod na bayan kinabukasan at umupa ng isang bahay. Ipinatala rin namin ang aming anak na babae sa paaralang primarya roon.
Sumiklab ang Pagsalansang
Talagang digmaan ang agad na ipinahayag sa amin. Ang pagsalansang ay dumating mula sa pulisya, sa prinsipal ng paaralan, at sa mga guro. Sa paaralan si Dimitria ay ayaw mag-antanda ng krus. Tinawag ng mga opisyal sa paaralan ang isang pulis upang takutin siya na sumunod, subalit siya’y nanindigang matatag. Ako’y ipinatawag upang makipagkita sa prinsipal, at ipinakita niya sa akin ang isang liham mula sa arsobispo na nag-uutos na kunin ko si Dimitria at umalis. Gayunman, pagkatapos ng aking mahabang pakikipag-usap sa prinsipal, siya ay pinayagang manatili sa paaralan.
Nang maglaon ay napag-alaman ko na may mag-asawa sa Kiparissia na nakadalo sa isang asamblea ng mga Saksi ni Jehova, at nagawa naming mapanariwa ang kanilang interes. Inanyayahan din naming mag-asawa ang mga Saksi mula sa kalapit na nayon sa aming tahanan para sa mga pag-aaral sa Bibliya. Gayunman, hindi nagtagal ay dumating ang mga pulis at dinala kaming lahat sa istasyon ng pulisya upang tanungin. Ako’y pinaratangan na ginagamit ang aking bahay bilang isang dako ng pagsamba nang walang lisensiya. Subalit yamang kami’y hindi ibinilanggo, ipinagpatuloy namin ang aming mga pulong.
Bagaman ako’y inalok ng trabaho, nang mabalitaan ng obispo ang tungkol dito, pinagbantaan niyang ipasasara ang tindahan ng aking amo malibang isesante ako. Isang tindahan na gumagawa at nag-iinstala ng mga tubo at sheet metal ang ipinagbibili, at nabili namin ito. Halos karaka-raka dalawang pari ang dumating at pinagbantaan kaming ipasasara ang aming tindahan, at pagkalipas lamang ng ilang linggo ipinag-utos ng arsobispo na ang aming pamilya ay itiwalag. Nang panahong
iyon ang sinumang iskomulgado o tiwalag mula sa Iglesya Griego Orthodoxo ay itinuturing bilang isang ganap na itinakwil ng mga kamag-anak at mga kaibigan. Isang opisyal ng pulisya ang idinestino sa labas ng aming tindahan upang hadlangan ang sinuman sa pagpasok. Bagaman walang mga parokyano, pinanatili naming bukás ang aming tindahan araw-araw. Ang aming mahigpit na kalagayan ang naging usap-usapan sa bayan.Inaresto at Nilitis
Isang Sabado ako at isa pang tao ay nagtungo sa isang kalapit na bayan upang magpatotoo sakay ng kaniyang motorsiklo. Doon ay pinahinto kami ng mga pulis at dinala kami sa istasyon ng pulisya, kung saan kami ay ibinilanggo nang buong dulo ng sanlinggo. Noong Lunes ng umaga kami ay ibinalik sa Kiparissia sakay ng tren. Kumalat ang balita na kami ay inaresto, at isang pulutong ang nagtipon sa istasyon ng tren upang makita ang aming pagdating kasama ng mga pulis.
Pagkatapos kunan ng mga tatak ng mga daliri, kami’y dinala sa piskal ng bayan. Sinimulan niya ang paglilitis sa pagsasabing babasahin niya nang malakas ang mga paratang laban sa amin na tinipon mula sa mga taganayon na pinagtanungan ng mga pulis. “Sinabi nila sa amin na si Jesu-Kristo ay naging Hari na noong taóng 1914,” sabi ng unang paratang.
“Saan naman ninyo nakuha ang kakatwang idea na ito?” pagalit na tanong ng piskal.
Ako’y humakbang papalapit at kinuha ang Bibliya na nasa kaniyang mesa at binuksan ito sa Mateo kabanata 24 at iminungkahi na basahin niya ito. Nag-atubili siya sumandali at saka kinuha ang Bibliya at binasa. Pagkatapos magbasa sa loob ng ilang minuto, siya’y gulat na gulat na nagsabi: “Aba, kung totoo ito, kung gayon dapat na ihinto ko na ang aking pamumuhay at sumama sa isang monasteryo!”
“Hindi,” mahinahon kong sinabi. “Dapat ninyong alamin ang katotohanan ng Bibliya at saka tulungan ang iba na masumpungan din ang katotohanan.”
Ilang abugado ang dumating, at nakapagpatotoo rin kami sa ilan sa kanila noong araw na iyon. Balintuna nga, ito ay nagbunga ng karagdagang paratang—pangungumberte!
Nang taóng iyon, kami ay nagkaroon ng tatlong kaso sa korte, subalit sa wakas kami ay napawalang-sala sa lahat ng mga paratang. Ang tagumpay ay waring nag-alis sa malamig na pakikitungo sa amin ng mga tao. Mula noon mas malaya nila kaming nilalapitan at nakikinig sa sinasabi namin tungkol sa Kaharian ng Diyos.
Sa wakas ang maliit na grupo sa pag-aaral sa aming tahanan sa Kiparissia ay naging isang kongregasyon. Isang Kristiyanong matanda ang inilipat sa aming bagong kongregasyon, at ako ay nahirang na isang ministeryal na lingkod. Di-nagtagal ang mga pulong sa aming bahay ay regular na dinadaluhan ng 15 aktibong mga Saksi.
Balik sa Australia
Pagkaraan ng dalawang taon at tatlong buwan, kami’y nagpasiyang bumalik sa Australia. Ang mga taon ay mabilis na lumipas. Ang aking anak na si Dimitria ay nanatili sa kaniyang pananampalataya at napangasawa ng isang ministeryal na lingkod sa isang kongregasyon sa Melbourne. Ako ngayo’y naglilingkod bilang isang matanda sa isang kongregasyon sa Melbourne na nagsasalita ng wikang Griego, kung saan ang aking asawa at ang aming 15-anyos na anak na babae, si Martha, ay dumadalo.
Ang maliit na kongregasyong iniwan namin sa Kiparissia ay mas malaki na ngayon, at tinanggap ng maraming karapat-dapat na mga tao roon sa kanilang puso ang mga katotohanan ng Bibliya. Noong tag-araw ng 1991, ako’y dumalaw sa Gresya sa loob ng ilang linggo at nagbigay ng isang pahayag pangmadla sa Bibliya sa Kiparissia, at 70 ang dumalo. Nakatutuwa naman, ang aking nakababatang kapatid na babaing si Maria ay naging lingkod na ni Jehova sa kabila ng pagsalansang ng pamilya.
Ako’y nagpapasalamat na nagkaroon ako ng pagkakataong makuha ang tunay na kayamanan sa Australia—isang kaalaman at pagkaunawa tungkol sa ating Maylikha, ang Diyos na Jehova, at tungkol sa pamahalaan ng kaniyang Kaharian. Ang aking buhay ngayon ay may tunay na layunin, at hinihintay namin ng pamilya ko ang malapit na hinaharap upang makita ang paglaganap ng mga pagpapala ng makalangit na pamahalaan ng Diyos sa buong lupa.—Gaya ng inilahad ni George Katsikaronis.
[Larawan sa pahina 23]
Ang Kiparissia, kung saan ako tumira pagkatapos kong magbalik mula sa Australia
[Larawan sa pahina 23]
Kasama ng aking asawa, si Alexandra