Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Apostol Pablo ba ay Laban sa Kababaihan?

Ang Apostol Pablo ba ay Laban sa Kababaihan?

Ang Pangmalas ng Bibliya

Ang Apostol Pablo ba ay Laban sa Kababaihan?

ANG “mga turo ni [apostol] Pablo ay ginamit bilang saligan sa maraming maling opinyon laban sa kababaihan sa loob ng Kristiyanong . . . iglesya.” Gayon ang sabi ni Hukom Cecilie Rushton ng Auckland, New Zealand, sa isang kasulatan na iniharap maaga noong 1993 sa Commonwealth Law Conference sa Cyprus. “Ang kaniyang Sulat kay Timoteo,” susog pa niya, “ay nagsisiwalat ng kaniyang mga kaisipan: ‘Ngunit hindi ko ipinahihintulot na ang babae ay magturo, ni magkaroon ng pamumuno sa lalaki, kundi tumahimik.’”​—1 Timoteo 2:12, King James Version.

Nang isulat ni Pablo na may paggalang ang papel o katayuan ng mga babae, personal na opinyon ba lamang niya ang ipinahahayag, o ito ba’y kinasihan ng Diyos? Kung mamalasin sa kabuuan nito, ang mga liham ba, o mga sulat, ni Pablo ay tunay na nagpapabanaag ng maling opinyon laban sa kababaihan? Sa anong konteksto kumakapit ang mga salita ni Pablo kay Timoteo na sinipi sa itaas?

Mga Kredensiyal ni Pablo

Sa 27 aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, 14 ang isinulat ni Pablo. Bilang kapahayagan ng pagkilos ng banal na espiritu sa kaniya ay ang kaniyang makahimalang kakayahang magsalita ng maraming wika. Karagdagan pa, pinatunayan niya ang sobrenatural na mga pangitain. (1 Corinto 14:18; 2 Corinto 12:1-5) Ang kaniyang mapagsakripisyo-sa-sarili, buong-kaluluwa, at maibiging halimbawa ay nagbunga ng isang malapit na buklod ng mainit na pag-ibig kapatid sa pagitan niya at ng kaniyang Kristiyanong mga kapanahon. (Gawa 20:37, 38) Ang kaniyang mga sulat, pati na ang sinabi niya tungkol sa kababaihan, ay bahagi ng “lahat ng Kasulatan . . . na kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo.”​—2 Timoteo 3:16.

Ang mga Babae sa mga Sulat ni Pablo

Ang pagkilala at paggalang ni Pablo sa kababaihan ay sapat na pinatutunayan sa lahat ng mga sulat niya. Paulit-ulit, binabanggit niya sila sa kanilang iba’t ibang mga papel sa kongregasyon at sa pamilya. Sa isa sa mga sulat niya, inihalintulad niya ang kanais-nais na mga katangian ng isang Kristiyanong pastol sa mga katangiang ipinakikita ng isang nagpapasusong ina.​—1 Tesalonica 2:7.

Marami sa Kristiyanong mga kapatid na babae ng apostol, na binabanggit sa pangalan sa kaniyang mga sulat, ang tinukoy ng kaniyang masiglang papuri. Kabilang sa kaniyang mga pagbati sa mga miyembro ng kongregasyon sa Roma ay yaong espesipikong binanggit niya na ilang kababaihang “gumagawa nang masikap sa Panginoon.” (Roma 16:12) Kung tungkol kay Euodias at kay Sintique, pinatibay niya ang mga kapatid na lalaki sa Filipos na “patuloy na tulungan ang mga babaing ito na nagpunyaging kaagapay ko sa mabuting balita.” (Filipos 4:3) Sa kaniyang sulat kay Timoteo, kinilala ni Pablo ang huwarang pananampalataya ng lola ng binatang iyan na si Loida at ang kaniyang ina, si Eunice.​—2 Timoteo 1:5.

Kaya, mayroon bang anumang pahiwatig sa kung ano naman ang nadama sa kaniya ng Kristiyanong mga kapatid na babae ni Pablo? Mabuti na lamang, pinatunayan niya ang tungkol kina Aquila at Prisca, isang mag-asawa na naging malapit na kasama niya, na hindi lamang si Aquila kundi gayundin naman ang kaniyang asawa, si Prisca, ay “nagsapanganib ng kanilang sariling mga leeg para sa [kaniyang] kaluluwa.”​—Roma 16:3, 4.

Maling Opinyon Laban sa Kababaihan?

“Huwag mong pulaan nang may kabagsikan ang isang nakatatandang lalaki. Sa kabaligtaran, mamanhik ka sa kaniya gaya ng sa isang ama, ang mga nakababatang lalaki gaya ng sa mga kapatid na lalaki, ang mga nakatatandang babae gaya ng sa mga ina, ang mga nakababatang babae gaya ng sa mga kapatid na babae nang may buong kalinisan.” (1 Timoteo 5:1, 2) Hindi ba ipinababanaag ng mga salitang ito ni Pablo kay Timoteo ang isang kanais-nais na paggalang sa kababaihan? Ibinigay ni Pablo sa mga lalaki at sa mga babae sa kongregasyong Kristiyano ang magkatulad na paggalang. “Walang Judio ni Griego man,” sulat niya, “walang alipin ni taong laya man, walang lalaki ni babae man; sapagkat kayong lahat ay iisang persona na kaisa ni Kristo Jesus.”​—Galacia 3:28.

Kung tungkol sa bigay-Diyos na mga papel sa pag-aasawa, si Pablo ay sumulat: “Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kanilang mga asawang lalaki gaya ng sa Panginoon, sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon, yamang siya ang tagapagligtas ng katawang ito.” (Efeso 5:22, 23; ihambing ang 1 Corinto 11:3.) Oo, ang kani-kaniyang papel ng asawang lalaki at asawang babae ay magkaiba, subalit hindi ito nangangahulugan na ang isang kabiyak ay mas mababa. Ang mga papel na ginagampanan nila ay kapupunan ng isa’t isa, at ang pagtupad ng bawat papel ay isang hamon na nagtataguyod ng kagalingan ng pamilya kung ang hamon ay matugunan. Isa pa, ang pagsasagawa ng asawang lalaki ng pagkaulo ay hindi mapang-api o hindi maibigin. Sabi pa ni Pablo: “Ang mga asawang lalaki ay dapat na umibig sa kanilang mga asawang babae gaya ng kanilang sariling mga katawan,” handang gumawa ng malaking mga sakripisyo para sa kanila. (Efeso 5:28, 29) Ang mga anak ay dapat sumunod kapuwa sa ama at sa ina.​—Efeso 6:1, 2.

Dapat ding pansinin ang mga salita ni Pablo may kinalaman sa malapit na ugnayan ng mag-asawa. Walang pagtatanging isinulat ni Pablo: “Ibigay ng asawang lalaki sa kaniyang asawang babae ang kaniyang kaukulan; ngunit gawin din ng asawang babae ang gayundin sa kaniyang asawang lalaki. Ang asawang babae ay walang awtoridad sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawang lalaki; gayundin naman, ang asawang lalaki ay walang awtoridad sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawang babae.”​—1 Corinto 7:3, 4.

“Ang mga Babae . . . na Tumahimik”

Tungkol sa mga salita ni Pablo sa 1 Timoteo 2:12, na sinipi sa panimulang parapo, ang kaniya bang hayagang tagubilin sa kababaihan na “tumahimik” ay mula sa isang maling opinyon laban sa kababaihan? Hindi! Ang kahilingan na “tumahimik” ay may kaugnayan sa pagtuturo at pagkakaroon ng espirituwal na awtoridad sa loob ng kongregasyon, ito’y bilang paggalang sa nabanggit nang utos sa lalaki-babae na kaugnayan. a

Hindi ito nangangahulugan na ang mga babae ay hindi maaaring maging mga guro ng banal na katotohanan. Pinatibay-loob ni Pablo ang matatandang babae na maging “mga guro ng kabutihan” sa mga kabataang babae. Sa pagsunod sa halimbawa nina Eunice at Loida, na nagturo kay Timoteo, dapat sanayin ng Kristiyanong mga ina ang kanilang mga anak sa maka-Diyos na paraan. (Tito 2:3-5; 2 Timoteo 1:5) Sa ngayon, sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, daan-daang libong Kristiyanong mga babae ang nakasusumpong ng espirituwal na katuparan sa pagsunod sa mga halimbawa nina Euodias at Sintique sa pangangaral ng mabuting balita nang hayagan at sa paggawa ng mga alagad na mga lalaki at mga babae.​—Awit 68:11; Mateo 28:20; Filipos 4:2, 3.

Kaya, ano sa palagay mo? Kung mamalasin sa kanilang kabuuan, pinatutunayan ba ng mga sulat ni Pablo ang paratang tungkol sa maling opinyon laban sa kababaihan?

[Talababa]

a Kung tungkol sa pananalitang “lubos na pagpapasakop” sa 1 Timoteo 2:11 (New International Version), ang iskolar sa Bibliya na si W. E. Vine ay nagsasabi: “Ang utos ay hindi ipinatungkol sa pagsuko ng isip at budhi, o ang pagtalikod sa tungkulin ng personal na paghatol; ang parirala na ‘lubos na pagpapasakop’ ay isang babala laban sa pag-agaw ng awtoridad, gaya, halimbawa, sa susunod na talata.”