Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pakikipagpunyagi Para sa Isang Tunél

Ang Pakikipagpunyagi Para sa Isang Tunél

Ang Pakikipagpunyagi Para sa Isang Tunél

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANIYA

“ANG proyekto ng Dantaon” ang palagay ng ilan sa paggawa ng tunél na ngayo’y nag-uugnay ng Inglatera sa Kontinental na Europa.

Sa kahanga-hangang gawang ito ng inhinyeriya, mga 15,000 manggagawang Britano at Pranses ang nagtulung-tulong taglay ang pagkalaki-laking mga makinang pambutas ng tunél na binansagang Brigitte, Cathérine, Pascaline, Virginie, at Europa. Sama-samang itinayo nila ang pinakamahabang tunél sa ilalim ng tubig sa buong daigdig na tinatawag ng mga Britanong Channel at ng mga Pranses, ang la Manche. a Ngunit ang kanilang tagumpay ay may mga problema at mga sagabal. Siyam na lalaki ang nasawi noong panahon ng proyekto.

Maraming Di-matagumpay na Pagsisikap na Magsimula

“May kaunting mga proyekto kung saan may umiiral na mas malalim at mas nagtatagal na maling opinyon kaysa paggawa ng isang tunél ng riles ng tren sa pagitan ng Dover at Calais,” sabi ng Britanong estadista na si Winston Churchill noong 1936. Noong 1858, nang marinig ng Parlamentong Britano ang balak na magtayo ng isang tunél sa ilalim ng Channel, si Lord Palmerston ay iniulat na bumulalas: “Ano! Nagbabakasakali kayong hilingan kami na mag-abuloy sa isang gawain na ang pakay ay paikliin ang isang distansiyang inaakala naming napakaikli na?”

Maaga rito, noong 1802, isang Pranses na inhinyero sa pagmimina, si Albert Mathieu-Favier, ay nagpanukalang magtayo ng isang tunél na iniilawan ng lampara at may mga tsiminea na umaabot sa ibabaw ng dagat upang maglaan ng bentilasyon para sa mga karwaheng hila ng kabayo. Gayunman, ang plano ay napatunayang di-praktikal.

Noong 1856 isa pang Pranses, ang inhinyerong si Thomé de Gamond, ay nagmungkahi ng pagtatayo ng isang tunél ng riles ng tren na mag-uugnay sa Pransiya at Inglatera. Tinanggap ito ng mga Pranses, subalit ang mga Britano ay nag-aatubili. Hindi nasisiraan ng loob, ang sumunod na sinangguni ni de Gamond ay si William Low, isang Britanong inhinyero sa pagmimina. Pagkatapos, noong 1872, si Low at isang kapuwa inhinyero na si Sir John Hawkshaw ay nagtatag ng isang kompaniya upang mangilak ng salapi para sa pag-uugnay ng Channel. Noong 1880, ang mga makinang pambutas na idinisenyo ni Koronel Beaumont ay nagsimulang magbutas sa Shakespeare Cliff, malapit sa Dover, at mula sa Sangatte, sa baybaying Pranses. Pagkatapos ng 1,000 metro, huminto ang paggawa nang ang takot sa isang militar na pagsalakay ay nagpangyari sa pamahalaang Britano na iwan ang proyekto.

Ang sumunod na pagsisikap ay naganap noong mga taon ng 1920, na may 130 metrong sinubukang tunél na binutas malapit sa Folkestone, Inglatera. Minsan pa ang takot ng mga Britano sa isang pagsalakay ang nagpahinto sa paggawa. Noong mga taon ng 1970 ang paggawa ng tunél ay sinimulang muli, upang huminto lamang nang alisin ng pamahalaang Britano ang suporta nito.

Pagkatapos, noong 1986 ay nakita ang paglagda sa kasunduan ng Channel Tunnel. Pinagtibay nang sumunod na taon kapuwa ng Pransiya at Britaniya, ipinahintulot nito na agad magsimula ang paggawa.

Ang Pinansiyal na Pakikipagpunyagi

Isang pangkat ng Pranses at Britanong pribadong mga kompaniya (sama-samang kilala bilang Eurotunnel) ang nag-utos sa Transmanche-Link (TML), isang grupo ng sampung kompaniya sa pagtatayo, upang magdisenyo at magtayo ng tunél. Sa paggiit ng gobyerno, pribadong mga pondo ang gugugulin sa buong proyekto.

Dalawang taon lamang pagkatapos simulan ang paggawa, kailangang baguhin ng Eurotunnel ang pinansiyal na tantiya nito pataas mula £5.23 bilyon tungo sa £7 bilyon. Noong 1994 ang pinansiyal na tantiya para sa proyekto ay tumaas tungo sa mga £10 bilyon.

Ang Pakikipagpunyagi sa Ilalim ng Lupa

Sa katunayan ang Channel Tunnel ay hindi lamang isa kundi tatlong tunél. Noong Disyembre 15, 1987, ang unang TBM (tunnel boring machine o makinang pambutas ng tunél) ay nagsimulang gumawa sa Inglatera, at ang katapat nitong Pranses, ang Brigitte, ay nagsimula noong Pebrero 28 nang sumunod na taon. Ang trabaho ng mga makinang pambutas ay hukayin ang 4.8-metro-diyametro na service tunnel, dinisenyo para sa mantensiyon at biglang-pangangailangang mga layunin. Binutas ng mas malalaking TBM ang bato upang buksan ang dalawang pangunahing tunél, bawat isa ay 7.6 na metro sa diyametro kapag nalagyan ng dingding.

“Sa Shakespeare Cliff, kami’y bumaba sa isang malaking butas (shaft),” ulat ni Paul, na nagtrabaho sa tunél. “Kapag ikaw ay bumababa, ikaw ay nagkakaroon ng malamig, mahalumigmig na pakiramdam hanggang sa marating mo ang ilalim, kung saan ang hangin ay luóm dahil sa mga usok ng diesel na galing sa lahat ng makinarya. Habang pumapasok ka sa tunél, ang kapaligiran ay lalong nagiging maumido at mainit.”

Sa ilalim sa loob ng tunél, isang kabuuang 11 TBM ang bumubutas. Tatlo ang bumutas patungo sa lupa mula sa Shakespeare Cliff tungo sa dako ng terminal sa Britaniya sa labas lamang ng Folkestone. Tatlo pang set ang patungo naman sa dagat sa ilalim ng Channel upang magtagpo sa tatlong Pranses na TBM na nagsimula mula sa isang shaft sa Sangatte. Ang dalawang natitirang TBM ang nagbutas sa tatlong tunél papasok sa lupa mula roon tungo sa terminal sa Coquelles, malapit sa Calais.

Ang makinang si Brigitte ay umaandar sa isa sa dalawang paraan. Kapag bumubutas sa butas-butas, bitak na tisa, ito’y nagtatrabaho na ginagamit kapuwa ang kaniyang pinaka-ulong pambutas at selyadong katawan upang matagalan ang presyon ng tubig na 11 kilo sa bawat centimetro kudrado, mahigit na sampung ulit ng normal na presyon ng hangin sa kapaligiran. Subalit minsang makalabas sa chalk marl, isang halo ng tisa at luwad, dinudoble nito ang kaniyang bilis. Pagkatapos, kasunod ng susóng ito sa pagitan ng 25 at 40 metro sa ilalim ng pinaka-sahig ng dagat, ang makinang si Brigitte ay sumusulong tungo sa kaniyang katapat mula sa Inglatera.

Tulad ni Brigitte, lahat ng mga TBM ay mga kumikilos na pagawaan. Mula sa pinaka-ulong pambutas na tungsten-carbide-tipped hanggang sa service train sa hulihan, ang pinakamalaki ay sumusukat ng mga 260 metro sa haba! Binubutas ang bato, ang mga tagatibag na umiikot ng dalawa hanggang tatlong ulit sa isang minuto, na pasulong na pinaaandar ng mga hydraulic piston ram na iniingatan sa kaniyang dako ng gripper shoes, isang TBM ang bumubutas sa rekord na bilis na 426 na metro sa isang linggo, inaalis ang mga labí, at nilalagyan din ng dingding ang butas.

Pagpapantay ng mga Tunél

Upang ugitan ang makina pasulong, pinanonood ng opereytor ng TBM ang mga iskrin ng computer at mga monitor ng telebisyon. Ang mga pagmamasid sa pamamagitan ng satelayt ay nakatulong upang planuhin ang eksaktong ruta nang detalyado bago simulan ang paggawa ng tunél. Sinuri ng maliliit na barena ang bato mahigit 150 metro sa unahan, ang mga sampol ng chalk marl ay nagpapahiwatig kung saan aabante. Isang sinag ng laser na iaasinta sa makina na sensitibo sa liwanag ang nagpapangyari sa drayber na maglayag sa tamang landas.

Halos anim o walong kilometro sa ilalim ng Channel, ang mga gumagawa sa tunél ay nagtayo ng mga kuwebang bagtasan kung saan ang mga tren ay maaaring ilipat mula sa isang running tunnel tungo sa isa kung kinakailangan. Tuwing 375 metro, tinatabtab ng mga hand-tunneler (trabahador na gumagamit ng mas maliit na makinarya) ang mga daanan upang ikabit ang mga running at service tunnel.

Gumawa rin sila ng mga piston relief duct na nag-uugnay sa dalawang pangunahing mga tunél, sa isang arko sa ibabaw ng service tunnel. “Ito’y tulad ng isang sinaunang pambomba sa bisikleta. Kung ilalagay mo ang iyong hinlalaki sa balbula, mararamdaman mo ang init,” paliwanag ni Paul. “Ang mga tren ay lumilikha rin ng matinding init. Ang mga balbula ng piston ay bumubukas upang palabasin ang presyon at init ng dumaraang mga tren.”

Ang makinang si Brigitte at ang kaniyang Ingles na katapat ay huminto halos sandaang metro mula sa isa’t isa. Pagkatapos, napakaingat, binutas ng isang barena ang 4 na centimetrong-diyametrong butas sa chalk marl. Noong Disyembre 1, 1990, isang pagsulong ang nangyari mga 22.3 kilometro mula sa Inglatera at 15.6 na kilometro mula sa Pransiya. Isip-isipin ang ginhawa nang isiwalat ng isang pangwakas na pagsusuri na ang diperensiya sa pagpapantay sa pagitan ng dalawang tunél ay mga ilang centimetro lamang! Ang Britanong TBM ay saka pinaandar sa isang kurbada na iiwan sa ilalim at sa tabi ng Brigitte. Tinapos ng mga hand-tunneler ang trabaho. Mula noon pinagdugtong ang mga running tunnel, at ang Britanong mga TBM ay inilihis tungo sa mga hukay sa ilalim ng lupa. Ang Pranses na mga TBM ay kinalas at inalis sa tunél.

Walang Pagbabago Ngunit Mabilis

“Napakasimple, matibay ang dating ng tunél ngayon,” sabi ni Paul. “Ito’y walang pagbabago. Habang ikaw ay naglalakbay sa tunél, wala kang makikita kundi ang manaka-nakang bukasan kung saan naroroon ang mga piston relief duct at mga tubo.” Ang pasinaya ay noong Mayo 6, 1994, bagaman ang paggamit ng publiko sa tunél ay naantala. Kaya, ano ba ang katulad nito?

Upang malaman, aalis ka ng haywey alin sa Folkestone o sa Calais, pumasok ka sa dako ng terminal, bayaran mo ang pasahe (mula £200 hanggang £310 bawat kotse depende sa panahon), magmaneho ka hanggang sa mga nagsusuri sa adwana at pababa sa rampa, magpatuloy ka sa kahabaan ng plataporma, at magtungo ka sa pantanging idinisenyong tren, ang Le Shuttle. Mga 35 minuto at 50 kilometro pagkatapos, ikaw ay lalabas sa kabilang panig ng Channel. Lumabas ka ng tren diretso sa haywey​—isang simple, tahimik na daan na magpapahintulot sa iyo na mabilis na magpatuloy sa iyong paglalakbay. O manatili ka sa tren patungong London o Paris​—na may isang pagkakaiba​—ikaw ay makararating sa Paris sa bilis na 290 kilometro por ora at sa London sa bilis na 80 kilometro por ora. Ang linya mula sa Folkestone patungong London ay hindi pa matatapos hanggang sa 2002!

Gayunman, ang pakikipagpunyagi ay nagpapatuloy. Ang mga pagtatalo ay nagpapatuloy tungkol sa mabilis na ruta ng tren na mag-uugnay ng London sa Tunnel. Kung gayon, huwag kaligtaan ang gawain ng walang lubag na mga TBM. Ang isa sa kanila, nakadispley sa labas ng sentro ng pagtatanghal ng tunél sa Folkestone, ay may karatula, “For Sale​—One Careful Owner,” oo, handa na naman sa isa pang pakikipagpunyagi!

[Talababa]

a Ang Tunél ng Seikan na nag-uugnay sa mga isla ng Honshu at Hokkaido sa Hapón ay mas mahaba (53.9 na kilometro kung ihahambing sa 49.4 na kilometro na Channel Tunnel), subalit ang haba nito sa ilalim ng tubig ay kulang ng 14 na kilometro kaysa Channel Tunnel.

[Mapa sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Inglatera

Folkestone

Calais

Pransiya

[Mga larawan sa pahina 15]

Ibaba: Mga manggagawang ipinagdiriwang ang pagtatapos ng pinakamahabang tunél sa ilalim ng tubig sa buong daigdig

Kanan: Isang TBM

[Credit Line]

Mga Obrero: Eurotunnel Ph. DEMAIL; TBM: Eurotunnel