Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Taunang Pagdalaw ng Dambuhalang mga Pawikan

Ang Taunang Pagdalaw ng Dambuhalang mga Pawikan

Ang Taunang Pagdalaw ng Dambuhalang mga Pawikan

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA MALAYSIA

HALOS maghahatinggabi na. Ang bilog na buwan sa kalangitan ay na gbibigay ng ginintuang kislap sa ibayo ng tahimik at kalmang dagat. Sa dalampasigan sa Rantau Abang ay makikita ang mga grupo ng tao, ang ilan ay nakatayo, ang iba ay nakatingkayad o nakaupo sa malamig, pinong buhangin. Ano ang ginagawa nila rito sa ganitong oras? Matiyaga nilang hinihintay ang pagdalaw ng isang napakalaking bahay ng pagong na may apat na paa​—ang dambuhalang pawikan, o leatherback.

Ang mahiwagang amphibious na mga bisitang ito ang nagdala ng internasyonal na kabantugan sa sana ay di-pansing dalampasigang ito. Ang Rantau Abang ay nasa silangang baybayin ng Peninsula ng Malaysia, sa hilaga lamang ng Dungun at mga 400 kilometro itaas mula sa Singapore. Isa ito sa ilang dako sa daigdig kung saan taunang dumadalaw ang mga pawikan para sa isang dakilang misyon.

Dito ang panahon ng pangingitlog ay mula Mayo hanggang Setyembre. Kung panahon ng kasagsagan sa mga buwan ng Hunyo, Hulyo, at Agosto, madaling masdan ang proseso ng pangingitlog. Karaniwan nang magdaratingan mula sa tubig ang mga pagong pagkagat ng dilim. Ang mga bisita kayang ito mula sa buong Malaysia, Singapore, at Kanluran ay maghihintay sa walang kabuluhan?

Umaahon Sila Mula sa Dagat!

Walang anu-ano, naaaninaw sa kumikinang na tubig hindi kalayuan mula sa pampang, isang bagay ang nakitang lulubog-lilitaw sa tubig. Ang pulutong ng mga tao ay tuwang-tuwa! Habang papalapit ito sa pampang, isang hugis-bobidang bagay ang lumilitaw mula sa tubig. Ito’y isang pagong na umaahon sa pampang! Ang ilang giya na naroroon ay nagbabala sa lahat na magmasid nang tahimik hangga’t maaari, upang huwag itong matakot at lumayo.

Unang lumitaw ang ulo, pagkatapos ang leeg, sinusundan ng harapang bahagi ng bahay ng pagong at mga paa sa harap, hanggang sa wakas ang buong pagong ay nalantad sa pampang. Ang tubig ay marahang sumalpok sa buntot at mga paa nito sa likuran. Anong laking dambuhala nga nito, halos dalawang metro o higit pa mula sa ilong hanggang sa dulo ng buntot nito! Ito’y walang kakilus-kilos sa pampang.

Pabigla-bigla, inaangat ng pagong ang sarili nito sa pamamagitan ng mga paa nito sa harap at inihahagis ang katawan nito pasulong, tumatama sa lupa na may kalabog. Sandali itong hindi kumilos, para bang nag-iipon ng hininga at lakas para sa susunod na pag-angat at hagis. Ganito ito umuusad sa lupa. Ang pulutong sa magkabilang tabi ay pinanatili sa malayo. Ang mga giya ay totoong istrikto tungkol dito. Sa bawat pasulong na pagkilos, ang pulutong ay umaabante rin​—subalit napakatahimik.

Habang ang pawikan ay umuusad-usad sa pampang, nalalaman nito ang kaniyang patutunguhan. Ang likas na kaalaman nitong nakaprograma ay nagpapangyari rito na masumpungan ang isang dako kung saan matagumpay na mapipisa ang mga itlog nito. Doon ay nagsisimula itong humukay ng isang butas. Ang mga paa sa likuran ay nagiging mga pala, hinuhukay ang buhangin.

Pagkatapos ng tila ba isang mahabang panahon, isa sa mga giya, na isa ring lisensiyadong tagakolekta ng itlog, ay lumapit at inilagay ang kaniyang kamay sa butas, na napakalalim anupat ang kaniyang siko ay naglaho rito. Nang alisin niya ang kaniyang kamay mula sa butas, ang lahat ay parang nangapos ng hininga dahil sa pagkagulat at tuwa. Kinuha niya ang isang itlog!

Ang itlog ng pawikan ay malabong puti ang kulay. Iba-iba ang laki nito mula sa isang bola ng ping pong hanggang sa isang bola ng tenis. Ang huling mga itlog ay karaniwang sinlaki ng holen. Di-gaya ng mga itlog ng manok, ang balat sa katunayan ay isang matigas na balat na madaling nayuyupi kapag nadiriinan. Kataka-taka, ang puti ng itlog (albumen) ay nananatiling likido kahit na pagkatapos maluto. Sinasabing, ang lasa ng lutong itlog ay tila maaskad at medyo malansa. Ang isang pagong ay nangingitlog ng katamtamang halos 85 itlog sa isang panahon. Subalit ang isang rekord na pugad ng 140 itlog ay iniulat noong 1967.

Ngayon ang pulutong ay mas malayang makakikilos. Ang ilan ay kiming hinihipo at sinusuri ang pagong. Ang iba naman ay sumasakay rito o sumasandal dito upang magpalitrato para sa album ng kanilang pamilya. Isang malapitang pagsusuri sa pagong ay nagsisiwalat ng isang makapal at naaaninag na uhog na tumutulo mula sa mga mata nito, punô ng mga butil ng buhangin. Ang pagbabago mula sa tubig tungo sa hangin ang sinasabing siyang dahilan nito. Sa pana-panahon, binubuka ng pagong ang bibig nito upang huminga na may palahaw na tunog.

Pagbabaon sa mga Itlog

Pagkalipas ng ilang sandali, ang kinapal ay nagsisimulang ikilos ang mga paa nito sa likuran upang itulak ang buhangin pabalik sa butas. Kapag napuno ang butas, mabilis na ikinakampay ng pawikan ang mga paa nito sa likuran na parang wiper sa windshield ng kotse. Ang buhangin ay naglipana sa lahat ng direksiyon! Ang pulutong ay mabilis na umatras upang ingatan ang kanilang mga mukha at mga katawan. Ang kumakampay na mga paa ay nagpatuloy sa loob ng ilang panahon. Anong daming lakas at enerhiya ang ginagamit! Nang huminto sa wakas ang mga paa, ang pulutong ay wala nang makitang bakas ng butas na hinukay ng pawikan. Likas na matalino nga! Subalit anong walang-hanggan nga na mas dakila ang karunungan ng Maylikha ng pagong na ito!

Bago bumalik ang pawikan sa dagat, isang lisensiyadong tagakolekta ng itlog ang maglalagay ng tag sa isa sa mga paa nito sa harap. Ito ay ginagawa upang ang susunod na mga pagdalaw nito sa lupa at ang mga kilos nito sa karagatan ay maaaring subaybayan. Sa bawat panahon ito ay nangingitlog na mula anim hanggang siyam na ulit, na may pagitan ng pangingitlog na mula 9 hanggang 14 na araw.

Walang anu-ano ang pawikan ay umaangat at hinahagis ang sarili nang pasulong. Ito’y lumiliko at nagbabalik sa dagat, umuusad patungo sa dagat na mas mabilis kaysa nang ito ay dumating. Pagdating nito sa tubig, una muna ang ulo, pagkatapos ang bahay. Sa wakas ito ay malayo na sa paningin. Nang sa wakas ay lumitaw ang ulo nito sa ibabaw ng tubig, ang pagong ay malayo na. Mabilis na lumalangoy ito sa karagatan, ipinababanaag ng liwanag ng buwan ang dulo ng ilong nito. Anong liksi at bilis nito sa tubig! Malayung-malayo sa asiwa at mabagal na pag-usad nito sa lupa.

Mga Pagsisikap na Pangalagaan Ito

Gaya sa dumaraming bilang ng iba pang uri ng hayop, ang mga pawikan ay nanganganib malipol dahil sa maruming kapaligiran at kasakiman ng tao. Noong kalagitnaan ng mga taóng 1970, daan-daang hindi pa ganap ang laki na mga pagong ay nasumpungang inanod sa pampang sa kalapit na estado ng Pahang​—na patay! At ang mga itlog ng pagong ay walang konsensiyang kinokolekta upang sapatan ang eksotikong panlasa ng tao.

Mabuti naman para sa mga pagong na ito, ang masidhing pagkabahala sa Malaysia dahil sa kanilang umuunting bilang ang nagpangyari sa pagpasa ng Turtle Enactment noong 1951. Ang pribadong pagkolekta ng mga itlog ay ipinagbawal. Gayunman, nilalabag ng masakim sa pakinabang na mga tao ang batas na ito, palibhasa’y napakalaking tukso ang pakinabang. Magkagayon man, ang mga pagsisikap na pangalagaan ang mga ito ay hindi naging walang kabuluhan.

Sa pampang ng Rantau Abang, isang kagalakang makita ang mga hanay ng maliliit na plakard na nakatusok sa buhangin. Tinatandaan ng bawat isa nito ang dako kung saan isang maliit na pangkat ng mga itlog ng pawikan ay ibinaon. Ipinakikita ng plakard ang dami ng mga itlog, ang petsa ng pagbabaon, at ang kodigong bilang na nagpapakilala sa orihinal na pangkat ng mga itlog. Halos 45 araw pagkatapos ibaon, isang net na alambre ang inilalagay sa paligid ng bawat plakard upang huwag makatakas ang bagong pisang mga pagong. Ang panahon ng pagpapapisa sa itlog ay mula 52 hanggang 61 araw. Habang lumalabas ang mga napisang pagong, karaniwan na sa gabi paglubog ng araw, ang bilang mula sa bawat butas ay itinatala. Ang mga ito ay saka ilalagay sa mga sisidlan at saka pakakawalan sa tabi ng dagat.

Ang programang ito ng pangangalaga ay matagumpay na nagpalaki ng libu-libong batang mga pagong at nagbalik sa kanila sa kanilang matubig na tahanan. Subalit ang mababang bilang ng naliligtas sa mga ito, gayundin ang umuunting bilang ng mga pawikan na nagbabalik sa Rantau Abang, ay patuloy na pinagmumulan ng pagkabahala.

[Mga larawan sa pahina 18]

Halos dalawang metro mula sa ulo hanggang sa buntot, ang pawikan ay nangingitlog ng marami. Pagkaraan ng halos walong linggo, lumilitaw ang mga napisang pagong

[Credit Lines]

Pawikan. Lydekker

C. Allen Morgan/Peter Arnold

David Harvey/SUPERSTOCK

[Picture Credit Line sa pahina 17]

C. Allen Morgan/ Peter Arnold