Ang mga Bituin at ang Tao—May Kaugnayan Ba?
Ang mga Bituin at ang Tao—May Kaugnayan Ba?
ANG gawaing pagmamasid sa mga bituin ay hindi bago. Ayon sa The World Book Encyclopedia, ang mga magsasaka libu-libong taon na ang nakalipas ay “nagmamasid sa mga bituin upang malaman kung kailan itatanim ang kanilang mga pananim. Natutuhang gamitin ng mga naglalakbay ang mga bituin upang magsabi ng mga direksiyon.” Kahit na sa paglalakbay sa kalawakan sa ngayon, ang mga bituin ay ginagamit pa rin bilang mga giya. Ang sinaunang mga tao ay nag-imbento rin ng mga alamat ng mga tao at mga hayop na inaakala nilang lumalarawan sa mga pangkat ng mga bituin, o mga konstelasyon. Nang maglaon inakala ng mga tao na maaaring impluwensiyahan ng mga bituin ang kanilang mga buhay.
Isang Napakalaking Pagpipilian ng mga Bituin
Ang bilang lamang at laki ng mga bituin ay nakasisindak. Tinatayang may mga 100 bilyong galaksi, o napakalaking mga grupo ng mga bituin, sa sansinukob! Ang The International Encyclopedia of Astronomy ay nagsasabi: “Iyan ang bilang ng mga butil ng bigas na maaaring isiksik sa isang katamtamang katedral.” Ang galaksing Milky Way, kung saan ang ating sistema solar ay isang bahagi, ay tinatayang mayroong di-kukulanging gayon karaming bituin. Ang pinakamalapit na bituin sa ating Lupa (maliban sa Araw), isa sa grupo ng Alpha Centauri, ay halos 4.3 light-years ang layo. Ang isang light-year ay ang distansiyang nilalakbay ng liwanag sa isang taon. Iya’y nangangahulugan na kapag tiningnan natin ang bituing iyon, ang liwanag na pumapasok sa ating mata ay nanggaling sa bituin 4.3 taon na ang nakalipas at sa lahat ng panahong iyon ay naglalakbay sa kalawakan sa bilis na 299,792 kilometro sa isang segundo. Hindi malirip ng ating isip ang distansiyang nasasangkot. Gayunman, iyan lamang ang pinakamalapit na bituin. Ang ilang bituin ay bilyun-bilyong light-year mula sa ating galaksi. Hindi kataka-taka na ang propeta ng Diyos ay nagpahayag: “Narito! Ang mga bansa ay parang isang patak ng tubig sa timba; inaari na parang munting alabok sa timbangan. Narito! Kaniyang itinataas ang mga pulo na parang napakaliit na bagay.” (Isaias 40:15) Sino ang nababahala sa munting alabok?
Ang pinakamalapit na makalangit na bagay sa lupa ay ang buwan, na gumagawa ng isang tiyak na impluwensiya sa ating lupa, pinangyayari pa nga ng grabidad nito ang diperensiya na mahigit 15 metro sa pagitan ng paglaki at pagliit ng tubig sa ilang dako. Sang-ayon sa tatlong siyentipikong Pranses, ang grabidad ng buwan ay inaakala ngayong siyang nagpapanatili sa dahilig ng lupa na 23
digris, sa gayo’y tinitiyak ang regular na pagbabago ng mga panahon. (Nature, Pebrero 18, 1993) Yamang ang buwan ay gumagawa ng gayong pisikal na impluwensiya sa ating planeta, makatuwirang magtanong, Kumusta naman ang bilyun-bilyong bituin? Ngunit una muna, ano ang sinasabi sa atin ng sinaunang mga aklat, gaya ng Bibliya, tungkol sa mga bituin?Mga Bituin sa Kasulatan
Ang Bibliya ay maraming ulit na tumutukoy sa mga bituin, kapuwa sa literal at sa makasagisag na diwa. Halimbawa, ayon sa isang salmista, ginawa ng Maylikha “ang buwan at mga bituin upang magpuno sa gabi” upang ang mga bituin ay magbigay ng liwanag sa lupa. (Awit 136:9, Tanakh) Nang maglaon, nang nakikipagtipan sa tapat na si Abraham, ang Diyos ay nagsabi: “‘Tumingala ka, pakisuyo, sa langit at iyong bilangin ang mga bituin, kung mabibilang mo.’ At sa kaniya’y sinabi: ‘Magiging ganiyan ang iyong binhi.’” (Genesis 15:5) Binabanggit ni apostol Pablo na ang mga bituin ay may mga pagkakaiba, na ang sabi: “Ang kaluwalhatian ng araw ay isang uri, at ang kaluwalhatian ng buwan ay iba pa, at ang kaluwalhatian ng mga bituin ay iba pa; sa katunayan, ang bituin ay naiiba sa bituin sa kaluwalhatian.” a (1 Corinto 15:41) Kasabay nito, ang napakaraming bituin na ito at ang kanilang kaluwalhatian ay nasa loob ng pamamahala o ng pangangasiwa ng kanilang Maylikha: “Kaniyang sinasaysay ang bilang ng mga bituin; lahat sila ay tinatawag niya sa kanilang pangalan.”—Awit 147:4.
Sa kabilang panig, masusumpungan natin sa Kasulatan na ang mga bituin ay kadalasang ginagamit upang tumukoy sa mga tao, mga pinuno, at mga anghel. Ang anak ni Jacob na si Jose ay may panaginip kung saan ang kaniyang mga magulang ay inilarawan bilang “ang araw at ang buwan” at ang kaniyang mga kapatid na lalaki bilang “mga bituin.” Ang mga anghel ay tinutukoy bilang “mga bituing pang-umaga.” Ang hari ng Babilonya ay binabanggit na naghahangad na maging mataas pa sa “mga bituin ng Diyos,” ang Davidikong mga pinuno ng bansang Israel. Ang di-matatag na mga lalaki sa kongregasyong Kristiyano ay itinulad sa “mga bituin na walang takdang landasin,” samantalang ang tapat na mga lupon ng matatanda sa kongregasyon ay binabanggit bilang “mga bituin” sa kanang kamay ni Kristo.—Genesis 37:9, 10; Job 38:7; Isaias 14:13; Judas 13; Apocalipsis 1:16.
Isang ulat sa Bibliya ay nagsasabi na ‘ang mga bituin mula sa kanilang mga orbita ay nakipaglaban kay Sisera,’ ang pinunong hukbo ni Haring Jabin ng Canaan, na umapi sa bansang Israel sa loob ng 20 taon. Inatasan ni Jehova si Hukom Barak ng Israel na iligtas ang Israel mula sa pagkaalipin at binigyan siya ng lubos na tagumpay kay Sisera, kahit na si Sisera ay may siyam na raang karo na may mga lingkaw na bakal sa mga gulong nito. Sa awit ng tagumpay, ang mga Israelita ay umawit: “Ang mga bituin ay nakipaglaban mula sa langit, mula sa kanilang mga orbita sila’y nakipaglaban kay Sisera.” Hindi ipinaliwanag kung paano nakipaglaban ang mga bituin. Sa halip na ipalagay na ang mga bituin ay may tuwirang impluwensiya sa digmaan, mas makatuwirang maniwala na ang pananalita ay nagpapahiwatig ng isang anyo ng pamamagitan ng Diyos alang-alang sa Israel.—Hukom 5:20.
“Ang Bituin” ng Bethlehem
Marahil isa sa pinakabantog sa mga bituin na binanggit sa Bibliya ay “ang bituin” ng Bethlehem na umakay sa mga astrologo mula sa “mga silanganing bahagi” tungo sa bahay kung saan si Jesus ay dinala ng kaniyang mga magulang pagkasilang niya sa isang sabsaban. Ano ba ang bituin na iyon? Tiyak na hindi ito isang ordinaryong bituin, yamang ito ay mababa upang masundan ito ng mga astrologo sa halos isang libo at anim na raang kilometro. “Ang bituin” ay umakay muna sa kanila sa Jerusalem. Nang marinig ito, tinanong sila ni Haring Herodes at saka nagpasiyang patayin ang sanggol na si Jesus. Pagkatapos inakay ng “bituin” ang mga astrologo sa isang partikular na bahay kung saan nakatira si Jesus. Tiyak na hindi iyan magagawa ng isang pangkaraniwang bituin. Ang tulad-bituin na bagay bang ito ay galing sa Diyos? Yamang ang pagdalaw ng mga astrologo ay humantong sa di-tuwirang pagpatay sa ‘lahat ng mga batang lalaki sa Bethlehem at sa lahat ng mga distrito nito mula sa dalawang taóng gulang pababa,’ hindi ba makatuwirang maghinuha na “ang bituin” ay isang bagay na ginamit ng Kaaway ng Diyos, si Satanas, sa pagsisikap na puksain ang Anak ng Diyos?—Mateo 2:1-11, 16.
Dapat din tandaan na ang mga astrologo ay nanggaling sa Silangan, marahil sa Babilonya, na isang sinaunang sentro ng mahiko, panggagaway, at astrolohiya. Maraming makalangit na mga bagay ang ipinangalan sa mga diyos ng Babilonya. Noong kaarawan ni Haring Nabukodonosor, ang panghuhula ay ginamit upang tulungan siyang magpasiya kung aling ruta ang kukunin sa kaniyang pakikipagdigma.—Ezekiel 21:20-22.
Hinamon ni propeta Isaias ang mga tagapayo ng Babilonya, sa pagsasabing: “Ikaw [Babilonya] ay mahina sa kabila ng payong tinanggap mo. Bayaan mong lumantad ang iyong mga astrologo at iligtas ka—ang mga taong nag-aaral ng mga bituin, na ginagawan ng mapa ang mga sona ng langit at sinasabi sa iyo buwan-buwan kung ano ang mangyayari sa iyo. Sila’y tulad lamang ng mga dayami, at lalamunin sila ng apoy! Ni hindi nila maililigtas ang kanilang sarili . . . at walang matitira upang iligtas ka.” Tamang-tama sa hula ni Isaias, ang makapangyarihang Babilonya ay bumagsak kay Cirong Dakila noong 539 B.C.E. Ang patnubay na sinasabi ng Babilonikong mga astrologo na galing sa mga bituin ay naging malaking kapahamakan para sa lahat ng nasasangkot.—Isaias 47:13-15, Today’s English Version.
Nangangahulugan ba ito na wala tayong matututuhan buhat sa mga bituin?
[Talababa]
a Pinatutunayan ng makabagong astronomiya ang mga salita ni Pablo, yamang ang mga bituin ay nagkakaiba sa kulay, laki, dami ng nagagawang liwanag, temperatura, at kaugnay na densidad.
[Kahon sa pahina 5]
Kung Ano ang Sinabi ng Ilan
ASTROLOHIYA: “isang nauugnay at bahagi ng astronomiya.”—Johannes Kepler (1571-1630) astronomong Aleman.
“Ang astrolohiya ay isang sakit, hindi isang siyensiya. . . . Isa itong punungkahoy na sa lilim nito ay lumalago ang lahat ng uri ng pamahiin.”—Moses Maimonides (1135-1204), Judiong iskolar noong Edad Medya.
“Isang sinaunang siyensiya na nag-aangking matatasa ang personalidad at gawi ng indibiduwal at mahuhulaan ang mga hilig at mga pangyayari sa hinaharap mula sa mga posisyon ng bituin sa langit. . . . Marahil halos noong ika-6 na siglo BC—inaakalang ipinakilala ng mga Caldeo sa timog ng Iraq ang personal na horoskopyo. Ito’y may kinalaman sa mga impluwensiya ng di-kumikilos na mga bituin, gayundin ng Araw, Buwan at limang planeta sa panahon ng kapanganakan. . . . Ang mga pamamaraan ng astrolohiya at ang interpretasyon ng mga horoskopyo ay nakasalalay sa mga idea na nasusumpungan ng mga astronomo at ng karamihan ng iba pang siyentipiko na batay sa personal na interpretasyon sa halip na batay sa katotohanan at hindi kanais-nais.”—C. A. Ronan, tagapag-organisa ng proyekto, East Asian History of Science Trust, Cambridge, Inglatera, at sumusulat sa The International Encyclopedia of Astronomy kung saan kinuha ang pagsiping ito.
Upang ilarawan ang pagiging batay sa personal na opinyon nito, ipinaliliwanag ni Ronan na bagaman sa Kanluraning kaisipan, ang pulang planeta, ang Mars, ay iniuugnay sa digmaan at labanan, sa mga Intsik, ang pula ay isang magandang kulay, at ang Mars ay minamalas na may mabuting impluwensiya. Sa kabaligtaran, iniuugnay naman ng Kanluraning mitolohiya ang Venus sa puti at kagandahan. Sa mga Intsik ang “puti . . . ay itinuturing na kulay ng kamatayan, pagkabulok at pagkalipol; kaya nga ang Venus ay tinutukoy bilang ang ‘mapanglaw na planeta ng digmaan.’”
Si Ronan ay nagpapatuloy: “Sa kabila ng sinaunang siyentipikong katangian nito, ang astrolohiya noong sinaunang panahon ay gumanap ng kapaki-pakinabang na bahagi sa pagtataguyod ng astronomikong obserbasyon at sa paglalaan ng mga pondo upang isagawa ito.”
Labinsiyam na mga nagwagi ng gantimpalang Nobel, kasama ang iba pang mga siyentipiko, ay naglabas ng isang manipesto noong 1975 na pinamagatang “Mga Pagtutol sa Astrolohiya—Isang Ulat ng 192 Kilalang mga Siyentipiko.” Ipinahayag nito: “Noong unang panahon ang mga tao . . . ay walang idea tungkol sa pagkalayu-layong mga distansiya ng lupa sa mga planeta at mga bituin. Ngayon na ang mga distansiyang ito ay maaari at nakalkula na, makikita natin kung gaano lubhang napakaliit ng mga epekto ng grabidad at ng iba pang bagay dahil sa distansiya ng mga planeta at ng mas malalayong bituin. Mali ngang isipin na maaaring hubugin sa anumang paraan ng mga puwersa ng mga bituin at mga planeta sa panahon ng pagsilang ang ating mga kinabukasan.” b
[Talababa]
b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa astrolohiya, tingnan ang Gumising! Setyembre 8, 1986, mga pahina 3-9.