Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Bituin ay May Mensahe sa Iyo!

Ang mga Bituin ay May Mensahe sa Iyo!

Ang mga Bituin ay May Mensahe sa Iyo!

GAYA ng ipinakita sa naunang mga artikulo, sa kabila ng kaluwalhatiang ipinakikita ng mga bituin, dapat na ituring ng tao ang mga ito kung ano nga ang mga ito​—walang buhay na mga bagay na inilagay ng Maylikha sa kalangitan para sa kaniyang layunin. Ang mga ito ay hindi dapat sambahin. Bilang isang mahalagang bahagi ng kagila-gilalas na paglalang ni Jehova na sakop ng kaniyang mga batas, ang mga bituin ay dapat na ‘magpahayag ng kaluwalhatian ng Diyos’ at kasabay nito’y magsilbing isang pinagmumulan ng liwanag para sa tao samantalang isinasagawa niya ang layunin ng Maylikha sa kaniya.​—Awit 19:1; Deuteronomio 4:19.

Sa Bibliya ay ating mababasa: “Huwag makasusumpong sa iyo ng sinuman na . . . gumagamit ng huwad na panghuhula, ng isang mahiko o sinuman na tumitingin sa mga palatandaan o isang manggagaway, o isang engkantador o sinuman na sumasangguni sa isang espiritistang medium o isang propesyonal na manghuhula ng mga mangyayari o sinuman na sumasangguni sa mga patay. Sapagkat sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumal-dumal kay Jehova.” (Deuteronomio 18:10-12) Si Isaias ay nagsabi: “Hayaang magsitayo [ang iyong mga tagapayo], ngayon, at iligtas ka, ang mga mananamba ng langit, at mga tumitingin sa mga bituin . . . Narito! Sila’y magiging gaya ng pinagputulan ng trigo.”​—Isaias 47:13, 14.

Kung Ano ang Matututuhan Natin sa mga Bituin

Gayunman, may masasabi sa atin ang walang buhay na mga bituin kung tayo’y handang makinig. Si Edwin Way Teale ay sumulat: “Ang mga bituin ay nagbabadya ng kawalan ng halaga ng tao sa mahabang walang-hanggang panahon.” Oo, kung iisipin natin na ang pagkarami-raming bituin na nakikita ng ating mata sa isang maaliwalas na gabi ay nakita na ng ating mga ninuno mga dantaon na ang nakalipas, hindi ba ito nagpapangyari sa atin na maging mapagpakumbaba? Hindi ba tayo nakadarama ng pagpipitagan sa Isa na Dakila na lumikha sa mga ito “sa pasimula” at nang maglaon ay nilikha ang sangkatauhan? May pagpipitagang isinulat ni Haring David ng Israel: “Pagka natatanaw ko ang iyong mga langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano baga ang taong mortal upang iyong alalahanin siya, at ang anak ng makalupang tao upang iyong pangalagaan siya?” Ang mga langit ay dapat na magpangyari sa atin na magpakumbaba at tanungin kung ano ba ang ginagawa natin sa ating mga buhay.​—Genesis 1:1; Awit 8:3, 4.

Noong minsan si David ay nanalangin: “Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban, sapagkat ikaw ang aking Diyos.” (Awit 143:10) Ang rekord ng buhay ni David ay nagpapakita na ang kaniyang panalangin ay sinagot. Natutuhan niyang gawin ang kalooban ng Diyos na nakasulat sa Kaniyang Kautusan. Natutuhan din niya ang layunin ng Maylikha para sa sangkatauhan, at isinulat niya ang tungkol dito. “Sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubhang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan. . . . Ikaw ay humiwalay sa kasamaan at gumawa ka ng mabuti, at manahan ka magpakailanman. . . . Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” Kaakibat ng kaalaman tungkol sa layuning iyan ay ang pananagutan: “Humiwalay sa kasamaan at gumawa ng mabuti.”​—Awit 37:10, 11, 27-29.

Ang mga bituin ay may gayunding mensahe para sa buong sangkatauhan. Hindi sinasamba ang mga ito o “sinasangguni” ang mga ito, makikita natin ang pag-ibig, karunungan, at kapangyarihan ng Maylikha na mababanaag sa mga ito. Ang pag-aaral ng astronomiya, hindi ng astrolohiya, ay dapat na magkintal ng pagpipitagan sa ating mga puso. Subalit higit pa riyan, hindi ba ito nagkikintal sa atin ng pagnanais na matuto nang higit tungkol sa Diyos? Inilaan niya ang kaniyang Salita, ang Bibliya, sa mismong layuning iyan. Kung naunawaan mo ang mensaheng ito mula sa mga bituin, malalaman mo kung ano ang inilalaan ni Jehova para sa sangkatauhan at, higit na mahalaga, kung paano ka maaaring makibahagi sa mga pagpapala na inihanda niya para sa kanila. Kung ikaw ay may mga tanong tungkol sa Diyos at sa layunin ng buhay, malayang makipagkita sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar, o sumulat sa pinakamalapit na direksiyon na ipinakikita sa pahina 5.

[Larawan sa pahina 8]

Ang mga bituin ay maaaring magturo sa atin ng kapakumbabaan