Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Gabi sa Opera

Isang Gabi sa Opera

Isang Gabi sa Opera

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Italya

ANG karaniwang wala sa tonong orkestra na naghahanda ay biglang huminto, at ang ilaw ay nagdilim. Ang konduktor, na malugod na tinanggap sa pamamagitan ng sandaling palakpakan, ay nagtungo sa podium, pinasalamatan ang mga tagapakinig sa pamamagitan ng pagyukod. Pagkatapos, sa ganap na katahimikan, itinaas niya ang kaniyang mga braso at sa bihasang pagkumpas ay pinangunahan ang orkestra sa pambukas na himig ng obertura. Nakaranas ka na ba ng gayong nakasasabik na sandali, ang pagpapasimula ng isang opera? Nais mo ba? Ano bang talaga ang opera, at ano ba ang mga pinagmulan nito?

Ang opera ay ang teatrikong pagtatanghal ng isang drama (opera seria) o isang katatawanan (opera buffa) na nilapatan ng musika at hinati-hati sa isa o higit pang bahagi, o mga yugto ng drama; itinatanghal ng mga tauhan ang kanilang mga bahagi sa awit. Ang opera ay binubuo ng iba’t ibang elemento: ang nilalaman ng drama, o libretto, (ang gawa ng manunulat o makata); musikang isinulat ng kompositor; awitan; sayawan; tanawin; at mga kasuutan. Ang musikal na mga pagtatanghal ay katulad din ng mga opera subalit hindi gaanong madamdamin ang istilo. Marahil ay nakapanood ka na ng mga pelikula, gaya ng West Side Story o Oklahoma, kung saan ang mga artista ay umaawit sa halip na nagsasalita.

May napakaraming pagkasari-sari ng mga opera: Ang kina Wolfgang Amadeus Mozart at Gioacchino Rossini ay inilarawan bilang kahanga-hanga; ang kay Giuseppe Verdi, bilang masigla at nakapupukaw; kay Richard Wagner naman, masalimuot, mabagal, at simple; kay Georges Bizet, makulay at masaya; kay Giacomo Puccini naman, sentimental.

Ang pinagmulan ng musika at awit ay humigit-kumulang kasabay ng pasimula ng kasaysayan ng tao. (Genesis 4:21; 31:27) Ang napakaraming instrumentong pangmusika ay ginawa sa buong kasaysayan ng pag-iral ng tao, at halos noong ika-11 siglo, isang sistema ng pagsulat ng musika ang sinunod. Ang pinagkunan ng mga impormasyon ay nagsasabi na ang opera ay nagsimula sa Florence, Italya, sa pagtatapos ng ika-16 na siglo. Napakaraming salitang Italyano ang ginamit sa maraming iba pang wika upang ilarawan ang aspekto ng anyo ng komposisyong ito (opera, libretto, soprano, tenor), na nagpapatunay sa pinagmulan ng opera. Habang ang opera ay lumalaganap sa iba’t ibang bahagi ng Europa, nagkaroon ito ng maraming pagbabago. Sa ngayon, ang mga tanghalan ng opera ay masusumpungan sa buong daigdig.

Upang matuto pa ng higit, pakinggan natin ang pag-uusap sa pagitan ni Antonello, na nakatira sa Milan, at ng kaniyang kaibigan na si Max, na dumadalaw mula sa Switzerland. Sina Antonello at Max ay nagpapalipas ng kanilang natatangi at nakasisiyang gabi sa La Scala, Milan, isa sa pinakakilala sa lahat ng mga tanghalan ng opera.

Sa Opera

Max: Nabasa ko sa guidebook na ibinigay mo sa akin na ang La Scala ay pinasinayaan noong 1778, at pagkatapos na halos mawasak ng pagbomba noong Pandaigdig na Digmaan II, ito’y itinayong muli at pinasinayaan muli noong 1946. Sinabi rin ng aklat na ito’y makapagpapaupo ng mahigit na 2,000 tagapakinig.

Antonello: Tama iyan. Gaya ng nakikita mo, ito’y ginawa ayon sa hugis ng sinaunang bakal ng kabayo na tinularan ng karamihan ng ika-17 hanggang ika-19 na siglong mga tanghalan ng opera. Ang mga ito ay may anim na andana ng maliliit na waring kahong mga lugar ng mga manonood sa buong palibot; ang lugar ng orkestra ay naroroon sa harapan ng entablado. Ang La Scala ay hindi naman ang pinakamatanda o ang pinakamalaking tanghalan ng opera sa mundo. Ang katanyagan nito ay nagmula sa bagay na ang unang mga pagtatanghal ng ilang opera ay itinanghal dito, at maraming kilalang konduktor at mga mang-aawit ang nagtanghal dito. Kabilang sa kanila ang bantog na konduktor na si Arturo Toscanini, na nakapangunguna nang walang kopya ng mga nota. Sinasabi nila na ang akustika ng La Scala ay napakahusay, na siyang mahalaga para sa isang tanghalan ng opera, kung saan ang musika man o ang tinig ay hindi na kailangang palakasin pa ng mga mikropono o mga loudspeaker.

Max: May masasabi ka ba sa akin tungkol sa mga mang-aawit ng opera?

Antonello: May anim na uri ng mga tinig. Tatlo ang sa lalaki​—baho, bariton, at tenor​at tatlong katugmang tinig sa mga babae​—kontralto, mezzo-soprano, at soprano. Ang baho at ang kontralto ang pinakamababa, samantalang ang tenor at ang soprano ang pinakamataas sa bawat grupo. Ang bariton at mezzo-soprano ang nasa kalagitnaang mga tinig.

Upang maging isang mahusay na mang-aawit ng opera, una sa lahat ang isang tao ay kailangang may likas na ginintuang tinig at nag-aral sa loob ng maraming taon sa isang pantanging paaralan. Kung wala ng gayong pag-aaral, na siyang nagtuturo sa estudyante kung paano gamitin nang lubusan ang mga katangian ng kaniyang tinig, walang sinuman ang magiging mang-aawit ng opera. Hindi magtatagal at makikita mo ang mga soloista. Mapapansin mo na bagaman paminsan-minsan ay ginagampanan nila ang mga bahagi ng mga binata’t dalagang totoong nag-iibigan, lahat sila, maliban sa ilan, ay maygulang, malulusog na tao. Alam mo ba kung bakit?

Max: Hindi, interesado akong malaman ang dahilan.

Antonello: Sapagkat kanilang naabot ang tugatog ng kanilang karera sa maygulang na kalagayan at kailangang magtaglay ng malakas na pangangatawan upang makaawit ng opera. Hindi madaling abutin ang matataas na mga nota at awitin nang paulit-ulit sa loob ng mahabang oras. Sinasabing ang bantog na sopranong mang-aawit na si Maria Callas, na kalimitang umaawit noon dito sa La Scala nang dekada ng ’50, ay unti-unting humina pagkatapos ng mahigpit na pagdidiyeta upang mamayat. Kaya, Max, sa halip na magambala ka ng panlabas na hitsura ng mga soloista, dapat mong pahalagahan ang kanilang mga tinig. Tingnan mo! Lumalabas na ang konduktor. Kunin mo na ang largabista para makita mo nang mas mabuti ang mga mang-aawit at ang buong pagtatanghal. Pero, isang paalaala lamang: Upang makinabang ka nang husto sa opera, pagtuunan mo nang husto ang musika at ang awit gaya ng ginawa natin sa unang yugto ng drama.

Ano ang Nagaganap sa Likod ng Entablado?

Max: Anong habang palakpakan! Napakaganda ng mga tinig ng mga mang-aawit. Ngayon gaano kahaba ang intermisyon?

Antonello: Mga 20 minuto. Pero alam mo ba kung ano ang nangyayari sa likod ng tabing sa panahon ng intermisyon?

Max: Hindi ko maisip.

Antonello: Nagkakagulo! Sa pangunguna ng stage manager, ang pantanging mga katulong sa entablado, mga opereytor ng makina, mga elektrisyan, mga karpentero, at iba pang manggagawa ang gumigiba ng palamuti sa entablado sa napakaayos na pagkakasunud-sunod na paraan at nagtatayo ng bagong tanawin. Ngayon, ang mga tanghalan ng opera ay nasasangkapan ng makabagong teknolohiya upang mabilis na makapagpalit ng tanawin, kung minsan samantalang may pagtatanghal pa. Ang de makinang mga entablado, mekanikal na mga pambuhat, at iba pang mga makinarya ay ginagamit upang itaas at ibaba ang mga bahagi ng entablado. Lahat ng tanghalan ng opera ay nasasangkapan ng mga special trick o nakamamanghang mga tanawin​—kasangkapan na lumilikha ng usok upang magkunwang ulap o hamog, asó, ng tunog ng ulan o hihip ng hangin, o maging ng biglang pagkidlat. Ang kaayusan ng mga spotlight na may iba’t ibang lakas ng ilaw ay makalilikha ng magagandang epekto sa tanawin at mga silahis ng sinag na may kulay na totoong nakamamangha.

Max: Mula rito sa ating kinauupuan, nakikita at naririnig natin ang opera. Pero ano ang nangyayari sa likod ng entablado sa panahon ng pagtatanghal?

Antonello: Magandang tanong iyan, Max. Samantalang tayo’y komportableng nasisiyahan sa pagtatanghal, isang maliit na organisadong grupo ng mga tao ang nagtatrabaho sa likuran ng entablado at sa magkabilang dulo. Isip-isipin kung ano ang mangyayari kung ang isang mang-aawit, ang koro, o ang mga mananayaw ay hindi kumilos sa tamang panahon. Sa likuran ng entablado, sinusundan ng pangalawa sa stage manager o mga katulong ang bahagi ng awitin na itinatanghal at nagbibigay ng pahiwatig sa mga mang-aawit sa kanilang pagpasok sa entablado sa tamang panahon. Gayundin ang ginagawa ng choirmaster sa koro.

May isa na tagapagpaalaala ng linya (prompter) na nasa gitna ng entablado, na nakatago sa mga tagapakinig sa lugar na iyon. Sinusundan niya ang mga kilos ng konduktor ng orkestra sa malapitang telebisyon, at mula sa libretto, sinasalita ng tagapagpaalaala ang mga linya, na medyo nauuna sa mga soloista, sakaling malimutan ng isang mang-aawit ang kaniyang linya.

Sa wakas, pinamamahalaan ng direktor ang mga pagpapalit ng tanawin at sabay-sabay na pagpasok sa entablado ng napakaraming aktor at nagbibigay-pansin din sa mga elektrisyan upang ang mga sinag ng may kulay na mga ilaw ay matutok sa angkop na mga bahagi ng entablado sa tamang panahon. Ginawa ang mga plano upang masangkapan ang La Scala ng dalawang umiikot o tumataas na mga entablado gaya ng ibang mga tanghalan ng opera upang pagaanin ang paghahanda sa tanawin at upang gawing posible na magtrabaho sa higit pa sa isang palabas sa isang panahon.

Max: Ang lahat ng taong ito at lahat ng trabahong ito upang maitanghal ang isang opera! Hanga ako!

Antonello: Ah, oo! Ang malalaking tanghalan ng opera ay may permanenteng orkestra, koro, at grupo ng mananayaw​—daan-daang artista. Pagkatapos may napakarami pang iba kung bibilangin mo ang lahat ng mga artesano, sastre, sapatero, karpentero, mga make-up artist, elektrisyan, at isa o higit pang scenographer na siyang lumilikha at nagpipinta ng tanawin. Bukod pa sa mga ito, ang mga tauhan ay kailangan para sa seguridad, administrasyon, at iba pang mga paglilingkod.

Salig-Bibliyang mga Opera

Max: May anuman bang opera na hango mula sa Bibliya?

Antonello: Oo, marami. Ang opera ay humalaw mula sa napakaraming paksa​—kasaysayan ng sinaunang mga tao, mitolohiya, mga alamat noong Edad Medya, mga gawa ni William Shakespeare at iba pang manunulat. Ang Nabucco, isang daglat ng “Nebuchadnezzar,” na akda ng Italyanong kompositor na si Giuseppe Verdi, ay nagsasaad ng tungkol sa mga Judiong itinapon bilang mga alipin mula sa Jerusalem tungo sa Babilonya. Si Gioacchino Rossini, isa pang Italyanong kompositor, ang gumawa ng musika para sa Mosè (Moises) at ginawan ng komposisyon ng Pranses na musikerong si Charles-Camille Saint-Saëns ang Samson et Dalila (Samson at Delila). Ang banghay ng mga dulang ito ay hindi naman lubusang mula sa Bibliya, subalit nakatutuwang malaman na ang tatlong operang ito ay naglalaman ng pangalan ng Diyos, Jehova.

Max: Talaga? Alam ko na ito’y binanggit sa mga gawa ni Handel at Bach, pero hindi ko alam na ito’y nasa lirikong opera rin.

Antonello: Sa pagtatapos ng Nabucco, inaawit ng koro ang tungkol sa ‘Dakilang si Jehova,’ at binabanggit ng mataas na saserdote na si Zacarias ang pangalan ng Diyos. Sa opera ni Rossini, humingi ng tulong si Moises kay ‘Iehova,’ samantalang sa Samson et Dalila, ang ‘Iehova’ o ‘Jehova’ ay binanggit nang ilang ulit.

Max: Nakatutuwa naman.

Antonello: Pagkatapos may ilan pang halaw sa Bibliya na mga opera. Isa sa mga ito ay ang Salome, ni Richard Strauss; Moses und Aron (Moises at Aaron), ni Arnold Schönberg; at Debora e Jaele (Debora at Jael), ni Ildebrando Pizzetti. Tingnan mo! Magsisimula na ang huling yugto.

Isang Kasiya-siyang Gabi

Antonello: Nasiyahan ka ba sa opera?

Max: Oo, lalo na sapagkat, dahil sa iyong mungkahi, nabasa ko na ang libretto at kaya naman nasusundan ko ang banghay. Kung hindi magiging mahirap para sa akin ang sumunod.

Antonello: Ang totoo, imposible na maunawaan ang lahat ng salita na inaawit ng mga soloista at koro, yamang kung minsan nalalaluan ng musika ang mga tinig, at sa matataas na nota ay mahirap kung minsan maintindihan ang mga salita. Sa maraming tanghalan ng opera ngayon, sila’y nagbibigay ng isinaling mga subtitulo o mga superscription upang mas masundan nang mabuti ng mga nanonood ang banghay.

Max: Napakahusay na pagtatanghal nito, Antonello. Ang magagandang musika at pag-awit ay talagang magpapangyari sa atin na pahalagahan ang Maylikha, na siyang nagbigay sa tao ng kaloob na tinig at kakayahan na mag-akda, magtanghal, at magpahalaga sa musika. Salamat sa iyo at ako’y inilibre mo sa gayong nakasisiya at nakapananabik na gabi.

[Larawan sa pahina 24]

Awditoryum ng La Scala

[Credit Line]

Lelli & Masotti/Teatro alla Scala

[Larawan sa pahina 25]

La Scala, Milan, Italya

[Credit Line]

Lelli & Masotti/Teatro alla Scala

[Mga larawan sa pahina 26]

Itaas: Isang tagpo sa opera na “Samson et Dalila”

[Credit Line]

Winnie Klotz