Isang Tren na May “Ngipin”
Isang Tren na May “Ngipin”
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Gresya
GUNIGUNIHIN ang iyong sarili sa gitna ng isang iláng at makitid na bangin na punô ng mayayabong na punungkahoy, na may malalaking bato na mapanganib na nakabitin at isang paliku-likong ilog na umaalimbukay sa ilalim nito. Kung kailan inaakala mong ikaw ay nag-iisa, bigla mong naririnig mula sa malayo ang isang gumigiling at kumakalantog na tunog. Ang huling bagay na maaasahan mong makita sa malungkot na dakong ito, na para bang hindi marating at hindi mapakialaman ng tao, ay isang piraso ng modernong transportasyon. Subalit ang tunog ay hindi mapagkakamalan—isang paparating na tren!
Habang lumalapit ang tunog, namamataan mo ang isang maliit na tren sa gitna ng matataas na punungkahoy, na may dalawa lamang kotse at isang makinang pinatatakbo ng diesel sa pagitan, marahang umaakyat sa matarik na bundok. Maligayang pagdating sa Dhiakoptón-Kalávrita Rack Railway, isa sa pinakakawili-wili at kagila-gilalas na daang-bakal sa Europa, na nasa rehiyon ng Peloponnisos sa Gresya. Sa Griego ang daang-bakal na ito ay tinutukoy bilang odontotós, na literal na nangangahulugang “may ngipin,” isang napakaangkop na pangalan, gaya ng malalaman mo.
Bakit Kinakailangan?
Ang bayan ng Kalávrita, na nasa gawing hilaga ng Peloponnisos, ang sentro ng ekonomiya at administrasyon ng nakapaligid na dako. Isa rin itong dako ng relihiyoso at makasaysayang interes dahil sa ilang bantog na mga monasteryo na makikita sa malapit. Yamang ito ay nasa libis ng isang bundok, ang bayan ay kilala rin sa likas na kagandahan nito, ang mga kagubatan na nakapaligid dito, ang maraming bukal nito, at ang magandang klima nito.
Sa tugatog ng kasaysayan nito, noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, ang bayan ay may populasyon na 6,000. Subalit ito ay nabukod sa mga bayan at mga nayon sa baybayin ng matatarik na bundok. Walang aspaltadong mga daan o anumang ibang paraan ng komunikasyon, at ang transportasyon na paroo’t parito ng bayan ay nangangailangan ng maraming nakapapagod na mga oras ng paglalakbay sakay ng mga karwaheng hila ng kabayo o buriko. Ang pinakakombinyenteng paraan upang marating ang baybayin ay sa pamamagitan ng isang malalim na canyon na nasa ilalim nito ang Ilog Vouraikós, ang ilog na ito ay nagwawakas sa nayon ng Dhiakoptón.
Sa pagsisimula ng dantaon, naipasiyang ito ang dapat na maging ruta ng isang kapaki-pakinabang at magandang daang-bakal, isang mahalagang ruta ng transportasyon sa mga bayan sa baybayin. Gayunman, isinisiwalat ng mga pag-aaral sa inhinyeriya na ang ruta na kailangang daanan ng daang-bakal ay kabilang ang napakatatarik na mga dalisdis. Ang kinakailangan sa kasong ito ay isang rack railway.
Ano ba itong rack, o cog (ngipin sa gulong), na daang-bakal? Isa ito na dinisenyo para sa lupa na napakatatarik; sa pagitan ng normal na mga riles, ito ay may ngipin o enggranaheng riles—isang bakal na riles na may enggranahe—na may bilugang kambiyo sa makina na maaaring gamitin. Hinahadlangan nito ang tren na dumausdos paatras kapag ito ay umaakyat o dumausdos pasulong kapag ito ay bumababa.
Sa kaso ng Dhiakoptón-Kalávrita Rack Railway, ang pinakamalaking dahilig ay 1 sa 7 (isang dahilig na 1 metro patayo sa 7 metrong pahigâ), at ito ay umiiral sa tatlong magkakaibang dako sa ruta. Kaya, sa tatlong bahaging ito ng daang-bakal,
kailangang ihinto ng inhinyero ng tren ang tren, ikambiyo sa enggranahe, at magpatuloy sa isang kontroladong mabagal na pagtakbo.Mahirap na Pagtatayo
Dahil sa matatarik na lupang dapat bagtasin ng daang-bakal, ang pagtatayo nito ay kumakatawan sa isang malaking kahanga-hangang gawa ng inhinyeriya. Ang trabaho ay iniatas sa isang Italyanong kompaniya ng pagtatayo, na nagsimula ng paggawa noong 1891. Upang gawing mas madali ang pagtatayo, isang malalapit ang distansiyang mga riles ng daang-bakal (75 centimetro) ang pinili.
Pagkalipas ng limang taon, noong 1896, tone-toneladang bato ang naalis. Siyam na tunél ang nabutas sa batong-bundok, at anim na mga tulay ang naitayo. Sa pasimula ang lahat ng mga tulay ay yari sa bato na inayos sa istilong arko, subalit pagkalipas ng ilang taon ang mga ito ay pinalitan ng mga tulay na bakal. Isang bagong daang-bakal, na umaakyat ng 23 kilometro tungo sa taas na 720 metro ang handa nang gamitin. Ngayong nalalaman mo na ang pinagmulan nito, nais mo bang sumakay sa tren at masiyahan sa kabigha-bighaning landas na binabagtas nito?
Isang Makapigil-hiningang Ruta
Sumakay tayo sa pang-umagang tren, Blg. 1328, mula sa baybayin ng Dhiakoptón. Ang paglalakbay ay tuluy-tuloy at marahang nagsisimula habang kami’y dumaraan sa nayon. Bagaman kami ay punô ng pananabik, ang mga tao sa nayon, na maliwanag na maraming ulit nang sumakay sa tren na ito, ay hindi man lamang lumilingon upang masdan ito. Subalit taglay ang matinding pananabik kami ay nagpatuloy.
Pagkaraan ng ilang minuto, nakita namin ang pasukan tungo sa isang nakatatakot na bangin. Ito’y isang makapigil-hiningang tanawin. Ang dumadaluyong na ilog ay nasa aming kaliwa, at napakalaking mga bato ang mapanganib na nakabitin sa uluhan namin, mga puno ng pino na mapanganib na nag-ugat sa mga ito. Inukit ng paliku-likong ilog ang daan nito sa mga bato.
Ang pananim ay masukal at mayabong. Ang aming tren ay para bang pasubuk-subok sa kagubatan ng malalaking punong plane at beech, na ang mga sanga ay halos sumayad sa kotse ng aming tren. Bagaman ang daang-bakal ay tumakbo na sa loob halos ng sandaang taon na ngayon, ang ilang bahagi ng banging ito ay talagang hindi malapitan, isinusuko lamang ang kanilang kagandahan sa paningin ng naglalakbay.
Narating namin ang unang istasyon ng tren, tinatawag na Niámata, kung saan ang ilang magsasaka roon ay bumaba upang maglakad patungo sa kani-kanilang bukid. Habang kami ay nagpatuloy, ang lupa ay higit at higit na nagiging matarik. Walang anu-ano ang tren ay huminto. Mangyari pa, wala namang problema, ngunit kailangan ngayong gamitin ng inhinyero ang gitnang enggranahe ng riles upang maingat na makapagpatuloy. Nadama namin ang pagkagat ng kambiyo ng makina sa enggranahe, na nagbibigay sa kotse ng tren ng mas matatag na pagkilos. Sa kabila ng katiyakan ng may karanasang pasahero na katabi namin na maayos naman ang lahat ng bagay, medyo balisa kami habang napansin namin ang napakatarik na pag-akyat.
Sa kahabaan ng gilid ng mas tiwangwang na mga bahagi ng bangin, nakikita namin ang malalaking kuweba na ginagamit ng mga tao roon bilang mga kulungan ng mga tupa. Sa kaliwang panig, may maliliit na kuweba na may kahanga-hangang
mga stalactite at stalagmite. Malalaking talón ng tubig ang nahuhulog sa lahat ng panig, at ang kanilang tunog, na humahalo sa alingawngaw nito, ay pinalalakas pa ng hugis ng bangin. Dito, sa gawing kaliwa, ay mga guho ng lupa na lumikha ng ilang hindi gaanong permanenteng mga talón ng tubig na sa wakas ay papalisin ng dumadaluyong na tubig. Nadaanan namin ang ilang matipunong mga tao na nagpasiyang maglakad sa halip na sumakay sa tren.Ang canyon at ang ilog ay palalim nang palalim habang dumaraan kami sa mataas na tulay. Sa isang punto, ang bangin ay napakakipot—wala pang dalawang metro ang lapad—at ang tren ay kailangang dumaan sa isang tunél na kahilera ng matarik na dalisdis.
Pagkatapos dumaan sa higit pang mga tunél at mga tulay, ang bangin ay unti-unting lumalawak at sa wakas ay nagiging isang makitid na libis, at di-nagtagal ay narating namin ang ikalawang istasyon, ang nayon ng Káto Zakhloroú. Ang karatulang nakapaskil sa maliit na istasyon ay nagpapakita ng taas na 601 metro. Ang ilang bahay sa nayong ito ay nakatayo sa magkabilang panig ng nayon, natatago sa pagitan ng pagkalaki-laking mga puno ng plane at walnut. Madarama mo ang matinding pagkaumido sa hangin, at kung tatanungin mo ang mga residente ng nayon, sila ay agad na sasang-ayon na sa madilim na nayong ito, hindi pa nila naranasan ang saganang sikat ng araw sa kanilang mga buhay. Dahil sa hugis ng nayon at ang makapal na mga punungkahoy, ang araw ay makikita lamang ng ilang oras bawat araw—at mas kaunti pa kung panahon ng taglamig.
Nagpapatuloy pagkatapos ng Káto Zakhloroú, ang tren ay umusad sa kahabaan ng mas normal na ruta, sinasabayan ng ngayo’y patag na sapin ng ilog ng Vouraikós, nagdaraan sa mga puno ng willow at eukalipto. Pagkatapos ng isang kahanga-hangang pagsakay ng 65 minuto, nakikita namin ang mga gusali ng Kalávrita sa ulap sa umaga. Bagaman ang bayang ito ay mayroon lamang 3,000 residente, ito’y nakaaakit ng maraming turista sa lahat ng panahon ng taon. Ang ilan ay nagpupunta upang masiyahan sa kalapit na ski resort, samantalang ang iba naman ay nagpupunta upang lasapin ang masarap na klima at ang katakam-takam na luto roon.
‘Mas Ligtas Kaysa Inyo Mismong Tahanan’
Pagbaba namin ng tren, nakipag-usap kami kay Ioanní, ang inhinyero ng tren na nagdala sa amin dito sa itaas nang tiwasay at ligtas. “Sa tuwina’y nasisiyahan ako sa pagsakay na ito,” sabi niya na may mahiyaing pagkakontento. Itinataas ang kaniyang mga mata, na para bang may ginugunita, susog pa niya: “Subalit ang mga bagay-bagay ay nagiging grabe sa panahon ng taglamig. Alam ninyo, ang tren ay hindi laging punô, at ikaw ay lubhang mamamanglaw sa gitna ng nakatatakot na banging ito. Pagkatapos may mga pagguho pa ng lupa, ang niyebe, ang lamig, at ang napakakapal na ulap. Subalit hindi ko ipagpapalit ang rutang ito sa anumang ‘normal’ na ruta.”
Nang tanungin namin tungkol sa kaligtasan ng daang-bakal na ito, si Ioanní ay nakatitiyak: “Kayo ay mas ligtas sa tren na ito kaysa inyo mismong tahanan!” Sa katunayan, isa lamang maliit na aksidente, na walang grabeng mga nasaktan, ang nangyari sa loob halos ng 100-taóng kasaysayan ng daang-bakal na ito.
Noong mga taon ng 1940 at 1950, ang pambihirang tren na ito ang ginamit upang dalhin “ang mabuting balita” ng Kaharian ni Jehova sa mga maninirahan ng liblib na nayon ng Kalávrita at ng mahirap-marating na mga nayon sa paligid. (Marcos 13:10) Sa ngayon, bunga nito, may isang maliit subalit masigasig na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Kalávrita.
Kaya kung sakaling dumalaw ka sa Gresya, bakit hindi isama sa iyong itineraryong pagliliwaliw ang Dhiakoptón-Kalávrita Odontotós, ang tren na may “ngipin”? Walang alinlangan, masisiyahan ka sa isang kasiya-siyang karanasan—isa na maaalaala sa loob ng mahabang panahon!
[Kahon sa pahina 21]
“Ang Silid-Hukuman”
Ito ang pangalang ibinigay ng mga tao roon sa isa sa pinakamalaking kuweba na nasa kahabaan ng ruta ng daang-bakal. Bakit? Buweno, ang mga hubog ng mga stalactite at mga stalagmite sa kuwebang ito ay nagbibigay ng isang kahanga-hangang pagkakahawig sa isang silid-hukuman. Sa likuran ay makikita mo ang “mga hukom” na nakaupo sa bangkô—marangal na mga tao na yari sa matipunong mga stalagmite. Sa magkabilang panig, higit pang mga stalagmite, “mga saksi” at “mga abugado,” ang nagmamasid sa paglilitis. Sa wakas, sa bibig ng kuweba, makikita ng isa ang walang-buhay na “mga nasasakdal,” nahatulan at nabitay, na nakabitin sa kisame ng kuweba bilang dalawang mahahabang stalactite.
[Mga mapa sa pahina 22]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang ruta ng tren na may “ngipin”
GRESYA
Dhiakoptón → Káto Zakhloroú → Kalávrita
[Mga larawan sa pahina 23]
Itaas na larawang nakasingit: Ang Mega Spileon na istasyon ng tren
Ibaba: Ang tren na may “ngipin,” umaakyat sa isang makitid na tagaytay