Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Internasyonal na mga Kombensiyon Ibig ko kayong pasalamatan sa serye ng “Ano ang Makapagkakaisa sa Daigdig?” (Disyembre 22, 1993) Talagang nasiyahan ako sa bahaging tungkol sa internasyonal na mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Silangang Europa. Nakapagpapatibay na mabalitaang ang ilang Kristiyano sa mga lugar na ginigiyagis ng digmaan ay nakadalo sa mga ito.

E. R., Estados Unidos

Kami ng aking asawang lalaki ay kapuwa buong-panahong mga ministro; kaya naman, labis naming pinanghihinayangan, hindi ipinahintulot ng aming badyet na maging mga delegado kami sa isang internasyonal na kombensiyon. Subalit, nang aking binabasa ang inyong mga artikulo, para bang ako’y nasa kombensiyon mismo. Naguguniguni ko pa nga ang aking sarili na marubdob na umaawit kasama ng Kristiyanong mga sister na ipinakita sa pahina 9. Ang artikulo ang nakapagpalakas ng loob ko na magtiis.

I. F., Pransiya

Komunikasyon Pagkatapos na mabasa ko ang serye ng “Komunikasyon sa Pagitan ng Mag-asawa” (Enero 22, 1994), natanto ko na sa loob ng 28 taon na ako’y may asawa, hindi ko naibibigay sa aking asawang babae ang pagmamahal na kailangan niya. Sa tuwing ibinabaling niya ang anuman tungkol sa bagay na iyan, pinawawalang-saysay ko ito bilang di-pagkamaygulang sa emosyon. Ang mga artikulong ito ang nakatulong sa akin na maunawaan kung paano nilikha ng Diyos ang mga babae. Sa hinaharap, sisikapin kong ibigay sa aking asawa ang pagmamahal na kailangan niya. Salamat sa tumpak na kaalamang ito.

Y. K., Hapón

Hindi ko masabi kung gaano ako nasiyahan sa serye. Ako’y namangha sa wastong pagsusuri sa emosyonal at pangkaisipang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga babae at mga lalaki. Nagawa kong suriing mabuti ang aking sarili at unawain nang higit ang aking sarili. Wala pa akong asawa, subalit naniniwala ako na ang mga artikulong ito ay makatutulong sa akin na mas maunawaan ang pangmalas ng ibang tao.

D. R., Italya

Sinabi ninyo na ang kasarinlan ay isang bagay na napakahalaga sa mga lalaki. Subalit may kilala akong ilang babae na nagpapahalaga rin sa kasarinlan. Nakababalisa sa akin na inyong ilarawan ang mga kaisipan, damdamin, at mga hangarin ng mga lalaki na para bang may napakalaking pagkakaiba sa mga babae.

U. B., Alemanya

Inaamin ng artikulo na “imposibleng tagurian ang anumang katangian na para lamang sa lalaki o para lamang sa babae” at na “ang mahirap ilarawang ‘tipikal na lalaki’ o ‘tipikal na babae’ ay maaari lamang umiral sa mga pahina ng mga aklat ng sikolohiya.” Ang mga katangian na ipinalagay sa mag-asawang “Jerry” at “Pam” ay nagsilbi lamang na paghahalimbawa kung paano ang indibiduwal na mga asawang lalaki at asawang babae ay maaaring magkaiba sa mga istilo ng komunikasyon.​—ED.

Mga Laruan sa Aprika Ang artikulong “Libreng mga Laruan sa Aprika” (Marso 22, 1993) ay gaya ng kamangha-manghang alaala ng aking pagkabata. Sa aming mga bayan at mga nayon sa Aprika, ang mga laruan ay hindi madaling makuha ng lahat ng bata. Kaya ginugugol namin ang aming panahon sa paggawa ng aming sariling laruan upang maging gaya ng mayayamang puting mga bata. Pero, hindi nila pinahahalagahan ang aming gawang-bahay na mga laruan. Sa paano man, ang artikulo ay nagdulot ng malaking kagalakan sa akin.

A. A., Cameroon

Paglutas ng mga Problema Sumulat ako sa inyo upang magpasalamat sa maraming mabubuting artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” na inyong inilalaan sa amin. Ang serye ang unang tinutunghayan ko kapag tinanggap ko ang pinakahuling labas ng Gumising! Lalo kong pinahalagahan ang artikulong “Sino ang Makatutulong sa Akin na Lumutas ng Aking mga Problema?” (Disyembre 8, 1993) Ako’y magtatapos na sa high school, at nasumpungan kong mahirap gumawa ng mga pagpapasiya na makaaapekto sa aking hinaharap. Kami ng aking mga magulang ay laging may bukas na linya ng komunikasyon, subalit kung minsan nadarama ko pa rin na hindi nila ako nauunawaan. Ang artikulong ito ang tumulong sa akin na makita kung gaano kahalaga na hingin ang payo nila at ipakipag-usap sa kanila ang tungkol sa aking mga damdamin at mga ikinababahala.

H. L., Estados Unidos