Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Sinasalot ng Taggutom ang Malaking Bahagi ng Sangkatauhan
Hindi kailanman nakapagtustos ang lupa ng napakaraming pagkain upang pakanin ang sangkatauhan; subalit, hindi rin kailanman sinalot ang malaking bahagi ng sangkatauhan ng taggutom. Iniuulat ng ahensiya ng balita na France-Presse na ayon sa pinakahuling estadistika mula sa World Bank, ang taggutom ang matinding puminsala sa buhay ng halos 1.13 bilyon katao noong 1990, higit kailanman. Naapektuhan nito ang halos 30 porsiyento ng mga taong naninirahan sa nagpapaunlad na mga bansa. Ang pinakanapinsalang mga bansa sa mundo ay ang nasa katimugang Asia, kung saan 562 milyon katao ang nakararanas ng taggutom (49 na porsiyento ng populasyon); Aprika, na may 216 na milyon (47.8 porsiyento ng populasyon); ang Malapit na Silangan at Hilagang Aprika, na may 73 milyon (33.1 porsiyento ng populasyon); at Latin Amerika at ang Caribbean, na may 108 milyon (25.2 porsiyento ng populasyon). Hindi pa kasali sa mga bilang na ito ang halos isa pang bilyon katao na dumaranas ng malnutrisyon.
Pagpapalaki ng Suweldo sa Sensasyonal na Paraan
Sa pasimula ng 1993, tinipon ng Association for Scientific Research into the Parasciences sa Alemanya ang 70 hula na ginawa ng mga astrologo at pagkatapos ay tinimbang-timbang nila ang mga resulta sa pagtatapos ng taon. Dahil sa di-natupad na mga hula noong nakaraang taon (tingnan ang Gumising! ng Hunyo 8, 1992, pahina 29, at Hulyo 8, 1993, pahina 29), ang mga astrologo ba ay naging higit na matagumpay noong 1993? Sila’y “nagsabi ng napakaraming kasinungalingan,” ulat ng Nassauische Neue Presse. “Ang karamihan ng mga astrologo ay hindi nga naniniwala sa kanila mismong taunang mga hula,” sabi ng isang tagapagsalita para sa samahan. Subalit ang astrolohiya sa Alemanya ay isang malaking negosyo, na may taunang entrega na $57 milyon (100 milyong deutsche mark). Ipinalalagay ng maraming manghuhula ang sensasyonal na mga hula bilang “isang mabisang paraan ng pagtatamo ng publisidad” upang mapalaki ang kita, ulat ng pahayagan.
Mga Batang Nagtatrabaho
Tinatayang walong milyong bata ang nagtatrabaho sa Brazil, ulat ng O Estado de S. Paulo. Ang mga musmos na ito ay maaaring nagtatrabaho na katulad sa mga adulto. Subalit, dahil sa hindi nababayaran nang husto, kakaunti ang naiuuwi nilang kita sa pamilya. Maaasahan naman, dahil sa walang sapat na pag-aaral ang paslit na mga nagtatrabahong ito ay nananatiling di-gaanong marunong bumasa at sumulat at kasinghirap ng kanilang mga magulang. Higit pa, sinabi ni Luiz Cláudio de Vasconcelos ng Ministri ng Paggawa, “ang musmos na nagtatrabaho ang nag-aalis ng mga trabaho ng ibang ulo ng pamilya, yamang handa siyang tumanggap ng sangkatlo lamang ng kita ng mga adulto.”
Nilipol ng AIDS ang Populasyon ng Daigdig
◻ “Ang AIDS ay makalilipol ng napakaraming buhay sa 15 bansa na may pinakamataas na bilang ng paglaganap ng HIV,” babala ng Populi, ang magasin ng United Nations Population Fund. Salig sa kamakailang ulat ng UN, ang World Population Prospects: The 1992 Revision, ang magasin ay humuhula na mga sampung taon mula ngayon, “ang dami ng populasyon sa mga bansang ito ay mababawasan ng 12 milyon dahil sa AIDS. Halos 9 na milyong karagdagang mga tao ang mamamatay sa AIDS sa mga bansang ito, at mas kakaunting mga bata ang isisilang dahil sa mga kamatayan ng mga babae sa mga taon ng kanilang pag-aanak.”
◻ Ipinagdiwang ng mundo ang Araw ng AIDS noong Disyembre 1, 1993. Subalit ang mga resulta ng kampaniya upang sugpuin ang sakit ay hindi naging sapat na dahilan upang magdiwang. Isang opisyal ng WHO (World Health Organization) ang umamin: “Sa palagay ko, totoong hindi tayo nakagawa ng anumang malaking bagay tungkol sa Aids sa Aprika.” Kinilala niya ang pangangailangan na idiin ang kahalagahan ng katapatan sa pag-aasawa sa pagsugpo sa sakit. Sinabi ng pahayagang Cape Times na ang Aprika “ay may sangkatlo ng iniulat na mga kaso sa daigdig.” Ayon sa WHO, tinatayang isang milyong mga kaso ng AIDS sa adulto ang nananatili sa sub-Saharan Aprika.
Dumarami ang Pagbabawal sa Paninigarilyo
Ang bagong mga batas na humihiling ng tiyak na mga babala tungkol sa mga panganib ng paninigarilyo ang ipinatupad ng Australian Capital Territory. Pasimula sa Abril 1, 1994, ang lahat ng pakete ng sigarilyo ay dapat na magtaglay ng nakikitang mga babala, gaya ng: “Pumapatay ang Paninigarilyo,” “Makapipinsala ang Iyong Paninigarilyo sa Iba,” “Nakasusugapa ang Paninigarilyo,” at “Makapipinsala sa Iyong Sanggol ang Paninigarilyo Kapag Nagdadalang-tao.” Ayon sa The Canberra Times, ang mga babala ay dapat na umokupa nang di-kukulangin sa 25 porsiyento ng harapan ng pakete ng sigarilyo. Ang likuran ng pakete ay dapat na magkaroon ng di-kukulangin sa sangkatlo ng lugar nito na napalilibutan ng sumusunod na mga salita: “Ang usok ng sigarilyo ay naglalaman ng maraming nagdudulot-kanser na mga kimikal. Kapag ang usok ay nalanghap, ang mga kimikal na ito ay makapipinsala sa mga bagà, at magiging sanhi ng kanser. Ang kanser sa bagà ang pinakakaraniwang kanser na dulot ng paninigarilyo. Ang kanser sa bagà ay karaniwang lumalala
at kumakalat bago ito mapansin. Sa karamihan ng mga kaso ito’y mabilis na pumapatay. [Ang paninigarilyo] ay pumapatay nang halos tatlong ulit na kasindami ng pinagsamang bilang ng mga taong napapatay ng alkohol at iba pang droga. Anim na ulit ang kahigitan ng mga taong namamatay mula sa masasamang epekto ng paninigarilyo taun-taon kaysa mga aksidente sa sasakyan.”Robot na Namimitas ng Prutas
Ang pinakabagong bagay sa teknolohiya sa agrikultura sa Italya ay ang computerized na robot na nakapipitas ng “hanggang 2,500 kahel sa isang oras nang tuwiran mula sa mga puno.” Ang makina ay nagtataglay ng walong “labis na sensitibong” mekanikal na mga braso, ang bawat isa ay nakakabitan ng elektronikong mata, at nakaprograma na “kumilala ng katingkaran ng mga kulay” at pumili ng “hinog na prutas, hindi nagkakamali na nilalampasan ang di pa hinog, pagkatapos na marahang hipuin ang mga ito,” ayon sa La Stampa. Ang robot na nalalakipan ng kakayahang mamili, na “pinatatakbo ng makinang diesel, ay makapagtatrabaho ng araw at gabi kahit masama ang panahon at makapipitas ng mga kahel sa mga puno hanggang sa taas na tatlo at kalahating metro [11 talampakan] . . . Sa panahon ng pamimitas, ito’y kumikilos sa pinakasukdulang bilis na walong kilometro [5 milya] bawat oras at nakapaglalakbay hanggang sa bilis na 14 na kilometro bawat oras [9 na milya bawat oras], humihila ng isang trailer na nakapagdadala ng hanggang 500 kilo [1,110 libra].”
Kung Saan Popular ang mga Damo
“Ang mga damo ang bumabalot sa buong parke, at napakaraming punong namumunga at kastanyas,” sabi ng Asahi Evening News tungkol sa isang bagong uri ng parke sa Tokyo. Walang sementadong daanan, at ang “karaniwang mga bagay sa parke gaya ng mga swing, padulasan at mga kahon ng buhangin ay hindi masusumpungan doon.” Ang mga nakatira sa malapit ay tuwang-tuwa. Dalawang taon na ang nakalilipas kanilang iminungkahi sa lokal na konseho na ang isang parke ay “dapat na may damo at may mga insekto at maliliit na hayop” at na “ang mga bata ay dapat na makapaghuhukay at makapaglalaro ng putik, at dapat na walang paskil na nagbabawal sa anumang bagay.” Simula noon, ang ikalawang parke, na inilarawan din na “malapit sa likas na kalagayan, na makapal na natatamnan ng mga damo” ay ginawa sa Tokyo. Nagtaka ang mga tagaplano sa lungsod at mga nagdidisenyo ng parke sa buong bansa na makita kung gaano naiibigan ng mga tagalungsod ang ganitong uri ng parke, na nagsasabing minsang magkaroon sila nito, handa silang makibahagi sa paglilinis at pagpapanatili nito.
Lumalamig na Apoy ng Impiyerno
“Ang mga simbahan ay hindi na gaanong nagdiriin sa dating apoy-at-asupreng mga sermon” gaya noon, sabi ni Robert Wuthnow, isang sosyologo sa Princeton University. Bakit hindi na? “Nabago na ang paniniwala ng mga tao hinggil sa paghatol sa walang-hanggang pagpapahirap,” ulat ng The Edmonton Journal, isang pahayagan sa Canada. Ipinakita ng pinakahuling surbey ng Gallup na samantalang ang 60 porsiyento ng mga Amerikano ay nagsabi na sila’y naniniwala sa maapoy na impiyerno, tanging 4 na porsiyento ang umaasang pupunta roon. Sa Canada, 38 porsiyento ng mga sinurbey ay naniniwala sa maapoy na impiyerno; sa Espanya, 27 porsiyento; at sa Sweden, 7 porsiyento. “Ang kaisipan tungkol sa impiyerno ay hindi nag-uudyok sa mga tao na paglingkuran man ang Diyos o tanggapin si Kristo bilang ang kanilang tagapagligtas,” sabi ng klerigong Pentecostal na si Bruce Klepp. Ang “turong [maapoy na impiyerno] ay wala namang sukdulang nagagawa sa moral,” ani Tom Harpur ng The Toronto Star.
Kulturang Karaoke
Isa sa inilakip sa Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, ikasampung edisyon, ay ang salitang “karaoke.” Ang salitang ito ay tumutukoy sa “isang kagamitan na nakapagpapatugtog ng instrumental na mga saliw ng piling mga awitin na sinasabayan ng kanta ng gumagamit” at mula sa salitang Hapones na binubuo ng mga salitang kara, na nangangahulugang “walang laman,” at oke, isang daglat ng “orkestra.” Nabibigyang-kasiyahan nito ang gumagamit mismo dahil siya’y nakaaawit na may buung-buong orkestra. Sa kauna-unahang pagkakataon sa Hapón, kinilala ang karaoke ng “pang-edukasyong detalyadong ulat” bilang “pangkulturang gawain,” at ang pinakakilalang bagay sa bansa. Ang nakamamanghang 74 na porsiyento ng mga nasa edad na 19 hanggang 29 ay lumahok sa paggamit nito sa isang-taóng yugto bago ang surbey. Nagkokomento tungkol sa pagbabago ng kaisipan ng mga Hapones, si Tetsuo Sakurai, isang propesor sa sosyolohiya, ay nagsabi sa Mainichi Daily News: “Ang mga tao ngayon ay handang magpahayag ng kanilang mga sarili nang malaya at nang hayagan.”
Kalagayan ng Karapatang Pantao: “Nakababalisa”
“Ang paggalang sa mga karapatang pantao ay napakahalaga sa kinabukasan ng kapakanan ng sangkatauhan,” sabi ni Ibrahima Fall, pangalawang kalihim panlahat para sa mga karapatang pantao sa UN World Conference on Human Rights. “Subalit sa maraming [bansa],” sabi niya, “ang dami ng mga paglabag sa mga karapatang pantao na nagpapatuloy ay nakababalisa.” Tinitiyak ng World Conference on Human Rights, isang pahayagan ng UN, na di-kukulangin sa kalahati ng populasyon ng daigdig ang nakararanas ng mga paglabag sa mga karapatang pantao sa ngayon. Ganito pa ang sabi ni G. Fall: “Ang kamatayan, pagkalipol, pagtatangi, karukhaan, pag-uusig, panghahalay, pang-aalipin, taggutom at sinusupil o niwawasak na mga buhay ang nananatiling pang-araw-araw na sumpa sa milyun-milyong tao.” Mas masahol pa, ang sumpang iyan ay lumalaganap dahil sa ang “mga suliranin sa mga karapatan,” babala ng UN, ay “dumarami.”