Ang Pagkabulok ng Magandang Asal
Ang Pagkabulok ng Magandang Asal
Milyun-milyong tao ang nagpapakita pa ng kagandahang-asal. Mapanghamak na niwawalang-bahala naman ito ng milyun-milyon.
SA PAGPAPASIMULA ng dantaon, ang tuntunin ng kabutihang-asal o etiket ay nagkaroon ng isang masamang pasimula, ayon sa The New Encyclopædia Britannica: “Noong dakong huli ng ika-19 na siglo at maaga noong ika-20 siglo itinuring ng mga taong nasa mataas na lipunan ang pagsunod sa kaliit-liitang kahilingan ng tuntunin ng kabutihang-asal bilang kapuwa isang dibersiyon at, para sa mga kababaihan, isang gawain na pinagkakaabalahan. Higit at higit na masalimuot na mga ritwal ay nilayon upang lumikha ng isang diwa ng pagiging natatangi para sa mga bagong miyembro at upang ang mga karaniwang tao ay hindi makabagay na maging mga miyembro ng mataas na lipunan, walang alam kung tungkol sa masalimuot na mga ritwal ng tuntunin ng kabutihang-asal, hiwalay sa mga nasa mataas na lipunan.”
Ibang-iba naman iyan sa kung ano ang nararapat sanang kabutihang-asal. Si Amy Vanderbilt ay isang iginagalang na awtoridad sa paksang tungkol sa asal, at siya’y sumulat sa kaniyang New Complete Book of Etiquette: “Ang pinakamagaling na mga tuntunin para sa paggawi ay masusumpungan sa Kabanata 13 ng Unang Corinto, ang magandang pagtalakay ni San Pablo tungkol sa pag-ibig. Ang mga tuntuning ito ay walang kaugnayan sa masalimuot na mga detalye ng pananamit ni sa panlabas na asal. Ito’y patungkol sa mga damdamin at mga saloobin, kabaitan, at konsiderasyon sa iba.”
Ang tinutukoy ni Amy Vanderbilt ay ang talata sa Bibliya sa 1 Corinto 13:4-8, na nagsasabi: “Ang pag-ibig ay may mahabang-pagtitiis at mabait. Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin, hindi ito nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sariling mga kapakanan nito, hindi napupukaw sa galit. Hindi ito nagbibilang ng pinsala. Hindi ito nagsasaya sa kalikuan, kundi nakikipagsaya sa katotohanan. Tinitiis nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”
Isa ngang pambihirang bagay na makita ang ganitong uri ng pag-ibig na isinasagawa sa ngayon! Sa lahat ng dako, ang lahat ng asal ay magiging walang kapintasan! Ang pagtuturo at pag-aaral ng gayong asal ay dapat magsimula sa tahanang Kristiyano. Ang isang pamilya ay tulad ng isang delikadong makina na ang mga bahagi ay magkakadikit. Tanging magaling na langis ang makapagpapanatili rito sa pagtakbo nang maayos. Ang kabatiran kung paano magiging matulungin, mapitagan, kanais-nais, at magalang ay isang mahalagang salik sa pagkakaroon ng isang maligayang sambahayan. Ang matutong magsabi ng kanais-nais na pang-araw-araw na mga salita ng pagpipitagan at konsiderasyon—gaya ng “Salamat po,” “Pakisuyo,” “Patawad po,” “Ikinalulungkot ko”—ay malaki ang magagawa upang alisin ang mapangwasak na igtingan sa ating mga kasama. Ang mga ito’y mumunting mga salita na malaki ang nagagawa. Masasabi ito ng lahat nang wasto. Hindi natin ito binibili, ngunit sa pamamagitan nito ay maaari tayong magkaroon ng mga kaibigan. Kung araw-araw nating uugaliin ang kagandahang-asal sa ating mga tahanan, ang kagandahang-asal ay dala natin kapag tayo ay nasa labas ng sambahayan at kapag tayo’y nakikihalubilo sa publiko.
Kasangkot sa kagandahang-asal ang pagpapakita ng konsiderasyon sa mga damdamin ng iba, pag-ukulan sila ng paggalang, pakitunguhan sila kung paanong gusto nating pakitunguhan nila tayo. Gayunman,
napansin ng marami na ang asal mismo ay sumamâ. Isang manunulat ang nagsabi: “Kulang tayo ng pagpipitagan sapagkat ang indibiduwalismo ay naging mas mahalaga kaysa pagpipitagan.” Ang pilosopong si Arthur Schopenhauer ay sumulat: “Ang kasakiman ay isang kakila-kilabot na bagay anupat inimbento natin ang paggalang upang ikubli ito.” Sa ngayon marami ang naniniwala na ang “paggalang” ay nangangahulugan ng “kahinaan” at na ang pag-una sa iba ay walang-saysay. Hindi ba’t ang dekada ng Ako-muna noong mga taon ng 1970 ang naglunsad sa atin sa kasalukuyang ako-muna na paraan ng pamumuhay? Isang pahayagan sa isang malaking siyudad ang nagsabi: “Ang problema ay umabot na sa punto kung saan ang karaniwang kanais-nais na ugali ay hindi na mailalarawang karaniwan.”Ang Daily Mail ng London ay nag-uulat na ang mga batang kasimbata ng limang taóng gulang ay higit at higit na nagiging mapanlaban, walang-galang sa pag-aari ng ibang bata, walang-galang sa mga adulto, at gumagamit ng malalaswang pananalita. Karamihan sa mga gurong sinurbey ay nag-aakalang pinalalaki sa layaw ng mga magulang ang kanilang mga anak at iyan ang ugat na dahilan ng dumaraming pangit na pag-uugali. Tungkol sa mga guro na kinapanayam sa isang surbey, sinisisi ng 86 na porsiyento ang “kawalan ng malinaw na mga pamantayan at mga inaasahan sa tahanan.” Binanggit ng 82 porsiyento ang kawalan ng mabuting halimbawa ng mga magulang bilang dahilan ng kawalan ng asal ng mga bata. Mga wasak na tahanan, diborsiyo, mga relasyon kung saan ang lalaki’t babae ay nagsasama nang hindi kasal, labis-labis na panonood ng telebisyon, walang disiplina, walang ipinatutupad na mga tuntunin ng paggawi—ang pangwakas na resulta ay ang pagkawasak ng pamilya.
Isang prinsipal sa mababang paaralan ang nagsabi: “Nababahala ako sa kawalan ng paggalang sa gitna ng mga bata sa ngayon. Wari bang wala silang pakialam kung hiyain nila ang kanilang mga kasamahan o saktan nila ang damdamin ng mga adulto. . . . Ipinakikita nila ang kanilang kawalang-galang sa maraming paraan—nakayayamot na mga kilos, mga kahalayan, pagtangging sumunod sa payak na mga utos . . . , pagsusuwapang sa paghawak ng bola sa isang laro . . . [Sa kabilang dako,] ang mga bata sa ilang sambahayan ay nahihilig na gumalang sa ibang tao. Hindi sila kailangang maging paborito ng guro . . . , subalit sila’y magalang sa iba. Pumipila sila samantalang ang iba ay nakikipag-unahan sa pila . . . Alin sa ito ay naitimo [sa mga bata] o hindi.”
Isa pang prinsipal sa mababang paaralan, isang may karanasang prinsipal, ang nagsabi pa: “Lantarang nakikita natin ang parami nang paraming masamang pag-uugali. Sa palaruan ang mga bata ay waring hindi na naglalaro na gaya ng dati; barka-barkada silang gumagala. Madali nilang makilala ang mahihinang bata, mga batang ipinalalagay na mga tagalabas, mga batang hindi nagsusuot ng tamang sneakers o jeans. Pinupuntirya nila ang mga ito, tinutuya sila; may kasamang pananakit. Sinikap naming ihinto ito, ngunit hindi kami naging matagumpay.”
“Maraming tao ang nagmamaneho nang totoong walang-galang,” sabi ni Propesor Jonathan Freedman ng Columbia University. “Halos mistulang larangan ng digmaan ang mga haywey.” Ang Monthly Letter ng Royal Bank ng Canada ay bumabanggit
tungkol sa “walang-awang pagpatay sa mga daan” at naghinuha na “ang sanhi ng problema ay ang walang-galang na pag-uugali. Ang pagpipitagan, konsiderasyon, pagpipigil, pagpaparaya at paggalang sa karapatang pantao na siyang bumubuo sa sibilisasyon ay kahiya-hiyang nawala.”Ganito inilalarawan ng The New York Times ang mga lansangan sa Lungsod ng New York: “Ito’y mga Motorista laban sa mga Ambulansiya.” Mas maraming motorista sa lungsod na iyon ang tumatangging magbigay-daan sa mga sasakyang pangkagipitan, gaya ng mga ambulansiya at mga trak ng bombero—dinaragdagan ang panganib na ang isa na may malubhang sakit o nasugatan ay mamamatay dahil sa hindi ito makarating sa kaniyang tirahan o maihatid sa isang ospital karaka-raka. Binanggit ni Kapitan Ellen Scibelli ng Emergency Medical Services ang tungkol sa isang lalaki na nagmamaneho sa Pelham Parkway sa Bronx na tumangging magbigay-daan sa isang ambulansiya na sasaklolo sa isang biktima na inatake sa puso. “Sinikap niyang maging siga at hindi siya nagpatabi sa daan, subalit pagdating niya sa kaniyang bahay, natalos niya kung gaano siya kahangal. Ang kaniyang ina ay inatake sa puso at sinisikap ng ambulansiya na makarating sa kaniya.”
Sinaysay ng The New York Times International ang tungkol sa isang organisasyong Ingles na tinatawag na Polite Society na itinatag sapagkat “ang mga tao ay naging marahas sa isa’t isa, at mayroong dapat gawin.” Sa isang pitak sa The Evening Standard, isang komentarista sa radyo ay naudyukang magreklamo: “Isang bansang dating kilala sa pagkamagalang nito ay nagiging isang bansa ng mga taong walang urbanidad.” Isang kompanya ng seguro sa Scotland “ay naghinuha na 47 porsiyento ng lahat ng mga aksidente sa daan ay matutunton sa isang gawa ng kawalang-galang.”
Ang telebisyon ay nakatulong na lubha sa pagguho ng asal, lalo na sa mga bata at sa mga tin-edyer. Kung paano nananamit ang mga tao, kung paano nagsasalita ang mga tao, kung paano pinakikitunguhan ng tao ang kapuwa tao, kung paano paulit-ulit na nilulutas ng tao ang mga problema sa pamamagitan ng karahasan—ang telebisyon ay isang guro. Kung tayo at ang ating mga anak ay palaging manonood ng gawa-gawa lamang at mababaw na mga programa, sa wakas ay ipababanaag ng ating asal ang bastos, walang-galang, at mapanuyang mga saloobin ng mga tauhang ating pinanonood. Ang mga magulang ay karaniwang inilalarawan bilang mga hangal at ang mga bata bilang matatalino.
Ang daigdig ay nasisiyahang magsalita sa paraang malakas, nag-uutos na bulyaw—sumasabad, ipinagmamalaki ang pagiging dominante, maingay, nakadarama ng kahigitan sa iba, nakayayamot, humahamon. Dati-rati ang magaspang na pag-uugali ay hindi sinasang-ayunan ng pamayanan sa pangkalahatan, at ang gumagawa ng masama ay itinatakwil. Sa lipunan sa ngayon ang isang kabastusan ay maaaring gawin nang hindi na nadurungisan ang dangal ng maysala. At kung tumutol ang sinuman, siya ay maaaring makatikim ng masasakit na salita o masaktan! Nilaganapan ng ilang kabataang naglalakbay sa maiingay na mga grupo ang kapaligiran ng masasamang pananalita, mahahalay na kilos, ginagalit ang mga nagmamasid ng kanilang magaspang na paggawi, pawang sadyang nilayon upang makatawag-pansin sa kanilang mapanlabang paghihimagsik at upang sindakin ang mga adulto sa pamamagitan ng kanilang lantarang kabastusan.
Gayunman, gaya nang nasabi na, “ang kabastusan ang huwad na lakas ng mahinang tao.”Ang mga batas na tinipon ng mga tao upang ugitan ang gawi ng sangkatauhan ay pupunô sa isang aklatan, gayunman ito ay hindi nagbunga ng patnubay para sa mga pangangailangan ng tao. Kailangan pa ba natin ng higit? O marahil mas kakaunti? Sinasabing mientras mas mabuti ang lipunan, kaunting batas ang kailangan nito. Kumusta naman ang isa lamang batas? Ang isang ito, halimbawa: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila; ito, sa katunayan, ang kahulugan ng Batas at ng mga Propeta.”—Mateo 7:12.
Aalisin ng pagsunod sa batas na iyan ang karamihan ng mga problema sa ngayon, subalit, upang masapatan ang mga pangangailangan ng lipunan, isang mas mahalagang batas ang kailangang idagdag: “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.”—Marcos 12:30.
Itinuturing ng lipunan sa ngayon ang dalawang kahilingang ito ng Bibliya na walang saysay, pati na ang iba pang mga alituntuning nasa Bibliya. Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa mga ito sa Jeremias 8:9: “Ang mga pantas ay napahiya. . . . Kanilang itinakwil ang salita mismo ni Jehova, at anong karunungan ang nasa kanila?” Hindi rin nila nakikita ang pangangailangan para sa isang pinagkasunduan ng madla tungkol sa tunay na mga pamantayan na tradisyunal na kinikilala na mahalagang patnubay natin. Ang kanilang bagong moralidad ay isang malapad na daan na nagpapahintulot ng anumang mapagpipiliang istilo-ng-buhay na maaaring piliin ng mga indibiduwal—ang malapad na daan na tinukoy ni Jesus bilang ang daang patungo sa kapahamakan—at marami ang nagtutungo roon.—Mateo 7:13, 14.
Ang Sakdal na Halimbawa
Si Jesu-Kristo, ang isa na “nasa sinapupunang dako ng Ama,” ay isang pangunahing halimbawa na karapat-dapat tularan. (Juan 1:18) Sa pakikitungo sa mga tao, siya ay magiliw at mahabagin sa isang panig, mapuwersa at matatag sa kabilang panig; gayunman hindi siya kailanman naging magaspang o marahas sa sinuman. Nagkokomento tungkol sa “kaniyang natatanging kaloob ng pagiging palagay ang loob sa lahat ng uri ng tao,” ang aklat na The Man From Nazareth ay nagsasabi tungkol kay Jesus: “Sa madla at sa pribadong buhay siya ay nakisama sa mga lalaki at mga babae nang walang pagtatangi. Palagay siya sa mumunting bata sa kanilang kawalang-muwang at palagay rin siya sa binabagabag-budhing mga tiwaling gaya ni Zaqueo. Ang kagalang-galang na mga babaing nangangasiwa sa bahay, gaya nina Maria at Martha, ay maaaring makipag-usap sa kaniya nang may likas na pagkaprangka, subalit hinahanap din siya ng mga patutot na para bang nakatitiyak na kaniyang mauunawaan at kakaibiganin sila . . . Ang kaniyang pambihirang kabatiran tungkol sa mga hangganan na nagtatakda sa karaniwang mga tao ang isa sa kaniyang kilalang mga katangian.”
Ang Diyos na Jehova ay laging may kabutihang-asal kapag nakikitungo sa mga nakabababa sa kaniya, kadalasang idinaragdag ang “pakisuyo” sa kaniyang mga pakiusap. Nang pinagkakalooban ang kaniyang kaibigang si Abraham ng isang pagpapala, sinabi niya: “Itingin mo ang iyong mga mata, pakisuyo, at tumanaw ka mula sa dakong iyong kinalalagyan.” At muli: “Tumingala ka, pakisuyo, sa langit at iyong bilangin ang mga bituin.” (Genesis 13:14; 15:5) Nang binibigyan si Moises ng isang tanda ng Kaniyang kapangyarihan, sinabi ng Diyos: “Ipasok mo ang iyong kamay, pakisuyo, sa itaas na tiklop ng iyong kasuotan.” (Exodo 4:6) Pagkalipas ng maraming taon, si Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Mikas, ay nagsabi kahit sa kaniyang suwail na bayan: “Inyong dinggin, pakisuyo, ninyong mga pangulo ni Jacob at mga pinuno ng sambahayan ni Israel. . . . Dinggin ninyo ito, pakisuyo, ninyong mga pangulo.” (Mikas 3:1, 9) Tungkol dito, tayo ba’y “naging mga tagatulad sa Diyos” sa pagsasabi ng pakisuyo kailanma’t tayo’y nakikitungo sa iba?—Efeso 5:1.
Kaya, anong mga alituntunin o moral na mga panuntunan ang iniaalok ng mga pantas sa sanlibutan bilang mga kahalili ng mga panuntunan sa Bibliya na tinanggihan nila bilang hindi kanais-nais? Isinasaalang-alang ito ng susunod na artikulo.
[Blurb sa pahina 4]
Ang karaniwang kanais-nais na ugali ay hindi na matatawag na karaniwan
[Blurb sa pahina 5]
Sinisikap marating ng ambulansiya ang kaniyang ina
[Blurb sa pahina 6]
“Ang kabastusan ang huwad na lakas ng mahinang tao”
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Kaliwa: Life; Kanan: Grandville