Ang Pornograpya ay Pumapasok sa Kolehiyo
Ang Pornograpya ay Pumapasok sa Kolehiyo
ANG “Matier & Ross Report” sa San Francisco Chronicle, Nobyembre 1, 1993, ay nagtampok ng isang kontrobersiyal na klase na iniaalok sa San Francisco State University. Ito ay idinaraos ni Propesor John DeCecco at ang paksa ay tungkol sa seksuwalidad ng tao. Ganito ang komento nina Matier at Ross:
“Pambihirang klase ito. Kung ikaw ay naghahanap ng isang mahalay na tatlong unit sa isang digri sa SFSU, lagyan mo lamang ng tsek ang erotiko (at kung minsa’y tama sa pulitikal na paraan) na mga asignaturang nakatala sa silabus ng klase.”
Saka itinala ng report sa listahan ang masturbasyon, transvestism (pagdaramit babae ng isang lalaki para sa pagbibigay-lugod sa sekso), homoseksuwalidad ng lalaki, lesbianismo, pakikipagtalik sa hayop, sadomasochism (pagkakaroon ng kasiyahan sa pananakit sa iba o sa sarili), kasama ng iba pa. Ang mga lektyur sa mga gawaing ito ay kinabibilangan ng mga videotape.
Ang gayong mga gawain ay maihahambing sa “kasuklam-suklam na mga kaugalian” na kinapopootan ni Jehova, gaya ng inisa-isa sa kodigong Mosaiko sa Levitico kabanata 18. Pagkatapos hatulan ang mga gawang insesto, pangangalunya, at iba pang lisyang seksuwal na paggawi, ang mga Lev 18 talatang 22 at 23 ay nagsasabi: “Huwag kang sisiping sa lalaki na gaya sa babae. Ito’y karumal-dumal na bagay. At huwag kang sisiping sa anumang hayop na magpapakarumi riyan, at ang babae ay huwag lalagay sa harap ng hayop upang pasiping. Ito’y paglabag sa kung ano ang natural.”
Ang paggawa ng mga bagay na ito na kinasusuklaman ni Jehova ay nagdadala ng kaniyang paghatol: “Huwag kayong magpakarumi sa alinman sa mga bagay na ito, sapagkat sa pamamagitan ng lahat ng mga bagay na ito nadumhan ng mga bansa ang kanilang sarili na aking palalayasin sa harap ninyo. At nadumhan ang lupain, kaya’t aking dadalhin ang kasamaang iyan diyan, at isusuka ng lupain ang mga maninirahan nito. Yaong lahat ng gumawa ng alinman sa lahat ng karumal-dumal na mga bagay na ito, kung magkagayon ang mga kaluluwang gumagawa niyan ay ihihiwalay sa kanilang bayan.”—Levitico 18:24, 25, 29.
Pinuri ng isang estudyanteng kumukuha ng kurso sa SFSU si DeCecco sa “pag-aalis ng pamantayang mga opinyon tungkol sa mga taong imoral at pagpapakita na ang mga taong ito ay tulad din ng iba pa.” Tulad din ng iba pa? Tiyak na ang karamihan ng mga tao ay hindi nasasangkot sa lisyang mga paggawi sa sekso na homoseksuwalidad, lesbianismo, at sadomasochism, ni sila man ay nagsasagawa ng pakikipagtalik sa mga hayop. Totoo, mayroong nakababahalang pagguho sa moral sa lipunan ngayon, subalit ang mga gawaing ito na inilalarawan sa klaseng ito sa unibersidad ay tahasang pornograpya na isinasagawa sa pagkukunwaring isang matalinong pag-aaral at pananaliksik.