Bakit Napakahirap Kong Ihinto ang Pag-iisip sa Hindi Kasekso?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Napakahirap Kong Ihinto ang Pag-iisip sa Hindi Kasekso?
“Ang iyong pagkausyoso tungkol sa sekso ay para bang mahalagang bagay kapag bata ka pa,” ang paliwanag ng kabataang si Lorraine. “Ikaw ay nagiging higit na palaisip hinggil sa mga bagay na may kinalaman sa sekso.”
GUMUGUGOL ka ba ng maraming oras—kung hindi man karamihan—sa panahong gising ka na nag-iisip, ipinakikipag-usap, o tumitingin sa mga di-kasekso? Ikaw ba’y nauupo upang tapusin ang iyong takdang-aralin, subalit lumilipad ang iyong isip na pinapangarap ang isang guwapong lalaki o isang magandang babae na iyong nakita noong hapong iyon? Ang iyo bang pakikipag-usap ay nagagambala ng panakaw na mga sulyap sa isang kaakit-akit na nagdaraan? Nahihirapan ka bang magbasa, mag-aral, o magpako man ng isip sa Kristiyanong mga pulong at mga kombensiyon—dahil lamang sa hindi mo maihinto ang pag-iisip sa isang di-kasekso?
Kung gayon nga, baka nangangamba kang ikaw ay nasisiraan na ng bait! Isang kabataan ang nagtapat: “Sa palagay ko’y nababaliw na ako tungkol sa sekso. Ibig kong sabihin, malimit kong naiisip ang mga babae, nangangarap nang gising . . . Sa palagay kaya ninyo’y matino pa ako?” Gaya ng sabi ng manunulat na si Lynda Madaras, kapag ikaw ay bata pa, “ang romantiko o damdamin tungkol sa sekso ay maaaring maging napakasidhi. Kung minsan, wari bang ang pag-iibigan at sekso na lamang ang pawang nasasaisip mo!” a
Ang damdamin tungkol sa sekso ay hindi naman masama sa ganang sarili. Nilikha ng Diyos ang lalaki’t babae na may masidhing pagkaakit sa bawat isa. Ito’y kasuwato ng kaniyang layunin na sila’y mag-asawa at ‘punuin ang lupa’ ng matuwid na mga supling. (Genesis 1:28) Ang Bibliya ay tahasan din sa pagpapakita na ang pakikipagtalik ay maaaring pagmulan ng matinding kaluguran para sa mag-asawa.—Kawikaan 5:19.
Ang problema ay, bilang di-sakdal na mga tao kalimitang tayo’y nahihirapang sumupil sa ating damdamin. (Ihambing ang Genesis 6:5.) “Ang pagnanasa ng laman” ay maaaring waring napakalakas talaga! (1 Juan 2:16) At dahil sa ikaw ay bata pa, ito’y maaaring maging lalong mahirap para sa iyo na ihinto mo ang pag-iisip sa di-kasekso. Bakit nga ganito?
Ang mga Panggigipit sa Pagbibinata at Pagdadalaga
Ang isang dahilan ay na sumasapit ka sa “kasibulan ng kabataan”—ang panahon kapag ang paghahangad sa sekso ay nasa karurukan. (1 Corinto 7:36) Ganito ang paliwanag ni Dr. Bettie B. Youngs: “Sa panahon ng pagbibinata at pagdadalaga, ang mga antas ng hormone ay biglang tumataas. Ang mga ito ang siyang dahilan ng pagpapasimula ng lahat ng mga pagbabago sa pisikal na nagpapabagong-anyo sa katawan ng isang bata na maging katawan ng isang adulto. Ang dumaraming mga hormone na kasabay ng pagbibinata at pagdadalaga ay nagdudulot ng maraming pagbabago sa emosyon at pag-uugali.”
Anong uri ng mga pagbabago? Buweno, ang pinakamalaking mga pagbabago ay kalimitang nagsasangkot ng damdamin ng isa sa di-kasekso. Ganito ang sabi ng manunulat na si Ruth Bell: “Ang mga pagbabago sa katawan sa panahon ng pagbibinata at pagdadalaga ay kalimitang nagdudulot ng mas matinding damdamin sa sekso. Masusumpungan mo ang iyong sarili na higit na nag-iisip tungkol sa sekso, mas madaling mapukaw sa sekso, kung minsan ay nalilipos pa nga ng damdamin tungkol sa sekso. Inilarawan ng ilang tin-edyer [na aming kinapanayam] na sa kanilang paglalakad o pagsakay ng bus ay nadarama nila na para bang ang kanilang buong katawan ay nag-aalab sa kainitan at kaluguran sa sekso.” Ang gayong labis na pag-iisip sa di-kasekso ay isa sa maraming “pagnanasa na kaakibat ng kabataan” na kailangang batahin ng mga kabataan.—2 Timoteo 2:22.
Ang Impluwensiya ng Media at mga Kaibigan
Gayunman, ang alab ng pagnanasang ito ay kalimitang pinagdiringas ng panlabas na mga impluwensiya. Tayo’y naninirahan sa isang lipunan na waring nakahilig sa pagpukaw sa gawain sa sekso sa pamamagitan ng mga programa sa telebisyon, anunsiyo, mga aklat, mga magasin, musika, at mga pelikula. Ganito ang pag-uulat ng isang kabataang Kristiyano na nahulog sa lisyang paggawi sa sekso: “Ang pornograpya ay napakapalasak sa paaralan, at ito’y lumilikha ng totoong paghahangad sa sekso. Batid ko kung ano ang tama, subalit napakasidhi ng aking damdamin sa sekso.”
Kaya naman, isang aklat na isinulat para sa mga magulang ay nagsasabi: “Ang media . . . ay may napakalaking impluwensiya. Nakikita ng ating mga anak na tin-edyer ang kabataang mga modelo na kasing-edad nila na may mapang-akit na kilos at nagbibili ng mga damit na umaakit; kanilang nakikita ang pakikipagtalik ng mga kabataan na pinalalaganap sa mga pelikula at sa telebisyon.” Sa katunayan, ginawang madali ng cable television at mga videocassette recorder na matunghayan ng maraming kabataan ang napakalalaswang pornograpya. “Pinupukaw ng media ang pagkausyoso at mga nasa ng isang kabataan,” ang pag-amin ng isang kabataan.
Gayunman, ang isang aklat ay hindi kailangang maging pornograpiko sa bawat pahina upang maging masamang babasahin. Isaalang-alang ang karanasan ng isang Kristiyanong babae. Gunita niya: “Nagbabasa ako ng isang aklat na medyo disente na may isa o dalawa lamang na mga parapo na bumabanggit tungkol sa sekso. Nilalampasan ko ang mga parapong iyon, subalit may bagay na humihila sa akin na balikan at basahin ang mga ito. Anong laking pagkakamali niyaon! Bunga nito ay nagkaroon ako ng napakasamang mga panaginip.”
Ang iyong mga kaibigan at mga kasama ay maaari ring magkaroon ng malaking impluwensiya sa iyong pag-iisip. Isang aklat tungkol sa pagbibinata at pagdadalaga ang nagsabi nang ganito: “Ang pagmamasid sa babae at lalaki ay karaniwang palipasan ng oras na nagaganap sa mga kanto, mga pasilyo ng paaralan, kapiteriya, at mga shopping mall.” At kapag ang mga kabataan ay hindi nakatitig sa di-kasekso, kalimitan nilang pinag-uusapan sila. “Nang ako’y bata-bata pa,” ang pag-amin ng 18-taóng-gulang na si Robert, “ang panggigipit na makipagtalik ay napakatindi . . . Sa locker room, ganiyan ang lahat ng usapan.” Ganito pa ang inamin ng isang kabataan: “Ang sekso ang numero unong paksa ng usapan sa gitna ng mga magkakaeskuwela, kaya ito’y kalimitang nalalagay sa iyong isipan.”
Mahirap na maging naiiba. Kapag ang iyong mga kasamahan ay laging nag-uusap tungkol sa di-kasekso—marahil sa nagpapababa, nagpapasamang paraan—nakatutukso na makisali sa kanila. Subalit ang Bibliya ay nagbababala: “Siyang lumalakad na kasama ng mga taong pantas ay magiging pantas, ngunit siyang nakikitungo sa mga mangmang ay mapapariwara.”—Kawikaan 13:20.
Ang Pangangailangan na Maging Timbang
Ito ba’y nangangahulugan na maling mapansin o makipag-usap sa isang di-kasekso? Hindi, maging ang mga manunulat sa Bibliya ay nagsabi hinggil sa bagay na ang ilang lalaki at babae ay pisikal na kaakit-akit. (Ihambing ang 1 Samuel 9:2; Esther 2:7.) Kaya naman, hindi hinatulan ni Jesus ang isang tao na basta napansin ang isang babaing kaakit-akit. Subalit siya’y talagang nagpayo sa mga Kristiyano na huwag ‘magpatuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya.’ (Mateo 5:28) Sa gayunding paraan, hindi mo dapat hayaang madala ka ng bulag na pagkahumaling. Ganito ang sabi sa atin ng 1 Tesalonica 4:4, 5: “Ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano supilin ang kaniyang sariling katawan sa paraang banal at marangal, hindi sa pagkahumaling na gaya na rin niyaong sa mga bansa, na hindi nakakakilala sa Diyos.”—New International Version.
Yamang ang erotikong mga kaisipan ay maaaring sumagi sa iyong isip paminsan-minsan, ang laging pag-iisip sa mga ito ay maaaring mauwi na sa pagkahibang, at pagkatapos ay maaaring magbunga ng malulubhang problema. Ang Eclesiastes 5:3 ay nagsasabi: “Sapagkat ang panaginip ay dumarating sa karamihan ng gawain.” Oo, ang isang tao na laging nag-iisip sa kaniyang personal na mga pagnanasa ay kalimitang nagsisimulang bumuo ng masasamang imahinasyon at mga pangangarap nang gising. b
Bagaman normal na magkaroon ng erotikong mga kaisipan sa pana-panahon, ang laging pag-iisip sa mga ito ay ibang bagay naman. Ang manunulat na si Ruth Bell ay nagsabi na “paminsan-minsan masusumpungan ng isang tao ang kaniyang sarili na gumugugol ng halos buong araw at gabi na nangangarap. Ang mga ito ay waring nagiging mas totoo kaysa tunay na nangyayari.” Isaalang-alang ang isang kabataang babae na nahumaling. Sabi niya: “Ako’y 12 1/2 taóng gulang, at napakatindi ng nararamdaman ko sa isang batang lalaki na dumadalo sa aming Kingdom Hall. Alam kong bata pa ako para makipag-date, pero hirap na hirap ako sa pagpigil sa aking damdamin para sa kaniya.” Sa katulad na paraan, nahihirapan ang ilang kabataan na magbasa, mag-aral, magtuon ng pansin sa klase, o maghanda para sa Kristiyanong mga pulong kapag ang kanilang mga isip ay lipos ng romantiko o nakapupukaw sa seksong mga kaisipan.
Maaaring magbunga ng malulubhang suliranin kapag ang isang kabataan ay nagtangka na pabawahin ang gayong pagkapukaw sa pamamagitan ng masturbasyon. Ang mga Kristiyano ay hinihimok ng Bibliya: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa na may kinalaman sa pakikiapid, kawalang-kalinisan, seksuwal na pagnanasa, nakasasakit na nasa, at kaimbutan.” (Colosas 3:5) Ang masturbasyon ay isang di-malinis na kaugalian na kailangang iwasan ng mga Kristiyano at mismong kabaligtaran ng ‘pagpatay sa seksuwal na pagnanasa.’ Sa kabaligtaran, ito’y napupukaw at napasisidhi nito. Kalimitan na, nagiging tunay ang pagnanasang iyon. Ang manunulat sa Bibliya na si Santiago ay nagpapaliwanag: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Kung magkagayon ang pagnanasa, kapag ito ay naglihi na, ay nagsisilang ng kasalanan.”—Santiago 1:14, 15.
Kung gayon, ano ang iyong maaaring gawin upang maihinto ang pag-iisip sa di-kasekso? Pakisuyong basahin ang susunod na artikulo sa seryeng ito.
[Mga talababa]
a Sa kabilang panig, ang manunulat na si Alvin Rosenbaum ay nagpapaalaala sa mga kabataan: “Ang damdamin at mga saloobin hinggil sa sekso ay may malawak na pagkakaiba-iba. Ang ilang tao ay para bang hindi makahinto sa pag-iisip tungkol sa sekso samantalang ang iba ay hindi man lamang nakadarama ng tungkol sa sekso. . . . Ang dalawang katugunan ay normal.” Sabi pa niya: “Ang bawat tao ay lumalaki sa iba’t ibang bilis.”
b Tingnan ang mga artikulo tungkol sa pangangarap nang gising sa Hulyo 8 at Hulyo 22, 1993, mga labas ng magasing ito.
[Blurb sa pahina 25]
“Ang romantiko o damdamin tungkol sa sekso ay maaaring maging napakasidhi”
[Larawan sa pahina 26]
Ang mga palabas sa telebisyon at mga anunsiyo sa magasin ay kalimitang nagpapalaganap ng masamang interes sa hindi kasekso