Binabago ng Mexico ang mga Batas Nito Tungkol sa Relihiyon
Binabago ng Mexico ang mga Batas Nito Tungkol sa Relihiyon
NOONG HULYO 16, 1992, ANG BAGONG BATAS TUNGKOL SA RELIHIYOSONG MGA SAMAHAN AT PANGMADLANG PAGSAMBA AY PINAGTIBAY SA MEXICO. BAKIT KAILANGAN ITO, AT ANO ANG IPINARARATING NG BAGONG BATAS NA ITO? ATING ALAMIN ANG BAGAY NA ITO NA PUMUKAW NG LABIS NA PAG-ASAM.
SA PAGSAKOP ng Espanya sa kung ano sa ngayo’y Mexico, ang relihiyong Katoliko ay sapilitang ipinatupad sa mga tao. Nang dumating ang panahon na isabatas ang relihiyosong mga bagay, isang batas sa Espanya, ang Constitución de Cádiz (1812), ay ikinapit sa bahagi; ang Artikulo 12 ay nagsasabi: “Ang relihiyon ng Bansang Kastila ay at magpakailanma’y mananatiling Katoliko, Apostoliko, Romano, ang isa at tanging tunay na relihiyon.” Nang maglaon, noong 1824, isang Konstitusyon ang itinatag para sa Mexico, at sabi nito: “Ang relihiyon ng Bansang Mexicano ay at magpakailanma’y mananatiling Katoliko, Apostoliko, Romano. Iniingatan ito ng Bansa sa pamamagitan ng matalino at makatarungang mga batas, at ipinagbabawal ang pagsasagawa ng anumang ibang relihiyon.” Bagaman nagkaroon ng ilang pagbabago sa batas ng bansa, gayunding idea ang ipinahayag kahit na noong 1843, binibigyan ng prayoridad ang relihiyong Katoliko at, sa katunayan, hindi pinahihintulutang pumasok ang anumang ibang relihiyon.
Noong 1857 na sinimulan ni Benito Juárez, isang estadistang Mexicano, ang isang pagbabago sa mga batas ng bansa na ipinakikilala ang tinatawag na Mga Batas ng Reporma. Ito’y upang “isabansâ ang mga pag-aari ng simbahan” at “palakasin ang pulitikal at pangkabuhayang kapangyarihan ng Estado at upang bawasan yaong sa Simbahang [Katoliko].” (Historia de México, Tomo 10, pahina 2182) Sa pangkat na ito ng mga batas ng 1859, ang Batas ng Pagsasabansâ ng Eklesyastikong mga Propyedad ay nilagdaan, gayundin ang batas na humihiling na ang mga kasal ay isagawa ng Estado upang ang mga ito ay maging legal. Noong 1860 ang Batas para sa Relihiyosong Kalayaan ay nilagdaan.
Ang mga batas ng reporma ay nagbibigay ng ilang relihiyosong kalayaan sa mga tao, nagtatakda na ang relihiyong Katoliko ay hindi na magiging ang tanging isang relihiyon na maaaring umiral sa bansa. Gayunman, ang bagong kalayaang ito ay lubhang limitado at may kondisyon. Kinilala ng mga batas ang mga relihiyong umiiral sa Mexico subalit hindi sila binigyan ng anumang legal na pagkilala o mga karapatan. Ang mga batas ng reporma ay dinisenyo lalo na upang takdaan ang relihiyong Katoliko subalit dahil dito natakdaan din ang lahat ng mga relihiyon sa bansa. Gayunpaman, mula noon ang mga relihiyon maliban sa Katolisismo ay maaaring kumilos na may higit na kalayaan, at sinimulan ng mga relihiyong Protestante mula sa Estados Unidos ang isang kampanya ng pag-eebanghelyo sa bansa.
Ang mga batas ng reporma ay pinagtibay noong 1917, na may gayunding antiklerigong espiritu, na naging sanhi ng pag-uusig sa mga pari at mga taong Katoliko. Ito’y humantong sa digmaang Cristeros noong 1926, isang digmaang Katoliko laban sa pamahalaan na isang pagsisikap upang kanselahin ang mahigpit na mga batas tungkol sa relihiyon. Ang digmaang ito ay nagwakas noong
1929 na may ilang kasunduan ng pagpapahintulot ng gobyerno, subalit ang mga batas ay nagpatuloy na walang pagbabago.Sa isang komentaryo tungkol sa mga batas na ito, ang aklat na Una Ley Para la Libertad Religiosa (Isang Batas Para sa Relihiyosong Kalayaan) ay bumabanggit: “Natatalos namin na dati-rati ang Artikulo 24 ng ating Konstitusyon sa ikalawang parapo nito, at sa iba pang binagong mga artikulo ng konstitusyon, ay maliwanag na isang paglabag sa relihiyosong kalayaan, yamang tinatakdaan nito ang panlabas na pagsasagawa ng relihiyon ng bawat indibiduwal at ipinasakop ang pagsasagawa ng relihiyon sa regulasyon na idinidikta ng awtoridad.
“Isa pa, ang konstitusyunal na mga pagpapasiyang ito ay maliwanag na salungat sa kung ano ang itinatag sa Universal Declaration of Human Rights ng United Nations (Artikulo 19) at sa American Convention of Human Rights (Artikulo 12), na internasyonal na mga instrumento na ipinatupad ng Estado ng Mexico.”
Noong 1988, nang simulan ng bagong pangulo ng Mexico ang kaniyang anim-na-taóng panunungkulan, ang herarkiya Katoliko ay inanyayahan sa pagtatalaga sa tungkulin sa pangulo. Sa kaniyang mensahe, ipinahayag ni Pangulong Carlos Salinas de Gortari ang pangangailangan na gawing moderno ang mga ugnayan sa pagitan ng Simbahan at ng Estado. Ang bagong pamamaraang ito ay umakay sa konklusyon na ang isang pagbabago ng mga batas na may kaugnayan sa relihiyon ay iniuutos. Isa pa, ang bansa ay umuunlad tungo sa isang mas demokratikong lipunan, at sinimulan ang mga negosasyon para sa isang malayang kasunduan sa pangangalakal sa Estados Unidos at Canada. Kaya mahalagang baguhin ang batas upang gawin itong kasuwato ng kalayaan sa relihiyon.
Ang Bagong Batas
Ang bagong batas, gaya ng binabanggit sa unang artikulo nito, ay “nakasalalay sa makasaysayang simulain na paghihiwalay ng Simbahan at ng Estado, gayundin ng kalayaan sa relihiyosong mga paniwala . . .” Ang ikalawang artikulo ay naggagarantiya ng kalayaan para sa indibiduwal na “magkaroon o magtaguyod ng relihiyosong mga paniwala na naiibigan at isinasagawa niya, nang maramihan o isahan, ang mga gawa ng pagsamba o mga ritwal na kaniyang nagugustuhan . . . , ipahayag ang hindi paniniwala sa relihiyon . . . , huwag maging tudlaan ng pagtatangi, pamumuwersa, o pagkapoot dahil sa relihiyosong mga paniwala ng isa . . . , upang makisama at mapayapang magtipun-tipong magkakasama para sa relihiyosong mga layunin.” Sa pamamagitan ng batas na ito, “ang mga relihiyon at relihiyosong mga grupo ay magkakaroon ng legal na katayuan bilang relihiyosong mga institusyon karaka-raka pagtanggap nila ng kaukulang hinihiling na rehistro sa Ministri ng Pamahalaan.” Gayundin, “ang relihiyosong mga institusyong natatag ayon sa kasalukuyang batas ay maaaring magkaroon ng kanilang sariling ari-arian na nagpapahintulot sa kanila na tuparin ang kanilang layunin.”
Legal na Nakarehistro ang mga Saksi ni Jehova
Kasuwato ng bagong batas na ito, ang mga Saksi ni Jehova sa Mexico ay nagharap ng isang aplikasyon
sa Tanggapan ng Relihiyosong mga Gawain noong Abril 13, 1993, upang marehistro bilang isang relihiyon. Bago niyan ang mga Saksi ni Jehova, gaya ng ibang relihiyon sa bansa, ay aktuwal na umiiral subalit hindi legal na kinikilala. Ang mga Saksi ni Jehova ay umiiral na sa bansa mula pa noong maagang ika-20 siglo. Bagaman walang legal na pagkilala, noong Hunyo 2, 1930, binigyan ng karapatan ng pamahalaan ng Mexico ang International Association of Bible Students. Noong Disyembre 20, 1932, ang pangalang ito ay binago tungo sa La Torre del Vigía (Ang Bantayan). Subalit noong 1943, dahil sa mga batas na nagtatakda sa relihiyosong mga gawain sa bansa, isang bagong pangalan ang inirehistro bilang isang samahang sibil. Sa ganitong paraan pinagpala ni Jehova ang gawain na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova sa buong panahon. Sa kasalukuyan, kasuwato ng isang dokumento na may petsang Mayo 7, 1993, na ipinadala sa kanila noong Mayo 31, 1993, ang mga Saksi ni Jehova ay nakarehistro bilang La Torre del Vigía, A. R., at Los Testigos de Jehová en México, A. R., kapuwa mga samahang relihiyoso.Sa ilalim ng bagong mga probisyong ito, ang mga Saksi ni Jehova sa Mexico, gaya sa 230 ibang lupain sa daigdig, ay patuloy na nagpapagal sa pangangaral ng Kaharian ng Diyos. May malaking programa ng paglawak sa Mexico, na kinabibilangan ng pagtatayo ng bagong mga Kingdom Hall at bagong mga Assembly Hall. May mahigit na 380,000 mamamahayag at mga 30,000 baguhan na nababautismuhan sa bawat taon, napakaraming gawaing gagawin, gaya ng ipinakikita sa 530,000 pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya na idinaraos sa kasalukuyan.
Hindi ito nangangahulugan na ang lahat ng problema ay nalutas na para sa mga Saksi ni Jehova sa Mexico. Kailangan pa ring harapin ng kanilang mga anak ang panggigipit sa paaralan dahil sa isyu ng neutralidad. Gayunman, sinisikap na ikapit ng mga awtoridad ang bagong batas sa isang makatarungang paraan sa pakikitungo sa iba-ibang relihiyon sa bansa. Ang Mexico ay tunay na gumawa ng malaking hakbang sa pagtatanggol sa mga karapatang pantao at relihiyosong kalayaan sa pamamagitan ng bagong batas tungkol sa relihiyon.
[Mga larawan sa pahina 13]
Mga dokumento ng pagpapatalâ ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico
[Larawan sa pahina 14]
Bagong sentro para sa edukasyon sa Bibliya na itinatayo ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico