Kung Saan Magkasamang Nakikinig at Natututo ang mga Magulang at mga Anak
Kung Saan Magkasamang Nakikinig at Natututo ang mga Magulang at mga Anak
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA HAPÓN
“BILANG isang dyanitoryal na kompanya, dapat kaming mahiya sa aming sarili, ngunit wari bang ito’y mas malinis nang kayo ang naglinis.” Ang taong namamahala sa dyanitoryal na kompanya para sa Fukuoka Dome Stadium, Hapón, ang nagsabi nito noong nakaraang tag-araw tungkol sa paghahanda na ginawa ng mga Saksi ni Jehova para sa kanilang “Banal na Pagtuturo” na Pandistritong Kombensiyon. Pinamahalaan din niya ang Tokyo Dome Stadium noong nakaraang taon nang ang “Mga Tagapagdala ng Liwanag” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova ay idinaos doon, at siya’y lubhang humanga. Sa pagtatapos ng mga kombensiyon, ang istadyum ay mas malinis kaysa rati bago ang kombensiyon. Sinabi pa niya: “Ang pag-uugali ng mga bata ay namumukod-tangi. Ang masasabi ko lamang ay: ‘Kahanga-hanga!’”
Noong nakaraang taon, ang “Banal na Pagtuturo” na Pandistritong Kombensiyon ay idinaos din sa Lungsod ng Takamatsu. Isang kalagitnaang-gulang na lalaki na nagmamasid sa mga delegado ng kombensiyon ang nagtanong sa kanila, “Kayo ba’y mga Kristiyano?” at saka nagpatuloy: “Nagkaroon din kayo ng kombensiyon noong nakaraang taon, di ba? Nasaan ang inyong mga anak kung panahon ng kombensiyon?” Nang sumagot ang mga delegado: “Sila’y nakikinig sa mga pahayag at nagbubukas ng kanilang sariling mga Bibliya na kasama ng kani-kanilang mga magulang,” sinabi ng lalaki: “Magaling! Nakikita ko kayo tuwing tag-araw at ako’y laging humahanga na ang inyong mga anak ay mababait.” Sinabi pa niya na bagaman marami siyang nababalitaan tungkol sa kawalan ng matagumpay na komunikasyon sa pagitan ng mga magulang at mga anak, masasabi niya mula sa pag-uugali ng mga anak ng mga Saksi ni Jehova na ang kaugnayang magulang-anak sa gitna nila ay napakahusay.
Isang guro sa mababang paaralan, na dumalo sa isang pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na idinaos sa Makuhari Messe noong nakaraang taon, ay namangha nang lubha sa saloobin ng mga bata sa dako ng kombensiyon. Sa paaralan, kung saan ang pag-aaral ay dapat na sumulong sa pamamagitan ng pakikinig ng mga estudyante sa pahayag ng iba, inaakala niyang ang mga bata ay ayaw makinig. Gayunman, kakaiba ang nakita niya sa kombensiyon. “Ang mga batang iyon ay matamang nakikinig sa loob ng mahabang panahon. At isa pa, hawak nila nang mahigpit sa kanilang mga kamay ang mga lapis at kumukuha ng mga nota, isinusulat nang wasto ang Haponés na mga karakter sa kabila ng pagsulat nila sa kanilang mga kandungan. Ang mga anak ng Saksi ay kakaiba sa ibang mga bata, kahit sa paaralan, sa kanilang paraan ng pagsasalita at pakikinig at sa kanilang pananamit at pag-aayos.” Saka idinagdag niya: “Sa palagay ko ito’y dahil sa kanilang pang-araw-araw na pagsasanay, sa kanilang pagpuri kay Jehova, at sa kanilang mga sambahayang gumagawang magkasama na nagkakaisa.”
Kung paano sinunod ng mga Israelita ang banal na kautusan na nagsasabing: “Pisanin mo ang bayan, ang mga lalaki at mga babae at mga bata . . . , upang sila’y makinig at upang sila’y matuto,” ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon, kapuwa ang matanda’t bata, mga lalaki’t babae, ay nagtitipong sama-sama at tumatanggap ng iisang turo. Ang kasulatan sa itaas ay nagpapatuloy, ibinibigay ang dahilan: “Sapagkat sila’y kailangang matakot kay Jehovang inyong Diyos at tuparin ang lahat ng salita ng kautusang ito.”—Deuteronomio 31:12.